Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Friday, July 27, 2012

Ekokritisismo: Bagong Luma

ANG Seryeng Panayam Cirilo F. Bautista ni Dr. Paz Verdadez Santos na pinamagatang “Storm Signals: Mga Babala sa Pagbago ng Klima sa Literaturang Bikol” noong 18 Hunyo 2011 sa De La Salle University-Manila ay isang angkop at napapanahon na pagbasa sa kasalukuyang kasiglahan ng Literaturang Bikol. Binabagyo ngayon ang arkipelago ng pambansang literatura ng mga likha ng mga kontemporaring manunulat mula sa rehiyong ito ng sili at gata. Ang lente ng pananaw-teoretikal na ekokritisismong ginamit ni Santos ay nagpapatunay lamang sa bago at lumang katangian ng literaturang nagmula sa isang rehiyon ng bansa na palaging binubugbog ng bagyo. Bago man sa pandinig ang ekokritisismo, luma (kaya klasiko at napapanahon pa rin) at tama itong masinsinang pagbasa sa mga produkto ng malikhaing pagsulat.
            Ang ekokritisismo ayon kay Santos ay “pag-aaral ng ugnayan ng literatura at pisikal na kapaligiran na tumututok sa daigdig at hindi sa tao o lipunan lamang.” Sa librong Ecocriticism ni Greg Garrard, sinipi niya ang depenisyon ni C. Glofelty mula sa introduksiyon nitong huli sa librong inedit na The Ecocriticism Reader: Landmarks in Literary Ecology.

What then is ecocriticism? Simply put, ecocriticism is the study of the relationship between literature and the physical environment. Just as feminist criticism examines language and literature from a gender-conscious perspective, and Marxist criticism brings an awareness of modes of production and economic class to its reading of texts, ecocriticism takes an earth-centered approach to literary studies. (Glofelty 1996: xix)

            Sa pagbabasang ekokritisismo, mahalagang matutugunan ang ilang mga katulad nitong mga inilahad ni Glofelty: 1. How is nature represented in this sonnet? 2. How has the concept of wilderness changed over time? 3. How is science itself open to literary analysis? At 4. What cross-fertilization is possible between literary studies and environmental discourse in related disciplines such as history, philosophy, psychology, art history, and ethics?”
            Kung gayon ayon kay Garrard, ang ekokritisismo ay “an avowedly political mode of analysis, as the comparison with feminism and Marxism suggests. Ecocritics generally tie their cultural analyses explicitly to a ‘green’ moral and political agenda.” (3)
            Ayon kay Santos, kaakitbat ng ekokritisismo ay ang mga sumusunod: ekotula, ekopanulaan, ekomakata, ekofeminismo, at eko-sublime. Gusto kong tumutok sa unang tatlong nabanggit.
            Nagbigay si Santos ng mga halimbawang sulatin mula sa luma at bagong panulaang Bikol. Napansin niya na “palaging may bagyo sa mga sinulat ng mga manunulat na Bikolano.” Narito ang isang lumang rawitdawit, tula sa wikang Bikol, tungkol sa hangin: “Kun duros ang itinanom / Bagyo an aanihon (Kung hangin ang itinanim / Bagyo ang aanihin.).” Sa lente ng ekokritisismo, napakalaki ng aral na itinuturo ng maikling tulang ito sa mambabasa. Kung magtatanim ka nga naman ng hangin, tiyak bagyo ang magiging produkto nito dahil ano pa nga ba ang bagyo kundi isang  napakalakas na hangin. Gaya nga ng sabi ni Santos, “tao rin ang sumisira sa kalikasan.”
            Maaari din namang isang talinghaga lamang ang hangin sa tula. Isang interpretasyon dito ay kung gumawa ka ng mga kasamaan sa iba’t ibang tao, dadating ang araw na babalik ang lahat ng mga kasamaang ito sa iyo. “Gaba” ang tawag namin dito sa Panay. Karma naman para sa karamihan. Subalit mas maganda at mas makapangyarihan pala ang tulang ito kung babasahin sa paraang ekokritisismo. Ito ang sinasabi kong “bagong luma.” Bagong pananaw subalit luma ang aral na makukuha. Bagong pagbasa sa isang lumang teksto.
            Sinuri naman ni Gabriel Egan ang mga dula ni William Shakespeare gamit ang ekokritisismo sa kaniyang librong Green Shakespeare: From Ecopolitics to Ecocriticism. Nadiskubre niya na, “The new science invokes ideas not current since Shakespeare’s time, although reached by completely different routes. We can revisit the philosophical implications of those old ideas, which is what the plays reflect upon, to see the implications of the new science on our sense of who we are. (175)” Muli, ang konsepto ng bagong luma.
            Ibinuhos ni Santos ang kaniyang talino at lakas bilang iskolar at edukador sa pag-aaral ng literatura at kulturang Bikol. Siya mismo ay taga-Bikol. Kung kaya marami siyang alam tungkol sa bahaging ito ng Filipinas. Katulad na lamang ng paliwanag niya kung bakit ganoon na lamang kahalaga sa mga taga-Bikol ang sili. Kahit umano sinira ng bagyo ang kabahayan, uunahin ng mga Bikolanong ayusin ang kanilang taniman ng sili. Bakit? Dahil kahit basa sila, nawawala ang nararamdamang lamig kapag kumakain ng sili. Ngayon mas naiintindihan ko na ang kagandahan at sarap ng Bikol express bilang isang napakaanghang na pagkain.
            Si Honesto M. Pesino, Jr. ang isa sa mga makatang Bikolano na binanggit ni Santos sa kaniyang panayam. Heto ang isang tula ni Pesimo mula sa kaniyang librong Bagyo sa Oktubre:

