Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Tuesday, July 24, 2012

Si Tungkung Langit sa Katipunan

MAY mga pagkakataon talaga katulad kagabi na tila kay hirap umuwi mula Katipunan papuntang Rosario, Pasig. Lalo na kung umuulan at awtomatikong dumudoble ang trapik, maiinit ang ulo ng mga drayber, at nagiging super-maarte ang mga taxi drayber. Dagdagan pa na Biyernes at ang mga may pera ay lumalabas at gumigimik dala ang kanilang mga sasakyan. Kabisado ko na kung paano kalamayin ang loob ko kapag ganito upang huwag akong magalit sa mundo at maawa sa aking sarili.
            May isang pangit na pelikula sina Marian Rivera at Dingdong Dantes na kinapulutan ko ng aral sa buhay kapag nasa ganito akong basa na sitwasyon. (Oo naman, may mga silbi rin kahit paano ang mga pangit na sine.) Sabi ng karakter ni Marian, ang sabi raw ng nanay niya (Si Jacklyn Jose ang gumanap) kapag umuulan at wala kang payong, makisilong ka muna. Kung wala kang masilungan, i-enjoy mo na lamang ang ulan.
            Ganito nga ang ginagawa ko katulad na lamang kagabi. Alasais natapos ang klase ko. Dahil Philippine Literature ito at nagtsika lang naman ako tungkol sa mga manunulat ng Kanlurang Bisayas tulad nina Leoncio P. Deriada, Maria Luisa S. Defante-Gibraltar, at Alice Tan Gonzales, magaang-magaan ang aking pakiramdam. Ngunit habang naglalakad ako mula klasrum papuntang faculty room, naririnig kong kumukulog. Nang sinilip ko ang kalangitan, naku, nag-aalburuto nga si Tungkung Langit at muli’y isinisigaw ang pangalan ni Alunsina na bumalik na. Mukhang bonggang-bonggang pag-iyak ng kalangitan ang bumabadya.
            Noong nakaraang linggo lang namin tinalakay sa klase ang love story nina Tungkung Langit at Alunsina. Mga diyos sila mula sa mito ng mga sinaunang taga-Panay. Selosa si Alunsina kung kaya pinalayas siya ni Tungkung Langit. Nang lumayas si Alunsina biglang nangulila sa kaniya si Tungkong Langit at hinanap siya. Ngunit hindi na matagpuan sa kalawakan si Alunsina. Sa labis na lungkot, itinapon ni Tungkong Langit ang mga naiwang gamit ng asawa. Ang gintong korona ay naging araw. Ang suklay ay naging buwan. Naging mga bituin naman ang beads ng kuwintas ni Alunsina. Kaya nalikha ang mundo. Kaya nga lang, kapag tinatawag ni Tungkung Langit si Alunsina, kumukulog. Kapag umiyak naman ito, umuulan sa buong mundo. Napakaromantiko di ba?
            Nagdesisyon akong magtsek na lamang muna ng e-mail. (Kuripot kasi ako kaya wala akong Internet connection sa bahay. Libre naman kasi ang wifi sa skul.) Hihintayin ko na lamang ang pagbagsak ng ulan at ng paghupa nito. Maya-maya ay pumasok ang mga kaguro kong sina John Boy (Ako kasi ang John Girl dahil dalawa kaming John sa aming departamento at pareho pang nagsisimula sa letrang T ang apelyido. Noong pa man ay nagpagkakamalan na kaming iisang tao palagi. Ikukuwento ko ito sa ibang sanaysay.) at Gel.
            “Naku, uulan na,” halos sabay nilang sabi. Mabilis na nag-ayos si John Boy ng kaniyang mga gamit. Uuwi na siya bago pa man maabutan ng ulan. Nasa UP Village lang kasi sila nakatira. Agad siyang umalis.
            Si Gel naman, umupo at nagsuklay ng kaniyang mahabang buhok. “Iniisip ko kung magdyi-gym muna ako bago umuwi. Palilipasin ko na rin lamang siguro ang ulan,” sabi niya.
            “Ganiyan ang gagawin ko. Mag-i-Internet lang muna ako.,” sagot ko.
            “Saka matrapik pa di ba? Lalo nga ngayon Friday at uulan pa. Good luck sa atin,” dagdag pa niya.
            “Korak,” pagsang-ayon ko.
            “Sama ka na lang sa akin mag-gym para masaya,” anyaya niya.
            “Di ba nakapag-gym na ako after lunch kanina?” sagot ko.
            “Ay, oo nga pala. Sige, akyat na ako sa gym. Hintayin mo ako ha. Sabay tayo lumabas,” paalam niya.
           Nasa ikaapat na palapag ang wellness center ng aming kolehiyo. Tatlong linggo na akong nagdyi-gym at gumagaan na nga ang aking pakiramdam. Lalo nang lumuluwag ang aking mga damit. Noong nakaraang taon pa kasi akong naging maingat sa uri at klase ng kinakain ko kung kaya lumiliit na rin ako kahit papaano. Pero napabilis yata ngayong nag-e-execise na ako.
