Sa talaan ng Jose Reyes Memorial
Medical Center sa Lungsod Manila mayroon na silang 91 na mga pasyenteng biktima
ng mga paputok ngayong Enero 1, 2014. Nalampasan na nito ang bilang noong
nakaraang taon na 89 katao. Hanggang
Enero 5 pa raw ang countdown nila at tiyak na tataas pa ang bilang na ito.
Marami sa mga biktima ay bata. Ang culprit na paputok ay ang piccolo na matagal
nang dineklarang iligal ngunit ibinebenta pa rin na parang kendi sa mga
bangketa at sari-sari store.
Sa East Avenue Medical Center sa
Lungsod Quezon, mayroong isinugod na 18 biktima ng piccolo, lima ng five star,
at anim ng iba pang uri ng paputok. May mga naputulan ng daliri at kamay.
Sa datus ng DOH umabot na sa 559
ang mga biktima ngayong pagsapit ng 2014. Tumaas ito ng 43% kumpara noong
pagsapit ng 2013. Ang mabuting balita lang daw sa taong ito, bumaba ang bilang
ng mga batang biktima at hindi ganoon katindi ang mga pinsala ng naputukan at
nasabugan.
Dagdag sa mga biktima ng paputok ay
ang mga inaatake ng hika dahil sa polusyon sa hangin. Nakakahika ang paglanghap
ng abo at usok ng pulbura sa hangin na iniiwan ng mga paputok at nakakapasok
ito sa loob ng bahay. Samakatwid, kahit hindi lalabas ang isang may hika ay
maaari pa rin itong makalanghap ng maruming hangin at atakehin ng hika na
siyempre hindi kagandahang pagsalubong ng Bagong Taon.
Sa bilang ng PNP, sa pagsalubong ng
taong 2013 ay may dalawang biktima ng ligaw na bala. Ngayon namang pagsalubong
ng 2014, mayroong 22 biktima magmula noong Disyembre 16. Isang sanggol sa
Ilocos Sur ang namatay dahil sa tama sa ulo ng ligaw na bala. Namatay din noong
2013 ang batang si Nicole nang matamaan ito
ng ligaw na bala sa Lungsod Caloocan. Kaya kami rito sa bahay ko sa Rosario, Pasig
ay hindi lumabas habang nagpuputukan. Wala munang umakyat sa amin sa second
floor at pumunta sa kusina dahil nakakalusot ang mga ligaw na bala sa yerong
bubong at kisame na plywood. Nasa sala lamang kami at nakiki-New Year countdown
sa isang programa sa telebisyon. Simento kasi ang sahig namin sa second floor
at ang sala ang pinaka-safe na bahagi ng maliit naming bahay laban sa mga ligaw
na bala.
Makapal uli ang smog ngayong unang
araw ng 2014. Ang smog ay ang maruming hangin na hindi makaakyat sa himpapawid
dahil sa malamig na klima. Hamog din daw ito na may halong usok. Ayon sa isang
pulmonologist, kapag Bagong Taon daw, nagiging triple ang polusyon sa hangin sa
Metro Manila dahil sa mga paputok kaya mas marami ang inaatake ng hika. Ang
payo niya, kapag ganitong may smog pa, huwag munang lumabas ng bahay ang mga
hikain. Hindi rin niya inirerekomenda ang pag-walking o pag-jogging sa labas.
Sa paligid ng bahay at sa maliit
kong hardin ay may maraming nakakalat na mga ugat ng kuwitis at balat ng mga
paputok. Ilang beses kaming nagwalis ng Tita ko subalit kapag humahangin ay
muling naglalaglagan mula sa aming bubong at sa bubong ng mga kapitbahay namin
ang mga gutay-gutay na pabalat ng mga paputok. Paglabas ko ng kalsada ay ganito
rin ang sitwasyon. Nagkalat ang mga basura. Nagsisimula tayo sa taon na
lumalangoy sa basura.
Samakatwid, puro kagagawan ng tao o
humanmade na kamalasan ang pagdiriwang natin ng Bagong Taon. Sa halip na
bugawin o tabugin natin ang kamalasan sa pagpasok ng Bagong Taon sa pamamagitan
ng pagpapaputok ng libentador at baril, lalo pa natin itong iniimbitahan dahil
may mga nasusugatan, napuputulan ng kamay, at namamatay dahil sa mga pagpuputok
na ito. Lalo rin nating dinudumihan ang hangin at kapaligiran. Anong suwerte
ang inaasahan natin kapag ganito? Kung mayroon man, sigurado akong hindi
pangmatagalan. Sa pagpapaputok, mas maraming kamalasan tayong dinadala sa ating
sarili kaysa pinapaalis.