Balintuna sa Tag-init

Tinatanong mo ang langit

Kung bakit nag-aalburuto ang kanyang hangin

At bumubulwak ang kanyang ulan

Ngayong tag-init.

Di ba kahapon,

Nakadikit ang ‘yong mga mata sa TV

Habang nilalaklak mo ang nagyeyelong Coke Zero

Na bumubuhos sa ‘yong baga?

Di ba kagabi,

Plastik ang ‘yong pakiramdam

Habang umuusok ang tambutso ng ‘yong Delica

Dahil nakikipagtalik ka sa aircon?

Ngayon nga,

Bagyo ka sa ‘yong shower

At delubyo itong nambubugbog

Sa ‘yong anit at ulo

Ngunit wala namang

Pumapasok sa ‘yong kamalayan. (110)


            Hayagang sinasabi ng tula na tayo naman talagang mga tao ang dahilan kung bakit mayroong pagbabago sa klima ng daigdig, kung bakit kahit tag-araw ay bigla na lamang babagyo o bubuhos ang malakas na ulan. Hindi na nga natin alam ngayon kung kailan nag-uumpisa at nagtatapos ang tag-ulan at tag-araw. Kung binabaha tayo nang bonggang-bongga o walang pakundangan ang lakas ng mga sunod-sunod na bagyo, nagtataka pa tayo. Gamit tayo nang gamit ng gasolina upang magkaroon ng tayo ng kuryente upang makapagbabad tayo sa panonood ng TV at hindi na tayo mabubuhay kung wala tayong ref at ercon, mga aplayanses na mapanira sa kalikasan. Gustong-gusto ko ang imahen ni Pesino na “nakikipagtalik sa aircon.” Napakatalas na paglalarawan ito sa halos manyakan na relasyon natin sa teknolohiya na mapanaira sa kapaligiran. Parang sex kaya nasasarapan tayo masayado at naaadik na rito.
            Ganito ang sinasabi sa kasabihang “kapag hangin ang itinanim, bagyo ang aanihin.” Dahil ayaw ng taong isuko ang maluhong pamumuhay kahit na mapanira sa kapaligiran, nasisira ang kapalagiran natin. At kapag mangyari ito (at nangyayari na nga), lahat naman damay. Lalong nabubuko na tayong mga tao ay may pagkatanga o mga tanga na nga. Wala tayong natutunan sa ating masasamang karanasan. Binaha ang malaking bahagi ng Metro Manila noong 2009 dahil sa Bagyo Ondoy. Baha ito na pinalala ng mga basurang itinapon natin sa mga ilog, estero, at kanal. Natuto ba tayo? Hindi. Tuloy pa rin ang pagtapon ng mga plastik at iba pang di-nabubulok na bagay sa mga ilog, estero, at kanal. Pagkatapos kung bumaha na naman, isisisi natin ito sa Diyos. Tatawagin nating “acts of God.”  
            Ang masaklap pa nito, ang mga mayaman lamang ang mahilig gumamit ng mga bagay na itong nakakasira sa kalikasan. Ang mga mahirap, na marami sa kanila ni walang bahay, ay nabibiktima rin ng abnormal na panahon. Sa larangang internasyonal, ang mga mayayamang bansa katulad ng Estados Unidos ang mas mapanira ang lifestyle sa kalikasan. Sa kapal ng mukha ng mga Amerikano, sila mismo ang ayaw pumirma sa internasyonal na kasunduan na bawasan ang pagsusunog ng langis para maparahan ang pag-iinit ng mundo. Sila ang kontrabida sa Earth Summit sa Copenhagen noong 2009.
