Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Monday, June 20, 2011

Mga Tanong sa Ating Panahon

(Para sa kapatid na Ricky Rivero)

Kung bubuksan mo ba ang pintuan
Ng iyong buhay sa isang estranghero
May karapatan na ba siyang
Saksakin ka at nakawan?

Kasalanan na ba ngayon
Ang pagiging palakaibigan?
Hindi na ba uso ang pagpapakatao
Sa panahon ng Twitter at Facebook?

Bakit kailangang labimpitong saksak?
Ganoon ba karami ang pulang tinta
Na kailangan upang maisulat
Ang binalaybay ng pag-ibig?

Kailangan na bang bayaran ng buhay
Ang paglagok sa sambasong kalipay?
Hindi na ba talaga praktikal
Ang maniwala pa sa mga himala?



-J.I.E. TEODORO
 19 Hunyo 2011 Dominggo
 6:34 n.h. Lungsod Pasig

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.