PAWIKAN na lamang ang ipinangalan ko sa kaniya sa aking isipan dahil hindi ko naitanong kung ano ang kaniyang pangalan. Mga mata lang naman kasi namin ang nag-usap. Isang pangungusap lang yata ang nasabi niya sa akin nang iabot niya ang pawikan sa akin sa Turtle Sanctuary sa harap ng isang maliit na isla sa Guimaras, “Ser, heto ang pawikan, pwede n’yong hawakan at magpakodak.” At ang tanging naisagot ko, “Salamat.” Iyun lang ang mga katagang pinagsaluhan namin.
Siguro mga labinsiyam na taong gulang lamang si Pawikan. Mas mababa siya nang konti sa akin at katamtaman lang naman ang taas ko. Sunog ang kaniyang balat na pinagsasaan ng silahis ng araw at maalat na dila ng dagat. Naninilaw ang maiksi niyang buhok, tanda ng palaging pagkababad sa dagat. Medyo matipuno ang maskulado niyang katawan na nakakahiya mang aminin ay napapalaway sa akin nang lihim.
Sa Alubihod Beach kami pumunta. Maraming inorder si Flora sa pananghalian. Akalain ng makakita ng aming mesa na sampung katao ang kakain: may fried chicken na buo, inihaw na boneless bangus, adobong baboy, inihaw na talong na may bagoong, steamed na hipon, dalawang maliit na banyera ng talaba, at isang bandehadong putim-puting kanin! May mga hiniwang Guimaras mango pa na lumulutang sa tubig na may yelo para panghimagas. Medyo napataas ang kanang kilay ko sabay ngiti—nagpapaimpres ang Lola Flora sa Sri Lankan na pari. May itinatago rin palang landi!
At iyon nga, pagkatapos naming mabundat sa pananghalian, nag-boating kami. Ang bangkang de-motor nina Pawikan ang nirentahan ni Flora.
Pagsampa ko pa lang sa bangka, nagtagpo na ang paningin namin ni Pawikan. Assistant siya ng kaniyang ama sa pag-o-operate ng kanilang bangka. Naging malagkit kaagad ang pagtitinginan namin. Mabilis pa niya akong nilapitan at tinulungang makaakyat sa bangka. Magaspang ang kibulon niyang mga kamay. Ibig sabihin, masipag, babad sa trabaho.
Ewan ko ba, nabighani ako sa malungkot na ningning ng mga mata ni Pawikan. Parang nandoon yata sa kaniyang mga kalimutaw ang lahat ng lumbay ng karagatan. At gusto kong bumabad sa ganoong klaseng lungkot na halos dalisay at banal. Kung sasabihin ko ito kay Flora, pagagalitan na naman niya ako at sasabihang, “O ano, in love ka na naman? Ikaw talaga, you are always in love with love. Grow up. Estudyante pa naman kita. At 93 ang grade na ibinigay ko sa ‘yo ha.” Kapag ganito na ang talak niya, kinakagat ko na lamang ang aking dila. Parang gusto ko siya kasing sagutin ng, “Opo, Lola Flora. Gusto ko na pong maging matandang dalaga tulad ninyo!” Siyempre, kapag ginawa ko ‘yan, baka masampal niya ako.
Pero bisi si Flora sa kaniyang pari. Kung minsan nga, parang nakakalimutan niyang isinama niya ako.
Habang umaandar ang bangka, nagtitinginan kami ni Pawikan. Punit-punit na Adidas t-shirt ang suot niya. Siguradong sa ukay-ukay niya binili maraming taon na ang nakalipas. Naseseksihan pa naman ako sa mga lalaking naka-Adidas shirt. At dahil mainit, hinubad ni Pawikan ang kaniyang t-shirt. Isang maluwag na kulay-lupang shorts lamang ang suot niya. Pinigilan kong dumako sa kaniyang pusod at abs ang aking mga mata.
Noon lamang siya ngumiti nang iniabot niya sa akin ang pawikan na nagpapanik yata kaya galaw nang galaw ang mga paa nito at nagtatago ang ulo. Hawak-hawak ko ito nang piniktyuran ako ng kaibigang pari ni Flora.
Mga dalawang oras din kaming nag-boating. Mga dalawang oras din kaming nagtitigan ni Pawikan. Pagbalik namin sa Alubihod Beach, agad namang umalis sina Pawikan nang maibigay na ni Flora ang aming bayad. Nahihiya akong lumingon upang tingnan ang papalayo nilang bangka. Baka kasi may mahalata si Flora. At para ano pa? Ni hindi ko nga siya naitanong kung ano ang kaniyang pangalan. Ang alam ko lang, parang ang lungkot niya. Kasing lungkot ng pawikang mag-isang nakakulong sa kawayang hawla sa gitna ng dagat. (Mayo 2009 /Lungsod Pasig; Unang nalathala sa Malate Literary Folio, Mayo 2009 Isyu)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.