Sa mga unang laban ni Pacquiao, nagdadasal talaga ako na manalo siya at sana huwag siyang masaktan nang husto. Bilib kasi ako sa kaniya na sa kabila ng kahirapan sa buhay, nagsikap siya at naging pinakamagaling na boksingero sa buong mundo. Hindi lang ako nanonood ng mga laban niya noon dahil hindi ko kayang manood ng dalawang taong nagsusuntukan. Masyado itong barbaric para sa aking sensibilidad.
Pero kanina, nanood talaga ako. Inimbitahan ako ng kaibigan kong filmmaker na makinood sa bahay niya dahil mayroon siyang pay per view. Gusto kong panoorin nang live ang laban ni Pacquiao upang live ko ring ipagdasal na sa kada suntok ni Timothy Bradley ay tatamaan siya. Gusto ko talagang matumba si Pacquiao!
Nasa isang seminaryo na nasa taas ng bundok sa Lungsod Iligan ako noong Mayo nang bumalandra sa akin ang balita sa front page ng Inquirer na sinabi ni Pacquiao na ayon sa Bibliya mapupunta sa impiyerno ang mga homoseksuwal. Tumaas ang presyon ko at agad na ipinakita kay J. Neil C. Garcia ang balita. Magkasama kasi kaming panelist sa Iligan National Writers Workshop doon. Kahit alam kong hindi ko kayang makipagsuntukan, gusto kong hamunin ng suntukan si Pacquiao!
Nang mga sumunod na araw, sinabi naman ni Pacquiao na misquoted lang siya. Mahal daw niya ang mga bakla. Kaya lang, sinasabi talaga sa Bibliya na kasalanan ang homoseksuwalidad at dahil dito ay hindi niya susuportahan ang gay marriages. Lalo akong nairita. Trying hard na pastor! Ang mga pari nga, apat na taon nag-aaral ng Pilosopiya at apat na taong nag-aaral ng Teolohiya. Siya, nagboksing lang, nag-trying hard na mag-interpret ng Bibliya. Hirap na hirap siyang magbasa at magsalita ng Ingles pero Ingles na Bibliya talaga ang kino-quote niya kahit na elegante naman ang salin ng Bibliya sa Sebwano.
Nakakabuwisit! Bakit hindi ang mga kurap na politikong dumidikit sa kaniya ang pagsabihan niyang mapupunta sa impiyerno? Naku, sa Ten Commandments pa lamang ay may mako-quote ni siya. Halimbawa, “Thou shalt not steal.”
Kaya masaya ako na natalo siya. At mas masaya ako habang pinapakinggan at binabasa sa Facebook ang maraming teorya tungkol sa pagkatalo ni Pacquiao na mabilis na nagsilabasan pagkatapos ng laban.
Una, na-leyt siya sa laban dahil nanood pa siya ng basketball at natalo pa ang sinusuportahan niyang koponan. Hindi siya nakapag-warm up. Masyado na bang yumabang si Pacquiao at carry na niyang ma-leyt sa laban? Nagiging unprofessional na ba ang the best boxer in the world? Lumaki na masyado ang ulo?
Pangalawa, hindi raw talaga ang panonood ng basketbol ang dahilan kung bakit na-leyt si Pacquiao. Panandalian siyang kinidnap ng Mafia at sinabihang magpatalo siya.
Pangatlo, sabi ng kaibigan kong scriptwriter, scripted daw itong pagkatalo niya kaya kitang-kita na hindi masyadong affected si Pacquiao nang gin-announce na si Bradley ang panalo. Malaki raw kasi ang utang ni Pacquiao kay Bob Arum. Dahil ito sa hindi masyadong maka-Diyos na lifestyle ng Pambansang Kamao. Natatalo raw ito sa kasino ng milyong-milyong dolyar. Kung kaya kahit konggresman na si Pacquiao at hindi na bagay ang pagbo-boxing at tumatanda na siya (matanda na ang edad 30 para sa isang atleta) ay boxing pa rin siya nang boxing. Ang script ay ganito. Magpapatalo muna si Pacquiao ngayon para mas malaking commercial event ang re-match nila ni Bradley. Sa re-match, siyempre si Pacquiao na ang panalo. Akala ko pa naman ang yaman-yaman na ni Ninong Manny.
Pang-apat, sina Senador Miriam Defensor-Santiago at ang napatalsik na Chief Justice Renato Corona ang mga hurado. Siyempre, galit sila sa mga konggresista kayo pinatalo nila si Pacquiao!
Nakakaloka di ba?
Pero heto ang pinaniniwalaan ko. Natalo si Pacquiao dahil sabay-sabay na nagdasal ang milyon-milyong bading at lesbiyana sa buong bansa na matalo siya. Dapat alam na ngayon ni Pastor Pacquiao na ang mga homoseksuwal ay pinakikinggan din ng Diyos. Wala ito sa Bibliya kaya alam kong litong-lito na ang boksingerong talo.
[10 Hunyo 2012 Dominggo
Lungsod Pasig]
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.