Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Monday, June 11, 2012

Paglalakad Kasama ang Sarili

BAGO pa man mag-alasais nandito na ako sa Miriam. Lunes ngayon at mamayang hapon ay may faculty meeting kami bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase sa Miyerkoles. Maaga ako dahil naisip kong maglakad at mag-ayos ng aking mesang-sulatan sa faculty room. Manghihiram din ako ng mga libro sa laybrari at susubukan kong tapusin ang pagrebisa ng silabus ng ituturo ko sa English Department na elective course, ang Popular Literature and Creative Writing.
            Sandamakmak ang mga gawain. Pero normal lamang ito. Mahigit dalawang buwan din akong nagbakasyon. Dapat lang na magtrabaho na ako ngayon. Kasabay ng panatang maging mas masipag na guro ngayong taong akademiko, nais ko ring maging mas malusog ngayon. Ibig sabihin, kailangan kong mag-exercise at bantayan ang aking mga kakainin at iinumin na hindi makakapagpalala sa aking dayabetes at hypertension. (Sa mga kaaway ko dyan, huwag muna kayong magdiwang. Borderline case lang ang aking blood sugar at blood pressure. Kasing lakas pa ako ng isang malanding kabayo!)
            Sabi ko nga sa kaibigan kong manunulat at doktor na si Alice nang magkita kami sa Mall of Asia noong nakaraang Lunes, magpapalusog ako upang ma-enjoy ko naman ang mga mamanahin ko at hindi pa ako naka-wheel chair kung tatanggapin ko ang aking National Artist Award at Nobel Prize for Literature. Siyempre tawanan kami ni Alice. Pero why not? Ang number one philosophy in life pa naman namin ay, “Kung talagang para sa ‘yo, para sa ‘yo talaga ‘yan.” Yeah, right. Parang ilusyon ko noon na para talaga kami sa isa’t isa ni Piolo Pascual. Kunsabagay, libre naman ang mangarap. Basta alam mong nag-iilusyon ka lang ay okey ka pa. Mahirap lang naman kung hindi mo alam na ilusyunada ka.
            Ang sarap maglakad dito sa Miriam. Marami kasing punongkahoy, mga luntiang halaman at damuhan, at sari-saring mga bulaklak. Nag-umpisa akong lumakad sa harap ng mini-forest papuntang Child Study Center. Pagkatapos kumaliwa papuntang High School. May mahabang daanan na nalilinyahan ng mga punong kalatsutsi na hitik sa mga puting bulaklak. Ang sanga at puno ng mga ito ay pinupuluputan ng halamang manaog-ka-irog na preskang-preska ang pagkaluntian. Mula High School ay bumaba ako patungong direksiyon ng Katipunan at bago pa man lumampas ng Elementary, kumaliwa uli sa makitid na simentadong daanan na ang tawag ay Bauhinia Pathway sapagkat nalililiman ito ng malalaking puno ng alibangbang na kapag panahon ng pamumulaklak nito ay nakakabaliw pagmasdan ang mga hugis-orkidyas nitong kulay-lilang mga bulaklak. Magtatapos (o mag-uumpisa kung nasa College ka manggagaling) ang daanang ito sa maliit ngunit magandang gusali ng Environmental Studies Institute. Mula roon kumanan ako at nadaanan ko ang grotto. Naglakad pa ako at muli’y matatagpuan ko ang aking sarili sa Mini-forest. Tatlong libot nito ang tatlumpung minuto. Ang sarap kasi marami ako nakikitang mga punongkahoy tulad ng santol, mahogani, akasya, baring-baring, arbol del fuego, at mga kumpol ng kawayan katulad na lamang ng nasa High School.
            Sa mga pagkakatong ganito mare-realize ko kung gaano ako ka palad. Alam talaga ng Diyos kung saan niya ako ilalagay. Alam kasi ng Diyos na mababaw lang ang kaligayahan ko. Makakapaglakad lang ako sa lilim ng mga punongkahoy, o makaupo sa isang tagong dalampasigan, ay masayang-masaya na ako. Ngayong nandito ako sa Metro Manila, saan pa ba ako puwedeng maging masaya kundi sa isang paaralan na maraming halaman. Isa kasing malawak na hardin ang Miriam College.
            Minsan, tumawid kami ni ng idolo at kaibigan kong makatang si Becky sa “friendship bridge” sa ibabaw ng malaking kanal sa pagitan ng Miriam at Ateneo de Manila University. Naglakad kami roon sa mga gubat-gubat sa likurang bahagi ng Ateneo. Parang ibang mundo ito. Parang sekretong lalawigan sa lungsod. Takipsilim iyon kung kaya mala-mahika ang pakiramdam. Mahiwaga talaga ang buhay. Noong 1997 nang una kong mabasa ang unang libro ni Becky at agarang humanga ako nang husto sa kaniyang mga tula, ni sa hinagap hindi ko naisip noon na darating ang araw na makakasama ko siyang maglakad isang takipsilim sa isang makahoy na pook. Na parang kami lang dalawa sa buong mundo. Na sa maikling panahon masosolo ko siya. Na kahit sa mga sandaling hindi kami nag-uusap, nakikipag-ugnayan pa rin ang kaluluwa namin sa isa’t isa. Isang dalisay at banal na regalo ng buhay ang pagkakataong iyon!
            Kanina, habang naglalakad akong mag-isa, punong-puno ng pasasalamat sa Poong Maykapal ang aking kasingkasing. Sa kabila ng mga problema at dagok sa buhay, patuloy pa rin akong binibigyan ng Diyos ng dahilan para mabuhay at maniwalang maganda pa rin ang daigdig.
            Mag-isa ako kanina subalit hindi ako malungkot. Kakaibang ligaya ang dulot ng paglalakad kasama ang sarili.
 
[11 Hunyo 2012
  Miriam College]   

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.