Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Monday, February 3, 2014

Rak of Aegis: Nakakaaliw Subalit Kinulang sa Halik, Luha, at Ulan


SA gitna ng mga unos sa buhay katulad ng tila walang katapusang baha, pag-ibig ang siyang huling kakapitan ng lahat upang maisalba ang buhay at katinuan. Ito ang pinakamensahe ng Rak of Aegis, ang dulang pinanood namin ng mga estudyante ko noong Sabado, 1 Pebrero 2014, sa PETA Theater Center sa E. Rodriguez, Lungsod Quezon. Nag-enjoy ako at base sa ilang mga estudyante kong nakausap habang papalabas ng teatro ay nagustuhan rin nila. Sulit kumbaga ang aming bayad at ginugol na panahon para sa dulang ito.           
Maganda ang disenyo ng entablado ni Mio Infante. Gusto ko ang metapora ng mga bahay ng kalapati na sumasagisag sa mga barong-barong sa Barangay Venizia na siyang lunan ng kuwento. Ngunit sa tingin ko hindi na kailangang may literal pang tubig sa binabahang kalsada at magkaroon ng literal na dutsa para sa ulan. Puwede namang makita ang tubig sa pamamagitan ng ekspresyon ng mga artista. Kaya naman ng manonood na imadyinin ito. Sana hindi rin isang bangka ang ginamit kundi isang tagpi-tagping istayropor na ginawang balsa. Para kasing Phantom of the Opera ang dating ng bangka nila.
Maganda ang disenyo ng mga damit ni Carlo Villafuerte Pagunaling at ang disenyo ng mga sapatos ni Maco Custodio. Spectacular ang mga ito na isa sa mga mahalagang salik ng teatro ayon kay Aristoteles.
Napapatingkad ang magandang entablado, damit, at sapatos na angkop at timpladong disenyong ilaw ni Jonjon Villareal. May mga pagkakataong mistulang isang peynting ang entablado na kay lamig sa mga mata at tumatagos hanggang kaluluwa.
Ang pinakamalakas na panghalinang alindog ng Rak of Aegis ay ang magagaling na artista at mang-aawit. Kahit na medyo kulang pagdating sa pag-arte sa entablado si Aicelle Santos bilang bidang si Aileen na gustong mag-uplaod ng pagkanta niya sa YouTube upang ma-discover siya ni Ellen Degeneres at sumikat para maiahon ang pamilya mula sa literal na baha ng kahirapan, bumabawi naman siya sa galing niya sa pag-awit. Siyempre, walang kupas ang mag-asawang Isay Alvarez at Robert Seña. Parang mahirap imadyinin na hindi sila ang gumaganap ng kanilang papel sa dulang ito. Magaling din sina Kakai Bautista, Poppert Bernadas, at Juliene Mendoza. Nakakainlab si Jerald Napoles (I’m sure hindi siya anak ni Janet Napoles!) sa kaniyang papel bilang boatman. Wazak bilang baklitang si Jewel si Phi Palmos lalo na sa doble-karang rendisyon niya ng “Sinta.” Kung wala ang production number na ito ay talagang hahanapin ko.
Samakatwid, isang bonggang handog sa paningin at pandinig ang Rak of Aegis. Ang problema ay ang iskrip. Masyado itong mahaba at madaldal. Inabot ito ng tatlong oras na maaari lang namang maging dalawang oras sana at mas naging matingkad ang dating.           
Sa poster nitong dula may subtitle ang pamagat na “A Musical Featuring the Songs of Aegis.” Hindi musical ang Rak of Aegis. Isa itong modernong sarsuwela na salitan ang mga eksenang binibigkas at inaawit.  Ang musical tulad ng Miss Saigon, Les Miserables, at Rent ay minimal ang mga binibigkas na diyalogo. Isang magandang porma rin ng dula ang sarsuwela kung tama ang pagkagawa nito. Masyadong madaldal ang Rak of Aegis para sa isang musical.
Nakakabato ang mga mahabang diyalogo. Dapat iniklian na sana tutal ang dinadakdak naman nila ay iyon din ang nilalaman ng kakantahin nila. Sana pinagkatiwalaan na lamang ni Magtoto ang birtud ng mga awitin ng Aegis. Nagawa ito halimbawa sa dula at pelikulang Mama Mia na mga awitin naman ng ABBA ang ginamit o kaya sa pelikulang I Do Bidoo Bidoo: Heto nApo Sila! na ang ginamit naman ay mga awitin ng Apo Hiking Society.
Ayaw ko rin sa mga kanta sa dula na hindi naman sa Aegis. Lalong ayaw ko sa mga awitin ng Aegis na pinalitan ang lyrics upang pandagdag sa madadal na diyalogo. Napakahalagang salik kasi ang lyrics sa awitin ng Aegis kaya hindi dapat ito pinakialaman.
Hindi masyadong na-build up ang climax ng kuwento—ang pagkawala ng baha sa araw ng highly publicized nilang konsiyerto na gagawin sa gitna ng baha. Masyado nga kasing maraming daldal lalo sa eksenang ito. Dapat natapos na talaga ang dula sa huling kanta nang nagpatawaran na ang mga karakter. Sinira ito ng video clips tungkol sa tagumpay ng pina-level up nilang negosyong sapatos. Implied na kasi ito at sana nagtiwala na sila sa kakayahan ng mga manonood na mag-isip. Masyado na kasi itong spoon-feeding o stressing the obvious na.
Dapat hindi na rin tumawag pa si Ellen Degeneres kay Aileen na naging katuparan ng kaniyang pangarap. Nahulog kasi ang dula sa bitag ng baduy na American Dream ng maraming alagad ng sining sa ating bansa. Mapamang-aawit man, pintor, o manunulat, nagkukumahog silang mag-aral, magka-fellowship, magtanghal o maglathala sa Amerika upang maniwala silang sila ay “world class” na. Ilang Pinoy artist na ba ang lumabas sa TV show nina Degeneres at Oprah Winfrey? Ano na ang nangyari sa kanila ngayon? Nasaan na sila kung totoong may mahika ang imprimatur nitong dalawang TV show host na Amerikana? Bakit ang Aegis, wala namang international pretention na ganito ay minahal ng madla ang kanilang mga awitin? Kasi Filipinong-Filipino sila hindi lamang sa wika kundi lalo na sa sensibilidad at estilo. Inaawit nila ang ligaya at kabiguan nating mga Filipino. Ang tatak Filipinong ito ang panlaban nila sa internasyonal na arena. Kaya naging klasiko ang Aegis at hindi na sila malalaos tulad ng Asin at Apo Hiking Society. Bago mangarap mag-international, mag-local muna. Di ba nga, it’s more fun in the Philippines? Matagal na tayong hindi kolonisado kaya palayain naman natin ang ating Pinoy na kaluluwa bilang alagad ng sining mula sa kolonyal na pag-iisip kung may time.
Nakakaaliw panoorin ang Rak of Aegis kaya lamang kinulang ito sa halik—sa mainit at mas malalim na kuwento. Dapat pinahirapan pa ang mga karakter at ginawang mas kumplikado ang kanilang buhay. Halos mga cardboard character lamang kasi sila. Hindi klaro ang kuwento ng bawat isa sa kanila. Kinulang din ito sa luha—sa matinding drama na inaasahan sa isang sarsuwela. At kinulang din sa ulan—sa mas kumplikadong kuwento ng tunggalian ng mga puwersa sa lipunang Filipino sa kasalukuyan sa personal at politikal na buhay nga mga karakter na siyang inaasahan sa isang dulang may tatak PETA.
Panghuli, hindi angkop ang pamagat na Rak of Aegis. Halos wala itong kinalaman sa kuwento bukod siyempre na ginamit ang mga awitin ng Aegis. Pero hanggang doon lang iyon. Wala itong inihahandog na metapora. Ni hindi nga nabanggit ang katagang “Aegis” sa dula. Sana gumamit ng pamagat na may hulagway tulad halimbawa ng  “halik,” “luha,” “ulan,” o “baha” na matatagpuan sa mga awiting Aegis. Bakit hindi “Basang-Basa sa Ulan” na pasok bilang metapora sa kabiguan sa pag-ibig ng mga bidang karakter at sa pagkasadlak ng isang barangay sa tila walang katapusang baha? “Heto ako basang-basa sa ulan / walang masisilungan / walang malalapitan!” paulit-ulit ng isang linya. Marami talagang posibilidad ang mga kanta ng Aegis. Ang kagandahan sa isang dula, maaari pa itong ayusin ng mandudula, direktor, at iba pang kasali sa produksiyon para sa mga susunod na pagtatanghal.

