Ang ekokritisismo ayon kay Santos ay “pag-aaral ng ugnayan ng literatura at pisikal na kapaligiran na tumututok sa daigdig at hindi sa tao o lipunan lamang.” Sa librong Ecocriticism ni Greg Garrard, sinipi niya ang depenisyon ni C. Glofelty mula sa introduksiyon nitong huli sa librong inedit na The Ecocriticism Reader: Landmarks in Literary Ecology.
What
then is ecocriticism? Simply put, ecocriticism is the study of the relationship
between literature and the physical environment. Just as feminist criticism
examines language and literature from a gender-conscious perspective, and
Marxist criticism brings an awareness of modes of production and economic class
to its reading of texts, ecocriticism takes an earth-centered approach to
literary studies.
(Glofelty 1996: xix)
Sa pagbabasang ekokritisismo, mahalagang matutugunan ang ilang mga katulad nitong mga inilahad ni Glofelty: 1. How is nature represented in this sonnet? 2. How has the concept of wilderness changed over time? 3. How is science itself open to literary analysis? At 4. What cross-fertilization is possible between literary studies and environmental discourse in related disciplines such as history, philosophy, psychology, art history, and ethics?”
Kung gayon ayon kay Garrard, ang ekokritisismo ay “an avowedly political mode of analysis, as the comparison with feminism and Marxism suggests. Ecocritics generally tie their cultural analyses explicitly to a ‘green’ moral and political agenda.” (3)
Ayon kay Santos, kaakitbat ng ekokritisismo ay ang mga sumusunod: ekotula, ekopanulaan, ekomakata, ekofeminismo, at eko-sublime. Gusto kong tumutok sa unang tatlong nabanggit.
Nagbigay si Santos ng mga halimbawang sulatin mula sa luma at bagong panulaang Bikol. Napansin niya na “palaging may bagyo sa mga sinulat ng mga manunulat na Bikolano.” Narito ang isang lumang rawitdawit, tula sa wikang Bikol, tungkol sa hangin: “Kun duros ang itinanom / Bagyo an aanihon (Kung hangin ang itinanim / Bagyo ang aanihin.).” Sa lente ng ekokritisismo, napakalaki ng aral na itinuturo ng maikling tulang ito sa mambabasa. Kung magtatanim ka nga naman ng hangin, tiyak bagyo ang magiging produkto nito dahil ano pa nga ba ang bagyo kundi isang napakalakas na hangin. Gaya nga ng sabi ni Santos, “tao rin ang sumisira sa kalikasan.”
Maaari din namang isang talinghaga lamang ang hangin sa tula. Isang interpretasyon dito ay kung gumawa ka ng mga kasamaan sa iba’t ibang tao, dadating ang araw na babalik ang lahat ng mga kasamaang ito sa iyo. “Gaba” ang tawag namin dito sa Panay. Karma naman para sa karamihan. Subalit mas maganda at mas makapangyarihan pala ang tulang ito kung babasahin sa paraang ekokritisismo. Ito ang sinasabi kong “bagong luma.” Bagong pananaw subalit luma ang aral na makukuha. Bagong pagbasa sa isang lumang teksto.
Sinuri naman ni Gabriel Egan ang mga dula ni William Shakespeare gamit ang ekokritisismo sa kaniyang librong Green Shakespeare: From Ecopolitics to Ecocriticism. Nadiskubre niya na, “The new science invokes ideas not current since Shakespeare’s time, although reached by completely different routes. We can revisit the philosophical implications of those old ideas, which is what the plays reflect upon, to see the implications of the new science on our sense of who we are. (175)” Muli, ang konsepto ng bagong luma.
Ibinuhos ni Santos ang kaniyang talino at lakas bilang iskolar at edukador sa pag-aaral ng literatura at kulturang Bikol. Siya mismo ay taga-Bikol. Kung kaya marami siyang alam tungkol sa bahaging ito ng Filipinas. Katulad na lamang ng paliwanag niya kung bakit ganoon na lamang kahalaga sa mga taga-Bikol ang sili. Kahit umano sinira ng bagyo ang kabahayan, uunahin ng mga Bikolanong ayusin ang kanilang taniman ng sili. Bakit? Dahil kahit basa sila, nawawala ang nararamdamang lamig kapag kumakain ng sili. Ngayon mas naiintindihan ko na ang kagandahan at sarap ng Bikol express bilang isang napakaanghang na pagkain.
Si Honesto M. Pesino, Jr. ang isa sa mga makatang Bikolano na binanggit ni Santos sa kaniyang panayam. Heto ang isang tula ni Pesimo mula sa kaniyang librong Bagyo sa Oktubre:
Balintuna
sa Tag-init
Tinatanong mo ang langit
Kung bakit nag-aalburuto ang kanyang hangin
At bumubulwak ang kanyang ulan
Ngayong tag-init.
Di ba kahapon,
Nakadikit ang ‘yong mga mata sa TV
Habang nilalaklak mo ang nagyeyelong Coke Zero
Na bumubuhos sa ‘yong baga?
Di ba kagabi,
Plastik ang ‘yong pakiramdam
Habang umuusok ang tambutso ng ‘yong Delica
Dahil nakikipagtalik ka sa aircon?
