Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Saturday, January 26, 2013

Cafe del Sol

ANG CAFÉ DEL Sol ang paboritong lugar ni Ruben sa Boracay. Isa itong maliit na coffee shop sa bungad ng D’Mall, isa ring paborito niyang pasyalan doon sa islang iyon. Ang D’Mall ay pasikot-sikot na hilera ng mga sosyal na tindahan na may kalsadang buhangin sa gitna at nalilinyahan pa ng mga palmera. Parang open air na mall.

Nagtext siya kay Jun kanina na doon sila magkikita sa Café del Sol. Doon siya maghihintay. Nag-order siya ng café americano at blue berry cheesecake.

            Papalubog na ang araw. Kulay-apoy ang kalangitang nagsisilbing background ng dagat. Malaking ginhawa para kay Ruben ang mabugnaw na mahinang ihip ng hangin. Mga alas-tres kasi siya lumabas sa resort na tinitirhan niya kanina. Ang init. Patapos pa lamang ang Pebrero ay parang nasa kalagitnaan na ng tag-araw. Sabi ng PAGASA, may El Niño ngayong taon at maagang mag-uumpisa ang tag-araw at baka tatagal ito hanggang Hunyo o Hulyo. Lalala pa raw ang init ng panahon. Wala pa sa kalagitnaan ng tag-init.

            Dahil Pebrero pa lamang, hindi pa ganoon karami ang mga local tourist sa Boracay. Mas marami ang foreigner na tinatakasan ang taglamig sa kanilang mga bansa. Hindi nga okupado ngayon ang mga upuan sa Café del Sol. Na iyun naman talaga ang gusto ni Ruben. Ang ideya kasi niya ng magandang restawran ay iyung walang tao. Sabi naman ng isang kaibigan niya, kung palaging walang tao ang isang restawran, ibig sabihin pangit ang pagkain doon.

            Pero hindi pangit ang pagkain sa Café del Sol. Itong blue berry cheesecake nga ay kay sarap. Binabalikbalikan niya ito. Hindi kasi masyadong matamis pero hindi rin matabang. Hindi rin masyadong malambot at hindi rin masyadong matigas. Tamang-tama lang. Andami pang berries. Saka feeling niya ang ganda-ganda niya kapag ito ang kinakain niya sa Boracay.

            Kaya lang ngayon, wala siyang ganang kumain ng blue berry cheesecake. Halos hindi rin niya pinapansin ang kaniyang café americano. Hindi kasi siya mapalagay. Hindi niya malaman kung masyado ba siyang excited o nag-aalala na muli silang magkikita ni Jun at dito pa sa Boracay kung saan dalawa lang sila. Kanina habang nag-iikot siya sa D’Mall, pinag-iisipan niya kung yayayain na lamang ba niya si Jun na mag-share sa kaniyang kuwarto o kailangan ba ni Jun na kumuha ng sarili nitong kuwarto.

            Umuwi si Ruben nitong weekend sa kanila sa Antique dahil noong Sabado ay kaarawan ng namayapa niyang ina. Dadalaw siya sa puntod ng inang tatlong taon pa lamang namatay dahil sa atake sa puso. Noong Linggo naman, kasal ng paborito niyang pinsan na si Nene Oliva kaya iniskedyul talaga niya ng pag-uwi niyang ito. Lunes hanggang Miyerkoles, magbabakasyon siya sa Boracay. May promo kasi ang isang resort at gusto rin niyang makapagpahinga. Nagtatrabaho siya sa legal department sa opisina ng isang senador. Sa paliparan na siya ng Caticlan, barangay na may sakop sa isla ng Boracay, sasakay pabalik ng Manila.

            Nagkita sila ni Jun sa kasal. Best man ito. Noong una hindi niya alam kung kakausapin ba niya o hindi si Jun. Si Jun na dati niyang boyfriend.

            Noong nasa kolehiyo si Ruben at haiskul pa lamang si Jun sa St. Anthony’s College sa San Jose de Buenavista, Antique, magkasama sila sa isang theater company. Magkasama sila sa mga workshop, sa mga rehearsal, at sa mga palabas. Pati na rin sa mga cast party na palaging nauuwi sa lasingan. Minsan sa isang mumurahing resort sa Madrangca may nangyari sa kanilang dalawa sa tabing-dagat. Madaling-araw na iyon. Lasing na silang lahat. Nagkayayaan sina Ruben at Jun na maligo. Noong naghuhubad na sila ng damit sa dalampasigan, hindi na sila natuloy sa pagligo dahil bigla nilang niyakap ang isa’t isa at naghalikan nang todo-todo. Magmula noon, naging sila na. Itinago nila siyempre ang relasyong ito sa kanilang mga kasamahan sa teatro, sa kanilang mga kaibigan, at lalong-lalo na sa kanilang pamilya.

            Hanggang sa nag-aral si Jun sa Manila. Naputol ang kanilang komunikasyon. Wala pa kasing selfown noon. Naisip noon ni Ruben na mahirap talaga ang isang tagong relasyon, napakarupok at hindi mo ito kayang ipaglaban.

