Isang babala: Nakabubuntis ang pagdinig
Sa Tula ng Poong Maykapal
Na inawit ng isang Arkanghel
Sa dalagang ang puso’y dinadaluyan
Ng malinis na batis ng pagmamahal.
Hindi naging madali
Ang kaniyang pagdadalandiyos,
Kailangang magtago sa mga kaaway
At manganak sa kamalig ng mga hayop
Kahit na Hari ng mga Hari
Ang isinilang at ipinagbunyi pa
Ng mga Anghel at Bituin.
Hindi natibag ang kaniyang pananalig
Kahit pa napuno ng kabalintunaan
Ang puso’t isipan—
Kung sino pa ang nakakapag-utos
Sa tubig na maging alak,
Ang nakakapagparami ng ilang pirasong tinapay,
Ang nakakapagpalakad ng mga pilay,
Ang nakakapagbalik sa paningin ng mga bulag,
Ang nakakapagpaawit sa mga pipi,
Ang nakakapaglinis sa katawan ng mga ketongin,
At nakakapagpabuhay sa mga namatay—
Siya pa ang itinali sa poste at nilatigo,
Pinutungan ng koronang tinik,
At ipinako sa krus.
Isang matapang at matalinong babae lamang
Ang pupuwedeng maging banal na buntis.
-J.I.E. TEODORO
6 Disyembre 2010 Lunes
7:54 n.u. Miriam College
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.