Ngayon nga,
Bagyo ka sa ‘yong shower
At delubyo itong nambubugbog
Sa ‘yong anit at ulo
Ngunit wala namang
Pumapasok sa ‘yong kamalayan. (110)
Hayagang sinasabi ng tula na tayo
naman talagang mga tao ang dahilan kung bakit mayroong pagbabago sa klima ng
daigdig, kung bakit kahit tag-araw ay bigla na lamang babagyo o bubuhos ang
malakas na ulan. Hindi na nga natin alam ngayon kung kailan nag-uumpisa at
nagtatapos ang tag-ulan at tag-araw. Kung binabaha tayo nang bonggang-bongga o
walang pakundangan ang lakas ng mga sunod-sunod na bagyo, nagtataka pa tayo. Gamit
tayo nang gamit ng gasolina upang magkaroon ng tayo ng kuryente upang
makapagbabad tayo sa panonood ng TV at hindi na tayo mabubuhay kung wala tayong
ref at ercon, mga aplayanses na mapanira sa kalikasan. Gustong-gusto ko ang
imahen ni Pesino na “nakikipagtalik sa aircon.” Napakatalas na paglalarawan ito
sa halos manyakan na relasyon natin sa teknolohiya na mapanaira sa kapaligiran.
Parang sex kaya nasasarapan tayo masayado at naaadik na rito.
Ganito ang sinasabi sa kasabihang
“kapag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin.” Dahil ayaw ng taong isuko ang
maluhong pamumuhay kahit na mapanira sa kapaligiran, nasisira ang kapalagiran
natin. At kapag mangyari ito (at nangyayari na nga), lahat naman damay. Lalong
nabubuko na tayong mga tao ay may pagkatanga o mga tanga na nga. Wala tayong natutunan
sa ating masasamang karanasan. Binaha ang malaking bahagi ng Metro Manila noong
2009 dahil sa Bagyo Ondoy. Baha ito na pinalala ng mga basurang itinapon natin
sa mga ilog, estero, at kanal. Natuto ba tayo? Hindi. Tuloy pa rin ang pagtapon
ng mga plastik at iba pang di-nabubulok na bagay sa mga ilog, estero, at kanal.
Pagkatapos kung bumaha na naman, isisisi natin ito sa Diyos. Tatawagin nating “acts
of God.” Ang masaklap pa nito, ang mga mayaman lamang ang mahilig gumamit ng mga bagay na itong nakakasira sa kalikasan. Ang mga mahirap, na marami sa kanila ni walang bahay, ay nabibiktima rin ng abnormal na panahon. Sa larangang internasyonal, ang mga mayayamang bansa katulad ng Estados Unidos ang mas mapanira ang lifestyle sa kalikasan. Sa kapal ng mukha ng mga Amerikano, sila mismo ang ayaw pumirma sa internasyonal na kasunduan na bawasan ang pagsusunog ng langis para maparahan ang pag-iinit ng mundo. Sila ang kontrabida sa Earth Summit sa Copenhagen noong 2009.
Naalala ko rin ang tulang Kinaray-a na “Andut Nagbaha sa Norte” (Bakit Bumaha sa Norte) ni Maria Milagros Geremia-Lachica sa kaniyang librong Ang Pagsulat… Bayi (Ang Pagsulat…Babae). Sabi sa unang saknong, “Kag mamangkot pa ‘kaw / ikaw nga nangompra / ka oring sa Sebaste (At nagtanong ka pa / ikaw na namakyaw / ng uling sa Sebaste). [36]” Maraming tao ang hindi naiintindihan ang nangyayari sa ating kapaligiran, katulad na lamang ng kausap ng persona sa tulang ito. Nagtatanong kung bakit bumaha sa norteng bahagi ng Antique (kung nasaan ang bayan ng Sebaste) e, hanapbuhay naman niya ang pamimili ng uling doon. Pinuputol ang mga kahoy upang gawing uling. Nakakalbo ang bundok dahil sa uling. Kapag kalbo na ang kabundukan at kagubatan, wala nang mga ugat ng kahoy na sisipsip sa tubig-ulan kung kaya kapag bumuhos nang malakas, natitibag ang bundok at bumabaha sa kapatagan.
Magandang gawin sa iba pang mga literaturang bernakular ang ginawang ito ni Santos sa literaturang Bikol. Sa katunayan, sa libro ng mga maikling kuwento ng Sebuwanong manunulat na si Ernesto Lariosa na inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu, tumutok si Yu sa kaniyang introduksiyon, na may pamagat na “Ernesto Lariosa and Nature in His Works,” sa mga konsepto ng kapaligiran at kalikasan sa mga akda ni Lariosa. Tinapos ni Yu ang kaniyang introduksiyon sa,
“The stories collected here, reveal that the
celebration of human life as well as the degradation along with the desecration
of the natural world is not simply a mistake—there are better alternatives and
choices. For the reader to simply shrug them off is to become complicit in the
very exploitation that the stories represent. The force of Lariosa’s narratives
lies in bringing to public light the material conditions and underpinning
relations that are often ignored, and giving them moral significance (Crack Shot 25-26).”
Panahon na nga upang balikan natin sa paglikha at pag-aaral ng ating literatura ang sagradong ugnayan nating mga tao sa kalikasan. Sa ganitong paraan lamang natin maisalba ang ating sarili at ang ating pisikal na kalibutan.
Talasanggunian
Egan, Gabriel. Green Shakespeare: From Ecopolitics to
Ecocriticism. London: Routledge, 2006.
Garrad, Greg. Ecocriticism. London: Routledge, 2004.Geremia-Lachica, Maria Milagros. Ang Pagsulat…Bayi. Lungsod Iloilo: University of San Agustin Publishing House, 2006.
Lariosa, Ernesto D. Crack Shot and Other Stories. Inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.
Pesimo, Honesto M. Jr. Bagyo sa Oktubre. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 2008.
Yu, Hope Sabanpan. “Ernesto Lariosa and Nature in His Work” sa Crack Shot and Other Stories ni Ernestor Lariosa. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.
[Hunyo
2011
Lungsod
Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.