Nagtext siya kay Jun kanina na doon sila magkikita sa
Café del Sol. Doon siya maghihintay. Nag-order
siya ng café americano at blue berry cheesecake.
Papalubog na ang araw. Kulay-apoy
ang kalangitang nagsisilbing background ng dagat. Malaking ginhawa para kay
Ruben ang mabugnaw na mahinang ihip ng hangin. Mga alas-tres kasi siya lumabas
sa resort na tinitirhan niya kanina. Ang init. Patapos pa lamang ang Pebrero ay
parang nasa kalagitnaan na ng tag-araw. Sabi ng PAGASA, may El Niño ngayong
taon at maagang mag-uumpisa ang tag-araw at baka tatagal ito hanggang Hunyo o
Hulyo. Lalala pa raw ang init ng panahon. Wala pa sa kalagitnaan ng tag-init.
Dahil Pebrero pa lamang, hindi pa
ganoon karami ang mga local tourist sa Boracay. Mas marami ang foreigner na
tinatakasan ang taglamig sa kanilang mga bansa. Hindi nga okupado ngayon ang
mga upuan sa Café del Sol. Na iyun naman talaga ang gusto ni Ruben. Ang ideya
kasi niya ng magandang restawran ay iyung walang tao. Sabi naman ng isang
kaibigan niya, kung palaging walang tao ang isang restawran, ibig sabihin
pangit ang pagkain doon.
Pero hindi pangit ang pagkain sa
Café del Sol. Itong blue berry cheesecake nga ay kay sarap. Binabalikbalikan
niya ito. Hindi kasi masyadong matamis pero hindi rin matabang. Hindi rin
masyadong malambot at hindi rin masyadong matigas. Tamang-tama lang. Andami
pang berries. Saka feeling niya ang ganda-ganda niya kapag ito ang kinakain niya
sa Boracay.
Kaya lang ngayon, wala siyang ganang
kumain ng blue berry cheesecake. Halos hindi rin niya pinapansin ang kaniyang
café americano. Hindi kasi siya mapalagay. Hindi niya malaman kung masyado ba
siyang excited o nag-aalala na muli silang magkikita ni Jun at dito pa sa
Boracay kung saan dalawa lang sila. Kanina habang nag-iikot siya sa D’Mall,
pinag-iisipan niya kung yayayain na lamang ba niya si Jun na mag-share sa
kaniyang kuwarto o kailangan ba ni Jun na kumuha ng sarili nitong kuwarto.
Umuwi si Ruben nitong weekend sa
kanila sa Antique dahil noong Sabado ay kaarawan ng namayapa niyang ina.
Dadalaw siya sa puntod ng inang tatlong taon pa lamang namatay dahil sa atake
sa puso. Noong Linggo naman, kasal ng paborito niyang pinsan na si Nene Oliva
kaya iniskedyul talaga niya ng pag-uwi niyang ito. Lunes hanggang Miyerkoles,
magbabakasyon siya sa Boracay. May promo kasi ang isang resort at gusto rin
niyang makapagpahinga. Nagtatrabaho siya sa legal department sa opisina ng
isang senador. Sa paliparan na siya ng Caticlan, barangay na may sakop sa isla
ng Boracay, sasakay pabalik ng Manila.
Nagkita sila ni Jun sa kasal. Best
man ito. Noong una hindi niya alam kung kakausapin ba niya o hindi si Jun. Si
Jun na dati niyang boyfriend.
Noong nasa kolehiyo si Ruben at
haiskul pa lamang si Jun sa St.
Anthony’s College sa San Jose de Buenavista, Antique, magkasama sila sa isang
theater company. Magkasama sila sa mga workshop, sa mga rehearsal, at sa mga
palabas. Pati na rin sa mga cast party na palaging nauuwi sa lasingan. Minsan
sa isang mumurahing resort sa Madrangca may nangyari sa kanilang dalawa sa
tabing-dagat. Madaling-araw na iyon. Lasing na silang lahat. Nagkayayaan sina
Ruben at Jun na maligo. Noong naghuhubad na sila ng damit sa dalampasigan, hindi
na sila natuloy sa pagligo dahil bigla nilang niyakap ang isa’t isa at
naghalikan nang todo-todo. Magmula noon, naging sila na. Itinago nila siyempre
ang relasyong ito sa kanilang mga kasamahan sa teatro, sa kanilang mga
kaibigan, at lalong-lalo na sa kanilang pamilya.
Hanggang sa nag-aral si Jun sa Manila . Naputol ang
kanilang komunikasyon. Wala pa kasing selfown noon. Naisip noon ni Ruben na
mahirap talaga ang isang tagong relasyon, napakarupok at hindi mo ito kayang
ipaglaban.
