HUWAG ninyong ipagmalaki ang kayamanan ninyong hindi naman
ninyo pinaghirapan at mas lalo na kapag ninakaw lamang ito ng inyong mga
magulang. Ito ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking mga estudyante kada semestre
sa Miriam College. Muli kong inulit ito nang mabasa ko sa mga diyaryo at
mapanood sa telebisyon kamakailan ang tungkol sa P10 Bilyong Pork Barrel Scam
na nirereynahan ni Janet Lim-Napoles na nagtatago na sa batas ngayon. Sabi ko
pa sa kanila, huwag silang walang-hiya at makapal ang mukha.
Sinasabi ko ito sa klase dahil marami kaming mga estudyante
sa Miriam na galing sa mga maykayang pamilya. Marami lamang at hindi lahat
dahil marami naman kaming estudyante na ang mga magulang ay OFWs (mga tsina-charing
na ‘bagong bayani’ eklat ng pamahalaan) at mayroon ding mga iskolar na mula sa
mahirap na pamilya subalit matatalino kung kaya nabibigyan ng pagkakataong
mag-aral sa Miriam na isa rin naman sa mga pinakamagaling na Higher Education
Institution sa bansa.
Halimbawa, sabi ko, kung kumpleto ang mga gadget nila—mula
iPhone, iPad, mini-iPad, at MacBook—dahil maraming pera ang kanilang mga
magulang, magtanong muna sila kung saan nanggaling ang pinambili nito. Kung
meyor, gobernador o kongresman ang kanilang ama medyo magtaka sila. Magkano ba
ang suweldo ng meyor, gobernador, at kongresman? Ang meyor, P62,670 kada buwan.
Ang gobernador, P78,946. Ang mga kongresman at senador, P90,000. Kinakaltasan pa
‘yan ng tax. Kung lahat kayong magkakapatid ay kumpleto sa gadget, dalawa o
tatlo ang inyong kotse, ang laki ng bahay ninyo, at taon-taon ay nagbabakasyon
kayo abrod, siguro naman obvious na kulang na kulang ang mga suweldong
nabanggit. Bilang guro at manunulat, halos pantay na pala sa meyor ang kita ko
kada buwan. Pero dahil maraming deductions, tipid na tipid pa rin ako para
kumasya ang pera ko hanggang sa susunod na kinsenas. May maliit na bahay at
lupa pa kasi akong binabayaran. Sa akin nakatira ang kapatid kong walang
permanenteng trabaho, ang matanda kong tiya, at isang apat na taong gulang na
pamangkin. Ang MacBook Air na ginagamit ko ngayon, kinuha ko pa sa HR namin sa
Miriam nang hulugan. Hindi ba nakapagtataka na maraming meyor na ang lifestyle
ay pangmayaman?
Ipinagdidiinan ko talaga na hindi sila gumaganda kung ang
iPhone na ginagamit nila ay nakaw mula sa kaban ng bayan ang pinambili ng
kanilang magulang.
Kung negosyante naman ang mga magulang nila, alamin muna
nila kung sinusuwelduhan ba nang tama ng kanilang kumpanya ang mga manggagawa
nila. Ginagawa kong halimbawa ang malalaking mall at ang mga sikat na fast food
chain na kaya yumayaman nang bonggang-bogga ang mga may-ari nito dahil ini-endo
nila ang kanilang mga trabahador. End of contract ang ibig sabihin ng endo.
Isang sistema na ginagawang kontraktuwal lamang ang mga manggagawa, pinapapirma
ng limang buwan na kontrata, upang malusutan ang batas na dapat i-evaluate for
permanency o para maging regular ang isang manggagawa o empleyado matapos ng
anim na buwan sa trabaho. Iniiwasan ito ng mga sungak-sungak na negosyante
dahil mas marami nang benepisyo ang mga regular na empleyado.
Alamin din nila siyempre kung ang mga magulang ba nila ay
legal talaga ang mga negosyo. Mamaya, illegal pala lahat ang pinanggagalingan
ng kanilang pera. Halimbawa na riyan ang mga bogus na NGO, laboratoryo ng mga
ipinagbabawal na droga, o smuggling. Mahirap na at baka ang pinapakain,
pinapadamit, pinapatirhan, at pinapaaral sa kanila ay nakaw pala. Tunay itong
nakakahiya at kung wala silang pakialam ay talagang makapal lamang ang kanilang
mukha.
Sinasabi ko rin sa kanila na huwag silang mainggit sa mga
anak ng mga negosyante at mga politikong ito gaano man kaganda (dahil may
pampa-Vicky Belo at Pie Calayan), kagara ang mga damit at gamit (LV na orihinal
ang mga bag) ng mga ito at tila hindi nauubusan ng pera. Ang mga taong ito ay
walang ipinagkaiba sa kanilang mga magulang na nabubuhay sa pagsipsip
(actually, higop) ng dugo at pawis ng mga uring-manggagawa. Samakatwid, pangit ang mga ito at sa panlabas na anyo
lamang maganda.
Pero bakit marami ang makakapal ang mukha at walang-hiya?
