Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Wednesday, June 27, 2012

Payreted na Pag-ibig

MATAPOS ng mahigit isang taon, natapos ko ring panoorin ang koreanobelang “Full House.” Pinapanood ko lang kasi ito kapag wala na talaga akong magawa, tulad ngayon, Lunes na maulan at nasa bahay lamang ako dahil wala namang miting sa skul at tinatamad akong ayusin sa aking netbook ang aking koleksiyon ng mga tula at sanaysay na matagal ko na dapat isinumite sa pabliser.
            Mahigit limang taon na yata nang lumabas sa telebisyon ang telenobelang ito subalit hindi ko ito napanood noon dahil wala naman talaga akong panahon at pasensiya na manood ng TV. Pero last year, hindi ko na matandaan kung anong buwan, napadaan ako sa isang tindahan ng mga payreted DVD sa talipapa malapit sa bahay ko at napabili ako ng “Full House.” Ang cute kasi ng larawan ni Rain, ang gumaganap na lalaking bida sa telenobelang ito, sa cover nito.
            Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa tagline sa baba ng pamagat: “Can MistaKe Brings Love, Or Love brings mistaKe?” Oo, as is ang capitalization na sinusubukan pang i-auto correct ng netbook ko. May Koreana rin palang Emily Dickinson? Kakalerki!
            At heto ang pamatay. Ang sinopsis sa likod: “Han Ji-eun (Song decoration) is a network of a novelist, her parents died, my father left her the only Memory Are called a “Full House” the big house. En-chi-chi of the two good friends cheat TU travel abroad, Then secretly put en-chi of the house sold. Chion-in the plane encountered star Lee Young-jae (Rain ornaments), and spit him one, was impressed by each other. Chion home, find themselves become nothing, and Full House are the new owner was Lee Young-jae, Chion British slaughtered look pathetic, but to let Moses TU stay, and employed her to do give their own nanny.” Alam kong hindi na ito kakayanin ng babasa kaya titigilan ko na ang pag-quote dito.
            Sarap nitong gawing exercise sa klase namin sa Literary Translation sa La Salle na may activity na English to English translation. Oo, may ganun. As in gin-translate namin sa Ingles ang tulang Ingles ni Angela Manalang-Gloria na “Soledad.” Kung paano namin ginawa ay ikukuwento ko na sa ibang sanaysay.
            Ganito man kakumplikado ang Ingles ng sinopsis sa cover ng binili kong kopya ng “Full House,” madali naman itong maintindihan kapag ang babasa ay nakapanood na ng koreanobelang ito na malaking hit noon sa GMA7. Ilang beses ko rin narinig noon na may kumakanta ng “May Tatlong Bear” na nakakatawa (actually, corny). Ito ang nag-iisang alam na kanta ni Jessie na napakalaki ng sinasabi tungkol sa karakter nito.
            Ang “Full House” ay kuwento nina Jessie at Justin. Si Jessie, isang ulilang nangangarap maging manunulat. Iniwan sa kaniya ng kaniyang arkitektong tatay ang isang malaki at magandang bahay sa tabing-dagat na tinatawag nilang “Full House” dahil puno ito ng pagmamahal. Si Justin naman isang sikat na singer at artista sa Korea. Nagtagpo ang kanilang landas nang magkasakay sila sa eroplano papuntang abrod (na nakalimutan ko na kung anong bansa). Sinukahan ni Jessie si Justin.
            Niloko si Jessie ng kaniyang dalawang matalik na kaibigan. Binigyan nila siya ng libreng trip abroad kunwari at iyun pala ay ibebenta nila ang “Full House” pagkaalis ni Jessie. Si Jessie naman naubusan ng pera sa pinuntahan nitong bansa. Buti na lamang at sa iisang hotel sila nakatira ni Justin. Kinapalan niya ang kaniyang mukha at pinuntahan ang artista sa kuwarto nito upang hiraman ng pera. Nag-promise siyang magbabayad pagbalik nila ng Korea.
            Pag-uwi ni Jessie, na-shock siya at naibenta na ang kaniyang bahay. At ang nakabili pa ay si Justin. Dahil walang matirhan si Jessie, pumayag si Justin na doon pa rin siya titira subalit kailangan niyang magluto at maglinis ng bahay. Walang nang magawa pa si Jessie. Hanggang sa dumating sa punto na nagkasundo silang magpakasal dahil gusto ni Justin saktan ang bestfriend na ex-girlfriend na stylist nito na si Lorraine, ang babaeng karakter sa telenobela na palagi kong sinisigawan at kung katabi ko lang ay ilang beses ko nang nabatukan at nasampal. In love kasi si Justin kay Lorraine subalit iba naman ang gusto nito. Dahil ma-pride si Justin, binayaran nito si Jessie na magpanggap na asawa niya. Nakita naman ito ni Jessie na oportunidad upang mabawi ang “Full House.”