Ibinuhos na lamang ni Ruben ang
kaniyang damdamin at panahon sa pag-aaral. Nang magtapos siyang cum laude sa A.B. Political Science sa
St. Anthony’s College, kumuha naman siya ng abogasya sa Central Philippine
University sa Lungsod Iloilo. Nagtuturo siya sa isang pribadong paaralan sa
Iloilo sa araw at nag-aaral naman sa gabi. Nang makapasa siya ng bar, naghanap
siya ng trabaho sa Manila
at ngayon nga ay sa Senado siya nagtatrabaho.
Nabalitaan na lamang niya sa isang
dating kasamahan nila sa teatro na nakapag-asawa na pala si Jun. Isa nang civil
engineer ito at doon na nagtatrabaho at naninirahan sa Lungsod Bacolod sa isla
ng Negros. May dalawang anak na babae na raw ito.
Kaya halos nahilo sa sobrang gulat
si Ruben nang makita si Jun sa kasal. Pinsang-buo pala ito ng bana ng pinsan
niyang si Oliva. Iniwasan ni Ruben na magkasalubong ang paningin nila ni Jun.
Pero ilang beses niyang nahuling nakatingin sa kaniya si Jun at ngumingiti ito.
Noong patapos na ang reception,
nilapitan siya ni Jun. Gusto sanang tumakas ni Ruben subalit mukhang lilikha
siya ng eskandalo.
“Ba’t parang gusto mo akong iwasan?”
nanunuksong tanong ni Jun. Medyo nagkalaman lang ang katawan nito at may
konting umbok sa tiyan. Pero ang mga ngiti nito, ito pa rin ang mga ngiting
nagpaibig kay Ruben may dalawampu’t dalawang taon na ang nakalilipas. Si Ruben,
tumataba na rin siya ngayon.
“Hindi, a…”
“Anong hindi? Kanina sa simbahan
ngiti ako nang ngiti sa ‘yo. Ikaw naman, kunwari di mo ako nakikita.”
“E, ano ang gusto mong gawin ko?”
“Ang mag-usap tayo. Di ba
magkaibigan pa naman tayo?”
“Ano naman ang pag-uusapan natin?”
“Kahit ano. Yung dati. Yung mga dati
nating ginawa.”
“Kinalimutan ko na ang mga iyon.”
“Ows? Kaya ba affected ka masyado
nang makita mo ako dito?”
“Ano ba ang problema mo? Ba’t
ginaganito mo ako ngayon?”
“Ups, huwag kang magalit. Gusto ko
lang mag-usap tayo.”
“Di pwede. Maaga pa ako bukas
sasakay ng bus papuntang Caticlan.” Tatlong oras na biyahe iyon mula San Jose
de Buenavista.
“Magbo-Boracay ka?”
“Oo. Bakasyon.”
“Pwedeng sumama?”
“Oo naman. Bukas naman ang Boracay
para sa lahat. Nasa Bill of Rights naman natin ang the right to travel. Wala
lang tayong karapatang i-harass ang ibang tao.”
“Ups, attorney… Huwag ka namang
ganiyan. Bigay mo sa akin cellphone number mo. Susunod ako sa ‘yo doon. May
ime-meet lang kasi akong kliyente bukas ng lunch time. Tatawag at magti-text
ako sa ‘yo.”
Napilitan si Ruben na ibigay ang
numero ng selfown niya. Binigyan rin siya ni Jun ng numero nito.
“Di ba may asawa’t dalawang anak ka
na?”
“So?”
“Anong gagawin natin sa Boracay?”
“Dalawang taon na akong hiwalay sa
wife ko. Dinala niya ang mga anak namin sa Canada . Don’t worry, hindi ka
magiging kerida.”
“Oh, I’m so sorry. Bakit kayo
naghiwalay?”
“Nahuli niya akong may karelasyong
lalaki sa Bacolod .”
Naputol ang kanilang pag-uusap dahil
lumapit sa kanila si Oliva upang isama sila sa pagpapakuha ng piktyur.
Mag-aalas-otso na ng gabi nang
dumating si Jun. Nakaputing t-shirt ito na fit at nakamaong na kupas na fit din
at may hiwa sa magkabilang tuhod. Napaka-seksi tingnan. Pati ang munting umbok
ng tiyan nito seksi rin ang dating.
“Kanina ka pa ba naghihintay?”
“Okey lang… Nawiwili naman ako dito
sa Café del Sol.”
“Hapon na ako nakaalis sa San Jose dahil nagpasama
pa si Mommy sa doktor niya. Ako ang yaya niya ngayon, e.”
“Buti naman at may nag-aalaga sa
nanay mo. Mabait ka rin palang anak. Akala ko…”
Tumawa si Jun. “Akala mo ano? Na
wala akong kuwentang anak? Ikaw talaga…”
“O, ngayong nandito ka na, ano na
ang gagawin natin?”
“First, kakain muna tayo at gutom na
gutom ako.”
“Masarap ang mga sandwich nila
dito.”
Nag-order sila ng sandwich at juice.
