Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Thursday, August 2, 2012

Panalangin Para sa Buwan ng Wika 2012

Kayo ang Diyos ng aming katigulangan,
Inaawit ng sanlibutan ang Inyong pangalan.
Kayo ang dahilan kung bakit namumulaklak
Ang mga punongkahoy sa gubat ng aming kalag.

Kayo ang dahilan kung bakit nagsasalitaan
Ang mga alon at ulan sa gitna ng karagatan.
Kayo ang dahilan kung bakit nagtatalumpati
Mga ibon at isda hanggang sila’y masayang napipi.

Patatagin Po Ninyo ang aming dila
Upang Kayo at Kayo lamang ang ibabantala.
Patatagin Po Ninyo ang aming isipan
Upang Kayo lamang ang pararangalan.
Patatagin Po Ninyo ang aming damdamin
Upang kandungan Ninyo ang huling nanaisin.

Salamat sa Inyong Salita na sa amin ay lumikha.
Salamat sa harayang naging busay ng aming mga tula
Upang maibalita pagmamahal Ninyong labing dakila!

Siya nawa...


-J. I. E. TEODORO
 2 Agosto 2012 Huwebes
 6:15 n.u. Miriam College


[Ang tulang ito ay binasa bilang panalangin sa pagbubukas ng selebrasyon ng Buwan ng Wika sa Miriam College noong Agosto 2, 2012, alas-nuwebe ng umaga, sa Foyer ng Mother Mary Joseph Hall.]

Friday, July 27, 2012

Ekokritisismo: Bagong Luma

ANG Seryeng Panayam Cirilo F. Bautista ni Dr. Paz Verdadez Santos na pinamagatang “Storm Signals: Mga Babala sa Pagbago ng Klima sa Literaturang Bikol” noong 18 Hunyo 2011 sa De La Salle University-Manila ay isang angkop at napapanahon na pagbasa sa kasalukuyang kasiglahan ng Literaturang Bikol. Binabagyo ngayon ang arkipelago ng pambansang literatura ng mga likha ng mga kontemporaring manunulat mula sa rehiyong ito ng sili at gata. Ang lente ng pananaw-teoretikal na ekokritisismong ginamit ni Santos ay nagpapatunay lamang sa bago at lumang katangian ng literaturang nagmula sa isang rehiyon ng bansa na palaging binubugbog ng bagyo. Bago man sa pandinig ang ekokritisismo, luma (kaya klasiko at napapanahon pa rin) at tama itong masinsinang pagbasa sa mga produkto ng malikhaing pagsulat.
            Ang ekokritisismo ayon kay Santos ay “pag-aaral ng ugnayan ng literatura at pisikal na kapaligiran na tumututok sa daigdig at hindi sa tao o lipunan lamang.” Sa librong Ecocriticism ni Greg Garrard, sinipi niya ang depenisyon ni C. Glofelty mula sa introduksiyon nitong huli sa librong inedit na The Ecocriticism Reader: Landmarks in Literary Ecology.

What then is ecocriticism? Simply put, ecocriticism is the study of the relationship between literature and the physical environment. Just as feminist criticism examines language and literature from a gender-conscious perspective, and Marxist criticism brings an awareness of modes of production and economic class to its reading of texts, ecocriticism takes an earth-centered approach to literary studies. (Glofelty 1996: xix)

            Sa pagbabasang ekokritisismo, mahalagang matutugunan ang ilang mga katulad nitong mga inilahad ni Glofelty: 1. How is nature represented in this sonnet? 2. How has the concept of wilderness changed over time? 3. How is science itself open to literary analysis? At 4. What cross-fertilization is possible between literary studies and environmental discourse in related disciplines such as history, philosophy, psychology, art history, and ethics?”
            Kung gayon ayon kay Garrard, ang ekokritisismo ay “an avowedly political mode of analysis, as the comparison with feminism and Marxism suggests. Ecocritics generally tie their cultural analyses explicitly to a ‘green’ moral and political agenda.” (3)
            Ayon kay Santos, kaakitbat ng ekokritisismo ay ang mga sumusunod: ekotula, ekopanulaan, ekomakata, ekofeminismo, at eko-sublime. Gusto kong tumutok sa unang tatlong nabanggit.
            Nagbigay si Santos ng mga halimbawang sulatin mula sa luma at bagong panulaang Bikol. Napansin niya na “palaging may bagyo sa mga sinulat ng mga manunulat na Bikolano.” Narito ang isang lumang rawitdawit, tula sa wikang Bikol, tungkol sa hangin: “Kun duros ang itinanom / Bagyo an aanihon (Kung hangin ang itinanim / Bagyo ang aanihin.).” Sa lente ng ekokritisismo, napakalaki ng aral na itinuturo ng maikling tulang ito sa mambabasa. Kung magtatanim ka nga naman ng hangin, tiyak bagyo ang magiging produkto nito dahil ano pa nga ba ang bagyo kundi isang  napakalakas na hangin. Gaya nga ng sabi ni Santos, “tao rin ang sumisira sa kalikasan.”
            Maaari din namang isang talinghaga lamang ang hangin sa tula. Isang interpretasyon dito ay kung gumawa ka ng mga kasamaan sa iba’t ibang tao, dadating ang araw na babalik ang lahat ng mga kasamaang ito sa iyo. “Gaba” ang tawag namin dito sa Panay. Karma naman para sa karamihan. Subalit mas maganda at mas makapangyarihan pala ang tulang ito kung babasahin sa paraang ekokritisismo. Ito ang sinasabi kong “bagong luma.” Bagong pananaw subalit luma ang aral na makukuha. Bagong pagbasa sa isang lumang teksto.
            Sinuri naman ni Gabriel Egan ang mga dula ni William Shakespeare gamit ang ekokritisismo sa kaniyang librong Green Shakespeare: From Ecopolitics to Ecocriticism. Nadiskubre niya na, “The new science invokes ideas not current since Shakespeare’s time, although reached by completely different routes. We can revisit the philosophical implications of those old ideas, which is what the plays reflect upon, to see the implications of the new science on our sense of who we are. (175)” Muli, ang konsepto ng bagong luma.
            Ibinuhos ni Santos ang kaniyang talino at lakas bilang iskolar at edukador sa pag-aaral ng literatura at kulturang Bikol. Siya mismo ay taga-Bikol. Kung kaya marami siyang alam tungkol sa bahaging ito ng Filipinas. Katulad na lamang ng paliwanag niya kung bakit ganoon na lamang kahalaga sa mga taga-Bikol ang sili. Kahit umano sinira ng bagyo ang kabahayan, uunahin ng mga Bikolanong ayusin ang kanilang taniman ng sili. Bakit? Dahil kahit basa sila, nawawala ang nararamdamang lamig kapag kumakain ng sili. Ngayon mas naiintindihan ko na ang kagandahan at sarap ng Bikol express bilang isang napakaanghang na pagkain.
            Si Honesto M. Pesino, Jr. ang isa sa mga makatang Bikolano na binanggit ni Santos sa kaniyang panayam. Heto ang isang tula ni Pesimo mula sa kaniyang librong Bagyo sa Oktubre:

Balintuna sa Tag-init

Tinatanong mo ang langit

Kung bakit nag-aalburuto ang kanyang hangin

At bumubulwak ang kanyang ulan

Ngayong tag-init.