            Nakakakilig ang mga eksena ng honeymoon sa Thailand nina Jessie at Justin. Siyempre may dagat at may mga bogamvilya kung kaya’t inggit na inggit ako. Kahit na kunwari lamang ang honeymoon na ito, halos mawawalan ako ng hininga sa eksenang magkaangkas sa bisekleta ang dalawa at naka-sleeveless si Justin na si Rain na kamukha ng isa sa mga imaginary boyfriend ko. Masaya at emotional roller coaster ang buhay “mag-asawa” nina Jessie at Justin sa “Full House.” Siyempre nakakairita ang mga pag-eeksena ni Lorraine. Dagdagan pa ni super guwapong si Luigi na half-British at half-Koreano. (Pero siyempre, kay Rain pa rin ako. Gusto ko ng purong Asiano.)
            Masaya ang kuwento ng apat dahil pareho silang mga sinto-sinto: Si Justin, in love kay Lorraine. Si Lorraine, in love kay Luigi. Si Luigi, in love kay Jessie. Si Jessie, in love kay Justin. Ayokong tawagin itong love rectangle kasi masyado nang cliché. Siyempre dahil kuwento ng pag-ibig ito nina Jessie at Justin, sila ang nagkatuluyan sa katapusan. Kasi kung hindi, baka biglang magrebolusyon ang kalahati ng South Korea at ng Filipinas.
            Bakit marami ang nahuhumaling sa panonood ng mga telenobela na paulit-ulit lamang ang tema ng walang kamatayang pag-ibig? Simple ang rason. Dahil bahagi ng buhay natin bilang tao ang pag-ibig. Lahat tayo ay umibig, umiibig, at iibig. Maganda man o masama ang karanasan natin sa larangang ito ng buhay, hindi pa rin nababawasan ang halaga ng pag-ibig.
            Sa mga telenobela kasi tulad ng “Full House,” bagamat sa una ay pinahihirapan nang bonggang-bongga ang mga bida, talagang magkakatuluyan sila sa ending. Talagang patutunayan ng mga ito ang katotohanan sa likod ng kasabihang, “Anong haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.” Iyon nga lang, kapag telenobela ng ABS-CBN at GMA7 ito, lumpasay na sa pagod at pagkainip ang mga nagpuprusisyon ay pasikot-sikot pa rin ito at talo ang prusisyon kapag pista ng Itim na Nazareno. Lalo na kapag nagri-rate ito. Gagawa sila at gagawa ng paraan upang mas lalo itong hahaba at kikita. Ito ang ikinaiiba ng mga koreanobela. Tight ang kanilang story line. Iisang kuwento lang at tinatapos nila ito nang maayos. Gaya nitong “Full House” na klaro ang simpleng kuwento at iisa ang climax kung kaya masayang panoorin at hindi nakakabagot. Hindi masyadong maaapektuhan ang kung ano mang IQ mayroon ka.
            Nang sa wakas ay nagtapat si Justin ng kaniyang pagmamahal kay Jessie, napaiyak ako sa tuwa. Ang ganda! Nakakainggit! Sana may kasing guwapo at seksi rin ni Rain na magtatapat sa akin nang ganito at sa isang napakagandang bahay pa sa tabi ng dagat. Alam kong hindi lamang ako ang nag-iisang luka-luka na ganito ang naging reaksiyon sa ending ng “Full House.” Ito ang halina at kapangyarihan ng mga walang kamatayang kuwento ng pag-ibig. Malinis kasi ang istruktura ng kuwento. Nakakahon sa isang likhang-isip na daigdig lamang. Sa totoong buhay kasi, palaging complicated ang status ng pag-ibig. Hindi lamang iisa o dadalawa ang mga kontrabida. Kung minsan buong mundo ang kokontra. Kung minsan relihiyon. Kung minsan kapamilya. Kung minsan ang panahon. At kung minsan, ang tadhana mismo. Kaya nga sabi ni Ricky Lee sa kaniyang postmoderno (raw) na nobelang Para kay B., “dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin.” Tanungin ko ako kung ilang beses na-devastate ng pag-ibig. Ihahampas ko sa ‘yo ang pito kong libro ng mga tula! Kung bigo man tayo sa pag-ibig ngayon, huwag tayong magpakamatay, hindi tayo nag-iisa, Ineng.
