NITONG nakaraang linggo nakatanggap ako ng text mula kay Milli-Anne King, estudyante ng Ateneo de Manila University (kapit-skul namin dito sa Miriam College). Nasa unang taon siya ng Legal Management. Nabasa umano niya ang artikulo kong “We are All Jejemons” sa gmanews.tv at nagsusulat siya ngayon ng papel tungkol sa jejemon para sa klase nila sa English 12. Si John Ryan Recabar daw ang titser nila. Emsi si Ryan nang magbasa ako ng isang papel ko tungkol sa literaturang Kinaray-a sa U.P. Iloilo may tatlo o apat na taon na ang nakararaan.
Hindi naman ako maarte at pumayag naman agad. Hindi ito ang unang pagkakataon na tumatawid sa “friendship bridge” (Ito ang tawag sa maliit na tulay na nag-uugnay sa Ateneo at Miriam sa likod banda sa may kawayanan. ) ang mga estudyante ng Ateneo upang mainterbyu ako sa aming kolehiyo tungkol sa kung ano-anong bagay, lalo na tungkol sa literaturang bading, literatura ng Kanlurang Bisayas, at ito nga, jejemon.
Sabi sa akin Milli-Anne sa text, gusto raw niyang patunayan sa kaniyang papel na hindi makaaapekto sa kagalingan sa wikang Ingles ng isang tao ang jejemon.
Mabuti at hindi naman kailangan ni Milli-Anne na mainterbyu ako nang harapan. Gin-email lamang niya sa akin ang kaniyang mga tanong. Nang masagot ko na ito, naisip ko na maganda ring ibahagi sa aking mga mambabasa (Yes, may cult following ako. Jejeje...) ang aking mga saloobin tungkol sa penomenong jejemon dagdag at bukod doon sa dalawang artikulong nasulat ko tungkol dito sa gmanews.tv—ang “We are All Jejemons” at “ Why Jejemon was Chosen as the Word of the Year.”
Heto ang panayam sa akin ni Milli-Anne. Nasa Ingles ang mga tanong at isinalin ko sa Filipino.
1. Paano mo ilalarawan ang jejemon sa pamamagitan ng:
a. uri ng pananamit
Mababaw lamang na pamantayan ang pananamit. Panlabas na anyo lamang kasi ito. Siguro kung mayroon mang jejemon fashion, ito na yung mga suot ni Eugene Domingo sa sitcom na “Jejemom.” Yung nakasisilaw na pastel na kulay ang mga maluluwag na damit, nagdyadyaket kahit maiinit, at palaging may cap na makulay din. Pero muli, hindi ito sukatan ng pagiging jejemon. Mababaw lamang na basehan ang pananamit.
b. paraan ng pagti-text o pagta-type
Walang pakundangan kung gumamit ng capitalization. Sumisingit ng mga symbol sa mga teksto. Wala ring pakundangan sa pagso-short cut at wala ring pakundangan sa pagpapahaba sa mga salita katulad na lamang ng paglalagay palagi ng “h” at “w” sa mga salita kahit na hindi naman kailangan ang mga letrang ito. Samakatuwid, hindi sinusunod ng mga jejemon ang mga alituntunin sa tamang pagbabaybay at gramatika.
2. Mula saang social class/es at age group/s nanggaling ang mga jejemon?
Sa mga mahihirap na alam nilang mahirap sila at tanggap nila ito. Ang penomenong jejemon kasi ay isang pagrerebelde sa hindi pagkakapantay-pantay na distribusyon ng yaman ng ating bansa.
Sinabi kong “mahihirap na alam nilang mahirap sila at tanggap nila ito” kasi ang mga jejebuster, ang mga gustong pumatay sa mga jejemon, mga pasosyal ang mga iyan at mga social climber tulad ng mga IT expert kuno, mga call center agent, mga guro ng Ingles, at mga writer-writeran.
3. Saan makikita ang subkulturang ito?
Sa terminolohiya ng mga pantas sa wika o linguists, “sociolect” ang tawag sa jejenese. Isang uri ng diyalekto itong likha ng isang grupo ng tao dahil marami silang mga pagkakatulad. Dito sa Filipinas, nag-umpisa ito sa pagti-text. Lalo na ngayong mura na ang selfown at libro na ang mga simcard. Kahit dukha ka, puwede ka nang magkaroon ng selfown. Hindi na lamang pang-mayaman ito.
4. Kailan nagsimula ang kilusan na ito?
Hindi ko alam. Basta narinig ko lamang ang salitang jejemon sa Iyas Creative Writing Workshop sa La Salle Bacolod noong Hunyo 2010. May isang writing fellow mula sa Ateneo ang nagpaliwanang kung ano ito. At noong Hunyo, pinasulat ako nina Howie Severino at Yasmin Arquiza, mga editor ko sa gmanews.tv, tungkol ditto. Nagsaliksik ako at nag-interview ng ilang tao. Iyon ang artikulo kong “We Are All Jejemons” na nang ma-upload ay agad na may 50+ na mga komento na puro negatibo lahat at nilait ako. Hindi yata nila matanggap nang sinabi kong jejemon tayo lahat! LOL!
Karamihan sa mga nagalit, mga IT expert kuno. Binanggit ko kasi sa artikulo ko na ayon sa poging makatang si Roberto AƱonuevo (Palanca Hall of Famer, SEA Write Awardee, at isa sa mga editor ng U.P. Diksiyonaryong Filipino), nagsimula ang jejenese sa mga taong babad at magaling sa paggamit ng kompyuter. May hinala kasi siyang ang jejenese ay nagmula sa html language o wika ng Internet.