Di ba kahapon,

Nakadikit ang ‘yong mga mata sa TV

Habang nilalaklak mo ang nagyeyelong Coke Zero

Na bumubuhos sa ‘yong baga?

Di ba kagabi,

Plastik ang ‘yong pakiramdam

Habang umuusok ang tambutso ng ‘yong Delica

Dahil nakikipagtalik ka sa aircon?

Ngayon nga,

Bagyo ka sa ‘yong shower

At delubyo itong nambubugbog

Sa ‘yong anit at ulo

Ngunit wala namang

Pumapasok sa ‘yong kamalayan. (110)


            Hayagang sinasabi ng tula na tayo naman talagang mga tao ang dahilan kung bakit mayroong pagbabago sa klima ng daigdig, kung bakit kahit tag-araw ay bigla na lamang babagyo o bubuhos ang malakas na ulan. Hindi na nga natin alam ngayon kung kailan nag-uumpisa at nagtatapos ang tag-ulan at tag-araw. Kung binabaha tayo nang bonggang-bongga o walang pakundangan ang lakas ng mga sunod-sunod na bagyo, nagtataka pa tayo. Gamit tayo nang gamit ng gasolina upang magkaroon ng tayo ng kuryente upang makapagbabad tayo sa panonood ng TV at hindi na tayo mabubuhay kung wala tayong ref at ercon, mga aplayanses na mapanira sa kalikasan. Gustong-gusto ko ang imahen ni Pesino na “nakikipagtalik sa aircon.” Napakatalas na paglalarawan ito sa halos manyakan na relasyon natin sa teknolohiya na mapanaira sa kapaligiran. Parang sex kaya nasasarapan tayo masayado at naaadik na rito.
            Ganito ang sinasabi sa kasabihang “kapag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin.” Dahil ayaw ng taong isuko ang maluhong pamumuhay kahit na mapanira sa kapaligiran, nasisira ang kapalagiran natin. At kapag mangyari ito (at nangyayari na nga), lahat naman damay. Lalong nabubuko na tayong mga tao ay may pagkatanga o mga tanga na nga. Wala tayong natutunan sa ating masasamang karanasan. Binaha ang malaking bahagi ng Metro Manila noong 2009 dahil sa Bagyo Ondoy. Baha ito na pinalala ng mga basurang itinapon natin sa mga ilog, estero, at kanal. Natuto ba tayo? Hindi. Tuloy pa rin ang pagtapon ng mga plastik at iba pang di-nabubulok na bagay sa mga ilog, estero, at kanal. Pagkatapos kung bumaha na naman, isisisi natin ito sa Diyos. Tatawagin nating “acts of God.”  
            Ang masaklap pa nito, ang mga mayaman lamang ang mahilig gumamit ng mga bagay na itong nakakasira sa kalikasan. Ang mga mahirap, na marami sa kanila ni walang bahay, ay nabibiktima rin ng abnormal na panahon. Sa larangang internasyonal, ang mga mayayamang bansa katulad ng Estados Unidos ang mas mapanira ang lifestyle sa kalikasan. Sa kapal ng mukha ng mga Amerikano, sila mismo ang ayaw pumirma sa internasyonal na kasunduan na bawasan ang pagsusunog ng langis para maparahan ang pag-iinit ng mundo. Sila ang kontrabida sa Earth Summit sa Copenhagen noong 2009.
            Naalala ko rin ang tulang Kinaray-a na “Andut Nagbaha sa Norte” (Bakit Bumaha sa Norte) ni Maria Milagros Geremia-Lachica sa kaniyang librong Ang Pagsulat… Bayi (Ang Pagsulat…Babae). Sabi sa unang saknong, “Kag mamangkot pa ‘kaw / ikaw nga nangompra / ka oring sa Sebaste (At nagtanong ka pa / ikaw na namakyaw / ng uling sa Sebaste). [36]” Maraming tao ang hindi naiintindihan ang nangyayari sa ating kapaligiran, katulad na lamang ng kausap ng persona sa tulang ito. Nagtatanong kung bakit bumaha sa norteng bahagi ng Antique (kung nasaan ang bayan ng Sebaste) e, hanapbuhay naman niya ang pamimili ng uling doon. Pinuputol ang mga kahoy upang gawing uling. Nakakalbo ang bundok dahil sa uling. Kapag kalbo na ang kabundukan at kagubatan, wala nang mga ugat ng kahoy na sisipsip sa tubig-ulan kung kaya kapag bumuhos nang malakas, natitibag ang bundok at bumabaha sa kapatagan.
            Magandang gawin sa iba pang mga literaturang bernakular ang ginawang ito ni Santos sa literaturang Bikol. Sa katunayan, sa libro ng mga maikling kuwento ng Sebuwanong manunulat na si Ernesto Lariosa na inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu, tumutok si Yu sa kaniyang introduksiyon, na may pamagat na “Ernesto Lariosa and Nature in His Works,” sa mga konsepto ng kapaligiran at kalikasan sa mga akda ni Lariosa. Tinapos ni Yu ang kaniyang introduksiyon sa,


“The stories collected here, reveal that the celebration of human life as well as the degradation along with the desecration of the natural world is not simply a mistake—there are better alternatives and choices. For the reader to simply shrug them off is to become complicit in the very exploitation that the stories represent. The force of Lariosa’s narratives lies in bringing to public light the material conditions and underpinning relations that are often ignored, and giving them moral significance (Crack Shot 25-26).”


            Sa kuwentong “Bugti” (Ang Kapalit) ni Lariosa, narito ang naiisip ng bidang si Samuel habang pinagmamasdan ang kapaligiran: “Naluoy siya nga nangaupaw nga kabukiran. Kahilabtanon gayo sa tawo. Kaalaot sa kinaiyahan. Tungod sa nagkahanaw nga mga kahoy, daghang lunop ang nahitabo sa kalibotan nga nakakalas og daghang kinabuhi. Kon makasudya pa ang kinaiyahan batok sa kasaypanan nga gihimo sa tawo kaniya, dugay na untang nanglipaghong ang iyang nawong sa tumang kauwaw (Lariosa 92-93) [Naaawa siya sa nakakalbong kabundukan. Kagagawan ito ng tao. Dahil sa mga naputol na punongkahoy maraming mga kalamidad ang nangyari na umutas ng maraming buhay. Kung makakapagsalita lamang ang kalikasan laban sa mga kasalanang ginawa ng tao sa kaniya, matagal na sanang natunaw ang mukha ng tao sa sobrang pagkapahiya.]”
            Panahon na nga upang balikan natin sa paglikha at pag-aaral ng ating literatura ang sagradong ugnayan nating mga tao sa kalikasan. Sa ganitong paraan lamang natin maisalba ang ating sarili at ang ating pisikal na kalibutan.

Talasanggunian

Egan, Gabriel. Green Shakespeare: From Ecopolitics to Ecocriticism. London: Routledge, 2006.
Garrad, Greg. Ecocriticism. London: Routledge, 2004.
Geremia-Lachica, Maria Milagros. Ang Pagsulat…Bayi. Lungsod Iloilo: University of San Agustin Publishing House, 2006.
Lariosa, Ernesto D. Crack Shot and Other Stories. Inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.
Pesimo, Honesto M. Jr. Bagyo sa Oktubre. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 2008.
Yu, Hope Sabanpan. “Ernesto Lariosa and Nature in His Work” sa Crack Shot and Other Stories ni Ernestor Lariosa. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.