            Ang iniaalay sa manonood ng mga palabas tulad ng “Full House” ay vicarious experience. Kaya tayo kinikilig. Kaya sa paghalik at pagyakap ni Justin kay Jessie ay parang tayo na rin ang hinalikan at niyakap. Okey lang ‘yan. Mas dignified pa naman ang vicarious experience kaysa pag-iilusyon. Subalit wala rin namang mali sa pag-iilusyon. ‘Ika nga nila, hanggat may buhay, may pag-asa. E, paano kung umaasa sa wala? Okey lang. Tulad ng pangarap, libre rin ang umasa. Paano kung mabaliw sa kaaasa? Okey lang basta hindi ka bayolente. Huwag ismolin ang biyayang hatid ng pagiging baliw. Isa itong kalayaan ng isipan, kalayaan sa responsabilidad na mag-isip. Ang hirap kaya mag-isip. Saka, hello, hindi mo kaya alam na baliw ka kung totoong baliw ka na. Kaya okey lang. Ayon nga sa isang kasabihang Ingles, “What you don’t know won’t hurt you.” Kung baliw ka na, hindi mo kailanman malalaman na baliw ka. Mas lalong nakakabaliw ‘di vah?
            Kung minsan naman, pakiramdam natin na parang telenobela o sine ang buhay. Tulad na lamang noong nakaraang linggo. Nag-organisa ang mga kaibigan ko sa Miriam College ng isang surprise na engagement party para sa kaibigan naming si Janet na guro ng kasaysayan at kapapanalo pa lamang ng “Young Historian’s Prize for National History” mula sa National Commission for Culture and the Arts. Kinutsaba kasi ni Weng, boyfriend niya, ang dalawang kaibigan namin na yayain si Janet na mag-karaoke bar. Mula Saudi kung saan siya nagtatrabaho bilang nars ay uuwi siya. Mula airport ay didiretso siya ng karaoke bar na nasa Katipunan Avenue. Isang linggo bago niyon ay inimbitahan nila ako. Siyempre tumaas ang kilay ko dahil bakit naman kami maka-karaoke e wala namang okasyon, kauumpisa lang ng klase, kalagitnaan ng linggo at may 7:30 class ako, o kami, kinaumagahan. Nang sinabi sa akin ang surprise na pagpo-propose, hindi na ako makahindi. Dapat kasama ako sa isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ni Janet, isang bagong kaibigan na napamahal na sa akin nang lubusan. Mapuyat na kung mapuyat! Bahala na si Batman.
            At iyon nga, si Janet na walang malay ay pinagkaisahan naming lahat. Nagulat siya nang makita si Weng sa pinto ng karaoke room, may hawak-hawak na pulang rosas at maliit na box ng engagement ring. Napatili kami lahat nang lumuhod si Weng at inialay ang bulaklak at singsing kay Janet. Salamat sa Diyos at walang umiyak. Dahil kung mayroon, makikiiyak din ako. Iyak ng ligaya para kay Janet. Iyak ng inggit para sa aking sarili. At iyak ng pasasalamat para sa pag-ibig.
            Sabi ni Janet na feeling mahabang-mahaba ang hair kaya ang sarap kalbuhin gamit ang paper cutter na kalawangin, akala raw niya sa pelikula lang iyon nangyayari. Ang tagal daw mag-sink in sa kaniya na totoong nangyayari iyon. Kunsabagay, hindi natin siya masisisi. Sanay kasi tayong mapanood ito sa TV at pinilakang tabing lamang at kung nangyayari na sa atin ay tila telenobela at pelikula nga ang dating. Kung minsan talaga, ang buhay ay parang telenobela at pelikula.
            Ngayon, “can mistake brings love, or love brings mistake?” Whatever! Bakit ko kailangan sagutin ‘yan? Baka mabaliw pa ako. Not worth it.
            Maniwala na lamang tayo na pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nandito sa mundo ngayon. Matagal nang sinabi sa akin ng isang kaibigan na ang buhay raw ay talagang ganiyan, parang life! Ibig sabihin, mahirap unawain ang pag-ibig gaya ng buhay sapagkat ang pag-ibig ay parang love. Kaya pagdating sa pag-ibig, maging idolo at modelo natin dapat si Kris Aquino. Iyung gora lang nang gora, walang preno, parang bunganga niya. Walang pakialam madungisan man ang reputasyon ng hasyenderong pamilya at mapabaluktot sa hiya ang bayaning tatay at santang nanay sa kanilang mga hukay. Hindi lang talaga marunong umarte sa telenobela at pelikula si Kris Aquino pero pagdating sa pag-ibig, saludo ako sa kaniya, siya ang aking idolo, duwag nga lang ako kaya hanggang ngayon, magti-39 na ako, wala pa ring nangyayari sa love life ko. Buti na lang may karir ako at prolific na sirenang manunulat ng mga nakakalokang sanaysay tulad nito.
            Ang moral lesson na natutunan ko sa panonood ng “Full House?” Kung walang mahingi, makuha, mabili, marentahan, maagaw, o madekwat na orihinal na pag-ibig, magkasya na lamang sa payreted. Gorabells! Klingalingdingdong!


