Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Wednesday, January 8, 2014

Reaksiyon sa isang Arsobispo at isang Pari


MAY isang  balita at isang kolum na nakaiirita akong nabasa sa Philippine Daily Inquirer, ang paborito kong diyaryo, ngayong araw [5 Enero 2014].
Sa pahina A16, may balita tungkol sa mga dumalaw kay Gloria sa “kulungan” niya sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Lungsod Quezon. Kahapon ng umaga, binisita siya ni retired Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz. Nakakapagpataas ng kilay di ba? Isa si Arsobispo Cruz sa mga maingay na kritiko ni Gloria noon. Why the sudden change of heart? Ayaw ko namang sabihing nakikipagplastikan lang itong bungangerong arsobispo.
Ayon kay Arsobispo Cruz, bumisita raw siya kay Gloria upang hilingin ang pang-unawa nito sa pagiging matinding kritiko niya noon. Heto ang quote ng Inquirer: “I told her I’m sorry if I hurt you but I had to speak. I could not play deaf, dumb and blind… I went there to seek her understanding as far as my observations against her were concerned because during her tenure I spoke out against some of the things that were being done and she knows that.” At heto ang pamatay, “She never said anything bad against me. I also stopped talking against her as soon as she was brought to prison, because when somebody is down, you don’t step on that person.”
Vungga ang arsobispo. So dahil hindi siya nilait ni Gloria kaya friends na sila. Hindi na rin niya nilalait si Gloria dahil lugmok na daw ito. Hello! Naka-hospital arrest siya sa presidential suite ng VMMC. Di ba pinaayos pa nga nila ang banyo bago dalhin doon si Gloria mula sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City na ang kuwarto niya roon ay tag-PhP50,000 a day? Samakatwid, hindi lugmok si Gloria gaya ng gustong palabasin ng Arsobispo Cruz.
Kung muling babasahin ang sinabi nitong arsobispo, halatang si PNoy ang pinariringgan niya. Binabanggit pa rin kasi ni PNoy sa ilang mga talumputi niya ang mga kabulastugan ni Gloria. Sinasabi ngayon ni Arsobispo Cruz na wala namang sinasabi si Gloria laban kay PNoy kaya hindi na dapat nilalait ni PNoy si Gloria. Kaloka!
Ang mga katulad ni Arsobispo Cruz ang sumisira sa Simbahang Katoliko sa Filipinas. Pakiramdam kasi niya mas banal pa siya kaysa Santo Papa. At least si Pope Francis hindi na takot sa condom at sa ideya ng same sex marriage. Dahil sinuportahan ni PNoy ang RH Bill, galit na galit itong arsobispo. Kaya sa mga pagdadakdak niya sa TV (At mahilig siyang magpa-interview), parang wala nang nagagawang matino si PNoy. Kaya mas gusto ni Arsobispo Cruz si Gloria dahil si Gloria, trapo kung kaya pinagbibigyan ang mga obispo. Nililigawan kasi palagi ni Gloria ang Simbahang Katoliko at ang iba pang mga relihiyon at sekta tulad ng Iglesia ni Kristo at El Shaddai. Kaya nga di ba nagkaroon pa ng eskandalo tungkol sa mga obispong binigyan ni Gloria ng mga sasakyan?
Bukod sa pagiging mandarambong, kinurap ni Gloria ang lahat ng institusyon ng bansa tulad ng Korte Suprema (remember Corona?), kultura at sining (remember Caparas and Guidote-Alvarez?), at ang Simbahang Katoliko kaya may mga “’Pajero’ Bishop.” Ito ang nakakalimutan ni Arsobispo Cruz dahil lamang sa naging batas ang RH Bill.