[Hunyo 2011

Lungsod Pasig]

Tuesday, July 24, 2012

Si Tungkung Langit sa Katipunan

MAY mga pagkakataon talaga katulad kagabi na tila kay hirap umuwi mula Katipunan papuntang Rosario, Pasig. Lalo na kung umuulan at awtomatikong dumudoble ang trapik, maiinit ang ulo ng mga drayber, at nagiging super-maarte ang mga taxi drayber. Dagdagan pa na Biyernes at ang mga may pera ay lumalabas at gumigimik dala ang kanilang mga sasakyan. Kabisado ko na kung paano kalamayin ang loob ko kapag ganito upang huwag akong magalit sa mundo at maawa sa aking sarili.
            May isang pangit na pelikula sina Marian Rivera at Dingdong Dantes na kinapulutan ko ng aral sa buhay kapag nasa ganito akong basa na sitwasyon. (Oo naman, may mga silbi rin kahit paano ang mga pangit na sine.) Sabi ng karakter ni Marian, ang sabi raw ng nanay niya (Si Jacklyn Jose ang gumanap) kapag umuulan at wala kang payong, makisilong ka muna. Kung wala kang masilungan, i-enjoy mo na lamang ang ulan.
            Ganito nga ang ginagawa ko katulad na lamang kagabi. Alasais natapos ang klase ko. Dahil Philippine Literature ito at nagtsika lang naman ako tungkol sa mga manunulat ng Kanlurang Bisayas tulad nina Leoncio P. Deriada, Maria Luisa S. Defante-Gibraltar, at Alice Tan Gonzales, magaang-magaan ang aking pakiramdam. Ngunit habang naglalakad ako mula klasrum papuntang faculty room, naririnig kong kumukulog. Nang sinilip ko ang kalangitan, naku, nag-aalburuto nga si Tungkung Langit at muli’y isinisigaw ang pangalan ni Alunsina na bumalik na. Mukhang bonggang-bonggang pag-iyak ng kalangitan ang bumabadya.
            Noong nakaraang linggo lang namin tinalakay sa klase ang love story nina Tungkung Langit at Alunsina. Mga diyos sila mula sa mito ng mga sinaunang taga-Panay. Selosa si Alunsina kung kaya pinalayas siya ni Tungkung Langit. Nang lumayas si Alunsina biglang nangulila sa kaniya si Tungkong Langit at hinanap siya. Ngunit hindi na matagpuan sa kalawakan si Alunsina. Sa labis na lungkot, itinapon ni Tungkong Langit ang mga naiwang gamit ng asawa. Ang gintong korona ay naging araw. Ang suklay ay naging buwan. Naging mga bituin naman ang beads ng kuwintas ni Alunsina. Kaya nalikha ang mundo. Kaya nga lang, kapag tinatawag ni Tungkung Langit si Alunsina, kumukulog. Kapag umiyak naman ito, umuulan sa buong mundo. Napakaromantiko di ba?
            Nagdesisyon akong magtsek na lamang muna ng e-mail. (Kuripot kasi ako kaya wala akong Internet connection sa bahay. Libre naman kasi ang wifi sa skul.) Hihintayin ko na lamang ang pagbagsak ng ulan at ng paghupa nito. Maya-maya ay pumasok ang mga kaguro kong sina John Boy (Ako kasi ang John Girl dahil dalawa kaming John sa aming departamento at pareho pang nagsisimula sa letrang T ang apelyido. Noong pa man ay nagpagkakamalan na kaming iisang tao palagi. Ikukuwento ko ito sa ibang sanaysay.) at Gel.
            “Naku, uulan na,” halos sabay nilang sabi. Mabilis na nag-ayos si John Boy ng kaniyang mga gamit. Uuwi na siya bago pa man maabutan ng ulan. Nasa UP Village lang kasi sila nakatira. Agad siyang umalis.
            Si Gel naman, umupo at nagsuklay ng kaniyang mahabang buhok. “Iniisip ko kung magdyi-gym muna ako bago umuwi. Palilipasin ko na rin lamang siguro ang ulan,” sabi niya.
            “Ganiyan ang gagawin ko. Mag-i-Internet lang muna ako.,” sagot ko.
            “Saka matrapik pa di ba? Lalo nga ngayon Friday at uulan pa. Good luck sa atin,” dagdag pa niya.
            “Korak,” pagsang-ayon ko.
            “Sama ka na lang sa akin mag-gym para masaya,” anyaya niya.
            “Di ba nakapag-gym na ako after lunch kanina?” sagot ko.
            “Ay, oo nga pala. Sige, akyat na ako sa gym. Hintayin mo ako ha. Sabay tayo lumabas,” paalam niya.
           Nasa ikaapat na palapag ang wellness center ng aming kolehiyo. Tatlong linggo na akong nagdyi-gym at gumagaan na nga ang aking pakiramdam. Lalo nang lumuluwag ang aking mga damit. Noong nakaraang taon pa kasi akong naging maingat sa uri at klase ng kinakain ko kung kaya lumiliit na rin ako kahit papaano. Pero napabilis yata ngayong nag-e-execise na ako.
            Malakas ang bagsak ng ulan habang nasa gym si Gel.
            Ala-siyete nang makabalik si Gel sa faculty room. Tikatik na lamang ang ulan. Puwede na kaming lumabas. Nagpalit muna siya ng damit sa faculty lounge. Pagbalik niya, nakangiti siyang sinabi sa akin na may susundo sa kaniya.
            “Sino?” tanong ko. Tumawa siya. “Boyfriend mo?” Tumawa uli siya. Si Aaron nga, boyfriend niya. Nainggit ako bigla. Kailan kaya ako magkakaroon ng boyfriend na may kotse at susunduin din ako kapag umuulan?
            “Ganda mo, girl!” sabi ko. Tumawa uli siya. At totoo namang maganda si Gel. Anglica Flores ang totoo niyang pangalan na talagang bagay sa kaniya dahil mukha nga siyang anghel at isang marikit na bulaklak. Pang-Binibining Pilipinas ang kaniyang tindig at ganda. Nang umupo ako sa teaching demo niya may dalawang taon na ang nakararaan ang tanong ko sa chair naming si Becky ay, “Maganda siya at magaling, pero hindi kaya magiging disadvantage ito dahil baka tratuhin siyang karibal ng mga estudyante natin?” Kaya noong unang araw na nagkita kami ni Gel sa faculty room pabiro ko siyang sinabihan ng, “Gel, para hindi ako mairita sa ‘yo, kapag sinabihan kita ng, ‘ang ganda mo, gel,’ sasagot ka dapat ng, ‘mas maganda ka, John.’ Tandaan mo ‘yan ha?” Patawang umoo naman siya. Kaya ngayon kapag binabati ko si Gel ng, “Hi, Ganda!” ang sagot naman niya ay, “Hello, Kagandahan!” na siyempre gustong-gusto ko.
            Nawili pa ako sa pag-i-Internet. Nagda-download kasi ako ng pdf file ng mga klasikong libro sa iPad2 ko. Hapi ako na mayroon na akong Leaves of Grass ni Walt Witman, mga tula ni Emily Dickinson, kumpletong texto ng Lord of the Ring, The Republic ni Plato, Poetics ni Aristotle, at On the Sublime ni Longinus. Mga librong matagal ko nang nabasa subalit tuwang-tuwa lang ako sa pag-level up ng pagkaroon ko ng kopya nito sa isang maliit na gadget na madaling bitbitin. Ang dasal ko lang ay sana magkaroon na ng puwedeng ma-down load na pdf file ng mga tula nina Alejandro Abadilla at Jose Corazon de Jesus.