[3 Pebrero 2014
Lungsod Pasig]

Wednesday, January 22, 2014

Sabwatang IPP-MERALCO-ERB


Ilabas ang mga baril at bomba ng protesta!
Putulin at pulbusin ang pusod ng mga kapitalista! 
Puno na ang salop ng bayang palaging inaalipusta!

Masagana ang negosyo ng mga lahi-demonyo
Esep-esep sila palagi kung paano gatasan ang publiko.
Rurok ng pagiging adik sa pilak at ginto
Ang namana nila sa mga hudas na ninuno.
Lasing sila sa kalansing ng dinidiyos na pera
Cola sa kanilang lalamunan ang dugo’t pawis ng masa.
O, kalangitan kung may tenga ka’t mata kuryentehin mo sila!

Espiritung madilim ng pagiging gahaman
Rumaragasa sa kanilang bulok na katauhan.
Buwisit ang sabwatang IPP, MERALCO, at ERB!


-JOHN IREMIL E. TEODORO
 21 Enero 2014 Martes
 9:56 n.g. Rosario, Pasig

Wednesday, January 8, 2014

Triple X at si Arsobispo Oscar Cruz


MAY bago na namang pasabog si Atty. Ferdinand Topacio, ang matalinong abogado ng mga Arroyo. Mayroon daw “Triple X,” alyansa ng tatlong ex president, kaya daw “X” (Oh, how witty and sublime! Di ko na-gets agad. How dense naman is me.), na sina Fidel Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal Arroyo para mag-endorse ng tatakbong presidente ng Filipinas sa eleksiyon 2016. Ang dalawang X na lalaki ay bumisita kay X na babae sa kaniyang kulungang ginto sa VMMC nitong Nobyembre at Disyembre.
Pinipigilan kong ngumiti habang sinusulat ang sanaysay na ititch. Paano, nalala ko ang sinabi noon ng matalinong abogada ni Gloria na si Atty. Elena Bautista-Horn na “Oplan Put the Little Girl to Sleep.” Isa umano itong plano ng pag-assassinate sa naka-hospital arrest na noong si Gloria. Ngayon, “Triple X” na naman. Napaka-creative naman nilang mag-isip ng mga pangalan ng oplan at samahan. Kung estudyante ko sila sa malikhaing pagsulat, tiyak 5.0 (kung sa Miriam College ko sila estudyante) o 4.0 (kung sa La Salle), ang pinakamataas na grado, ang ibibigay ko sa kanila. Hindi ko na iko-copmpute ang grades.
Ayon kay Atty. Topacio kanina sa 24 Oras, ang paborito kong news cast sa prime time TV, iisa lang naman daw ang reklamo ng Triple X sa pamamahala ni PNoy ngayon—hindi raw ito decisive. Hindi decisive saan si Papa PNoy? Sa pagnanakaw? Sa pandarambong? Sa pagsisinungaling? Sa pandaraya? Sa pang-e-echus ng mga Filipino? Bilib din naman ako ha. May comment talaga sila ha.
Henewey, gin-deny na ni Erap itong Alyansang Triple X. Wala raw bahid politika ang kaniyang pagbisita kay Gloria. Wala pa namang reaksiyon si Ramos. At dahil abogado niya ang nagsabi nito on national TV, I assume alam ni Gloria na kasama siya sa Triple X? In fairness naman kay Atty. Topacio, sa pagkakuwento niya nitong Alyansang Triple X sa TV, para bang narinig niya lamang mula sa kung sino ang haka-hakang ito at hindi talaga nanggagaling sa kanilang kampo. Mga supporter daw ng Triple X ang sumusulong nito.
Ngayon, pinipigilan ko na ang tumawa. Paano, naiisip ko, sino kaya ang i-endorse ng Triple X (assuming na totoo ang samahang ito) sa 2016? Si Bong Revilla? Si Jinggoy Estrada? Si Gibo Teodoro na ayon sa ilusyon ng Tatay ko ay kamag-anak namin? Ngunit kasama sa inireklamo sa Ombudsman ngayon sina Revilla at ang batang Estrada dahil sa PDAF Scam. Si Teodoro naman, biglang binitiwan noon ni Gloria nang makita nitong wala nang pag-asang manalo sa pagkapresidente. Nalaos tuloy bigla itong Tito Gibo ko (Kamag-anak nga namin di ba?). Marami ang nagsasabing talagang matalino at matinong tao sana itong Tito ko. Bar topnotcher ito. And not to mention na guwapo siya ha. Kaya lang identified kay Gloria kaya ayaw daw iboto ng mga tao. Ayaw ko namang maniwala rito. Gusto ni Gloria, ayaw ng mga tao? Puwede ba ‘yun? Kung si FPJ nga tinalo ni Gloria sa isang malinis na halalan, bakit di niya maipanalo ang Tito ko? What Gloria wants, Gloria gets.  Di vah, Garci? Hello, Garci? Are you there Garci baby? Bebe koh?
Hmm… Bakit hindi na lamang i-endorse ng Triple X si Bise Presidente Jejomar Binay? Ang galing kasing mag-epal nito at mukhang (mukha lang...) siguradong mananalo. O kaya si Senador Chiz Escudero dahil mukhang in love na in love na sa kaniya si Heart Evangelista na parang biglang nalaos nang naging girlfriend niya? E, ano kung anti-Gloria si Chiz noon? Ayon nga sa isang lumang kasabihang Filipino, “Sa showbiz, just like in politics, there are no permanent friends and enemies so you can never can tell.”
O para mas bongga, bakit hindi na lamang si Bong Bong Marcos? Tutal, parang last year pa, handa na siya. Anak siya ng isa pang dakilang ex-president. So, hindi lang ito Triple X kundi Quadruple X pa! Di vah? O kung ayaw ni Bong Bong magpa-endorse sa kanila, baka puwede si Mayor Romualdez ng Tacloban na cousin niya? Mas guwapo ito kaysa kay Mar Roxas. Pareho nga lang sila ng IQ at EQ.
Pinipigilan ko nang humalakhak ngayon…Naiimadyin ko na kung sino man ang i-endorse ng Triple X ay tiyak kong iboboto talaga ng lahat ng mga Filipino kahit ng mga hindi rehistrado. Naiimadyin ko nga, baka mas mataas pa ang botong makukuha nito kaysa kina Erap at PNoy. Ang i-endorse ng Triple X ay talagang magkakaroon ng overwhelming mandate, ika nga. Vaket? Dahil tunay na mga respetadong ex-president sina Ramos, Estrada, at Gloria. Kung kredibilidad lang din naman ang pag-uusapan, walang kabahid-bahid itong Triple X. In fact, modelo talaga sila ng good governance at statesmanship. Ang Triple X na ito ay epitome ng mahusay na presidenteng kailangang-kailangan sa loob man o labas ng bayan nating sawi!
Kung mananalo, at tiyak na tiyak ito, ang manok ng Triple X, may I suggest na si Atty. Topacio ang gawing Spokesperson sa Malacañang? Puwede silang magtandem ni Atty. Horn. Gusto ko silang mapanood sa TV araw-araw dahil primera klase silang mag-isip at magsalita. As in, brilliant! Whrrr! Nganga ang nakikinig.
At siyempre, gawin dapat “Spiritual Adviser Emeritus Santus Dominos Isprikitik Amen” ni Presidente X (Ito muna ang itawag natin sa i-endorse ng Triple X) si Arsobispo Oscar Cruz. Kasama sa Balitang Triple X ang pagbisita nitong Arsobispo kay Gloria. Sinabi nito sa 24 Oras na pini-“persecute” daw ni PNoy si Gloria dahil walang Sona itong anak ni Tita Cory na hindi nilalait si Gloria na anak ng “The Poor Man from Lubao” na naging mayaman pagkatapos maging presidente ng isang mahirap na bansa.
Actually, naiintindihan ko itong retiradong Arsobispo. In fact, come to think of it, kung susundan natin ang lohika nitong makadiyos, makakatotohanan at makakatarungang si Arsobispo Cruz, dapat hayaan na lamang natin si Gloria. Kawawa naman kasi siya, ikinulong ng Pamahalaang PNoy sa isang Presidential Suite sa ospital imbes na sa isang city jail. Pauwiin na natin siya sa magarang bahay niya sa La Vista. Iurong na dapat ang lahat ng mga kaso niya. Kalimutan na natin ang pandarambong niya, pati ang pandaraya niya sa mga eleksiyon. Gawin natin ito para maging makatao tayo. Samakatwid, dedma na. Forgive and forget kumbaga na parang pelikula ni Sharon Cuneta. Patawarin na natin si Gloria dahil ito ang makatarungan. Katarungan para kay Ka Gloria! ang bagong sigaw ni Sister Stella L. na ang gumanap ay si Velma Santos.
Nagtataka talaga ako kung bakit hindi ginawang Cardinal itong si Arsobispo Cruz.  This is so unfair! Siya ang pinakamatalinong arsobispo sa ating arkipelagong paborito ng mga lindol at bagyo. But who says that life is fair henewey? Sayang kasi talaga ang kaniyang wisdom, pagiging compassionate, at pagiging banal. Imagine, dinalaw niya si Gloria sa kulungang ginto nito? How can you be more compassionate than that, ateng? Malaking kawalan talaga siya sa Vatican at sa lahat ng mga Katoliko sa buong sanlibutan. Ang mga katulad niya dapat ang nagiging Santo Papa. Sayang na sayang talaga. Retirado na siya.
Hanggang ngayon, pinipigilan ko pa rin ang ngumiti. Triple X pala ha… Si Arsobispo Cruz bilang Santo Papa…

[6 Enero 2014 Lunes
Rosario, Lungsod Pasig]