Oo nga naman, tao pa rin si Gloria at may kaluluwa pa naman na puwedeng isalba ni Arsobispo Cruz. Pero bakit sasabihin pa niyang lugmok na si Gloria? Bakit? Inamin na ba ni Gloria ang mga kabulastugan niya? Siguro kung aaminin na ni Gloria na mandarambong, mandaraya, at sinungaling siya, baka kakayanin ko na ring maging compassionate sa kaniya. Baka hindi ko na rin siya lalaitin. Pero hindi, e. Patay-malisya pa rin itong nagmamalinis. Hindi raw talaga siya nagnakaw. Parang linya lang nina Senador Bong Revilla at Jinggoy Estrada. O parang si Napoles na wala raw alam tungkol sa Pork Barrel Scam. Sabi nga ni San Agustin, katarungan ang sandigan ng kapayaan.
Ang kolum naman na nakapagpataas ng kilay ko ngayong araw ay kay Fr. Jerry M. Orbos, SVD na nasa pahina A10. Heto ang sabi niya, “Jan. 9 is the Feast of the Black Nazarene in Quiapo. A lot of things have been said and can be said about this religious phenomenon, but the bottom line is that observers are different from participants. Remember, Herod stayed put, while the Magi went out to search. May we learn to see people more with respect, understanding and compassion.”
Nasulat ko na noon na kasalanan ng mga obispo at pari ang pagkakaroon ng maraming nasasaktan at ilang namamatay dahil sa halos paganong pista ng Itim na Nazareno. Hindi kasi ini-educate ng mga pari na OA at over na ang ganitong uri ng debosyon. Nagtutulakan, nagtatapakan, at naninira ng mga pampublikong istruktura ang milyon-milyong deboto na para bang nasasapian na sila ng demonyo. Binabastos nga nila ang misa sa Quirino Grandstand. Last year, komunyon pa lang, sinira na nila ang mga harang na bakal sa altar dahil atat na atat na silang magprusisyon na ang Poon. Hindi sila sinasaway ng mga pari, lalo ng kura paroko ng Quiapo. Parang hindi ko narinig ang mga pari at obispo na nagpa-interview sa TV upang sabihin na mali ito. Vaket?  Kasi nga ginagawang negosyo ng Simbahang Katoliko ang Itim na Nazareno. Remember? Dinadala pa ng mga pari itong rebolto sa bahay ni Napoles kasi bongga ito mag-donate sa simbahan ng mga perang nakuha niya sa scam!
Mali ang analogy ni Fr. Orbos. Inihambing niya kay Herodes ang mga tulad ko na nahihindik sa subhuman at paganong selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno, at inihambing naman niya sa Tatlong Hari, actually, tatlong iskolar o maaram o matatalinong tao, ang mga deboto. Hello! Si Herodes insecure sa Batang Hari na si Hesus at gusto pa nga niyang ipapatay. Ang Tatlong Hari naman, mga matatalinong tao ito at hindi naman sila nantulak, nantapak, at nanadyak makahipo lang sa rebolto ni Hesus.
Mistulang walang ipinagkaiba ang mga obispo at pari ngayon sa mga prayle noong panahon ni Jose Rizal. Buti na lang nandiyan si Cardinal Tagle dahil kung wala, sasabihin kong hindi nag-evolve ever ang Simbahang Katoliko mula noong panahon ng Kastila hanggang sa panahon ng mga kurap na presidente tulad ni Gloria. Sasabihin ko sana na mula noon hanggang ngayon, pinagkikitahan pa rin ng Simbahang Katoliko ang katangahan ng mga deboto na sinasadya nilang huwag i-educate para lalo pa nilang mauto.     
Matino na ang Santo Papang nakaupo sa Vatican ngayon. Kailan kaya magiging matino ang mga pari at obispo rito sa Filipinas? Kasi kung hindi sila magtitino ngayon, as in now na, tiyak na malapit na ang panahong maging irrelevant ang Katolisismo sa ating bansa lalo na ngayong unti-unti nang nagpa-function nang maayos ang pamahalaan. Sa isang maayos na bansa kasi, hindi naman talaga kailangan ang relihiyon na siyang "opyo ng masa."Ang isang penomenon tulad ng weird na debosyon sa Itim na Nazareno ay isang uri ng droga na nagpapa-high sa mga kababayan nating matagal nang hikahos sa buhay. Ang paghihikahos na ito ang ini-exploit ng Simbahang Katoliko dito sa Filipinas.

[5 Enero 2013 Domingo
Rosario, Lungsod Pasig]

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.