            Naunang umalis si Gel kasi parating na raw si Aaron na nag-drive pa galing Ortigas Center. Nag-ayos na rin ako ng mga gamit dahil naisip ko, mag-a-alas-otso na at siguro hindi na matrapik sa Katipunan. Pagdaan ko ng lanai, nandoon pa si Gel sa isang upuan, naghihintay. Nag-wave kami ng goodbye sa isa’t isa. Naglakad naman ako papunta ng gate na mahabang-habang pagrampa rin. Bagamat umaambon na lamang, inilabas ko pa rin ang aking payong. Nang makita ko ang Katipunan, nanlumo ako sa aking nakita. Nagmistulang mahabang garahe ito. Bumper to bumper ang mga sasakyan lalo na ang papuntang Pasig. Extra-challenge na naman ito.
            Absent kasi si Becky. Kadalasan kasi, nakikisakay ako sa kaniya pauwi ng Pasig. Taga-Maybunga kasi siya at bumababa na lamang ako sa Manggahan. Mula Manggahan ay magtatraysikel na lamang ako papunta sa amin sa Flexi Homes sa Rosario. Ngayon ko lalong na-miss si Becky, na pabiro kong tinatawag na “drayber kong may Ph.D.”
            Kung normal na araw lang at walang ulan, madali lang naman makakasakay ng taxi pauwi sa amin. Kapag lumabas ako ng ala-siyete, makakasakay ako kaagad pagkababa ko ng “Blue Bridge,” ang overpass sa pagitan ng Ateneo at Miriam na kulay-bughaw at puti. Pero ngayon, may mga pasahero ang mga taxing dumadaan sa harap ko. Mayroon na sanang isa subalit pinagbigyan ko na lamang ang isang mag-nanay na mauna na. Kawawa naman kasi. May isa pa uli sana, naagawan ako ng apat na tin-edyer na takot yatang mahuli sa gimik nila. Pinagbigyan ko rin dahil alam ko, minsan lang sila bata. At finally, may dumaang taxi na bakante. Pinara ko. Medyo sa unahan tumigil. Hinabol ko. Nang tiningnan ko ang drayber nagse-senyas ito ng diretso. Hapi ako dahil diretso nga ako ng Pasig. Sinabi ko sa kaniya na sa Life Homes, Rosario ako. “Ay, diretso lang ako” at agad umalis. Naiinis ako at hindi ko alam kung diretsong langit ko diretsong impiyerno ang ibig niyang sabihin. Liko-liko naman kasi ang mga kalsada rito sa Metro Manila. Kapag may ganitong buwisit na taxi drayber, nagpapakawala ako ng isang sumpa: “Mabangga ka sana!” Pero pinigilan ko ang aking sarili. Nag-deep breathing ako nang tatlong beses. “Pagbigyan mo na rin ang walang hiyang taxi drayber na iyon. Good karma na lamang ang hingin mo sa uniberso,” sabi ko sa aking sarili. Nang tiningnan ko ang aking relo, mag-a-alas-nuwebe na. Mag-i-isang oras na akong nag-aabang ng taxi. Mabuti na lamang at nag-e-exercise na ako. Matibay na muli ang aking mga tuhod.
            Nakasakay rin ako. Pero trapik pa rin sa C5. Kaya usad pagong ang sinakyan kong taxi. Salamat sa Diyos at maayos din akong nakarating sa bahay matapos ng isang oras. Halos nagdoble ang patak ng metro. Sira na naman ang badyet ko. Dahil sa stress na inabot ko, kumain ako ng kaning puti na natira sa kinain nina Sunshine at Aljur. Scrambled egg ang inulam ko. Pagkatapos nag-red tea ako. Ang sarap ng init ng tsaa sa aking lalamunan.
            Mag-aalas-onse na nang makahiga ako sa pamilyar kong kama. Puyat na ako. Alas-nuwebe ang regular kong pagtulog. May kaunting pagkainis akong nararamdaman. Hindi ako inaantok. Pagod ako pero magaan ang pakiramdam ng aking katawan. Naisip kong magsulat pero tinatamad akong bumangon. Naisip kong ipagpatuloy ang pagbasa ng The Lord of the Ring ngunit tinatamad akong kunin sa estante ng librong katabi ng kama ko ang aking iPad2. Naisip kong mang-text kahit kanino subalit ayaw kong mang-istorbo ng mga tao.  Nalulungkot ako at ako’y napangiti. Heto na naman ako sa aking “existential angst.” Naisip ko ang sinabi ng kaibigan kong si Yasmin, sabi niya nang minsang gin-text ko siya dahil depress ako, “John, tiisin mo na lamang ‘yan. Sampung taon na lang hindi mo na kailangan ng lalaki.” Whew! Sampung taon? Ilang daang Biyernes ba iyon na katulad ngayon?”
            Muli nasambit ko ang pangalan ng isang taong matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap. (Well, nakikita ko naman siya linggo-linggo. Sa TV nga lang. At hindi ito si Piolo ha. O kay si Aljur Abrenica, o Roco Nacino kaya.) Kapag nade-depress ako siya ang paborito kong sisihin nang lihim. Sintoma ng isang malalang kaso, as in Stage 4, ng “unrequited love.”  Sabi nga ng amiga kong si Glenn kapag kinukuwento ko ito sa kaniya, “Kawawa naman ‘yung tao walang kaalam-alam at sinisisi mo. May asawa’t mga anak na siya, ano ka ba? Saka hindi naman tayo sigurado kung naging kayo talaga di ba? Kaya lubayan mo na siya. Let go, ‘Miga.”
            Yeah right! ‘Yang letting go na ‘yan, d’yan ako hirap.
            Nagdesisyon akong huwag nang pumasok kinaumagahan sa Ph.D. class ko sa La Salle. Tutal hindi naman talaga ako nag-aabsent dahil bukod sa pagiging “good girl” ay A student ako. Gusto ko munang magpaka-B at maging bad nang kaunti. Nakakapagod ding maging mabait at responsable palagi. Saka parang may kaunting hika ako. Beauty rest lang muna ako at balak kong magpamasahe kay Noel, ang bulag kong masahista na isang makata na habang minamasahe ako ay binibigkas niya ang mga bago niyang tulang nabuo na nasa wikang Sebwano. Paminsan-minsan, gusto ko ring maging hedonista.
            Hindi ko na namalayan kung anong oras akong nakatulog. Nakatulugan ko ang pag-iisip at ang kalungkutang bumabalot na parang sapot sa aking pagkatao.
            Dahil wala nga akong balak pumasok ngayong araw, hindi ako nag-alarm clock. Maliwanag na nang magising ako. Nang tiningnan ko ang oras sa aking selfown, ala-sais y medya na. Magaan na ang aking pakiramdam. Hindi na ako malungkot. Pero ayaw ko pa ring pumasok.
            Naalala ko ang tula ko tungkol sa pagmamahalan nina Tungkung Langit at Alunsina. Nalathala ito sa antolohiyang What the Water Said naming mga makatang Alon na lumabas noong 2004 pa. Muli akong napangiti pagkabasa ko ng aking tulang “Ang Pag-ibig ni Tungkung Langit.” Narito ang dalawang huling saknong:


Subalit tuluyan nang
                        nawala sa buhay ni Tungkung Langit
                        si Alunsina.
                        Sa labis na lungkot
                        nanatili na lamang sa langit
                        ang lalaking diyos at nagmukmok.
                        Sa pagtulo ng kaniyang mga luha
                        umuulan sa buong daigdig.
                        Kapag siya’y humihikbi
                        at tinatawag si Alunsina na bumalik,
                        kumukulog at nabubulabog
                        ang buong mundo.