 Para kina Janet Reguindin at William Estella,
na in fairness, orihinal ang pag-ibig sa isa’t isa.
  
[25 Hunyo 2012
Lungsod Pasig]

Monday, June 11, 2012

Paglalakad Kasama ang Sarili

BAGO pa man mag-alasais nandito na ako sa Miriam. Lunes ngayon at mamayang hapon ay may faculty meeting kami bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase sa Miyerkoles. Maaga ako dahil naisip kong maglakad at mag-ayos ng aking mesang-sulatan sa faculty room. Manghihiram din ako ng mga libro sa laybrari at susubukan kong tapusin ang pagrebisa ng silabus ng ituturo ko sa English Department na elective course, ang Popular Literature and Creative Writing.
            Sandamakmak ang mga gawain. Pero normal lamang ito. Mahigit dalawang buwan din akong nagbakasyon. Dapat lang na magtrabaho na ako ngayon. Kasabay ng panatang maging mas masipag na guro ngayong taong akademiko, nais ko ring maging mas malusog ngayon. Ibig sabihin, kailangan kong mag-exercise at bantayan ang aking mga kakainin at iinumin na hindi makakapagpalala sa aking dayabetes at hypertension. (Sa mga kaaway ko dyan, huwag muna kayong magdiwang. Borderline case lang ang aking blood sugar at blood pressure. Kasing lakas pa ako ng isang malanding kabayo!)
            Sabi ko nga sa kaibigan kong manunulat at doktor na si Alice nang magkita kami sa Mall of Asia noong nakaraang Lunes, magpapalusog ako upang ma-enjoy ko naman ang mga mamanahin ko at hindi pa ako naka-wheel chair kung tatanggapin ko ang aking National Artist Award at Nobel Prize for Literature. Siyempre tawanan kami ni Alice. Pero why not? Ang number one philosophy in life pa naman namin ay, “Kung talagang para sa ‘yo, para sa ‘yo talaga ‘yan.” Yeah, right. Parang ilusyon ko noon na para talaga kami sa isa’t isa ni Piolo Pascual. Kunsabagay, libre naman ang mangarap. Basta alam mong nag-iilusyon ka lang ay okey ka pa. Mahirap lang naman kung hindi mo alam na ilusyunada ka.
            Ang sarap maglakad dito sa Miriam. Marami kasing punongkahoy, mga luntiang halaman at damuhan, at sari-saring mga bulaklak. Nag-umpisa akong lumakad sa harap ng mini-forest papuntang Child Study Center. Pagkatapos kumaliwa papuntang High School. May mahabang daanan na nalilinyahan ng mga punong kalatsutsi na hitik sa mga puting bulaklak. Ang sanga at puno ng mga ito ay pinupuluputan ng halamang manaog-ka-irog na preskang-preska ang pagkaluntian. Mula High School ay bumaba ako patungong direksiyon ng Katipunan at bago pa man lumampas ng Elementary, kumaliwa uli sa makitid na simentadong daanan na ang tawag ay Bauhinia Pathway sapagkat nalililiman ito ng malalaking puno ng alibangbang na kapag panahon ng pamumulaklak nito ay nakakabaliw pagmasdan ang mga hugis-orkidyas nitong kulay-lilang mga bulaklak. Magtatapos (o mag-uumpisa kung nasa College ka manggagaling) ang daanang ito sa maliit ngunit magandang gusali ng Environmental Studies Institute. Mula roon kumanan ako at nadaanan ko ang grotto. Naglakad pa ako at muli’y matatagpuan ko ang aking sarili sa Mini-forest. Tatlong libot nito ang tatlumpung minuto. Ang sarap kasi marami ako nakikitang mga punongkahoy tulad ng santol, mahogani, akasya, baring-baring, arbol del fuego, at mga kumpol ng kawayan katulad na lamang ng nasa High School.
            Sa mga pagkakatong ganito mare-realize ko kung gaano ako ka palad. Alam talaga ng Diyos kung saan niya ako ilalagay. Alam kasi ng Diyos na mababaw lang ang kaligayahan ko. Makakapaglakad lang ako sa lilim ng mga punongkahoy, o makaupo sa isang tagong dalampasigan, ay masayang-masaya na ako. Ngayong nandito ako sa Metro Manila, saan pa ba ako puwedeng maging masaya kundi sa isang paaralan na maraming halaman. Isa kasing malawak na hardin ang Miriam College.
            Minsan, tumawid kami ni ng idolo at kaibigan kong makatang si Becky sa “friendship bridge” sa ibabaw ng malaking kanal sa pagitan ng Miriam at Ateneo de Manila University. Naglakad kami roon sa mga gubat-gubat sa likurang bahagi ng Ateneo. Parang ibang mundo ito. Parang sekretong lalawigan sa lungsod. Takipsilim iyon kung kaya mala-mahika ang pakiramdam. Mahiwaga talaga ang buhay. Noong 1997 nang una kong mabasa ang unang libro ni Becky at agarang humanga ako nang husto sa kaniyang mga tula, ni sa hinagap hindi ko naisip noon na darating ang araw na makakasama ko siyang maglakad isang takipsilim sa isang makahoy na pook. Na parang kami lang dalawa sa buong mundo. Na sa maikling panahon masosolo ko siya. Na kahit sa mga sandaling hindi kami nag-uusap, nakikipag-ugnayan pa rin ang kaluluwa namin sa isa’t isa. Isang dalisay at banal na regalo ng buhay ang pagkakataong iyon!
            Kanina, habang naglalakad akong mag-isa, punong-puno ng pasasalamat sa Poong Maykapal ang aking kasingkasing. Sa kabila ng mga problema at dagok sa buhay, patuloy pa rin akong binibigyan ng Diyos ng dahilan para mabuhay at maniwalang maganda pa rin ang daigdig.
            Mag-isa ako kanina subalit hindi ako malungkot. Kakaibang ligaya ang dulot ng paglalakad kasama ang sarili.
 