            Ibinuhos na lamang ni Ruben ang kaniyang damdamin at panahon sa pag-aaral. Nang magtapos siyang cum laude sa A.B. Political Science sa St. Anthony’s College, kumuha naman siya ng abogasya sa Central Philippine University sa Lungsod Iloilo. Nagtuturo siya sa isang pribadong paaralan sa Iloilo sa araw at nag-aaral naman sa gabi. Nang makapasa siya ng bar, naghanap siya ng trabaho sa Manila at ngayon nga ay sa Senado siya nagtatrabaho.

            Nabalitaan na lamang niya sa isang dating kasamahan nila sa teatro na nakapag-asawa na pala si Jun. Isa nang civil engineer ito at doon na nagtatrabaho at naninirahan sa Lungsod Bacolod sa isla ng Negros. May dalawang anak na babae na raw ito.

            Kaya halos nahilo sa sobrang gulat si Ruben nang makita si Jun sa kasal. Pinsang-buo pala ito ng bana ng pinsan niyang si Oliva. Iniwasan ni Ruben na magkasalubong ang paningin nila ni Jun. Pero ilang beses niyang nahuling nakatingin sa kaniya si Jun at ngumingiti ito.

            Noong patapos na ang reception, nilapitan siya ni Jun. Gusto sanang tumakas ni Ruben subalit mukhang lilikha siya ng eskandalo.

            “Ba’t parang gusto mo akong iwasan?” nanunuksong tanong ni Jun. Medyo nagkalaman lang ang katawan nito at may konting umbok sa tiyan. Pero ang mga ngiti nito, ito pa rin ang mga ngiting nagpaibig kay Ruben may dalawampu’t dalawang taon na ang nakalilipas. Si Ruben, tumataba na rin siya ngayon.

            “Hindi, a…”

            “Anong hindi? Kanina sa simbahan ngiti ako nang ngiti sa ‘yo. Ikaw naman, kunwari di mo ako nakikita.”

            “E, ano ang gusto mong gawin ko?”

            “Ang mag-usap tayo. Di ba magkaibigan pa naman tayo?”

            “Ano naman ang pag-uusapan natin?”

            “Kahit ano. Yung dati. Yung mga dati nating ginawa.”

            “Kinalimutan ko na ang mga iyon.”

            “Ows? Kaya ba affected ka masyado nang makita mo ako dito?”

            “Ano ba ang problema mo? Ba’t ginaganito mo ako ngayon?”

            “Ups, huwag kang magalit. Gusto ko lang mag-usap tayo.”

            “Di pwede. Maaga pa ako bukas sasakay ng bus papuntang Caticlan.” Tatlong oras na biyahe iyon mula San Jose de Buenavista.

            “Magbo-Boracay ka?”

            “Oo. Bakasyon.”

            “Pwedeng sumama?”

            “Oo naman. Bukas naman ang Boracay para sa lahat. Nasa Bill of Rights naman natin ang the right to travel. Wala lang tayong karapatang i-harass ang ibang tao.”

            “Ups, attorney… Huwag ka namang ganiyan. Bigay mo sa akin cellphone number mo. Susunod ako sa ‘yo doon. May ime-meet lang kasi akong kliyente bukas ng lunch time. Tatawag at magti-text ako sa ‘yo.”

            Napilitan si Ruben na ibigay ang numero ng selfown niya. Binigyan rin siya ni Jun ng numero nito.

            “Di ba may asawa’t dalawang anak ka na?”

            “So?”

            “Anong gagawin natin sa Boracay?”

            “Dalawang taon na akong hiwalay sa wife ko. Dinala niya ang mga anak namin sa Canada. Don’t worry, hindi ka magiging kerida.”

            “Oh, I’m so sorry. Bakit kayo naghiwalay?”

            “Nahuli niya akong may karelasyong lalaki sa Bacolod.”

            Naputol ang kanilang pag-uusap dahil lumapit sa kanila si Oliva upang isama sila sa pagpapakuha ng piktyur.

            Mag-aalas-otso na ng gabi nang dumating si Jun. Nakaputing t-shirt ito na fit at nakamaong na kupas na fit din at may hiwa sa magkabilang tuhod. Napaka-seksi tingnan. Pati ang munting umbok ng tiyan nito seksi rin ang dating.

            “Kanina ka pa ba naghihintay?”

            “Okey lang… Nawiwili naman ako dito sa Café del Sol.”

            “Hapon na ako nakaalis sa San Jose dahil nagpasama pa si Mommy sa doktor niya. Ako ang yaya niya ngayon, e.”

            “Buti naman at may nag-aalaga sa nanay mo. Mabait ka rin palang anak. Akala ko…”

            Tumawa si Jun. “Akala mo ano? Na wala akong kuwentang anak? Ikaw talaga…”

            “O, ngayong nandito ka na, ano na ang gagawin natin?”

            “First, kakain muna tayo at gutom na gutom ako.”

            “Masarap ang mga sandwich nila dito.”