Ang lahat-lahat
                        ay walang katapusang kalungkutan ng pag-ibig
                        sapagkat imortal ang mga diyos.


            Hinampas ko ng What the Water Said ang aking noo sabay sabing, “Gaga! Matagal mo nang alam ang sagot pa-emote-emote ka pa.”
            Tumatawa akong bumangon, pinatay ang bentilador na nakatutok sa aking kama. Pinakain ko ang tatlong gold fish ko na nasa maliit na akwaryun sa aking sulatang-mesa saka pinatay ang lampshade. Tuwang-tuwa ang tatlong kulay-naranhang mga isda na mistulang malanding palda ang mga buntot. Kinuha ko ang aking t-shirt na nakasabit sa likod ng pinto at isinuot ito. Nakangiti akong lumabas sa aking kuwarto  at hinimas ang ulo ni Aljur na tuwang-tuwang makitang gising na ako. Kapag umuulan ay pinapapasok ko siya ng bahay at sa labas ng kuwarto ko siya natutulog.
            Bumaba ako sa kusina at naghanda ng kape sa coffeemaker. Habang hinihintay ang pag-brew nito, lumabas muna ako at bumili ng pandesal. Nag-uumpisa nang sumikat ang araw. Kay gaan ng aking pakiramdam. Pagbalik ko sa bahay, amoy-kape na hanggang sala. Binuksan ko ang TV at inilipat ang channel sa BBC World. Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Pumapayat na ako. Nakangiti akong parang gaga habang nilalagyan ng krim at kalamay ang aking kape na nasa bulaklaking mug. #


[14 Hulyo 2012 Sabado
Rosario, Lungsod Pasig]   

Friday, July 20, 2012

Akrofobya

Sabi mo may akrofobya ka
subalit bakit sa mga profile pix mo
may larawan kang naka-squat sa damuhan
sa taas ng luntiang bundok.
May larawan ka ring nakaupo sa
pader na adobe sa Intrumuros.
Ako rin naman natutunaw rin
ang mga tuhod kapag dumudungaw
mula sa bintana ng mataas na gusali.
Ni minsan hindi ko pa nasubukang
umakyat ng punong mangga, o santol,
o niyog kaya na masayang ginagawa
ng mga pinsan kong lalaki’t babae
sa baryo namin sa tabing-dagat.

Pero gusto kong lumipad.
Ilang ulit ko na itong napanaginipan.
Kaya kahit duwag ako
pinilit kong matuto ng scuba diving noon
dahil parang paglilipad na rin ito
sa ilalim ng tubig. Kaya nabansagan akong
sirena. Sirena na gustong lumipad
kahit walang namang pakpak.
Parang ikaw, takot sa matataas na lugar
subalit umaakyat pa rin ng bundok,
umuupo sa mataas na pader,
nakangiti at napakaguwapo.

Sabay naman tayong lumipad minsan.                           


[18 Hulyo 2012 Miyerkoles
6:10 n.u. Miriam College]

