Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Sunday, November 28, 2010

Pawikan


PAWIKAN na lamang ang ipinangalan ko sa kaniya sa aking isipan dahil hindi ko naitanong kung ano ang kaniyang pangalan. Mga mata lang naman kasi namin ang nag-usap. Isang pangungusap lang yata ang nasabi niya sa akin nang iabot niya ang pawikan sa akin sa Turtle Sanctuary sa harap ng isang maliit na isla sa Guimaras, “Ser, heto ang pawikan, pwede n’yong hawakan at magpakodak.” At ang tanging naisagot ko, “Salamat.” Iyun lang ang mga katagang pinagsaluhan namin.
            Siguro mga labinsiyam na taong gulang lamang si Pawikan. Mas mababa siya nang konti sa akin at katamtaman lang naman ang taas ko. Sunog ang kaniyang balat na pinagsasaan ng silahis ng araw at maalat na dila ng dagat. Naninilaw ang maiksi niyang buhok, tanda ng palaging pagkababad sa dagat. Medyo matipuno ang maskulado niyang katawan na nakakahiya mang aminin ay napapalaway sa akin nang lihim.
            Bangka ng tatay ni Pawikan ang nirentahan ng kaibigan kong si Flora na isang matandang dalagang guro ng Theology sa aming unibersidad. Niyaya niya akong sumama sa kaniya sa Guimaras nang araw na iyon dahil dumating daw ang dating guro niya sa Loyola School of Theology kung saan siya nag-Ph.D. Pari ito na taga-Sri Lanka. Ayaw naman ni Flora na sila lang dalawa ng pari ang mamasyal sa Guimaras kung kaya pinilit niya akong sumama kahit na santambak pa ang mga term peyper na dapat kong basahin sa mesa ko sa bahay. Libre raw niya lahat. Labinlimang minutong biyahe sa bangka lamang ang Guimaras mula sa Lungsod Iloilo kung kaya naisip ko, wala namang kaso kung pagbigyan ko sa Flora nang araw na iyon at pagbibigyan ko rin ang sarili kong magkapag-relax. Dalawang araw na rin naman akong nagtsetsek ng mga exam notebook. Isa pa, hindi ko matanggihan si Flora. Unang-una, titser ko pa ito sa Theology noong ako’y nasa kolehiyo at palagi niyang pinapaalala sa akin na 93 ang gradong ibinigay niya. Ang ibig niyang sabihin, malaki ang utang na loob ko sa kaniya. At pangalawa, siya ang palaging iniiyakan ko kapag iniiwan ako ng mga lalaking pinagkatiwalaan ko. Hindi man maintindihan ng manang niyang puso ang pagkahumaling ko sa kapwa ko lalaki, buong puso niya akong niyayakap kapag ako’y napapahagulgol na sa labis na kabiguan.
            Sa Alubihod Beach kami pumunta. Maraming inorder si Flora sa pananghalian. Akalain ng makakita ng aming mesa na sampung katao ang kakain: may fried chicken na buo, inihaw na boneless bangus, adobong baboy, inihaw na talong na may bagoong, steamed na hipon, dalawang maliit na banyera ng talaba, at isang bandehadong putim-puting kanin! May mga hiniwang Guimaras mango pa na lumulutang sa tubig na may yelo para panghimagas. Medyo napataas ang kanang kilay ko sabay ngiti—nagpapaimpres ang Lola Flora sa Sri Lankan na pari. May itinatago rin palang landi!
            At iyon nga, pagkatapos naming mabundat sa pananghalian, nag-boating kami. Ang bangkang de-motor nina Pawikan ang nirentahan ni Flora.
            Pagsampa ko pa lang sa bangka, nagtagpo na ang paningin namin ni Pawikan. Assistant siya ng kaniyang ama sa pag-o-operate ng kanilang bangka. Naging malagkit kaagad ang pagtitinginan namin. Mabilis pa niya akong nilapitan at tinulungang makaakyat sa bangka. Magaspang ang kibulon niyang mga kamay. Ibig sabihin, masipag, babad sa trabaho.
            Ewan ko ba, nabighani ako sa malungkot na ningning ng mga mata ni Pawikan. Parang nandoon yata sa kaniyang mga kalimutaw ang lahat ng lumbay ng karagatan. At gusto kong bumabad sa ganoong klaseng lungkot na halos dalisay at banal. Kung sasabihin ko ito kay Flora, pagagalitan na naman niya ako at sasabihang, “O ano, in love ka na naman? Ikaw talaga, you are always in love with love. Grow up. Estudyante pa naman kita. At 93 ang grade na ibinigay ko sa ‘yo ha.” Kapag ganito na ang talak niya, kinakagat ko na lamang ang aking dila. Parang gusto ko siya kasing sagutin ng, “Opo, Lola Flora. Gusto ko na pong maging matandang dalaga tulad ninyo!” Siyempre, kapag ginawa ko ‘yan, baka masampal niya ako.
            Pero bisi si Flora sa kaniyang pari. Kung minsan nga, parang nakakalimutan niyang isinama niya ako.
            Habang umaandar ang bangka, nagtitinginan kami ni Pawikan. Punit-punit na Adidas t-shirt ang suot niya. Siguradong sa ukay-ukay niya binili maraming taon na ang nakalipas. Naseseksihan pa naman ako sa mga lalaking naka-Adidas shirt. At dahil mainit, hinubad ni Pawikan ang kaniyang t-shirt. Isang maluwag na kulay-lupang shorts lamang ang suot niya. Pinigilan kong dumako sa kaniyang pusod at abs ang aking mga mata.
            Noon lamang siya ngumiti nang iniabot niya sa akin ang pawikan na nagpapanik yata kaya galaw nang galaw ang mga paa nito at nagtatago ang ulo. Hawak-hawak ko ito nang piniktyuran ako ng kaibigang pari ni Flora.
            Mga dalawang oras din kaming nag-boating. Mga dalawang oras din kaming nagtitigan ni Pawikan. Pagbalik namin sa Alubihod Beach, agad namang umalis sina Pawikan nang maibigay na ni Flora ang aming bayad. Nahihiya akong lumingon upang tingnan ang papalayo nilang bangka. Baka kasi may mahalata si Flora. At para ano pa? Ni hindi ko nga siya naitanong kung ano ang kaniyang pangalan. Ang alam ko lang, parang ang lungkot niya. Kasing lungkot ng pawikang mag-isang nakakulong sa kawayang hawla sa gitna ng dagat. (Mayo 2009 /Lungsod Pasig; Unang nalathala sa Malate Literary Folio, Mayo 2009 Isyu)

