Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Wednesday, January 8, 2014

Triple X at si Arsobispo Oscar Cruz


MAY bago na namang pasabog si Atty. Ferdinand Topacio, ang matalinong abogado ng mga Arroyo. Mayroon daw “Triple X,” alyansa ng tatlong ex president, kaya daw “X” (Oh, how witty and sublime! Di ko na-gets agad. How dense naman is me.), na sina Fidel Ramos, Joseph Estrada, at Gloria Macapagal Arroyo para mag-endorse ng tatakbong presidente ng Filipinas sa eleksiyon 2016. Ang dalawang X na lalaki ay bumisita kay X na babae sa kaniyang kulungang ginto sa VMMC nitong Nobyembre at Disyembre.
Pinipigilan kong ngumiti habang sinusulat ang sanaysay na ititch. Paano, nalala ko ang sinabi noon ng matalinong abogada ni Gloria na si Atty. Elena Bautista-Horn na “Oplan Put the Little Girl to Sleep.” Isa umano itong plano ng pag-assassinate sa naka-hospital arrest na noong si Gloria. Ngayon, “Triple X” na naman. Napaka-creative naman nilang mag-isip ng mga pangalan ng oplan at samahan. Kung estudyante ko sila sa malikhaing pagsulat, tiyak 5.0 (kung sa Miriam College ko sila estudyante) o 4.0 (kung sa La Salle), ang pinakamataas na grado, ang ibibigay ko sa kanila. Hindi ko na iko-copmpute ang grades.
Ayon kay Atty. Topacio kanina sa 24 Oras, ang paborito kong news cast sa prime time TV, iisa lang naman daw ang reklamo ng Triple X sa pamamahala ni PNoy ngayon—hindi raw ito decisive. Hindi decisive saan si Papa PNoy? Sa pagnanakaw? Sa pandarambong? Sa pagsisinungaling? Sa pandaraya? Sa pang-e-echus ng mga Filipino? Bilib din naman ako ha. May comment talaga sila ha.
Henewey, gin-deny na ni Erap itong Alyansang Triple X. Wala raw bahid politika ang kaniyang pagbisita kay Gloria. Wala pa namang reaksiyon si Ramos. At dahil abogado niya ang nagsabi nito on national TV, I assume alam ni Gloria na kasama siya sa Triple X? In fairness naman kay Atty. Topacio, sa pagkakuwento niya nitong Alyansang Triple X sa TV, para bang narinig niya lamang mula sa kung sino ang haka-hakang ito at hindi talaga nanggagaling sa kanilang kampo. Mga supporter daw ng Triple X ang sumusulong nito.
Ngayon, pinipigilan ko na ang tumawa. Paano, naiisip ko, sino kaya ang i-endorse ng Triple X (assuming na totoo ang samahang ito) sa 2016? Si Bong Revilla? Si Jinggoy Estrada? Si Gibo Teodoro na ayon sa ilusyon ng Tatay ko ay kamag-anak namin? Ngunit kasama sa inireklamo sa Ombudsman ngayon sina Revilla at ang batang Estrada dahil sa PDAF Scam. Si Teodoro naman, biglang binitiwan noon ni Gloria nang makita nitong wala nang pag-asang manalo sa pagkapresidente. Nalaos tuloy bigla itong Tito Gibo ko (Kamag-anak nga namin di ba?). Marami ang nagsasabing talagang matalino at matinong tao sana itong Tito ko. Bar topnotcher ito. And not to mention na guwapo siya ha. Kaya lang identified kay Gloria kaya ayaw daw iboto ng mga tao. Ayaw ko namang maniwala rito. Gusto ni Gloria, ayaw ng mga tao? Puwede ba ‘yun? Kung si FPJ nga tinalo ni Gloria sa isang malinis na halalan, bakit di niya maipanalo ang Tito ko? What Gloria wants, Gloria gets.  Di vah, Garci? Hello, Garci? Are you there Garci baby? Bebe koh?
Hmm… Bakit hindi na lamang i-endorse ng Triple X si Bise Presidente Jejomar Binay? Ang galing kasing mag-epal nito at mukhang (mukha lang...) siguradong mananalo. O kaya si Senador Chiz Escudero dahil mukhang in love na in love na sa kaniya si Heart Evangelista na parang biglang nalaos nang naging girlfriend niya? E, ano kung anti-Gloria si Chiz noon? Ayon nga sa isang lumang kasabihang Filipino, “Sa showbiz, just like in politics, there are no permanent friends and enemies so you can never can tell.”