Reaksiyon sa isang Arsobispo at isang Pari


MAY isang  balita at isang kolum na nakaiirita akong nabasa sa Philippine Daily Inquirer, ang paborito kong diyaryo, ngayong araw [5 Enero 2014].
Sa pahina A16, may balita tungkol sa mga dumalaw kay Gloria sa “kulungan” niya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Lungsod Quezon. Kahapon ng umaga, binisita siya ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz. Nakakapagpataas ng kilay di ba? Isa si Arsobispo Cruz sa mga maingay na kritiko ni Gloria noon. Why the sudden change of heart? Ayaw ko namang sabihing nakikipagplastikan lang itong bungangerong arsobispo.
Ayon kay Arsobispo Cruz, bumisita raw siya kay Gloria upang hilingin ang pang-unawa nito sa pagiging matinding kritiko niya noon. Heto ang quote ng Inquirer: “I told her I’m sorry if I hurt you but I had to speak. I could not play deaf, dumb and blind… I went there to seek her understanding as far as my observations against her were concerned because during her tenure I spoke out against some of the things that were being done and she knows that.” At heto ang pamatay, “She never said anything bad against me. I also stopped talking against her as soon as she was brought to prison, because when somebody is down, you don’t step on that person.”
Vungga ang arsobispo. So dahil hindi siya nilait ni Gloria kaya friends na sila. Hindi na rin niya nilalait si Gloria dahil lugmok na daw ito. Hello! Naka-hospital arrest siya sa presidential suite ng VMMC. Di ba pinaayos pa nga nila ang banyo bago dalhin doon si Gloria mula sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City na ang kuwarto niya roon ay tag-PhP50,000 a day? Samakatwid, hindi lugmok si Gloria gaya ng gustong palabasin ng Arsobispo Cruz.
Kung muling babasahin ang sinabi nitong arsobispo, halatang si PNoy ang pinariringgan niya. Binabanggit pa rin kasi ni PNoy sa ilang mga talumputi niya ang mga kabulastugan ni Gloria. Sinasabi ngayon ni Arsobispo Cruz na wala namang sinasabi si Gloria laban kay PNoy kaya hindi na dapat nilalait ni PNoy si Gloria. Kaloka!
Ang mga katulad ni Arsobispo Cruz ang sumisira sa Simbahang Katoliko sa Filipinas. Pakiramdam kasi niya mas banal pa siya kaysa Santo Papa. At least si Pope Francis hindi na takot sa condom at sa ideya ng same sex marriage. Dahil sinuportahan ni PNoy ang RH Bill, galit na galit itong arsobispo. Kaya sa mga pagdadakdak niya sa TV (At mahilig siyang magpa-interview), parang wala nang nagagawang matino si PNoy. Kaya mas gusto ni Arsobispo Cruz si Gloria dahil si Gloria, trapo kung kaya pinagbibigyan ang mga obispo. Nililigawan kasi palagi ni Gloria ang Simbahang Katoliko at ang iba pang mga relihiyon at sekta tulad ng Iglesia ni Kristo at El Shaddai. Kaya nga di ba nagkaroon pa ng eskandalo tungkol sa mga obispong binigyan ni Gloria ng mga sasakyan?
Bukod sa pagiging mandarambong, kinurap ni Gloria ang lahat ng institusyon ng bansa tulad ng Korte Suprema (remember Corona?), kultura at sining (remember Caparas and Guidote-Alvarez?), at ang Simbahang Katoliko kaya may mga “’Pajero’ Bishop.” Ito ang nakakalimutan ni Arsobispo Cruz dahil lamang sa naging batas ang RH Bill.
Oo nga naman, tao pa rin si Gloria at may kaluluwa pa naman na puwedeng isalba ni Arsobispo Cruz. Pero bakit sasabihin pa niyang lugmok na si Gloria? Bakit? Inamin na ba ni Gloria ang mga kabulastugan niya? Siguro kung aaminin na ni Gloria na mandarambong, mandaraya, at sinungaling siya, baka kakayanin ko na ring maging compassionate sa kaniya. Baka hindi ko na rin siya lalaitin. Pero hindi, e. Patay-malisya pa rin itong nagmamalinis. Hindi raw talaga siya nagnakaw. Parang linya lang nina Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada. O parang si Napoles na wala raw alam tungkol sa Pork Barrel Scam. Sabi nga ni San Agustin, katarungan ang sandigan ng kapayaan.
Ang kolum naman na nakapagpataas ng kilay ko ngayong araw ay kay Fr. Jerry M. Orbos, SVD na nasa pahina A10. Heto ang sabi niya, “Jan. 9 is the Feast of the Black Nazarene in Quiapo. A lot of things have been said and can be said about this religious phenomenon, but the bottom line is that observers are different from participants. Remember, Herod stayed put, while the Magi went out to search. May we learn to see people more with respect, understanding and compassion.”
Nasulat ko na noon na kasalanan ng mga obispo at pari ang pagkakaroon ng maraming nasasaktan at ilang namamatay dahil sa halos paganong pista ng Itim na Nazareno. Hindi kasi ini-educate ng mga pari na OA at over na ang ganitong uri ng debosyon. Nagtutulakan, nagtatapakan, at naninira ng mga pampublikong istruktura ang milyon-milyong deboto na para bang nasasapian na sila ng demonyo. Binabastos nga nila ang misa sa Quirino Grandstand. Last year, komunyon pa lang, sinira na nila ang mga harang na bakal sa altar dahil atat na atat na silang magprusisyon na ang Poon. Hindi sila sinasaway ng mga pari, lalo ng kura paroko ng Quiapo. Parang hindi ko narinig ang mga pari at obispo na nagpa-interview sa TV upang sabihin na mali ito. Vaket?  Kasi nga ginagawang negosyo ng Simbahang Katoliko ang Itim na Nazareno. Remember? Dinadala pa ng mga pari itong rebolto sa bahay ni Napoles kasi bongga ito mag-donate sa simbahan ng mga perang nakuha niya sa scam!
Mali ang analogy ni Fr. Orbos. Inihambing niya kay Herodes ang mga tulad ko na nahihindik sa subhuman at paganong selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno, at inihambing naman niya sa Tatlong Hari, actually, tatlong iskolar o maaram o matatalinong tao, ang mga deboto. Hello! Si Herodes insecure sa Batang Hari na si Hesus at gusto pa nga niyang ipapatay. Ang Tatlong Hari naman, mga matatalinong tao ito at hindi naman sila nantulak, nantapak, at nanadyak makahipo lang sa rebolto ni Hesus.
Mistulang walang ipinagkaiba ang mga obispo at pari ngayon sa mga prayle noong panahon ni Jose Rizal. Buti na lang nandiyan si Cardinal Tagle dahil kung wala, sasabihin kong hindi nag-evolve ever ang Simbahang Katoliko mula noong panahon ng Kastila hanggang sa panahon ng mga kurap na presidente tulad ni Gloria. Sasabihin ko sana na mula noon hanggang ngayon, pinagkikitahan pa rin ng Simbahang Katoliko ang katangahan ng mga deboto na sinasadya nilang huwag i-educate para lalo pa nilang mauto.     
Matino na ang Santo Papang nakaupo sa Vatican ngayon. Kailan kaya magiging matino ang mga pari at obispo rito sa Filipinas? Kasi kung hindi sila magtitino ngayon, as in now na, tiyak na malapit na ang panahong maging irrelevant ang Katolisismo sa ating bansa lalo na ngayong unti-unti nang nagpa-function nang maayos ang pamahalaan. Sa isang maayos na bansa kasi, hindi naman talaga kailangan ang relihiyon na siyang "opyo ng masa."Ang isang penomenon tulad ng weird na debosyon sa Itim na Nazareno ay isang uri ng droga na nagpapa-high sa mga kababayan nating matagal nang hikahos sa buhay. Ang paghihikahos na ito ang ini-exploit ng Simbahang Katoliko dito sa Filipinas.