            Malakas ang bagsak ng ulan habang nasa gym si Gel.
            Ala-siyete nang makabalik si Gel sa faculty room. Tikatik na lamang ang ulan. Puwede na kaming lumabas. Nagpalit muna siya ng damit sa faculty lounge. Pagbalik niya, nakangiti siyang sinabi sa akin na may susundo sa kaniya.
            “Sino?” tanong ko. Tumawa siya. “Boyfriend mo?” Tumawa uli siya. Si Aaron nga, boyfriend niya. Nainggit ako bigla. Kailan kaya ako magkakaroon ng boyfriend na may kotse at susunduin din ako kapag umuulan?
            “Ganda mo, girl!” sabi ko. Tumawa uli siya. At totoo namang maganda si Gel. Anglica Flores ang totoo niyang pangalan na talagang bagay sa kaniya dahil mukha nga siyang anghel at isang marikit na bulaklak. Pang-Binibining Pilipinas ang kaniyang tindig at ganda. Nang umupo ako sa teaching demo niya may dalawang taon na ang nakararaan ang tanong ko sa chair naming si Becky ay, “Maganda siya at magaling, pero hindi kaya magiging disadvantage ito dahil baka tratuhin siyang karibal ng mga estudyante natin?” Kaya noong unang araw na nagkita kami ni Gel sa faculty room pabiro ko siyang sinabihan ng, “Gel, para hindi ako mairita sa ‘yo, kapag sinabihan kita ng, ‘ang ganda mo, gel,’ sasagot ka dapat ng, ‘mas maganda ka, John.’ Tandaan mo ‘yan ha?” Patawang umoo naman siya. Kaya ngayon kapag binabati ko si Gel ng, “Hi, Ganda!” ang sagot naman niya ay, “Hello, Kagandahan!” na siyempre gustong-gusto ko.
            Nawili pa ako sa pag-i-Internet. Nagda-download kasi ako ng pdf file ng mga klasikong libro sa iPad2 ko. Hapi ako na mayroon na akong Leaves of Grass ni Walt Witman, mga tula ni Emily Dickinson, kumpletong texto ng Lord of the Ring, The Republic ni Plato, Poetics ni Aristotle, at On the Sublime ni Longinus. Mga librong matagal ko nang nabasa subalit tuwang-tuwa lang ako sa pag-level up ng pagkaroon ko ng kopya nito sa isang maliit na gadget na madaling bitbitin. Ang dasal ko lang ay sana magkaroon na ng puwedeng ma-down load na pdf file ng mga tula nina Alejandro Abadilla at Jose Corazon de Jesus.
            Naunang umalis si Gel kasi parating na raw si Aaron na nag-drive pa galing Ortigas Center. Nag-ayos na rin ako ng mga gamit dahil naisip ko, mag-a-alas-otso na at siguro hindi na matrapik sa Katipunan. Pagdaan ko ng lanai, nandoon pa si Gel sa isang upuan, naghihintay. Nag-wave kami ng goodbye sa isa’t isa. Naglakad naman ako papunta ng gate na mahabang-habang pagrampa rin. Bagamat umaambon na lamang, inilabas ko pa rin ang aking payong. Nang makita ko ang Katipunan, nanlumo ako sa aking nakita. Nagmistulang mahabang garahe ito. Bumper to bumper ang mga sasakyan lalo na ang papuntang Pasig. Extra-challenge na naman ito.
            Absent kasi si Becky. Kadalasan kasi, nakikisakay ako sa kaniya pauwi ng Pasig. Taga-Maybunga kasi siya at bumababa na lamang ako sa Manggahan. Mula Manggahan ay magtatraysikel na lamang ako papunta sa amin sa Flexi Homes sa Rosario. Ngayon ko lalong na-miss si Becky, na pabiro kong tinatawag na “drayber kong may Ph.D.”
            Kung normal na araw lang at walang ulan, madali lang naman makakasakay ng taxi pauwi sa amin. Kapag lumabas ako ng ala-siyete, makakasakay ako kaagad pagkababa ko ng “Blue Bridge,” ang overpass sa pagitan ng Ateneo at Miriam na kulay-bughaw at puti. Pero ngayon, may mga pasahero ang mga taxing dumadaan sa harap ko. Mayroon na sanang isa subalit pinagbigyan ko na lamang ang isang mag-nanay na mauna na. Kawawa naman kasi. May isa pa uli sana, naagawan ako ng apat na tin-edyer na takot yatang mahuli sa gimik nila. Pinagbigyan ko rin dahil alam ko, minsan lang sila bata. At finally, may dumaang taxi na bakante. Pinara ko. Medyo sa unahan tumigil. Hinabol ko. Nang tiningnan ko ang drayber nagse-senyas ito ng diretso. Hapi ako dahil diretso nga ako ng Pasig. Sinabi ko sa kaniya na sa Life Homes, Rosario ako. “Ay, diretso lang ako” at agad umalis. Naiinis ako