[11 Hunyo 2012
  Miriam College]   

Sunday, June 10, 2012

Talo

SA unang pagkakataon nanood ako ng laban ni Manny Pacquiao. Sa unang pagkakataon ipinagdasal ko na matalo siya. Nagalit kasi ako nang magsalita siya laban ng sa aming mga bading at lesbiyana. Hindi ko gusto ang tabas ng dila niya bilang trying hard na pastor.  
            Sa mga unang laban ni Pacquiao, nagdadasal talaga ako na manalo siya at sana huwag siyang masaktan nang husto. Bilib kasi ako sa kaniya na sa kabila ng kahirapan sa buhay, nagsikap siya at naging pinakamagaling na boksingero sa buong mundo. Hindi lang ako nanonood ng mga laban niya noon dahil hindi ko kayang manood ng dalawang taong nagsusuntukan. Masyado itong barbaric para sa aking sensibilidad.
            Pero kanina, nanood talaga ako. Inimbitahan ako ng kaibigan kong filmmaker na makinood sa bahay niya dahil mayroon siyang pay per view. Gusto kong panoorin nang live ang laban ni Pacquiao upang live ko ring ipagdasal na sa kada suntok ni Timothy Bradley ay tatamaan siya. Gusto ko talagang matumba si Pacquiao!
            Nasa isang seminaryo na nasa taas ng bundok sa Lungsod Iligan ako noong Mayo nang bumalandra sa akin ang balita sa front page ng Inquirer na sinabi ni Pacquiao na ayon sa Bibliya mapupunta sa impiyerno ang mga homoseksuwal. Tumaas ang presyon ko at agad na ipinakita kay J. Neil C. Garcia ang balita. Magkasama kasi kaming panelist sa Iligan National Writers Workshop doon. Kahit alam kong hindi ko kayang makipagsuntukan, gusto kong hamunin ng suntukan si Pacquiao!
            Nang mga sumunod na araw, sinabi naman ni Pacquiao na misquoted lang siya. Mahal daw niya ang mga bakla. Kaya lang, sinasabi talaga sa Bibliya na kasalanan ang homoseksuwalidad at dahil dito ay hindi niya susuportahan ang gay marriages. Lalo akong nairita. Trying hard na pastor! Ang mga pari nga, apat na taon nag-aaral ng Pilosopiya at apat na taong nag-aaral ng Teolohiya. Siya, nagboksing lang, nag-trying hard na mag-interpret ng Bibliya. Hirap na hirap siyang magbasa at magsalita ng Ingles pero Ingles na Bibliya talaga ang kino-quote niya kahit na elegante naman ang salin ng Bibliya sa Sebwano.
            Nakakabuwisit! Bakit hindi ang mga kurap na politikong dumidikit sa kaniya ang pagsabihan niyang mapupunta sa impiyerno? Naku, sa Ten Commandments pa lamang ay may mako-quote ni siya. Halimbawa, “Thou shalt not steal.”
            Kaya masaya ako na natalo siya. At mas masaya ako habang pinapakinggan at binabasa sa Facebook ang maraming teorya tungkol sa pagkatalo ni Pacquiao na mabilis na nagsilabasan pagkatapos ng laban.
            Una, na-leyt siya sa laban dahil nanood pa siya ng basketball at natalo pa ang sinusuportahan niyang koponan. Hindi siya nakapag-warm up. Masyado na bang yumabang si Pacquiao at carry na niyang ma-leyt sa laban? Nagiging unprofessional na ba ang the best boxer in the world? Lumaki na masyado ang ulo?
            Pangalawa, hindi raw talaga ang panonood ng basketbol ang dahilan kung bakit na-leyt si Pacquiao. Panandalian siyang kinidnap ng Mafia at sinabihang magpatalo siya.
            Pangatlo, sabi ng kaibigan kong scriptwriter, scripted daw itong pagkatalo niya kaya kitang-kita na hindi masyadong affected si Pacquiao nang gin-announce na si Bradley ang panalo. Malaki raw kasi ang utang ni Pacquiao kay Bob Arum. Dahil ito sa hindi masyadong maka-Diyos na lifestyle ng Pambansang Kamao. Natatalo raw ito sa kasino ng milyong-milyong dolyar. Kung kaya kahit konggresman na si Pacquiao at hindi na bagay ang pagbo-boxing at tumatanda na siya (matanda na ang edad 30 para sa isang atleta) ay boxing pa rin siya nang boxing. Ang script ay ganito. Magpapatalo muna si Pacquiao ngayon para mas malaking commercial event ang re-match nila ni Bradley. Sa re-match, siyempre si Pacquiao na ang panalo. Akala ko pa naman ang yaman-yaman na ni Ninong Manny.
            Pang-apat, sina Senador Miriam Defensor-Santiago at ang napatalsik na Chief Justice Renato Corona ang mga hurado. Siyempre, galit sila sa mga konggresista kayo pinatalo nila si Pacquiao!
            Nakakaloka di ba?
            Pero heto ang pinaniniwalaan ko. Natalo si Pacquiao dahil sabay-sabay na nagdasal ang milyon-milyong bading at lesbiyana sa buong bansa na matalo siya. Dapat alam na ngayon ni Pastor Pacquiao na ang mga homoseksuwal ay pinakikinggan din ng Diyos. Wala ito sa Bibliya kaya alam kong litong-lito na ang boksingerong talo.