            Nag-order sila ng sandwich at juice. Tahimik silang kumain. Pinapanood lamang ang mga taong dumadaan sa harapan ng kanilang mesa.

            “May boyfriend ka ba ngayon?” tanong ni Jun.

            “Wala.”

            “Ows? Ikaw mawawalan ng boyfriend?”

            “Sige, pikunin daw ako…”

            “Ups, huwag kang magalit. Nagtatanong lang naman.”

            “Wala nga ngayon. Yung boyfriend kong guwardiya sa SM Megamall, kaaalis lang six months ago papuntang Dubai. Wala na kaming komunikasyon ngayon.”

            “Ikaw ang gumasta para makaalis siya?”

            “Parang ganun na nga… Minahal ko naman siya, e. Kaya okey lang. Naging masaya naman ako sa piling niya.”

            “Ba’t di man lang nag-email sa ‘yo? O tumawag kaya? O mag-text?”

            “Siguro parang ikaw. Nag-aral lang sa Manila nakalimutan na ako.”

            “Ups, aray ko! Sorry na tungkol doon. Kalimutan na natin ‘yun.”

            “Okey, sinabi mo, e.”

            “Seryoso ako. Sorry talaga… Bata pa tayo noon, e… Ang importante magkasama uli tayo ngayon.”

            Muli, natahimik silang dalawa.

            Matagal din silang naupo doon. Ninanamnam lamang ang presensiya ng bawat isa. Nasa mga taong dumadaan sila nakatingin. Kung minsan tinitingnan nila ang isa’t isa. Kung minsan nagkakasabay sila sa pagtitig sa isa’t isa at mapapangiti sila.

            Naghahanda na ang mga weyter at kahera ng Café del Sol sa pagsasara nila. Mag-a-alasdiyes na ng gabi.

            “O ano, uwi na tayo?” tanong ni Ruben kay Jun.

            “Saan, sa Antique?” panunuksong tanong ni Jun.

            “Hello! Okey ka lang? Siyempre sa resort.”

            Tumawa lamang si Jun. Parang musika ito sa pandinig ni Ruben. At ang kinang ng kasiyahan sa mga mata ni Jun, parang masasayang ilaw ng Boracay kung gabi.

            “Ano ba’ng resort mo?”

            “The Strand. Sa Station One. Medyo malayo dito. Pero maganda. Malaki ang garden nila. Maraming tanim at punungkahoy. Parang isang hiwa ng Palawan dito sa Boracay.”

            “Mahal ba?”

            “Medyo. Pero treat ko naman ito sa sarili ko. For working so hard all throughout the year.”

            “Kunsabagay… O ano, kukuha ba ako ng sarili kong kuwarto? May bakante kaya doon?”

            “Ikaw?”

            “O gusto mo share na tayo para may katabi ka sa pagtulog mamaya…”

            “Ikaw?”

            “Ba’t puro ako?”

            “Ikaw nga ang magdesisyon… Okey lang sa akin kung kukuha ka ng sarili mong room. Okey lang din sa akin kung makikitulog ka sa kuwarto ko. Malaki naman yung room. As in puwede ka doon sa sala…”

            “Gusto kong tumabi sa ‘yo sa pagtulog…”

            “Ikaw?”

            “Ako na naman?”

            “Depende nga sa ‘yo…”

            “Bakit ka ganiyan ngayon? Parang…”

            “Parang hindi ko na alam kung ano ang gusto ko?”

            “Parang ganun.”

            “Forty-two na ako, Jun… Pagod na akong makipaglaro.”

            “Ups, ba’t bigla kang naging seryoso? Magpo-forty na rin ako ngayong taon… Ano ka ba? Life begins at forty!”

            “Kaya nga… Huwag na tayong maglaro. Pagod na ako…”

            “Halika na nga. Maglakad na tayo. Doon tayo sa tabing-dagat.”

            Magkahawak-kamay silang naglakad. Masanaaw sa dalampasigan dahil sa repleksiyon ng mga ilaw ng dikit-dikit na mga restawran, resort, at hotel. Kay saya ng Boracay. Parang palaging piyesta. Parang palaging Pasko. May ilang mga pares-pares din silang nakakasalubong.

            Gabi iyon na walang buwan subalit sa kasingkasing nina Ruben at Jun, parang kay ganda at kay alwan ng sikat ng araw ng buhay, ng pag-asa, ng paghigugma...

            “O sige, doon na ako sa kuwarto mo. Tabi tayo sa pagtulog,” sabi ni Jun.

            “Okey… Pero maglakad-lakad muna tayo. Huwag tayong magmadaling umuwi. Mag-aalas-onse pa lang naman.”

            “Sabi mo nga forty-two ka na at forty naman ako… Di na natin kailangang magmadali.”

            “Tama… Di natin kailangang magmadali.”

 
[Marso 2010
Lungsod Pasig]

Ang "Cafe del Sol" ay bahagi ng hindi pa nalalathalang koleksiyon na Sad-sadan, Happy-hapihan

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.