Halimbawa na lamang ang anak ni Napoles na nag-aaral sa Estados Unidos. Siguro masyadong bored sa Tate kaya nagbakasyon sa Paris at pino-post
sa Facebook ang mga mamahaling damit at gamit na binili roon? Bakit parang hindi niya
feel na ang perang ginagasta niya sa Amerika at Europa ay pera iyon na dapat ipinambili ng
mga binhi at pampataba ng lupa ng mga gutom at libing sa utang na mga magsasaka
na niloko at dinaya ng mga pekeng NGO ng kaniyang ina?
Kasi masarap talaga sa Europa kaysa rito sa Filipinas. Kasi
masarap talaga sa balat ang mga branded na damit kaysa mga nabibili mo lamang
sa Divisoria. Kasi masarap talaga ang pagkain sa mga fine-dining na restawran
kaysa mga karinderya. Kasi masarap talaga gamitin ang iPhone kaysa recon lamang.
Kasi masarap sumakay sa BMW kaysa makipag-agawan at makipagsiksikan sa dyip.
Kasi masarap talaga tumira sa isang mansiyon sa Forbes Park kaysa tumira sa
isang barong-barong sa tabi ng estero na unti-unti na ngang pinapa-demolish ng pamahalaan
sa ngayon. Tao lamang tayo at gusto rin naman ng masarap na buhay. Kaya kung
minsan, nabubulag tayo ng mga materyal at makamundong bagay. Kaya nako-corrupt
din tayo. Sabi nga nila, lahat naman tayo ay may presyo. Iyung iba, mas mura
nga lang. Kung di ka kayang bilhin ng isandaang pisong cellphone load, baka
pupuwede ka sa mini-iPad? Kung hindi kaya ng isandaang libong piso, baka
bibigay ka sa house and lot? Sa isang bilyong piso? Bilang tao, natutukso talaga tayo.
Paano makakaiwas sa tukso? Tatagan ang sariling paninindigan
at yakapin ang mga makataong halagahan. Lagi tayong pumanig sa kabutihan. Pigilan
natin ang ating mga pagnanasa sa mga materyal na bagay. Sikaping huwag maging
adik sa pera. Kaya palagi kong pinapaalala sa kanila ang core values namin sa
Miriam: katotohanan, katarungan, kapayapaan, at pangangalaga sa kalikasan.
Ang totoong suweldo lamang natin ang ating gastusin. Huwag
gamitin o nakawin ang perang nakalaan para sa iba upang maging makatarungan
tayo. Ang mga magnanakaw, isang pirasong tinapay man o P10 Bilyon ang ninakaw,
dapat parusahan. Kung may mga karapatang natatapakan, may mga gutom dahil
kinain natin ang pagkain na nakalaan sana para sa kanila, hindi magkakaroon ng
kapayapaan sa ating lipunan. Huwag nating kalbuhin ang kagubatan o sirain sa
pagmimina ang kabundukan para lamang yumaman ang ating angkan dahil isa itong
pangit na katotohanan, hindi makatarungan, at hindi mapapayapa ang mga katutubong
inagawan ng kanilang lupaing ninuno. Gayundin kung maniningil na ang kalikasan sa
ating lahat tulad na lamang ng mga serye ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t
ibang panig ng bansa.
Tutal Katolikong kolehiyo naman ang Miriam, dapat palagi
naming—kasama ako siyemre—alalahanin ang sinabi ni San Agustin, isang Doktor ng
Simbahan, na “Live simply so that others may live.” Ganoon lang. Simplehan
natin ang ating buhay upang hindi matuksong magnakaw at manamantala ng mga
taong totoong nangangailangan. Matuto tayong maging masaya kung ano mang
mayroong biyaya ang Diyos sa atin. Yes, biyaya ng Diyos at hindi ng demonyo.
Magkaibang-magkaiba ang dalawang ito.
Sinasabi ko rin sa aking mga estudyante na walang masama sa
pagiging mayaman. Basta ba ang yaman natin ay talagang pinaghirapan naman at
wala tayong nadedehado. Halimbawa si KC Concepcion. Sa Paris ‘yan nag-aral.
Pero alam naman natin na ang perang ginastos niya roon ay katas naman ng
pagsayaw, pag-arte, at pag-awit ng nanay niyang si Megastar Sharon Cuneta. Pero
tingnan ninyo si KC, never niyang ipinangalandakan iyon. Totoong mayaman kasi
kaya may taste talaga.
E, ano ngayon kung cheapangels ang cellphone natin? At least
galing ito sa pinaghirapan ng ating mga magulang. E, ano ngayon kung wala
tayong iPad? At least hindi nagnakaw sa pamahalaan ang nanay at tatay natin. E,
ano ngayon kung pekeng LV ang bag natin? At least walang mga manggagawa at
maralita tayong inagawan ng pagkain. E, ano kung hindi kaya ng pamilya natin na
magbakasyon sa Paris? At least hindi mandarambong ang ating angkan. [J. I. E. Teodoro / 26 Agosto 2013 / www.jieteodoro.blogspot.com]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.