[10 Hunyo 2012 Dominggo

Lungsod Pasig]

Thursday, December 15, 2011

Every Disaster is Personal

(A paper read on the panel “Apocalyptic Literature: Disaster and Imagination”
during the Philippine Center of International PEN Literature Conference,
1&2 December 2011, Cultural Center of the Philippines)

I WOULD LIKE to start with an idea that for a writer every disaster is personal. Whether this disaster is natural or human-made; or whether it is trivial, minor, major, or apocalyptic, a writer has no choice but to deal with it in a personal way for the way of the writer is always personal.
            Let us take for example the Black American writer Jamaica Kincaid in her autobiographical narrative My Brother (Farrar, Straus and Giroux, 1997). She says, “I became a writer out of desperation, so when I first heard my brother was dying I was familiar with the act of saving myself: I would write about him, I would write about his dying. When I was young, younger than I am now, I started to write about my own life and I came to see that this act saved my life. When I heard about my brother’s illness and his dying, I knew, instinctively, that to understand it, or to make an attempt at understanding his dying, and not to die with him, I would write about it.”
            Life is depressing. It is a series of disasters.
            In July 2008 a typhoon named Frank wreaked havoc on Panay Island. Half of Iloilo City and its neighboring towns were severely devastated. Many lost their homes and properties. Many died. My filmmaker friend Oscar Reuben Nava, who volunteered in the rescue efforts of the city government (and who in the moment of panic called me asking if I have a jet ski or a speedboat—Thank God he did not ask for a submarine! I mean, he knows that I’m a mermaid so what is the use of a jet ski or a speedboat for me?), made a video documentary titled “Hupa” or “Nightmare,” maybe to save his mind from disintegrating after witnessing the unspeakable onslaught and aftermath of the flood. This film is a masterpiece. It won in the Gawad CCP para sa Alternatibong Pelikula at Vidyu and in the Moonrise Film Festival. It was screened in film festivals abroad like in the Documentarist in Istanbul, Documenta in Madrid, and Al Jazeera Film Festival in Doha. The narrator in the film is Nava himself enjoying a party during the beginning of the flooding and waking up to a nightmare of a disaster. The film has the texture of a bad dream that is real and surreal—cars on top of each other in the middle of what remains of a rice field, crying men digging with their bare hands family members who were buried alive in the mud.
            I was still working in Iloilo when Frank happened. But thank God my apartment was in the part of the city that was protected by the Iloilo River, which is really not a river but an arm of the sea. Paradoxically, or expectedly, the Mermaid was saved from the flood. But in November 2009, I was already teaching at Miriam College in Quezon City when Ondoy came. My house was in Rosario, Pasig, in the path of the rushing flood. Again, the Mermaid was lucky for my house, which I discovered only during that time, is in the part of Rosario that is higher. The flood water did not reach my house. But then I know many people—some are students, co-workers, friends of friends—who were victimized by the flood. For a week we did not have classes for many of our students are from Marikina City which was badly hit. We had to forgo of the final examinations and submissions of final projects that semester for humanitarian reasons.
            A few days after Ondoy, around six in the morning, I was on a taxi going to school. Along the C5 hi-way overlooking Marikina Valley, the sun is shining brightly—it is like a ball of gold bestowing blessings to everything. The valley is sleeping soundly. The scene is so beautiful as if the disastrous flood did not happen at all. That instant, a poem descended upon me. I titled that poem “Pathetic Fallacy” which was published in the “Disaster and Survival” issue of Ani (Vol. 36, 2011). Please permit me to read it to you:

Parang birheng prinsesa na natutulog
Habang kayakap ang banal na ulop
Ang Lambak Marikina
Mula sa bintana ng sinasakyan kong taxi
Na tila nagmumuni-muning binabaybay
Ang C-5 Katipunan ngayong alasais ng umaga.
Parang kay ganda ng kaniyang panaginip,
Siguro hardin ng mga gintong bulaklak
Na biniyayaan ng halina ng kagigising na araw.
Parang walang bahang dumaan.
Parang walang lumubog na mga bahay.
Parang walang naanod na mga pangarap.
Parang walang pami-pamilyang nalunod.
Parang walang natagpuang mga lumulobo at nabubulok
Na katawan ng mga bata, babae, at lalaki
Na bahagyang nakalibing sa putik
At nakasabit sa mga nakalbong punungkahoy
Sa tabing-ilog nang bumaba ang tubig.
Parang wala lang.
Parang walang mga kalye, eskinita, at subdibisyon
Na hanggang ngayon abot-pekpek at bayag pa rin
Ang kulay-putik na tubig na pinamamahayan na
Ng mga lamok na buntis sa dengge.
Parang walang bundok ng mga basurang
Buong pagsuyong inihandog ng baha
Sa maraming sulok ng lungsod.
Parang wala lang talaga.
Parang wala talagang pakialam
Ang kagandahan ng umaga.     
           