Wednesday, June 27, 2012

Payreted na Pag-ibig

MATAPOS ng mahigit isang taon, natapos ko ring panoorin ang koreanobelang “Full House.” Pinapanood ko lang kasi ito kapag wala na talaga akong magawa, tulad ngayon, Lunes na maulan at nasa bahay lamang ako dahil wala namang miting sa skul at tinatamad akong ayusin sa aking netbook ang aking koleksiyon ng mga tula at sanaysay na matagal ko na dapat isinumite sa pabliser.
            Mahigit limang taon na yata nang lumabas sa telebisyon ang telenobelang ito subalit hindi ko ito napanood noon dahil wala naman talaga akong panahon at pasensiya na manood ng TV. Pero last year, hindi ko na matandaan kung anong buwan, napadaan ako sa isang tindahan ng mga payreted DVD sa talipapa malapit sa bahay ko at napabili ako ng “Full House.” Ang cute kasi ng larawan ni Rain, ang gumaganap na lalaking bida sa telenobelang ito, sa cover nito.
            Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa tagline sa baba ng pamagat: “Can MistaKe Brings Love, Or Love brings mistaKe?” Oo, as is ang capitalization na sinusubukan pang i-auto correct ng netbook ko. May Koreana rin palang Emily Dickinson? Kakalerki!
            At heto ang pamatay. Ang sinopsis sa likod: “Han Ji-eun (Song decoration) is a network of a novelist, her parents died, my father left her the only Memory Are called a “Full House” the big house. En-chi-chi of the two good friends cheat TU travel abroad, Then secretly put en-chi of the house sold. Chion-in the plane encountered star Lee Young-jae (Rain ornaments), and spit him one, was impressed by each other. Chion home, find themselves become nothing, and Full House are the new owner was Lee Young-jae, Chion British slaughtered look pathetic, but to let Moses TU stay, and employed her to do give their own nanny.” Alam kong hindi na ito kakayanin ng babasa kaya titigilan ko na ang pag-quote dito.
            Sarap nitong gawing exercise sa klase namin sa Literary Translation sa La Salle na may activity na English to English translation. Oo, may ganun. As in gin-translate namin sa Ingles ang tulang Ingles ni Angela Manalang-Gloria na “Soledad.” Kung paano namin ginawa ay ikukuwento ko na sa ibang sanaysay.
            Ganito man kakumplikado ang Ingles ng sinopsis sa cover ng binili kong kopya ng “Full House,” madali naman itong maintindihan kapag ang babasa ay nakapanood na ng koreanobelang ito na malaking hit noon sa GMA7. Ilang beses ko rin narinig noon na may kumakanta ng “May Tatlong Bear” na nakakatawa (actually, corny). Ito ang nag-iisang alam na kanta ni Jessie na napakalaki ng sinasabi tungkol sa karakter nito.
            Ang “Full House” ay kuwento nina Jessie at Justin. Si Jessie, isang ulilang nangangarap maging manunulat. Iniwan sa kaniya ng kaniyang arkitektong tatay ang isang malaki at magandang bahay sa tabing-dagat na tinatawag nilang “Full House” dahil puno ito ng pagmamahal. Si Justin naman isang sikat na singer at artista sa Korea. Nagtagpo ang kanilang landas nang magkasakay sila sa eroplano papuntang abrod (na nakalimutan ko na kung anong bansa). Sinukahan ni Jessie si Justin.
            Niloko si Jessie ng kaniyang dalawang matalik na kaibigan. Binigyan nila siya ng libreng trip abroad kunwari at iyun pala ay ibebenta nila ang “Full House” pagkaalis ni Jessie. Si Jessie naman naubusan ng pera sa pinuntahan nitong bansa. Buti na lamang at sa iisang hotel sila nakatira ni Justin. Kinapalan niya ang kaniyang mukha at pinuntahan ang artista sa kuwarto nito upang hiraman ng pera. Nag-promise siyang magbabayad pagbalik nila ng Korea.
            Pag-uwi ni Jessie, na-shock siya at naibenta na ang kaniyang bahay. At ang nakabili pa ay si Justin. Dahil walang matirhan si Jessie, pumayag si Justin na doon pa rin siya titira subalit kailangan niyang magluto at maglinis ng bahay. Walang nang magawa pa si Jessie. Hanggang sa dumating sa punto na nagkasundo silang magpakasal dahil gusto ni Justin saktan ang bestfriend na ex-girlfriend na stylist nito na si Lorraine, ang babaeng karakter sa telenobela na palagi kong sinisigawan at kung katabi ko lang ay ilang beses ko nang nabatukan at nasampal. In love kasi si Justin kay Lorraine subalit iba naman ang gusto nito. Dahil ma-pride si Justin, binayaran nito si Jessie na magpanggap na asawa niya. Nakita naman ito ni Jessie na oportunidad upang mabawi ang “Full House.”
            Nakakakilig ang mga eksena ng honeymoon sa Thailand nina Jessie at Justin. Siyempre may dagat at may mga bogamvilya kung kaya’t inggit na inggit ako. Kahit na kunwari lamang ang honeymoon na ito, halos mawawalan ako ng hininga sa eksenang magkaangkas sa bisekleta ang dalawa at naka-sleeveless si Justin na si Rain na kamukha ng isa sa mga imaginary boyfriend ko. Masaya at emotional roller coaster ang buhay “mag-asawa” nina Jessie at Justin sa “Full House.” Siyempre nakakairita ang mga pag-eeksena ni Lorraine. Dagdagan pa ni super guwapong si Luigi na half-British at half-Koreano. (Pero siyempre, kay Rain pa rin ako. Gusto ko ng purong Asiano.)
            Masaya ang kuwento ng apat dahil pareho silang mga sinto-sinto: Si Justin, in love kay Lorraine. Si Lorraine, in love kay Luigi. Si Luigi, in love kay Jessie. Si Jessie, in love kay Justin. Ayokong tawagin itong love rectangle kasi masyado nang cliché. Siyempre dahil kuwento ng pag-ibig ito nina Jessie at Justin, sila ang nagkatuluyan sa katapusan. Kasi kung hindi, baka biglang magrebolusyon ang kalahati ng South Korea at ng Filipinas.
            Bakit marami ang nahuhumaling sa panonood ng mga telenobela na paulit-ulit lamang ang tema ng walang kamatayang pag-ibig? Simple ang rason. Dahil bahagi ng buhay natin bilang tao ang pag-ibig. Lahat tayo ay umibig, umiibig, at iibig. Maganda man o masama ang karanasan natin sa larangang ito ng buhay, hindi pa rin nababawasan ang halaga ng pag-ibig.
            Sa mga telenobela kasi tulad ng “Full House,” bagamat sa una ay pinahihirapan nang bonggang-bongga ang mga bida, talagang magkakatuluyan sila sa ending. Talagang patutunayan ng mga ito ang katotohanan sa likod ng kasabihang, “Anong haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.” Iyon nga lang, kapag telenobela ng ABS-CBN at GMA7 ito, lumpasay na sa pagod at pagkainip ang mga nagpuprusisyon ay pasikot-sikot pa rin ito at talo ang prusisyon kapag pista ng Itim na Nazareno. Lalo na kapag nagri-rate ito. Gagawa sila at gagawa ng paraan upang mas lalo itong hahaba at kikita. Ito ang ikinaiiba ng mga koreanobela. Tight ang kanilang story line. Iisang kuwento lang at tinatapos nila ito nang maayos. Gaya nitong “Full House” na klaro ang simpleng kuwento at iisa ang climax kung kaya masayang panoorin at hindi nakakabagot. Hindi masyadong maaapektuhan ang kung ano mang IQ mayroon ka.
            Nang sa wakas ay nagtapat si Justin ng kaniyang pagmamahal kay Jessie, napaiyak ako sa tuwa. Ang ganda! Nakakainggit! Sana may kasing guwapo at seksi rin ni Rain na magtatapat sa akin nang ganito at sa isang napakagandang bahay pa sa tabi ng dagat. Alam kong hindi lamang ako ang nag-iisang luka-luka na ganito ang naging reaksiyon sa ending ng “Full House.” Ito ang halina at kapangyarihan ng mga walang kamatayang kuwento ng pag-ibig. Malinis kasi ang istruktura ng kuwento. Nakakahon sa isang likhang-isip na daigdig lamang. Sa totoong buhay kasi, palaging complicated ang status ng pag-ibig. Hindi lamang iisa o dadalawa ang mga kontrabida. Kung minsan buong mundo ang kokontra. Kung minsan relihiyon. Kung minsan kapamilya. Kung minsan ang panahon. At kung minsan, ang tadhana mismo. Kaya nga sabi ni Ricky Lee sa kaniyang postmoderno (raw) na nobelang Para kay B., “dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin.” Tanungin ko ako kung ilang beses na-devastate ng pag-ibig. Ihahampas ko sa ‘yo ang pito kong libro ng mga tula! Kung bigo man tayo sa pag-ibig ngayon, huwag tayong magpakamatay, hindi tayo nag-iisa, Ineng.
            Ang iniaalay sa manonood ng mga palabas tulad ng “Full House” ay vicarious experience. Kaya tayo kinikilig. Kaya sa paghalik at pagyakap ni Justin kay Jessie ay parang tayo na rin ang hinalikan at niyakap. Okey lang ‘yan. Mas dignified pa naman ang vicarious experience kaysa pag-iilusyon. Subalit wala rin namang mali sa pag-iilusyon. ‘Ika nga nila, hanggat may buhay, may pag-asa. E, paano kung umaasa sa wala? Okey lang. Tulad ng pangarap, libre rin ang umasa. Paano kung mabaliw sa kaaasa? Okey lang basta hindi ka bayolente. Huwag ismolin ang biyayang hatid ng pagiging baliw. Isa itong kalayaan ng isipan, kalayaan sa responsabilidad na mag-isip. Ang hirap kaya mag-isip. Saka, hello, hindi mo kaya alam na baliw ka kung totoong baliw ka na. Kaya okey lang. Ayon nga sa isang kasabihang Ingles, “What you don’t know won’t hurt you.” Kung baliw ka na, hindi mo kailanman malalaman na baliw ka. Mas lalong nakakabaliw ‘di vah?
            Kung minsan naman, pakiramdam natin na parang telenobela o sine ang buhay. Tulad na lamang noong nakaraang linggo. Nag-organisa ang mga kaibigan ko sa Miriam College ng isang surprise na engagement party para sa kaibigan naming si Janet na guro ng kasaysayan at kapapanalo pa lamang ng “Young Historian’s Prize for National History” mula sa National Commission for Culture and the Arts. Kinutsaba kasi ni Weng, boyfriend niya, ang dalawang kaibigan namin na yayain si Janet na mag-karaoke bar. Mula Saudi kung saan siya nagtatrabaho bilang nars ay uuwi siya. Mula airport ay didiretso siya ng karaoke bar na nasa Katipunan Avenue. Isang linggo bago niyon ay inimbitahan nila ako. Siyempre tumaas ang kilay ko dahil bakit naman kami maka-karaoke e wala namang okasyon, kauumpisa lang ng klase, kalagitnaan ng linggo at may 7:30 class ako, o kami, kinaumagahan. Nang sinabi sa akin ang surprise na pagpo-propose, hindi na ako makahindi. Dapat kasama ako sa isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ni Janet, isang bagong kaibigan na napamahal na sa akin nang lubusan. Mapuyat na kung mapuyat! Bahala na si Batman.
            At iyon nga, si Janet na walang malay ay pinagkaisahan naming lahat. Nagulat siya nang makita si Weng sa pinto ng karaoke room, may hawak-hawak na pulang rosas at maliit na box ng engagement ring. Napatili kami lahat nang lumuhod si Weng at inialay ang bulaklak at singsing kay Janet. Salamat sa Diyos at walang umiyak. Dahil kung mayroon, makikiiyak din ako. Iyak ng ligaya para kay Janet. Iyak ng inggit para sa aking sarili. At iyak ng pasasalamat para sa pag-ibig.
            Sabi ni Janet na feeling mahabang-mahaba ang hair kaya ang sarap kalbuhin gamit ang paper cutter na kalawangin, akala raw niya sa pelikula lang iyon nangyayari. Ang tagal daw mag-sink in sa kaniya na totoong nangyayari iyon. Kunsabagay, hindi natin siya masisisi. Sanay kasi tayong mapanood ito sa TV at pinilakang tabing lamang at kung nangyayari na sa atin ay tila telenobela at pelikula nga ang dating. Kung minsan talaga, ang buhay ay parang telenobela at pelikula.
            Ngayon, “can mistake brings love, or love brings mistake?” Whatever! Bakit ko kailangan sagutin ‘yan? Baka mabaliw pa ako. Not worth it.
            Maniwala na lamang tayo na pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nandito sa mundo ngayon. Matagal nang sinabi sa akin ng isang kaibigan na ang buhay raw ay talagang ganiyan, parang life! Ibig sabihin, mahirap unawain ang pag-ibig gaya ng buhay sapagkat ang pag-ibig ay parang love. Kaya pagdating sa pag-ibig, maging idolo at modelo natin dapat si Kris Aquino. Iyung gora lang nang gora, walang preno, parang bunganga niya. Walang pakialam madungisan man ang reputasyon ng hasyenderong pamilya at mapabaluktot sa hiya ang bayaning tatay at santang nanay sa kanilang mga hukay. Hindi lang talaga marunong umarte sa telenobela at pelikula si Kris Aquino pero pagdating sa pag-ibig, saludo ako sa kaniya, siya ang aking idolo, duwag nga lang ako kaya hanggang ngayon, magti-39 na ako, wala pa ring nangyayari sa love life ko. Buti na lang may karir ako at prolific na sirenang manunulat ng mga nakakalokang sanaysay tulad nito.
            Ang moral lesson na natutunan ko sa panonood ng “Full House?” Kung walang mahingi, makuha, mabili, marentahan, maagaw, o madekwat na orihinal na pag-ibig, magkasya na lamang sa payreted. Gorabells! Klingalingdingdong!