[5 Enero 2013 Domingo
Rosario, Lungsod Pasig]

Saturday, January 4, 2014

Wish Para 2014: Ipagbawal na ang Fireworks at Firecrackers

AYON sa Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH) tumaas ang bilang ng mga nasugatan dahil sa iba’t ibang mga paputok sa pagtatapos ng 2013 at sa pagsalubong ng 2014. Sa kabila ito ng pinaigting na kampanya laban sa mga paputok at sa pagpapaputok ng mga baril sa pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa talaan ng Jose Reyes Memorial Medical Center sa Lungsod Manila mayroon na silang 91 na mga pasyenteng biktima ng mga paputok ngayong Enero 1, 2014. Nalampasan na nito ang bilang noong nakaraang taon na 89 katao.  Hanggang Enero 5 pa raw ang countdown nila at tiyak na tataas pa ang bilang na ito. Marami sa mga biktima ay bata. Ang culprit na paputok ay ang piccolo na matagal nang dineklarang iligal ngunit ibinebenta pa rin na parang kendi sa mga bangketa at sari-sari store.    

Sa East Avenue Medical Center sa Lungsod Quezon, mayroong isinugod na 18 biktima ng piccolo, lima ng five star, at anim ng iba pang uri ng paputok. May mga naputulan ng daliri at kamay.

Sa datus ng DOH umabot na sa 559 ang mga biktima ngayong pagsapit ng 2014. Tumaas ito ng 43% kumpara noong pagsapit ng 2013. Ang mabuting balita lang daw sa taong ito, bumaba ang bilang ng mga batang biktima at hindi ganoon katindi ang mga pinsala ng naputukan at nasabugan.

Dagdag sa mga biktima ng paputok ay ang mga inaatake ng hika dahil sa polusyon sa hangin. Nakakahika ang paglanghap ng abo at usok ng pulbura sa hangin na iniiwan ng mga paputok at nakakapasok ito sa loob ng bahay. Samakatwid, kahit hindi lalabas ang isang may hika ay maaari pa rin itong makalanghap ng maruming hangin at atakehin ng hika na siyempre hindi kagandahang pagsalubong ng Bagong Taon.

Sa bilang ng PNP, sa pagsalubong ng taong 2013 ay may dalawang biktima ng ligaw na bala. Ngayon namang pagsalubong ng 2014, mayroong 22 biktima magmula noong Disyembre 16. Isang sanggol sa Ilocos Sur ang namatay dahil sa tama sa ulo ng ligaw na bala. Namatay din noong 2013  ang batang si Nicole nang matamaan ito ng ligaw na bala sa Lungsod Caloocan. Kaya kami rito sa bahay ko sa Rosario, Pasig ay hindi lumabas habang nagpuputukan. Wala munang umakyat sa amin sa second floor at pumunta sa kusina dahil nakakalusot ang mga ligaw na bala sa yerong bubong at kisame na plywood. Nasa sala lamang kami at nakiki-New Year countdown sa isang programa sa telebisyon. Simento kasi ang sahig namin sa second floor at ang sala ang pinaka-safe na bahagi ng maliit naming bahay laban sa mga ligaw na bala.

Makapal uli ang smog ngayong unang araw ng 2014. Ang smog ay ang maruming hangin na hindi makaakyat sa himpapawid dahil sa malamig na klima. Hamog din daw ito na may halong usok. Ayon sa isang pulmonologist, kapag Bagong Taon daw, nagiging triple ang polusyon sa hangin sa Metro Manila dahil sa mga paputok kaya mas marami ang inaatake ng hika. Ang payo niya, kapag ganitong may smog pa, huwag munang lumabas ng bahay ang mga hikain. Hindi rin niya inirerekomenda ang pag-walking o pag-jogging sa labas.

Sa paligid ng bahay at sa maliit kong hardin ay may maraming nakakalat na mga ugat ng kuwitis at balat ng mga paputok. Ilang beses kaming nagwalis ng Tita ko subalit kapag humahangin ay muling naglalaglagan mula sa aming bubong at sa bubong ng mga kapitbahay namin ang mga gutay-gutay na pabalat ng mga paputok. Paglabas ko ng kalsada ay ganito rin ang sitwasyon. Nagkalat ang mga basura. Nagsisimula tayo sa taon na lumalangoy sa basura.

Samakatwid, puro kagagawan ng tao o humanmade na kamalasan ang pagdiriwang natin ng Bagong Taon. Sa halip na bugawin o tabugin natin ang kamalasan sa pagpasok ng Bagong Taon sa pamamagitan ng pagpapaputok ng libentador at baril, lalo pa natin itong iniimbitahan dahil may mga nasusugatan, napuputulan ng kamay, at namamatay dahil sa mga pagpuputok na ito. Lalo rin nating dinudumihan ang hangin at kapaligiran. Anong suwerte ang inaasahan natin kapag ganito? Kung mayroon man, sigurado akong hindi pangmatagalan. Sa pagpapaputok, mas maraming kamalasan tayong dinadala sa ating sarili kaysa pinapaalis.

Bawal na sa ating batas ang pagpapaputok ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon at lalo namang labag na sa batas ang indiscriminate firing sa buong taon. Ang dapat ipagbawal ngayon ay ang lahat ng mga uri ng fireworks at firecrackers. Siguro sapat na ang mga kahindik-hindik na estadistika ng PNP at DOH kada Bagong Taon upang gumawa na ng batas  ang Kongreso hinggil dito.

Dapat siguro Metro Manila ang mangunguna sa pagkampaya laban sa mga paputok tuwing Bagong Taon dahil kalahati ng mga biktima, ayon sa DOH, ay mga taga-Metro Manila. Ayon sa balita mukhang isusulong na talaga ito ng DOH at suportado raw ito ng Malacañang. Napakagandang balita nito kung magkagayon.

Maaaring sabihin ng ilan na papatayin ng batas na ito ang isang industriya. Maraming mawawalan ng hanapbuhay ang maraming pamilya sa mga lugar tulad ng maraming bayan sa Bulacan at distrito ng Villa de Arevalo sa Lungsod Iloilo. Dapat siyempre isama sa batas kung ano ang maaaring maging alternatibong hanapbuhay para sa mga maaapektuhan. Isang hanapbuhay na mas ligtas para sa kanila at para sa mga tumatangkilik sa kahindik-hindik nilang mga produkto.

Kung tutuusin, ang mahihirap ang kadalasang biktima ng mga paputok na ito. Palagi ring mahihirap ang natatamaan ng mga ligaw na bala. Kung mayroon mang mayayaman na nadidisgrasya ng mga paputok at ligaw na bala ay siguro hindi nababalita dahil wala namang nagko-cover na midya sa mga sosyal na hospital gaya ng The Medical City at St. Luke’s Medical Center.

