Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Friday, February 25, 2011

Ngayong Umaga ng Ika-25 Anibersaryo ng EDSA People Power


Gusto ko sanang ibaba ang presyo ng galunggong
At kontrolin ang lingguhang pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Gusto ko sanang ibaba ang presyo ng bigas, gatas, at asukal
Upang walang mabansot na mga batang Filipino.
Gusto ko sanang ipamahagi ang Hacienda Luisita
At ang iba pang mga hasyenda sa buong kapuluan
Sa mga magsasakang tumutulo ang pawis at dugo
Sa pagbubungkal ng lupang hindi naman sa kanila
Kung kaya mistulang silang alipin sa isang bansang malaya
At may demokrasya at karamihan ng mga tao ay kristiyano.
Gusto ko sanang mag-isip kung ano ang gagawin
Upang magkaroon ng sapat na trabaho dito sa ating bayan
Upang kung maggiyera man sa Libya o saanmang bahagi
Ng Gitnang Silangan at Aprika, at maglindol sa New Zealand
Ay walang mga asawa, anak, ina, ama, at kapatid na matataranta.
Gusto ko sanang ipakulong sina Imelda at Gloria
At ang mga asawa ng mga heneral na nagpakasasa
Sa kaban ng bayang pinangakuang pagsilbihan
Ng mga trapo at tarpo sa Malakanyang, Senado, Kongreso,
Korte Suprema, at kampo ng mga militar at pulisya.
Ang problema, mga kababayan kong sinisinta,
Isa lamang po akong hamak na guro at makata.
Walang halaga ang mga hinahabi kong parirala
Sa isang bulok na sistemang kapitalista
Ng ang lahat ay hayok at namamanyak sa pera.
Hindi na rin masyadong nirerespeto ang mga guro
Sa isang lipunang nabatubalani ng kolonyal na pag-iisip
At nahipnotismo ng neoliberal na uri ng edukasyon.
Kaya heto, sumusulat na lamang ako nitong tulang
Iismisran ng karamihan. At mamaya maglalaba ako
Ng nanlilimahid kong brip, medyas at sando.
Pagkatapos, titirisin ko ang mga garapata ng mahal kong aso,
Saka ko kukuskusin ang nilulumot kong inidoro.


-J.I.E. TEODORO
 25 Pebrero 2011 Biyernes
 7:08 n.u. Lungsod Pasig

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.