O para mas bongga, bakit hindi na lamang si Bong Bong Marcos? Tutal, parang last year pa, handa na siya. Anak siya ng isa pang dakilang ex-president. So, hindi lang ito Triple X kundi Quadruple X pa! Di vah? O kung ayaw ni Bong Bong magpa-endorse sa kanila, baka puwede si Mayor Romualdez ng Tacloban na cousin niya? Mas guwapo ito kaysa kay Mar Roxas. Pareho nga lang sila ng IQ at EQ.
Pinipigilan ko nang humalakhak ngayon…Naiimadyin ko na kung sino man ang i-endorse ng Triple X ay tiyak kong iboboto talaga ng lahat ng mga Filipino kahit ng mga hindi rehistrado. Naiimadyin ko nga, baka mas mataas pa ang botong makukuha nito kaysa kina Erap at PNoy. Ang i-endorse ng Triple X ay talagang magkakaroon ng overwhelming mandate, ika nga. Vaket? Dahil tunay na mga respetadong ex-president sina Ramos, Estrada, at Gloria. Kung kredibilidad lang din naman ang pag-uusapan, walang kabahid-bahid itong Triple X. In fact, modelo talaga sila ng good governance at statesmanship. Ang Triple X na ito ay epitome ng mahusay na presidenteng kailangang-kailangan sa loob man o labas ng bayan nating sawi!
Kung mananalo, at tiyak na tiyak ito, ang manok ng Triple X, may I suggest na si Atty. Topacio ang gawing Spokesperson sa Malacañang? Puwede silang magtandem ni Atty. Horn. Gusto ko silang mapanood sa TV araw-araw dahil primera klase silang mag-isip at magsalita. As in, brilliant! Whrrr! Nganga ang nakikinig.
At siyempre, gawin dapat “Spiritual Adviser Emeritus Santus Dominos Isprikitik Amen” ni Presidente X (Ito muna ang itawag natin sa i-endorse ng Triple X) si Arsobispo Oscar Cruz. Kasama sa Balitang Triple X ang pagbisita nitong Arsobispo kay Gloria. Sinabi nito sa 24 Oras na pini-“persecute” daw ni PNoy si Gloria dahil walang Sona itong anak ni Tita Cory na hindi nilalait si Gloria na anak ng “The Poor Man from Lubao” na naging mayaman pagkatapos maging presidente ng isang mahirap na bansa.
Actually, naiintindihan ko itong retiradong Arsobispo. In fact, come to think of it, kung susundan natin ang lohika nitong makadiyos, makakatotohanan at makakatarungang si Arsobispo Cruz, dapat hayaan na lamang natin si Gloria. Kawawa naman kasi siya, ikinulong ng Pamahalaang PNoy sa isang Presidential Suite sa ospital imbes na sa isang city jail. Pauwiin na natin siya sa magarang bahay niya sa La Vista. Iurong na dapat ang lahat ng mga kaso niya. Kalimutan na natin ang pandarambong niya, pati ang pandaraya niya sa mga eleksiyon. Gawin natin ito para maging makatao tayo. Samakatwid, dedma na. Forgive and forget kumbaga na parang pelikula ni Sharon Cuneta. Patawarin na natin si Gloria dahil ito ang makatarungan. Katarungan para kay Ka Gloria! ang bagong sigaw ni Sister Stella L. na ang gumanap ay si Velma Santos.
Nagtataka talaga ako kung bakit hindi ginawang Cardinal itong si Arsobispo Cruz.  This is so unfair! Siya ang pinakamatalinong arsobispo sa ating arkipelagong paborito ng mga lindol at bagyo. But who says that life is fair henewey? Sayang kasi talaga ang kaniyang wisdom, pagiging compassionate, at pagiging banal. Imagine, dinalaw niya si Gloria sa kulungang ginto nito? How can you be more compassionate than that, ateng? Malaking kawalan talaga siya sa Vatican at sa lahat ng mga Katoliko sa buong sanlibutan. Ang mga katulad niya dapat ang nagiging Santo Papa. Sayang na sayang talaga. Retirado na siya.
Hanggang ngayon, pinipigilan ko pa rin ang ngumiti. Triple X pala ha… Si Arsobispo Cruz bilang Santo Papa…

[6 Enero 2014 Lunes
Rosario, Lungsod Pasig]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.