Isa pa, marami sa mga mayaman sa Metro Manila, pumupunta sa kanilang mga rest house o ancestral house sa probinsiya. Kung magpapaputok man sila, may mga dukha silang tauhan na gagawa nito para sa kanila. Ang iba naman na sobra-sobra ang pera, sa ibang bansa nagdidiriwang ng Bagong Taon. Kung kaya, ang batas na magbabawal sa mga paputok ay isang pro-poor na batas. Mas marami ang makikinabang.

Ayon sa balita sa telebisyon, wala raw balak ang Kongreso na gumawa ng batas upang ipagbawal ang  fireworks at firecrackers. Bakit? Kailangan nilang ipaliwanag ito. Kung panganib at disgrasya ng mga paputok ang pag-usapan, hindi na nga nila kailangang magsagawa pa ng “inquiry in aid of legislation” dahil hayag na hayag na ang mga ito. Siguro naman maaari nilang iugnay ang batas na ito sa Clean Air Act saka sa proteksiyon sa karapatan ng kabataan. Kabataan ang walang kalaban-labang nabibiktima ng mga paputok.

Bakit hindi gayahin ng buong Filipinas ang Lungsod Davao? Bawal ang mga paputok doon. Kagabi, nalampasan nga nila ang rekord ng Japan sa sabay-sabay na pagtorotot. Sa panguguna ng kanilang meyor, ang sikat at kontrobersiyal na si Meyor Duterte, umabot ang bilang nila sa 7,568 na mga taong sabay-sabay na nagtorotot bilang pagsalubong sa Bagong Taon. Walang nasugatan sa mga taong ito at hindi pa sila nakalikha ng matinding polusyon sa hangin.  

Maaari ding sabihin ng ilan na ang batas nga hinggil sa pagbabawal ng pagpapaputok ng baril ay hindi nasusunod, ang batas pa kaya laban sa paggamit ng fireworks and firecrackers? Hindi ito kasalanan ng batas. Trabaho ng pulisya at ng lokal na pamahalaan ang pagpapatupad ng mga batas. Kailangan din ng suporta ng buong komunidad. Tayo mga mamamayan ang nagkulang at hindi ang batas.

Tatlo lamang ang nakikita kong dahilan kung bakit ang isang senador o ang isang kongresista ay ayaw sumuporta sa isang batas na magbabawal sa lahat ng uri ng mga paputok sa bansa: 1. Sobrang bobo niya at walang kakayahang mag-isip o simpleng utak-pulbura; 2. Walang pakialam, period; at 3. Tumatanggap ng lobby money mula sa mga yumaman dahil sa negosyong mapaminsalang paputok.
  

[1 Enero 2014 Miyerkoles
Rosario, Lungsod Pasig]  

Wednesday, October 16, 2013

Animo La Salle!


SA unang pagkakataon noong Sabado nanood ako ng UAAP sa telebisyon. Championship game kasi sa pagitan ng Green Archers ng De La Salle University-Manila at ng Growling Tigers ng University of Santo Tomas. Siyempre dahil nag-aral (at hanggang ngayon nag-aaral pa rin) ako sa La Salle at nagtuturo din ako rito kapag ipinapahintulot ng iskedyul ko sa Miriam College ay awtomatikong nag-cheer ako para sa Green Archers.
Habulan ang iskor. Patapos na ang laro nang manood ako kaya mainit na mainit na ang laban. Na-stress ako bigla. Akala ko matatalo na talaga ang La Salle subalit nag-extend pa ang laro ng limang minuto. Nanalo ang La Salle at kasabay nito ay feeling ko nanalo rin ako.                
Feeling lang kasi wala naman talaga akong pakialam sa UAAP. Naalala ko noong 1995 nang mag-umpisa akong mag-aral ng M.F.A. in Creative Writing sa La Salle. Nang magdasal kami sa pag-umpisa ng klase namin sa Fiction Writing sinabi ng aming guro, ang premyadong nobelistang si B.S. Medina, Jr., na ipagdasal namin ang Green Archer dahil may laro sila nang araw na iyon. Nagulat ako sa reaksiyon ng tatlong kaklase ko, “Ay, no Sir! Ayaw namin. UST ang ipagdadasal namin,” sabi nina Roel Hoang Manipon, Nonon Carandang, at Lester Hallig. Pawang mga gradweyt ng Journalism sa UST. “Okay, let’s pray for both teams,” ang sabi na lamang ni Doc Med na nakangiti.
Ako naman, litong-lito. “Ano ‘yon? Ano ‘yong Green Archer? At ano ang UAAP?” tanong ko sa kaklase kong babae, si Aurora Yumul. “Probinsiyana ka kasi kaya wala kang alam!” sagot ni Aurora at tumahimik na lamang ako.
Nang nagtatrabaho na ako bilang managing editor ng De La Salle University Press noong 2001, kapag may laro ang Green Archer binibigyan kami ni Bro. Andrew Gonzales, FSC ng tigdadalawang tiket. Vice President for Research na si Bro. Andrew noon (dati siyang presidente) at ang Press ay direktang nasa ilalim ng opisina niya. Kapag nasa Araneta Coliseum ang laro, puwede na kaming mag-half day sa Sabadong iyon at makisabay sa school bus papuntang Cubao.        