Kataw sa Burnham Park


Asul ang ikog kang kataw sa Burnham Park.
Malinüng tana nga naglutaw sa kilid kang linaw.
Ala-siyete pa lamang sa aga
Kag wara tana ginasapak kang mga tawo nga nagaparanaw.
May kasadya kang nagapamukadkad nga mga bulak
Ang sirak kang nagakadlaw nga adlaw
Nga amat-amat nagapara kang sobra nga ramig
Nga dara kang küpküp kang nagapaangga nga ambon.
Kinahanglan ko rün magbalik sa hotel para mag-empake.
Balunon ko sa akün pag-uli sa Metro Manila ang laragway
Kang naurungan nga mga mata kang kataw nga may asul nga ikog
Nga nagapautaw-utaw sa darag nga tubig
Kang artipisyal nga linaw kadyang syudad sa bukid.


-J.I.E. TEODORO
 17 Oktubre 2010 Dominggo
 7:00 n.u. Lungsod Baguio


Sirena sa Burnham Park


Bughaw ang buntot ng sirena sa Burnham Park.
Tahimik siyang nakalutang sa gilid ng lawa.
Ala-siyete pa lamang ng umaga
At hindi siya pinapansin ng mga taong naglalakad.
May saya ng namumukadkad na mga bulaklak
Ang silahis ng tumatawang araw
Na unti-unting bumubura sa labis na lamig
Na dala ng yakap ng naglalambing na gabon.
Kailangan ko nang bumalik sa hotel upang mag-empake.
Babaunin ko sa aking pag-uwi sa Metro Manila
Ang titig ng tulalang sirenang may bughaw na buntot
Na palutang-lutang sa naninilaw na tubig
Ng artipisyal na lawa nitong lungsod sa bundok.


[Salin ni J.I.E. TEODORO]

Pagmumuni-muni ni PNoy Tungkol sa Kaniyang Ika-isandaang Araw sa Malakanyang Habang Nagbabakasyon sa Hacienda Luisita