            Last week I watched with my students a documentary about the sorry state of education in the Philippines which is really a sociological disaster—1 in every 7 students do not have a chair; 1 in every five students do not have a table; a student copying the contents of the only textbook in their school on a black board, half torn and with three big holes, so that her classmates will be able to copy the lessons on their notebooks that have seen better days; a classroom with cracked walls and half of the roof missing; a classroom in Metro Manila with 150 students; a young girl who is number one in her class but have to collect rusty nails, iron wires, and tin cans in a polluted river so that she will have five-peso baon to school;  a school teacher who in his “free time” drives a tricycle to augment his meager income; and many other horrific scenes especially to the eyes of my students who most of them came from exclusive schools. During the discussion, a student of mine cried saying that we should stop blaming each other and instead do something to help those children in the public school. Then another student, a feisty one, raised her hand and shouted, “Shit, sir, kung may trabaho na ako, I will help them!” At times like this I allow my students to swear.     
            That is why I cannot stop myself from hurling invectives to my television set every time I watch news about Gloria Macapacal Arroyo being conveniently “detained” at the state-of-the- art St. Luke’s Hospital in Taguig City. Her room alone costs PhP50,000 a night! If you donate PhP50,000 to the Kapuso Foundation of GMA7, this money is enough to build one badly needed classroom. (Well, it is as if it is the role of private foundations to build classrooms.) Gloria (she has given a bad meaning to this rather beautiful, pleasurable, glorious word) during her first State of the Nation Address in 2001 promised to build a classroom in every barangay. Every barangay my foot! I’m so angry because I wrote a column article praising her about this in a local newspaper in Iloilo City. That is why I am taking this issue personally.
            Imagine this apocalyptic scene: the Devil Incarnate is sitting on her throne with wheels wearing the crown around her neck. Her royal portrait is Naruto-like. She does not have to say anything. She has spokespersons—a handsome angel with a forked tongue, a mother of all liars who is aptly named “Sungay,” and a harlequin who became a lawyer and announces on national TV that he is willing to sell his testicles to the devil. And there is another one, in the Supreme Court, a spokesperson who is named after a king who at his touch turns everything into gold including his own daughter. Imagine if he touches a court’s decision, let us say for example a Temporary Restraining Order? One time he allowed illiterate reporters to call him “Justice” even if in real life he is just a court jester. He appears so serious on television that he looks like a joke.
            This is my point: To do nothing about this, meaning letting loose of the Devil Incarnate and her phantasmal entourage, is a real national disaster. And as a writer with some kind of imagination I have no choice but to write about it. Of course I would rather be the policeman who would be tasked to arrest Gloria and drag her from her hospital bed and throw her to the prison cell. But too late for that already, I mean, me being a policeman. Although I have a big tummy for that role I am afraid of guns. I shudder at hearing a gunshot. I was born a writer and my job is to write.  
            Writing is difficult. Writing is wrestling with words in the ring of our mind. Cirilo F. Bautista in his poem “Addressed to Himself” (The Cave and Other Poems, 1968) beautifully described this internal and eternal struggle of the writer,

How hard I have made life for you, Cirilo,
Who wrestle with words to free my mind;
Your various battles, you do not know,

Poise at me the same buckle, the same wind
That eagles in anger hotly ride on.
Yet like buckles you never break, though blind

At times you pine and pine for beauty gone—
Ah, never take the same courage, mon ami,
Wisdom and the past are never one.

But learn to distrust language that we
In constant dreams deem the only fact,
Kill it in seduction or heraldry

So eagle-like you may invent your act;
Then think you walk in a world of thrall,
Where beauty walks too but does not look back,

Crossing the foggy fjords of the skull.
           
            This is the curse of the writer. We have no other weapons against the ugly memory of disasters but words. But we know that words would betray us because words, as I learned from Bautista, are never enough. Language is never enough to express what we want to express. We can do nothing about it and just live with it. This in itself is another disaster.
            What I don’t understand is that we always refer to the apocalypse when we encounter a cataclysmic disaster. Apocalypse is just one of the major disasters humanity will see and experience. The human spirit will always survive and we writers have no choice but to write about it. We will deal with these disasters sitting down and writing. For this is our gift. For this is our curse. It is given to us in our personal—very personal—capacity. We are only left with two choices—to write or to go crazy. The only Choice is clear for to go crazy is to surrender to the devil our beautiful mind, our imagination, our very soul. As writers we just have to endure.

[November 2011
Pasig City]


Thursday, July 7, 2011

Habang Namimintana sa Bulwagang Kalayaan, Palasyo ng Malakanyang

Sa labas ng malalaking bintana
parang higanteng sundalong nakatayo
ang matabang puno ng kalatsutsi
na pangmayaman ang kinang
ng mga luntiang dahon.
Kay puti ng mga bulaklak nito,
parang nandidiri
sa maburak na tubig ng ilog.
Kumikinang ang kaputian
nitong malaking gusali,
kay gagara ng mga muwebles,
kay linis ng mga dingding at sahig.
Sa labas sa harap palaging bagong gupit
ang malawak na damuhan.