at hindi ko alam kung diretsong langit ko diretsong impiyerno ang ibig niyang sabihin. Liko-liko naman kasi ang mga kalsada rito sa Metro Manila. Kapag may ganitong buwisit na taxi drayber, nagpapakawala ako ng isang sumpa: “Mabangga ka sana!” Pero pinigilan ko ang aking sarili. Nag-deep breathing ako nang tatlong beses. “Pagbigyan mo na rin ang walang hiyang taxi drayber na iyon. Good karma na lamang ang hingin mo sa uniberso,” sabi ko sa aking sarili. Nang tiningnan ko ang aking relo, mag-a-alas-nuwebe na. Mag-i-isang oras na akong nag-aabang ng taxi. Mabuti na lamang at nag-e-exercise na ako. Matibay na muli ang aking mga tuhod.
            Nakasakay rin ako. Pero trapik pa rin sa C5. Kaya usad pagong ang sinakyan kong taxi. Salamat sa Diyos at maayos din akong nakarating sa bahay matapos ng isang oras. Halos nagdoble ang patak ng metro. Sira na naman ang badyet ko. Dahil sa stress na inabot ko, kumain ako ng kaning puti na natira sa kinain nina Sunshine at Aljur. Scrambled egg ang inulam ko. Pagkatapos nag-red tea ako. Ang sarap ng init ng tsaa sa aking lalamunan.
            Mag-aalas-onse na nang makahiga ako sa pamilyar kong kama. Puyat na ako. Alas-nuwebe ang regular kong pagtulog. May kaunting pagkainis akong nararamdaman. Hindi ako inaantok. Pagod ako pero magaan ang pakiramdam ng aking katawan. Naisip kong magsulat pero tinatamad akong bumangon. Naisip kong ipagpatuloy ang pagbasa ng The Lord of the Ring ngunit tinatamad akong kunin sa estante ng librong katabi ng kama ko ang aking iPad2. Naisip kong mang-text kahit kanino subalit ayaw kong mang-istorbo ng mga tao.  Nalulungkot ako at ako’y napangiti. Heto na naman ako sa aking “existential angst.” Naisip ko ang sinabi ng kaibigan kong si Yasmin, sabi niya nang minsang gin-text ko siya dahil depress ako, “John, tiisin mo na lamang ‘yan. Sampung taon na lang hindi mo na kailangan ng lalaki.” Whew! Sampung taon? Ilang daang Biyernes ba iyon na katulad ngayon?”
            Muli nasambit ko ang pangalan ng isang taong matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap. (Well, nakikita ko naman siya linggo-linggo. Sa TV nga lang. At hindi ito si Piolo ha. O kay si Aljur Abrenica, o Roco Nacino kaya.) Kapag nade-depress ako siya ang paborito kong sisihin nang lihim. Sintoma ng isang malalang kaso, as in Stage 4, ng “unrequited love.”  Sabi nga ng amiga kong si Glenn kapag kinukuwento ko ito sa kaniya, “Kawawa naman ‘yung tao walang kaalam-alam at sinisisi mo. May asawa’t mga anak na siya, ano ka ba? Saka hindi naman tayo sigurado kung naging kayo talaga di ba? Kaya lubayan mo na siya. Let go, ‘Miga.”
            Yeah right! ‘Yang letting go na ‘yan, d’yan ako hirap.
            Nagdesisyon akong huwag nang pumasok kinaumagahan sa Ph.D. class ko sa La Salle. Tutal hindi naman talaga ako nag-aabsent dahil bukod sa pagiging “good girl” ay A student ako. Gusto ko munang magpaka-B at maging bad nang kaunti. Nakakapagod ding maging mabait at responsable palagi. Saka parang may kaunting hika ako. Beauty rest lang muna ako at balak kong magpamasahe kay Noel, ang bulag kong masahista na isang makata na habang minamasahe ako ay binibigkas niya ang mga bago niyang tulang nabuo na nasa wikang Sebwano. Paminsan-minsan, gusto ko ring maging hedonista.
            Hindi ko na namalayan kung anong oras akong nakatulog. Nakatulugan ko ang pag-iisip at ang kalungkutang bumabalot na parang sapot sa aking pagkatao.
            Dahil wala nga akong balak pumasok ngayong araw, hindi ako nag-alarm clock. Maliwanag na nang magising ako. Nang tiningnan ko ang oras sa aking selfown, ala-sais y medya na. Magaan na ang aking pakiramdam. Hindi na ako malungkot. Pero ayaw ko pa ring pumasok.
            Naalala ko ang tula ko tungkol sa pagmamahalan nina Tungkung Langit at Alunsina. Nalathala ito sa antolohiyang What the Water Said naming mga makatang Alon na lumabas noong 2004 pa. Muli akong napangiti pagkabasa ko ng aking tulang “Ang Pag-ibig ni Tungkung Langit.” Narito ang dalawang huling saknong:


Subalit tuluyan nang
                        nawala sa buhay ni Tungkung Langit
                        si Alunsina.
                        Sa labis na lungkot
                        nanatili na lamang sa langit
                        ang lalaking diyos at nagmukmok.
                        Sa pagtulo ng kaniyang mga luha
                        umuulan sa buong daigdig.
                        Kapag siya’y humihikbi
                        at tinatawag si Alunsina na bumalik,
                        kumukulog at nabubulabog
                        ang buong mundo.

Ang lahat-lahat
                        ay walang katapusang kalungkutan ng pag-ibig
                        sapagkat imortal ang mga diyos.


            Hinampas ko ng What the Water Said ang aking noo sabay sabing, “Gaga! Matagal mo nang alam ang sagot pa-emote-emote ka pa.”
            Tumatawa akong bumangon, pinatay ang bentilador na nakatutok sa aking kama. Pinakain ko ang tatlong gold fish ko na nasa maliit na akwaryun sa aking sulatang-mesa saka pinatay ang lampshade. Tuwang-tuwa ang tatlong kulay-naranhang mga isda na mistulang malanding palda ang mga buntot. Kinuha ko ang aking t-shirt na nakasabit sa likod ng pinto at isinuot ito. Nakangiti akong lumabas sa aking kuwarto  at hinimas ang ulo ni Aljur na tuwang-tuwang makitang gising na ako. Kapag umuulan ay pinapapasok ko siya ng bahay at sa labas ng kuwarto ko siya natutulog.
            Bumaba ako sa kusina at naghanda ng kape sa coffeemaker. Habang hinihintay ang pag-brew nito, lumabas muna ako at bumili ng pandesal. Nag-uumpisa nang sumikat ang araw. Kay gaan ng aking pakiramdam. Pagbalik ko sa bahay, amoy-kape na hanggang sala. Binuksan ko ang TV at inilipat ang channel sa BBC World. Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Pumapayat na ako. Nakangiti akong parang gaga habang nilalagyan ng krim at kalamay ang aking kape na nasa bulaklaking mug. #


[14 Hulyo 2012 Sabado
Rosario, Lungsod Pasig]   

1 comment:

Note: Only a member of this blog may post a comment.