Kapag makita ko sa aking mesa sa opisina ang dalawang tiket, pupulutin ko ito at sasadyaing lakasan ang pagsabi, “Ano itong bigay ni Bro. Andrew?” Magtatakbuhan tungo sa aking mesa ang aking mga kaopisina at paunahan silang hablutin mula sa aking kamay ang dalawang tiket. Alam kasi nilang hindi ako nanonood ng UAAP.
Ayaw ko kasi sa lugar na maraming tao. May agoraphobia ako. Para akong sinasakal kapag nasa gitna ako ng maraming tao. Hindi ko talaga maimadyin na makipagsiksikan papasok sa Araneta Coliseum. Minsan lang ako nanood dito ng palabas nang mag-anniversary show ang GMA may dalawang taon na nakalilipas. Binigyan kasi ako ng back stage pass at doon ako dumaan sa geyt kung saan dumadaan ang mga artista. Sa upuan malapit sa stage din ako pinaupo at hindi ko kailangang makipagsiksikan. Gayunpaman, nanginginig pa rin ako kapag naghihiyawan na mga tao sa loob ng Big Dome.
Noong 1995, bukod kay Rico Yan na nakakasalubong ko sa mga hagdanan at pasilyo ng Miguel Hall (kung saan ang College of Liberal Arts) ay nakakasalubong ko rin sa kampus si Jason Webb na Green Archer noon.
Nakatira ako noon sa graduate school dorm ng La Salle na Le Grande Maison sa Leon Guinto St. sa gilid ng St. Scholastica’s College. Nasa third floor ang kuwarto ko. Nasa first floor naman ang DLSU Press (kung saan naging proofreader ako noong 1996) at ang dorm ng Green Archers. Kapag nagsasampay ako ng mga nilabhan kong damit sa fire exit ay kung minsan nakikita ko ang ilan sa kanila na nagsasampay rin sa baba. Kapag pumapasok ako ng geyt nasisilip kong naghaharutan sila sa kanilang sala. May isang guwapo na palaging nakaupo sa mesa ng guwardiya na kapag dumadating ako ay ang tamis ng ngiti sa akin at kinikindatan pa ako. Isang mahiyaing ngiti lamang ang tugon ko bilang konserbatibong probinsiyanang makata pa ang drama ko noon. Iniisip ko na lang na napaka-friendly naman nitong guwapong higante.
Kaya laking gulat ko, as in nanginig at pinagpawisan ako sa kaba, nang magturo ako noong Enero 1997 sa Literature Department. Unang karanasan ko iyon sa pagtuturo. Sa unang araw ng klase leyt na pumasok ang guwapong Green Archer na iyon na nakaupo palagi sa mesa ng guwardiya sa dorm na ngumingiti at kumikindat sa akin. Siya si Maui Roca na naging estudyante ko sa Philippine Literature. Sa likod siya umupo at hayun, ngimingiti pa rin sa akin. Buti hindi ako kinindatan sa klasrum!          
Sa kabila nitong mga close encounter ko with Green Archers, hindi pa rin ako naging interesado sa UAAP.
Pero iba ngayon. Noong isang Sabado, sa second game para sa kampeonato, di sinasadyang napanood ko ito sa TV. Ito kasi ang pinapanood ng Tita ko at ng aking pamangkin. Panalo ang Green Archer at dahil dito may pangatlong game. Hayun, pinanood ko nga ang finals at naisip ko, panonoorin ko na itong UAAP—ang game ng La Salle siyempre, sa mga susunod na taon. Masaya naman pala.
Si Jeron Teng ang MVP. Ang cute niya. Kamukha siya ng crush kong mandudula na Lasalista. Ang kapatid niyang taga-UST ay cute din. Di ko nga alam kung sino ang pipiliin ko sa kanila. Type ko kasi talaga ang mga tsinito, mukhang Intsik, Hapon, at Koreano. Kaya nabaliw ako noon sa Meteor Garden at Full House. Para sa akin ang pinakaseksing lalaki ay si Rain. May crush din akong propesor ko sa La Salle na kamukha ng mga guwapong hari sa mga Koreanobela.
Si Jeron Teng ang bunos ko sa panonood ng UAAP. Kaloka.
Sa Sabado, unang araw ng comprehensive exam ko sa La Salle para sa aking Ph.D. in Literature. Sana hindi ko makasalubong si Jeron Teng sa geyt o kaya makasabay sa CR bago ako makarating ng Literature Department. Baka kasi matulala ako at wala akong masagot sa exam. Knock on wood and God forbid! O baka rin namang ma-inspire ako nang bonggang-bongga at maging high pass ang resulta! Vungga.
Animo La Salle! Hanggang sa susunod na UAAP. 
[www.jieteodoro.blogspot.com / 15 Oktubre 2013 / Lungsod Pasig]

