Mahapdi ang balat ng aking likod
paggising ko kaninang madaling-araw.
Umunat ako at napangiti
dahil naalala ko ang iyong ngiting
lalong nagpatingkad sa binalaybay
na inaawit ng mga alon
sa kulay-rosas na dalampasigan
na mahal na mahal ng araw.
Nakauwi na ako rito sa Pasig.
Malayo na sa Puerto del Mar dyan sa Guimaras.
Subalit, Palangga, naririnig ko pa rin
ang malambing mong boses
na para bang isang makulay na isda
na buntis sa pag-ibig
na mahinhing lumalangoy
sa namumukadkad na hardin
ng mga korales.
-J.I.E. TEODORO
6 Mayo 2011 Biyernes
6:39 n.u. Lungsod Pasig
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.