Kunsabagay, may punto si AƱonuevo. Marami kasing mga mumurahin paaralan para sa pagko-kompyuter. Ibig sabihin, sa mga mahihirap na pamilya nanggaling ang karamihan sa mga magagaling sa kompyuter. Posible ngang nagde-develop sila ng isang sociolect na gagamitin laban sa mapang-aping kalakaran.
Isang pananaw lamang ito sa phenomenong jejemon.
5. Sino-sino ang mga nanguna sa kilusang ito?
Sa artikulo kong “We are All Jejemons,” sinabi ko roon na siguro ang makatang si Emily Dickinson ang unang jejemon. Basahin mo ang mga tula niya, wala siyang pakundangan sa paggamit ng capitalization at dash. Dedma rin siya sa tamang estruktura ng pangungusap sa Ingles. Dito sa Filipinas, ang makatang si Vim Nadera ay nangunguna ring jejemon. Basahin mo ang libro niya ng mga tula na “15 Lamang,” maloloka ka sa paggamit niya ng mga font.
Ninuno ba ng mga jejemon sina Dickinson at Nadera? Siguro oo, siguro hindi. Hindi ako sigurado.
Ang gusto ko lang sabihin, baga pa lamang ang penomenong jejemon kaya wala pa itong definite na kasaysayan at kahulugan.
6. Paano ito nagsimula?
Siguro nagsimula ito sa pagso-short cut ng mga salita sa pagti-text. Pero nauna rito ang pager na sino-short cut din ng opereytor ang mga mensahe. O siguro puwede pa nating balikan ang mga telegrama noon na dapat lang nasa jejenese dahil kada letra ang bayad.
Mga haka-haka ko lamang ito.
Pero sa ngayon, mas matimbang sa akin na ang penomenong jejemon ay isang kilos ng pakikipagtunggali ng mga walang pera sa mga sobra-sobra ang pera sa ating bayan. Sa tingin ko rin, isang pagrerebelde ang jejenese sa ating pag-iisip kolonyal.
7. Sa tingin ninyo magtatagumpay ang DepEd sa pagsawata sa mga jejemon? Bakit?
Ang problema kasi sa DepEd, marami sa mga opisyal nila ang hindi nag-iisip o talagang walang kakayahang mag-isip. Alam mo na, opisina ‘yan ng pamahalaan at palakasan at lagayan ang kalakaran ng pagpapaupo sa mga tao sa puwesto. Marami na akong nakausap na mga rehiyonal at nasyonal na opisyal ng DepEd at halos wala kang makausap sa kanila dahil walang laman ang kanilang utak. Hindi ko tuloy maintindihan kung paano sila nagkaroon ng Ph.D. Kunsabagay sa panahon ngayon, puwede ka nang mag-Ph.D. kung saan-saan. Kapag may pera ka ay makakabili ka na ng dissertation. Marami akong alam na ganiyan. Hindi sila ang gumawa ng mga tesis at disertasyon nila.
Siyempre katangahan ang labanan ang isang sociolect katulad ng penomenong jejemon. Pagsasayang lang ng oras at lakas ito para sa mga taga-DepEd. Parang sinabi nila na ipapatigil nila ng gay lingo o bekimon. Hangga’t may mga bading at iniitsapuwera sila ng lipunan, mananatiling buhay na buhay ang bekemon. Ganoon din ang mga jejemon. Hanggat patuloy ang pag-iral ng ating pagiging neokolonyal—malaking bahagi ang walang pakundangang pagpapahalaga natin sa wikang Ingles—mananatiling buhay ang jejenese.
Ang jejemon ay isang sintoma lamang ng lumalalang elitismo na umiiral sa ating lipunan. Kung tutuusin, kaunti lang naman talaga ang mga tunay na mayaman sa ating bansa. Mas marami ang feeling mayaman, ang mga social climber, at ang mga pasosyal na dahil sinuwerte sila at nakapag-aral at kunwari marunong mag-Ingles, akala nila superyor na lahi na sila. Ito ang kaso ng mayabang na langaw dahil nakatuntong sa ipot ng kalabaw.
Kung titingnan natin sa lente ng politika ng wika at gahum (hegemony) sa ekonomiya, walang kapangyarihan ang DepEd sa pagsawata ng mga jejemon. Mananatiling ilusyon, o kaya’y simpleng kabobohan lamang, ang pagiging jejebusters nila.
8. Sinusuportahan ba ninyo ang pagkamuhing ito sa mga jejemon? Ito ang ginagawa ng mga jejebuster di ba?
Ayon nga sa sagot ko sa tanong numero 7, hindi nag-iisip ang mga taga-DepEd at kung nag-iisip man sila, masyado lamang maliit ang kanilang utak. Sila dapat ang tirisin isa-isa at hindi ang mga jejemon.
May isa pa akong artikulo sa gmanews.tv tungkol sa jejemon—ang “Why Jejemon was Chosen as the Word of the Year.” Dito ko binanggit ang mga sinabi tungkol sa penomenong jejemon ng mga kaibigan kong mga pantas sa wika, kultura, at literatura na sina Vim Nadera at Rolando Tolentino.
Muli inuulit ko, bagong konsepto pa lamang ang jejemon kung kaya’t dapat pag-usapan nang malaliman at busisiin nang husto ito upang maging klaro papel at kontribusyon nito sa ebolusyon ng lipunang Filipino.
[6 Pebrero 2011
Lungsod Pasig]