Tahimik silang kumain. Pinapanood lamang ang mga taong dumadaan sa harapan ng
kanilang mesa.
“May boyfriend ka ba ngayon?” tanong
ni Jun.
“Wala.”
“Ows? Ikaw mawawalan ng boyfriend?”
“Sige, pikunin daw ako…”
“Ups, huwag kang magalit.
Nagtatanong lang naman.”
“Wala nga ngayon. Yung boyfriend
kong guwardiya sa SM Megamall, kaaalis lang six months ago papuntang Dubai . Wala na kaming
komunikasyon ngayon.”
“Ikaw ang gumasta para makaalis
siya?”
“Parang ganun na nga… Minahal ko
naman siya, e. Kaya okey lang. Naging masaya naman ako sa piling niya.”
“Ba’t di man lang nag-email sa ‘yo?
O tumawag kaya? O mag-text?”
“Siguro parang ikaw. Nag-aral lang
sa Manila nakalimutan na ako.”
“Ups, aray ko! Sorry na tungkol
doon. Kalimutan na natin ‘yun.”
“Okey, sinabi mo, e.”
“Seryoso ako. Sorry talaga… Bata pa
tayo noon, e… Ang importante magkasama uli tayo ngayon.”
Muli, natahimik silang dalawa.
Matagal din silang naupo doon.
Ninanamnam lamang ang presensiya ng bawat isa. Nasa mga taong dumadaan sila
nakatingin. Kung minsan tinitingnan nila ang isa’t isa. Kung minsan
nagkakasabay sila sa pagtitig sa isa’t isa at mapapangiti sila.
Naghahanda na ang mga weyter at
kahera ng Café del Sol sa pagsasara nila. Mag-a-alasdiyes na ng gabi.
“O ano, uwi na tayo?” tanong ni
Ruben kay Jun.
“Saan, sa Antique?” panunuksong
tanong ni Jun.
“Hello! Okey ka lang? Siyempre sa
resort.”
Tumawa lamang si Jun. Parang musika
ito sa pandinig ni Ruben. At ang kinang ng kasiyahan sa mga mata ni Jun, parang
masasayang ilaw ng Boracay kung gabi.
“Ano ba’ng resort mo?”
“The Strand .
Sa Station One. Medyo malayo dito. Pero maganda. Malaki ang garden nila.
Maraming tanim at punungkahoy. Parang isang hiwa ng Palawan
dito sa Boracay.”
“Mahal ba?”
“Medyo. Pero treat ko naman ito sa
sarili ko. For working so hard all throughout the year.”
“Kunsabagay… O ano, kukuha ba ako ng
sarili kong kuwarto? May bakante kaya doon?”
“Ikaw?”
“O gusto mo share na tayo para may
katabi ka sa pagtulog mamaya…”
“Ikaw?”
“Ba’t puro ako?”
“Ikaw nga ang magdesisyon… Okey lang
sa akin kung kukuha ka ng sarili mong room. Okey lang din sa akin kung
makikitulog ka sa kuwarto ko. Malaki naman yung room. As in puwede ka doon sa
sala…”
“Gusto kong tumabi sa ‘yo sa
pagtulog…”
“Ikaw?”
“Ako na naman?”
“Depende nga sa ‘yo…”
“Bakit ka ganiyan ngayon? Parang…”
“Parang hindi ko na alam kung ano
ang gusto ko?”
“Parang ganun.”
“Forty-two na ako, Jun… Pagod na
akong makipaglaro.”
“Ups, ba’t bigla kang naging
seryoso? Magpo-forty na rin ako ngayong taon… Ano ka ba? Life begins at forty!”
“Kaya nga… Huwag na tayong maglaro.
Pagod na ako…”
“Halika na nga. Maglakad na tayo. Doon tayo sa tabing-dagat.”
Magkahawak-kamay silang naglakad.
Masanaaw sa dalampasigan dahil sa repleksiyon ng mga ilaw ng dikit-dikit na mga
restawran, resort, at hotel. Kay saya ng Boracay. Parang palaging piyesta.
Parang palaging Pasko. May ilang mga pares-pares din silang nakakasalubong.
Gabi iyon na walang buwan subalit sa
kasingkasing nina Ruben at Jun, parang kay ganda at kay alwan ng sikat ng araw
ng buhay, ng pag-asa, ng paghigugma...
“O sige, doon na ako sa kuwarto mo.
Tabi tayo sa pagtulog,” sabi ni Jun.
“Okey… Pero maglakad-lakad muna tayo.
Huwag tayong magmadaling umuwi. Mag-aalas-onse pa lang naman.”
“Sabi mo nga forty-two ka na at
forty naman ako… Di na natin kailangang magmadali.”
“Tama… Di natin kailangang
magmadali.”
Lungsod Pasig]
Ang "Cafe del Sol" ay bahagi ng hindi pa nalalathalang koleksiyon na Sad-sadan, Happy-hapihan.