Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Friday, February 4, 2011

Requiem

(Nang inamin ni Piolo Pascual sa The Buzz
na sila na ni KC Concepcion)


Wala na. Wala nang buhay ang pag-ibig na kalong-kalong
Ng Sirena. Ngayon klaro na ang lahat.
Walang silbi ang mga kaliskis ng kaniyang berdeng buntot
Gaano man kakintab ang mga ito.
Kung perlas man ang kaniyang mga binalaybay,
Tiyak mumurahing klase ito, maysapeke,
Hindi kailanman puwedeng maging pambili ng lalaki.

Kaya heto, may awit para sa patay na nagsisiksik
Sa kasingkasing ng Sirenang hindi na makaawit.
Walang laban sa lamig ng tubig ang namumutlang bangkay,
Para na itong bilasang isda na mangangati ang iyong labi
Kapag niluto mo at inulam sa pananghalian.

Wala na. Wala nang buhay ang pag-ibig na kalong-kalong
Ng Sirena. At ang pinakamasaklap sa lahat—
Hindi siya puwedeng malunod sa dagat ng lungkot.


-J.I.E. TEODORO
 31 Enero 2011 Lunes
 9:15 n.u. Lungsod Pasig

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.