Dahil walang kartel, sunod-sunod na tumaas
Ang presyo ng mga produktong petrolyo ng Php1.25 kada litro
Sampung araw bago mag-Pasko.
Nauna ang Shell, sinundan ng Petron, sumunod naman ang Caltex—
Tunay ngang mga multinasyonal na lintek!
Ito ba ang paraan ng pagdiriwang ng mga kapitalista
Sa kaarawan ni Hesukristo na bagamat hari ng mga hari
Ay isinilang sa marumi, mabaho, at masikip na sabsaban?
Bwisit! Hihingi na naman nito ng dagdag
Ang mga drayber ng taxi na aking sasakyan.
Akala siguro nila mayaman ako dahil ang taba-taba ko.
Di nila alam hikain lang ako kung kaya’t di puwedeng palipat-lipat ng dyip
Papunta at pauwi mula sa kolehiyong pinagtuturuan.
Mas nakamamatay kasi ang pambayad sa ospital kung ako’y aatakehin.
At kung mayaman ako, bakit ako sasakay sa bulok nilang taxi?
Siguro naman may Honda, BMW, at Volvo ako sa garahe ko.
Subalit mahirap makipagtalo sa taong isang-kahig-isang-tuka tulad ko.
Iisa lamang kasi ang sinusunod na lohika ng kumakalam na sikmura—
Ang kainin lahat ng puwedeng makain pati hiya at paggalang sa sarili.
Saan ba napupunta ang natural gas na nakukuha sa Malampaya?
Hinigop ba lahat ni Gloria at ng kaniyang bana?
Mukha namang bisi-bisihan si PNoy at maraming ginagawa.
Pero para kanino? Sa mga katulad niyang hasyendero?
Bakit hindi niya totohanang tahakin ang tuwid na landas
At latiguhin ang Shell, Petron, at Caltex para naman mabuhay
Ang mga hampaslupang pinangakuan niya noong halalan
Na ayon sa kaniyang retorika ay mga boss niya?
Hindi sapat ang mga lapis, notbuk, at bag na pinumumudmod
Ng kaniyang mga madasaling kapatid na babae.
Huwag niyang sabihin na wala rin siyang magagawa
Katulad ng sa kahiya-hiyang Hacienda Luisita.
Kapag ganito lagi, baka isang Pasko, isang Bagong Taon,
Magsisiputukan at magsasabugan na parang mga libentador at kuwitis
Ang galit ng mga manggagawa at maralita
At mamamangha ang mga hasyendero, ang mga tarpolitiko,
Ang mga mandarayang oligarkiya at komprador,
Ang mga pari at obispong maka- at astang-mayaman
Sa lakas, ganda, at dahas ng pagbabago ng lipunan.
-J.I.E. TEODORO
14 Disyembre 2010 Martes
6:35 n.u. Lungsod Pasig