Tuesday, August 27, 2013

Walang-hiya! Makapal ang Mukha!


HUWAG ninyong ipagmalaki ang kayamanan ninyong hindi naman ninyo pinaghirapan at mas lalo na kapag ninakaw lamang ito ng inyong mga magulang. Ito ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking mga estudyante kada semestre sa Miriam College. Muli kong inulit ito nang mabasa ko sa mga diyaryo at mapanood sa telebisyon kamakailan ang tungkol sa P10 Bilyong Pork Barrel Scam na nirereynahan ni Janet Lim-Napoles na nagtatago na sa batas ngayon. Sabi ko pa sa kanila, huwag silang walang-hiya at makapal ang mukha.

Sinasabi ko ito sa klase dahil marami kaming mga estudyante sa Miriam na galing sa mga maykayang pamilya. Marami lamang at hindi lahat dahil marami naman kaming estudyante na ang mga magulang ay OFWs (mga tsina-charing na ‘bagong bayani’ eklat ng pamahalaan) at mayroon ding mga iskolar na mula sa mahirap na pamilya subalit matatalino kung kaya nabibigyan ng pagkakataong mag-aral sa Miriam na isa rin naman sa mga pinakamagaling na Higher Education Institution sa bansa.

Halimbawa, sabi ko, kung kumpleto ang mga gadget nila—mula iPhone, iPad, mini-iPad, at MacBook—dahil maraming pera ang kanilang mga magulang, magtanong muna sila kung saan nanggaling ang pinambili nito. Kung meyor, gobernador o kongresman ang kanilang ama medyo magtaka sila. Magkano ba ang suweldo ng meyor, gobernador, at kongresman? Ang meyor, P62,670 kada buwan. Ang gobernador, P78,946. Ang mga kongresman at senador, P90,000. Kinakaltasan pa ‘yan ng tax. Kung lahat kayong magkakapatid ay kumpleto sa gadget, dalawa o tatlo ang inyong kotse, ang laki ng bahay ninyo, at taon-taon ay nagbabakasyon kayo abrod, siguro naman obvious na kulang na kulang ang mga suweldong nabanggit. Bilang guro at manunulat, halos pantay na pala sa meyor ang kita ko kada buwan. Pero dahil maraming deductions, tipid na tipid pa rin ako para kumasya ang pera ko hanggang sa susunod na kinsenas. May maliit na bahay at lupa pa kasi akong binabayaran. Sa akin nakatira ang kapatid kong walang permanenteng trabaho, ang matanda kong tiya, at isang apat na taong gulang na pamangkin. Ang MacBook Air na ginagamit ko ngayon, kinuha ko pa sa HR namin sa Miriam nang hulugan. Hindi ba nakapagtataka na maraming meyor na ang lifestyle ay pangmayaman?

Ipinagdidiinan ko talaga na hindi sila gumaganda kung ang iPhone na ginagamit nila ay nakaw mula sa kaban ng bayan ang pinambili ng kanilang magulang.