 Para kina Janet Reguindin at William Estella,
na in fairness, orihinal ang pag-ibig sa isa’t isa.
  
[25 Hunyo 2012
Lungsod Pasig]

Monday, June 11, 2012

Paglalakad Kasama ang Sarili

BAGO pa man mag-alasais nandito na ako sa Miriam. Lunes ngayon at mamayang hapon ay may faculty meeting kami bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase sa Miyerkoles. Maaga ako dahil naisip kong maglakad at mag-ayos ng aking mesang-sulatan sa faculty room. Manghihiram din ako ng mga libro sa laybrari at susubukan kong tapusin ang pagrebisa ng silabus ng ituturo ko sa English Department na elective course, ang Popular Literature and Creative Writing.
            Sandamakmak ang mga gawain. Pero normal lamang ito. Mahigit dalawang buwan din akong nagbakasyon. Dapat lang na magtrabaho na ako ngayon. Kasabay ng panatang maging mas masipag na guro ngayong taong akademiko, nais ko ring maging mas malusog ngayon. Ibig sabihin, kailangan kong mag-exercise at bantayan ang aking mga kakainin at iinumin na hindi makakapagpalala sa aking dayabetes at hypertension. (Sa mga kaaway ko dyan, huwag muna kayong magdiwang. Borderline case lang ang aking blood sugar at blood pressure. Kasing lakas pa ako ng isang malanding kabayo!)
            Sabi ko nga sa kaibigan kong manunulat at doktor na si Alice nang magkita kami sa Mall of Asia noong nakaraang Lunes, magpapalusog ako upang ma-enjoy ko naman ang mga mamanahin ko at hindi pa ako naka-wheel chair kung tatanggapin ko ang aking National Artist Award at Nobel Prize for Literature. Siyempre tawanan kami ni Alice. Pero why not? Ang number one philosophy in life pa naman namin ay, “Kung talagang para sa ‘yo, para sa ‘yo talaga ‘yan.” Yeah, right. Parang ilusyon ko noon na para talaga kami sa isa’t isa ni Piolo Pascual. Kunsabagay, libre naman ang mangarap. Basta alam mong nag-iilusyon ka lang ay okey ka pa. Mahirap lang naman kung hindi mo alam na ilusyunada ka.
            Ang sarap maglakad dito sa Miriam. Marami kasing punongkahoy, mga luntiang halaman at damuhan, at sari-saring mga bulaklak. Nag-umpisa akong lumakad sa harap ng mini-forest papuntang Child Study Center. Pagkatapos kumaliwa papuntang High School. May mahabang daanan na nalilinyahan ng mga punong kalatsutsi na hitik sa mga puting bulaklak. Ang sanga at puno ng mga ito ay pinupuluputan ng halamang manaog-ka-irog na preskang-preska ang pagkaluntian. Mula High School ay bumaba ako patungong direksiyon ng Katipunan at bago pa man lumampas ng Elementary, kumaliwa uli sa makitid na simentadong daanan na ang tawag ay Bauhinia Pathway sapagkat nalililiman ito ng malalaking puno ng alibangbang na kapag panahon ng pamumulaklak nito ay nakakabaliw pagmasdan ang mga hugis-orkidyas nitong kulay-lilang mga bulaklak. Magtatapos (o mag-uumpisa kung nasa College ka manggagaling) ang daanang ito sa maliit ngunit magandang gusali ng Environmental Studies Institute. Mula roon kumanan ako at nadaanan ko ang grotto. Naglakad pa ako at muli’y matatagpuan ko ang aking sarili sa Mini-forest. Tatlong libot nito ang tatlumpung minuto. Ang sarap kasi marami ako nakikitang mga punongkahoy tulad ng santol, mahogani, akasya, baring-baring, arbol del fuego, at mga kumpol ng kawayan katulad na lamang ng nasa High School.
            Sa mga pagkakatong ganito mare-realize ko kung gaano ako ka palad. Alam talaga ng Diyos kung saan niya ako ilalagay. Alam kasi ng Diyos na mababaw lang ang kaligayahan ko. Makakapaglakad lang ako sa lilim ng mga punongkahoy, o makaupo sa isang tagong dalampasigan, ay masayang-masaya na ako. Ngayong nandito ako sa Metro Manila, saan pa ba ako puwedeng maging masaya kundi sa isang paaralan na maraming halaman. Isa kasing malawak na hardin ang Miriam College.
            Minsan, tumawid kami ni ng idolo at kaibigan kong makatang si Becky sa “friendship bridge” sa ibabaw ng malaking kanal sa pagitan ng Miriam at Ateneo de Manila University. Naglakad kami roon sa mga gubat-gubat sa likurang bahagi ng Ateneo. Parang ibang mundo ito. Parang sekretong lalawigan sa lungsod. Takipsilim iyon kung kaya mala-mahika ang pakiramdam. Mahiwaga talaga ang buhay. Noong 1997 nang una kong mabasa ang unang libro ni Becky at agarang humanga ako nang husto sa kaniyang mga tula, ni sa hinagap hindi ko naisip noon na darating ang araw na makakasama ko siyang maglakad isang takipsilim sa isang makahoy na pook. Na parang kami lang dalawa sa buong mundo. Na sa maikling panahon masosolo ko siya. Na kahit sa mga sandaling hindi kami nag-uusap, nakikipag-ugnayan pa rin ang kaluluwa namin sa isa’t isa. Isang dalisay at banal na regalo ng buhay ang pagkakataong iyon!
            Kanina, habang naglalakad akong mag-isa, punong-puno ng pasasalamat sa Poong Maykapal ang aking kasingkasing. Sa kabila ng mga problema at dagok sa buhay, patuloy pa rin akong binibigyan ng Diyos ng dahilan para mabuhay at maniwalang maganda pa rin ang daigdig.
            Mag-isa ako kanina subalit hindi ako malungkot. Kakaibang ligaya ang dulot ng paglalakad kasama ang sarili.
 