Hayyy…mas at home talaga ako dito sa hasyenda.
Masyadong maliit ang bakuran ng Malakanyang.
Kakaiba talaga ang sarap ng hangin
Ng anim na libong ektaryang lupain.
Ang hirap lang nitong presidente ka,
Bukod sa isisisi sa ‘yo ang pagkamatay ng ilang dayuhan
Dahil hinostage ng desperadong pulis
Na nawalan ng trabaho at benepisyo,
Ni hindi ako makapag-date nang maayos sa MOA.
Makukunan agad ako ng litrato na kakalat sa mga diyaryo,
Telebisyon, Facebook, at Twitter.
And speaking of Twitter, buti tumigil na si Kris.
Kunsabagay, sino ba naman ang di ma-speechless
Kung nanganganib na mahati ang iyong kayamanan?
Bakit kasi di na lamang siya nagpakasal
Sa heredero ng isa ring hasyenda?
Kung di laos na artista, laos na basketbolista
Na sasaktan lang naman siya at hahawaan pa ng sakit.
Mas mabuti na nga sana itong si James dahil laging MVP,
Kaya lang habulin ng mga bading at babae.
Hay naku, bakit ko ba naman pinuproblema si Kris?
Mas marami ang problema ng Filipinas.
Sabi nga nila, dapat daw may “Separation of State and Kris.”
Tamang-tama di nag-rate ang “Win na Win”
Kahit kada tanghaling-tapat sumasayaw ang bunso namin.
Kunsabagay, ganito talaga ang life, parang buhay.
May kaniya-kaniya tayong mga talento at sumpa.
Kaya ‘yang mga galit sa akin na nagsasabing
Walo sa sampung mga magsasaka ang walang sariling lupa
Ay sana tumahimik na lamang.
One percent lang kasi ang share of stock ko dito sa hasyenda.
Bilang presidente wala akong kapangyarihang sawatahin
Ang Kamag-anak Incorporated na may bendisyon pa
Na sikat na sikat na tanging ina kong santa.
Ano pa ba ang gusto nilang gawin ko?
Nakipag-break na nga sa akin si Shalani
Dahil wala na akong panahong makipag-date sa kaniya.
Filipino na nga ginamit ko sa aking SONA.
Pagdududahan pa ba nila ang aking pagmamahal sa bayan?
Pati nga si Barrack Obama bilib na bilib sa akin.
Sa sobrang tuwa niya nagbigay siya ng bilyones,
Maaayos na ang mga kalsada sa Samar
At magiging madali ang pagkilos ng mga militar.
Di ba si Gloria nga dinedma niya?
Anong himala pa ba ang hinahanap nila?
Heto ako, anak nina Cory at Ninoy,
Kuya ni Kris, maraming-marami ang bumoto,
Matatas mag-Tagalog-based Filipino,
Binatang hasyendero na allergic sa wangwang,
At paboritong tuta ng mga Amerikano.
Sana tumahimik na sila
Para makatulog naman ako nang mahimbing
Dito sa Hacienda Luisita.
Ayokong lalong makalbo.


-J.I.E. TEODORO
 30 Oktubre 2010 Sabado
 11:38 n.u. Lungsod Pasig

Sa Akün Ika-37 nga Kaadlawan


Pagbugtaw ko kaina it kasanagün,
Pagkatapos ko pangadi sa pagpasalamat,
Nagbüül pa ako kang kalkyuleytor
Agüd masigurado nga 37 rün gid man ako.
Bisan abi nga daw naglapad ang pagnipis
Kang buhok ko sa alipudwan
Kag daw imposible rün nga mapaküpüs
Ang akün buy-on—pamatyagan ko
Daw 27 lamang ako kag kon kis-a
Daw 17 lang kon magginagaga sa paghigugma.
Kang nag-30 ako nadepres takün
Hay nagmal-am rün ako. Pero kadya
Nga 7 rün ka tuig ang nagligad
Daw nagbata tana ang akün pamatyag
Bisan pa nga kapira rün nadugangan
Ang tabletas nga ginatomar ko adlaw-adlaw,
Kag gina-manong ako kang mga makilala ko
Sa YM kag pwede ko rün mangin bata
Ang mga laki nga gusto ko i-deyt.
Pirme rün lang takün ginangüsyan
Nga ang mga estudyante ko sa kolehiyo
Wara rün nanda naabutan ang una
Nga Edsa Revolution.
Ti sunod-sunod rün ang pagtitit
Kang akün selpon kag sigurado ako
Duro rün ang mga panamyaw sa akün fb akawnt.
Siguro mayad gid man ako nga tawo
Hay rakü man gali ang nagapalangga kanakün.
May nagpamangkot kon sa diin ang parti.
Wara. Dominggo kadya kag rakü
Ang akün ralabhan. Rakü man mga ramu
Nga dapat silhigün sa gamay ko nga hardin.

                                                             
-J.I.E. TEODORO
 14 Nobyembre 20010
 5:11 t.a. Syudad Pasig





Sa Aking Ika-37 na Kaarawan


Paggising ko kaninang madaling araw,
Pagkatapos kong manalangin sa pagpapasalamat,
Kumuha ako ng kalkyuleytor
Upang masigurado na 37 na talaga ako.
Kahit pa na parang lumapad ang pagnipis
Ng buhok ko sa ibabaw ng noo
At parang imposible na na lumiit pa
Ang aking tiyan—pakiramdam ko
Parang 27 lamang ako at kung minsan
Parang 17 lang kung naggiginaga sa paghigugma.
Noong nag-30 ako nadepres ako
Dahil ako’y tumanda na. Pero ngayon
Na 7 taon na ang nakalilipas
Parang bumata ang aking pakiramdam
Kahit ilang beses nang nadagdagan
Ang tabletas na aking nilulunok araw-araw,
At kinukuya ako ng mga makikilala ko
Sa YM at puwede ko nang maging anak
Ang mga lalaking gusto kong makadeyt.
Palagi na lamang akong nagugulat
Na ang mga estudyante ko sa kolehiyo
Hindi na naabutan ang una
Na Edsa Revolution.
Hayan sunod-sunod na ang pagtitit
Ng aking selfown at sigurado akong
Marami nang mga pagbati sa aking fb akawnt.
Siguro mabuting tao rin naman ako
Dahil marami ang nagmamahal sa akin.
May nagtanong kung saan ang parti.
Wala. Linggo ngayon at marami
Ang aking labahin. Marami ring mga sagbot
Na dapat kong walisin sa maliit kong hardin.