Kung negosyante naman ang mga magulang nila, alamin muna nila kung sinusuwelduhan ba nang tama ng kanilang kumpanya ang mga manggagawa nila. Ginagawa kong halimbawa ang malalaking mall at ang mga sikat na fast food chain na kaya yumayaman nang bonggang-bogga ang mga may-ari nito dahil ini-endo nila ang kanilang mga trabahador. End of contract ang ibig sabihin ng endo. Isang sistema na ginagawang kontraktuwal lamang ang mga manggagawa, pinapapirma ng limang buwan na kontrata, upang malusutan ang batas na dapat i-evaluate for permanency o para maging regular ang isang manggagawa o empleyado matapos ng anim na buwan sa trabaho. Iniiwasan ito ng mga sungak-sungak na negosyante dahil mas marami nang benepisyo ang mga regular na empleyado.

Alamin din nila siyempre kung ang mga magulang ba nila ay legal talaga ang mga negosyo. Mamaya, illegal pala lahat ang pinanggagalingan ng kanilang pera. Halimbawa na riyan ang mga bogus na NGO, laboratoryo ng mga ipinagbabawal na droga, o smuggling. Mahirap na at baka ang pinapakain, pinapadamit, pinapatirhan, at pinapaaral sa kanila ay nakaw pala. Tunay itong nakakahiya at kung wala silang pakialam ay talagang makapal lamang ang kanilang mukha.

Sinasabi ko rin sa kanila na huwag silang mainggit sa mga anak ng mga negosyante at mga politikong ito gaano man kaganda (dahil may pampa-Vicky Belo at Pie Calayan), kagara ang mga damit at gamit (LV na orihinal ang mga bag) ng mga ito at tila hindi nauubusan ng pera. Ang mga taong ito ay walang ipinagkaiba sa kanilang mga magulang na nabubuhay sa pagsipsip (actually, higop) ng dugo at pawis ng mga uring-manggagawa. Samakatwid,  pangit ang mga ito at sa panlabas na anyo lamang maganda.

Pero bakit marami ang makakapal ang mukha at walang-hiya? Halimbawa na lamang ang anak ni Napoles na nag-aaral sa Estados Unidos. Siguro masyadong bored sa Tate kaya nagbakasyon sa Paris at pino-post sa Facebook ang mga mamahaling damit at gamit na binili roon? Bakit parang hindi niya feel na ang perang ginagasta niya sa Amerika at Europa ay pera iyon na dapat ipinambili ng mga binhi at pampataba ng lupa ng mga gutom at libing sa utang na mga magsasaka na niloko at dinaya ng mga pekeng NGO ng kaniyang ina?

Kasi masarap talaga sa Europa kaysa rito sa Filipinas. Kasi masarap talaga sa balat ang mga branded na damit kaysa mga nabibili mo lamang sa Divisoria. Kasi masarap talaga ang pagkain sa mga fine-dining na restawran kaysa mga karinderya. Kasi masarap talaga gamitin ang iPhone kaysa recon lamang. Kasi masarap sumakay sa BMW kaysa makipag-agawan at makipagsiksikan sa dyip. Kasi masarap talaga tumira sa isang mansiyon sa Forbes Park kaysa tumira sa isang barong-barong sa tabi ng estero na unti-unti na ngang pinapa-demolish ng pamahalaan sa ngayon. Tao lamang tayo at gusto rin naman ng masarap na buhay. Kaya kung minsan, nabubulag tayo ng mga materyal at makamundong bagay. Kaya nako-corrupt din tayo. Sabi nga nila, lahat naman tayo ay may presyo. Iyung iba, mas mura nga lang. Kung di ka kayang bilhin ng isandaang pisong cellphone load, baka pupuwede ka sa mini-iPad? Kung hindi kaya ng isandaang libong piso, baka bibigay ka sa house and lot? Sa isang bilyong piso?  Bilang tao, natutukso talaga tayo.

Paano makakaiwas sa tukso? Tatagan ang sariling paninindigan at yakapin ang mga makataong halagahan. Lagi tayong pumanig sa kabutihan. Pigilan natin ang ating mga pagnanasa sa mga materyal na bagay. Sikaping huwag maging adik sa pera. Kaya palagi kong pinapaalala sa kanila ang core values namin sa Miriam: katotohanan, katarungan, kapayapaan, at pangangalaga sa kalikasan.

Ang totoong suweldo lamang natin ang ating gastusin. Huwag gamitin o nakawin ang perang nakalaan para sa iba upang maging makatarungan tayo. Ang mga magnanakaw, isang pirasong tinapay man o P10 Bilyon ang ninakaw, dapat parusahan. Kung may mga karapatang natatapakan, may mga gutom dahil kinain natin ang pagkain na nakalaan sana para sa kanila, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa ating lipunan. Huwag nating kalbuhin ang kagubatan o sirain sa pagmimina ang kabundukan para lamang yumaman ang ating angkan dahil isa itong pangit na katotohanan, hindi makatarungan, at hindi mapapayapa ang mga katutubong inagawan ng kanilang lupaing ninuno. Gayundin kung maniningil na ang kalikasan sa ating lahat tulad na lamang ng mga serye ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tutal Katolikong kolehiyo naman ang Miriam, dapat palagi naming—kasama ako siyemre—alalahanin ang sinabi ni San Agustin, isang Doktor ng Simbahan, na “Live simply so that others may live.” Ganoon lang. Simplehan natin ang ating buhay upang hindi matuksong magnakaw at manamantala ng mga taong totoong nangangailangan. Matuto tayong maging masaya kung ano mang mayroong biyaya ang Diyos sa atin. Yes, biyaya ng Diyos at hindi ng demonyo. Magkaibang-magkaiba ang dalawang ito.

Sinasabi ko rin sa aking mga estudyante na walang masama sa pagiging mayaman. Basta ba ang yaman natin ay talagang pinaghirapan naman at wala tayong nadedehado. Halimbawa si KC Concepcion. Sa Paris ‘yan nag-aral. Pero alam naman natin na ang perang ginastos niya roon ay katas naman ng pagsayaw, pag-arte, at pag-awit ng nanay niyang si Megastar Sharon Cuneta. Pero tingnan ninyo si KC, never niyang ipinangalandakan iyon. Totoong mayaman kasi kaya may taste talaga.

E, ano ngayon kung cheapangels ang cellphone natin? At least galing ito sa pinaghirapan ng ating mga magulang. E, ano ngayon kung wala tayong iPad? At least hindi nagnakaw sa pamahalaan ang nanay at tatay natin. E, ano ngayon kung pekeng LV ang bag natin? At least walang mga manggagawa at maralita tayong inagawan ng pagkain. E, ano kung hindi kaya ng pamilya natin na magbakasyon sa Paris? At least hindi mandarambong ang ating angkan. [J. I. E. Teodoro / 26 Agosto 2013 / www.jieteodoro.blogspot.com]