[11 Hunyo 2012
  Miriam College]   

Sunday, June 10, 2012

Talo

SA unang pagkakataon nanood ako ng laban ni Manny Pacquiao. Sa unang pagkakataon ipinagdasal ko na matalo siya. Nagalit kasi ako nang magsalita siya laban ng sa aming mga bading at lesbiyana. Hindi ko gusto ang tabas ng dila niya bilang trying hard na pastor.  
            Sa mga unang laban ni Pacquiao, nagdadasal talaga ako na manalo siya at sana huwag siyang masaktan nang husto. Bilib kasi ako sa kaniya na sa kabila ng kahirapan sa buhay, nagsikap siya at naging pinakamagaling na boksingero sa buong mundo. Hindi lang ako nanonood ng mga laban niya noon dahil hindi ko kayang manood ng dalawang taong nagsusuntukan. Masyado itong barbaric para sa aking sensibilidad.
            Pero kanina, nanood talaga ako. Inimbitahan ako ng kaibigan kong filmmaker na makinood sa bahay niya dahil mayroon siyang pay per view. Gusto kong panoorin nang live ang laban ni Pacquiao upang live ko ring ipagdasal na sa kada suntok ni Timothy Bradley ay tatamaan siya. Gusto ko talagang matumba si Pacquiao!
            Nasa isang seminaryo na nasa taas ng bundok sa Lungsod Iligan ako noong Mayo nang bumalandra sa akin ang balita sa front page ng Inquirer na sinabi ni Pacquiao na ayon sa Bibliya mapupunta sa impiyerno ang mga homoseksuwal. Tumaas ang presyon ko at agad na ipinakita kay J. Neil C. Garcia ang balita. Magkasama kasi kaming panelist sa Iligan National Writers Workshop doon. Kahit alam kong hindi ko kayang makipagsuntukan, gusto kong hamunin ng suntukan si Pacquiao!
            Nang mga sumunod na araw, sinabi naman ni Pacquiao na misquoted lang siya. Mahal daw niya ang mga bakla. Kaya lang, sinasabi talaga sa Bibliya na kasalanan ang homoseksuwalidad at dahil dito ay hindi niya susuportahan ang gay marriages. Lalo akong nairita. Trying hard na pastor! Ang mga pari nga, apat na taon nag-aaral ng Pilosopiya at apat na taong nag-aaral ng Teolohiya. Siya, nagboksing lang, nag-trying hard na mag-interpret ng Bibliya. Hirap na hirap siyang magbasa at magsalita ng Ingles pero Ingles na Bibliya talaga ang kino-quote niya kahit na elegante naman ang salin ng Bibliya sa Sebwano.
            Nakakabuwisit! Bakit hindi ang mga kurap na politikong dumidikit sa kaniya ang pagsabihan niyang mapupunta sa impiyerno? Naku, sa Ten Commandments pa lamang ay may mako-quote ni siya. Halimbawa, “Thou shalt not steal.”
            Kaya masaya ako na natalo siya. At mas masaya ako habang pinapakinggan at binabasa sa Facebook ang maraming teorya tungkol sa pagkatalo ni Pacquiao na mabilis na nagsilabasan pagkatapos ng laban.
            Una, na-leyt siya sa laban dahil nanood pa siya ng basketball at natalo pa ang sinusuportahan niyang koponan. Hindi siya nakapag-warm up. Masyado na bang yumabang si Pacquiao at carry na niyang ma-leyt sa laban? Nagiging unprofessional na ba ang the best boxer in the world? Lumaki na masyado ang ulo?
            Pangalawa, hindi raw talaga ang panonood ng basketbol ang dahilan kung bakit na-leyt si Pacquiao. Panandalian siyang kinidnap ng Mafia at sinabihang magpatalo siya.
            Pangatlo, sabi ng kaibigan kong scriptwriter, scripted daw itong pagkatalo niya kaya kitang-kita na hindi masyadong affected si Pacquiao nang gin-announce na si Bradley ang panalo. Malaki raw kasi ang utang ni Pacquiao kay Bob Arum. Dahil ito sa hindi masyadong maka-Diyos na lifestyle ng Pambansang Kamao. Natatalo raw ito sa kasino ng milyong-milyong dolyar. Kung kaya kahit konggresman na si Pacquiao at hindi na bagay ang pagbo-boxing at tumatanda na siya (matanda na ang edad 30 para sa isang atleta) ay boxing pa rin siya nang boxing. Ang script ay ganito. Magpapatalo muna si Pacquiao ngayon para mas malaking commercial event ang re-match nila ni Bradley. Sa re-match, siyempre si Pacquiao na ang panalo. Akala ko pa naman ang yaman-yaman na ni Ninong Manny.
            Pang-apat, sina Senador Miriam Defensor-Santiago at ang napatalsik na Chief Justice Renato Corona ang mga hurado. Siyempre, galit sila sa mga konggresista kayo pinatalo nila si Pacquiao!
            Nakakaloka di ba?
            Pero heto ang pinaniniwalaan ko. Natalo si Pacquiao dahil sabay-sabay na nagdasal ang milyon-milyong bading at lesbiyana sa buong bansa na matalo siya. Dapat alam na ngayon ni Pastor Pacquiao na ang mga homoseksuwal ay pinakikinggan din ng Diyos. Wala ito sa Bibliya kaya alam kong litong-lito na ang boksingerong talo.


[10 Hunyo 2012 Dominggo

Lungsod Pasig]