Subalit parang may naririnig akong
mahinang panaghoy
ng mga kababayan kong
namamatay sa gutom
sa kanayunan at kabundukan?
Ang mahinang hangin
na pumapasok sa bintana
parang may bahid ng amoy
ng pera at dugo.

May kumukulo sa malalim
na bahagi ng aking tiyan.
Bakit parang nasusuka ako
nang titigan ko ang mga aranya?


-J.I.E. TEODORO
 13 Mayo 2011 Biyernes
 4:30 n.h. Miriam College

Monday, June 20, 2011

Mga Tanong sa Ating Panahon

(Para sa kapatid na Ricky Rivero)

Kung bubuksan mo ba ang pintuan
Ng iyong buhay sa isang estranghero
May karapatan na ba siyang
Saksakin ka at nakawan?

Kasalanan na ba ngayon
Ang pagiging palakaibigan?
Hindi na ba uso ang pagpapakatao
Sa panahon ng Twitter at Facebook?

Bakit kailangang labimpitong saksak?
Ganoon ba karami ang pulang tinta
Na kailangan upang maisulat
Ang binalaybay ng pag-ibig?

Kailangan na bang bayaran ng buhay
Ang paglagok sa sambasong kalipay?
Hindi na ba talaga praktikal
Ang maniwala pa sa mga himala?



-J.I.E. TEODORO
 19 Hunyo 2011 Dominggo
 6:34 n.h. Lungsod Pasig

Sunday, June 12, 2011

Talumpati ni PNoy para sa Araw ng Kalayaan

Kruhay! Sharing with you the poem I wrote yesterday as an exercise in our Literary History of the Philippines class under Dr. Genevieve L. Asenjo in the graduate school of De La Salle University Manila. My task was to write an Araw ng Kalayaan speech for PNoy using the theories and thoughts of our two leading critics--Bienvenido Lumbera and E. San Juan, Jr. Enjoy!

Talumpati ni PNoy
para sa Araw ng Kalayaan
na Gin-ghostwrite
nina Ka Bien at Ka Sonny


Magandang umaga sa inyo,
mga minamahal kong kababayan.
Araw ng Kalayaan na naman
hindi pa ba kayo nasusuka?
Saan ba talaga tayo lumaya?
Sa inaalmoranas na puwet ng Amerika
na sugapa sa kapangyarihan at pera?
Tanggapin na kasi natin
na neokolonya na nila tayo ngayon.
Sige palakpakan ninyo ako, mga Boss ko!
Napatunayan ko na tulad ng aking ina,
na madasalin at baka gagawin pang santa
ng mga obispong takot sa kondom,
Tuta rin ako ng Amerika, yeah!
Ano’ng magagawa ko?
Nananalaytay sa aking kaugatan
ang molasses na may bahid ng dugo
ng mga minasaker na magsasaka
sa pinakamamahal naming Hacienda Luisita.
Hindi ko kasalanang maging kuya ni Kris Aquino.
Kaya tiisin na ninyo ang mga sosyal niyang eskandalo.
Bilang bayad sa nakaiirita niyang pag-iingay
matagal ko nang ipinagbawal sa mga kalye ang wang-wang.
Pasensiya na po kung palaging tumataas
ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Mahirap kasing kalabanin
ang mga ka-rancho kong negosyante.
Bilang presidente ng mga elit
kailangan kong proteksiyunan ang interes
ng mga kompanyang multinasyonal
na lalong nagpapayaman sa amin.
Hayaan na po sana ninyo
kung may ilang bobo at kurap sa aking gabinete.
Kalaro ko kasi ang mga iyan sa baril-barilan.
Ang sports car ko huwag na ninyong pag-interesan
pera ko naman ang pinambili ko diyan.
Tumahimik na lamang kayo, mga kababayan ko.
Huwag na ninyo akong punahin at awayin.
Anak ako ng mga burgis na bayaning
sina Ninoy at Cory ni nirerespeto ng lahat.
‘Ika nga nila, ganiyan talaga ang buhay, parang layf.
Sinuwerte akong isilang sa pamilya ng mga hasyendero,
oligarkiya, kapitalista, at komprador.
Kami talaga ang nakatadhanang maghahari
sa bansang ito na kahit kailan
hindi na talaga lalaya mula sa tanikala
ng kamangmangan at kahirapan.

Tatapusin ko na po itong talumpati ko.
Nagmamadali po ako at Linggo ngayon.
Magsisimba pa po kami ng aking mga ate.
Hinihintay na rin ako ni Joshua sa Bahay Pangarap
upang maglaro kami ng Dota maghapon.

Paalam na po at hindi ko na alam
kung ano pa ang maganda sa umaga.

Maraming, maraming salamat po!

God bless the Philippines!


-J.I.E. TEODORO
 11 Hunyo 2011 Sabado
 1:40 n.h. DLSU-Manila