Bawal na sa ating batas ang pagpapaputok
ng baril sa pagsalubong ng Bagong Taon at lalo namang labag na sa batas ang
indiscriminate firing sa buong taon. Ang dapat ipagbawal ngayon ay ang lahat ng
mga uri ng fireworks at firecrackers. Siguro sapat na ang mga kahindik-hindik
na estadistika ng PNP at DOH kada Bagong Taon upang gumawa na ng batas ang Kongreso hinggil dito.
Dapat siguro Metro Manila ang
mangunguna sa pagkampaya laban sa mga paputok tuwing Bagong Taon dahil kalahati
ng mga biktima, ayon sa DOH, ay mga taga-Metro Manila. Ayon sa balita mukhang
isusulong na talaga ito ng DOH at suportado raw ito ng Malacañang.
Napakagandang balita nito kung magkagayon.
Maaaring sabihin ng ilan na
papatayin ng batas na ito ang isang industriya. Maraming mawawalan ng
hanapbuhay ang maraming pamilya sa mga lugar tulad ng maraming bayan sa Bulacan
at distrito ng Villa de Arevalo sa Lungsod Iloilo. Dapat siyempre isama sa
batas kung ano ang maaaring maging alternatibong hanapbuhay para sa mga
maaapektuhan. Isang hanapbuhay na mas ligtas para sa kanila at para sa mga
tumatangkilik sa kahindik-hindik nilang mga produkto.
Kung tutuusin, ang mahihirap ang
kadalasang biktima ng mga paputok na ito. Palagi ring mahihirap ang natatamaan
ng mga ligaw na bala. Kung mayroon mang mayayaman na nadidisgrasya ng mga
paputok at ligaw na bala ay siguro hindi nababalita dahil wala namang
nagko-cover na midya sa mga sosyal na hospital gaya ng The Medical City at St.
Luke’s Medical Center.
Isa pa, marami sa mga mayaman sa
Metro Manila, pumupunta sa kanilang mga rest house o ancestral house sa
probinsiya. Kung magpapaputok man sila, may mga dukha silang tauhan na gagawa
nito para sa kanila. Ang iba naman na sobra-sobra ang pera, sa ibang bansa
nagdidiriwang ng Bagong Taon. Kung kaya, ang batas na magbabawal sa mga paputok
ay isang pro-poor na batas. Mas marami ang makikinabang.
Ayon sa balita sa telebisyon, wala
raw balak ang Kongreso na gumawa ng batas upang ipagbawal ang fireworks at firecrackers. Bakit? Kailangan
nilang ipaliwanag ito. Kung panganib at disgrasya ng mga paputok ang
pag-usapan, hindi na nga nila kailangang magsagawa pa ng “inquiry in aid of
legislation” dahil hayag na hayag na ang mga ito. Siguro naman maaari nilang
iugnay ang batas na ito sa Clean Air Act saka sa proteksiyon sa karapatan ng kabataan.
Kabataan ang walang kalaban-labang nabibiktima ng mga paputok.
Bakit hindi gayahin ng buong
Filipinas ang Lungsod Davao? Bawal ang mga paputok doon. Kagabi, nalampasan nga
nila ang rekord ng Japan sa sabay-sabay na pagtorotot. Sa panguguna ng kanilang
meyor, ang sikat at kontrobersiyal na si Meyor Duterte, umabot ang bilang nila
sa 7,568 na mga taong sabay-sabay na nagtorotot bilang pagsalubong sa Bagong
Taon. Walang nasugatan sa mga taong ito at hindi pa sila nakalikha ng matinding
polusyon sa hangin.
Maaari ding sabihin ng ilan na ang
batas nga hinggil sa pagbabawal ng pagpapaputok ng baril ay hindi nasusunod,
ang batas pa kaya laban sa paggamit ng fireworks and firecrackers? Hindi ito
kasalanan ng batas. Trabaho ng pulisya at ng lokal na pamahalaan ang
pagpapatupad ng mga batas. Kailangan din ng suporta ng buong komunidad. Tayo mga
mamamayan ang nagkulang at hindi ang batas.
Tatlo lamang ang nakikita kong
dahilan kung bakit ang isang senador o ang isang kongresista ay ayaw sumuporta
sa isang batas na magbabawal sa lahat ng uri ng mga paputok sa bansa: 1.
Sobrang bobo niya at walang kakayahang mag-isip o simpleng utak-pulbura; 2.
Walang pakialam, period; at 3. Tumatanggap ng lobby money mula sa mga yumaman
dahil sa negosyong mapaminsalang paputok.
[1 Enero 2014 Miyerkoles
Rosario, Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.