            Naalala ko rin ang tulang Kinaray-a na “Andut Nagbaha sa Norte” (Bakit Bumaha sa Norte) ni Maria Milagros Geremia-Lachica sa kaniyang librong Ang Pagsulat… Bayi (Ang Pagsulat…Babae). Sabi sa unang saknong, “Kag mamangkot pa ‘kaw / ikaw nga nangompra / ka oring sa Sebaste (At nagtanong ka pa / ikaw na namakyaw / ng uling sa Sebaste). [36]” Maraming tao ang hindi naiintindihan ang nangyayari sa ating kapaligiran, katulad na lamang ng kausap ng persona sa tulang ito. Nagtatanong kung bakit bumaha sa norteng bahagi ng Antique (kung nasaan ang bayan ng Sebaste) e, hanapbuhay naman niya ang pamimili ng uling doon. Pinuputol ang mga kahoy upang gawing uling. Nakakalbo ang bundok dahil sa uling. Kapag kalbo na ang kabundukan at kagubatan, wala nang mga ugat ng kahoy na sisipsip sa tubig-ulan kung kaya kapag bumuhos nang malakas, natitibag ang bundok at bumabaha sa kapatagan.
            Magandang gawin sa iba pang mga literaturang bernakular ang ginawang ito ni Santos sa literaturang Bikol. Sa katunayan, sa libro ng mga maikling kuwento ng Sebuwanong manunulat na si Ernesto Lariosa na inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu, tumutok si Yu sa kaniyang introduksiyon, na may pamagat na “Ernesto Lariosa and Nature in His Works,” sa mga konsepto ng kapaligiran at kalikasan sa mga akda ni Lariosa. Tinapos ni Yu ang kaniyang introduksiyon sa,


“The stories collected here, reveal that the celebration of human life as well as the degradation along with the desecration of the natural world is not simply a mistake—there are better alternatives and choices. For the reader to simply shrug them off is to become complicit in the very exploitation that the stories represent. The force of Lariosa’s narratives lies in bringing to public light the material conditions and underpinning relations that are often ignored, and giving them moral significance (Crack Shot 25-26).”


            Sa kuwentong “Bugti” (Ang Kapalit) ni Lariosa, narito ang naiisip ng bidang si Samuel habang pinagmamasdan ang kapaligiran: “Naluoy siya nga nangaupaw nga kabukiran. Kahilabtanon gayo sa tawo. Kaalaot sa kinaiyahan. Tungod sa nagkahanaw nga mga kahoy, daghang lunop ang nahitabo sa kalibotan nga nakakalas og daghang kinabuhi. Kon makasudya pa ang kinaiyahan batok sa kasaypanan nga gihimo sa tawo kaniya, dugay na untang nanglipaghong ang iyang nawong sa tumang kauwaw (Lariosa 92-93) [Naaawa siya sa nakakalbong kabundukan. Kagagawan ito ng tao. Dahil sa mga naputol na punongkahoy maraming mga kalamidad ang nangyari na umutas ng maraming buhay. Kung makakapagsalita lamang ang kalikasan laban sa mga kasalanang ginawa ng tao sa kaniya, matagal na sanang natunaw ang mukha ng tao sa sobrang pagkapahiya.]”
            Panahon na nga upang balikan natin sa paglikha at pag-aaral ng ating literatura ang sagradong ugnayan nating mga tao sa kalikasan. Sa ganitong paraan lamang natin maisalba ang ating sarili at ang ating pisikal na kalibutan.

Talasanggunian

Egan, Gabriel. Green Shakespeare: From Ecopolitics to Ecocriticism. London: Routledge, 2006.
Garrad, Greg. Ecocriticism. London: Routledge, 2004.
Geremia-Lachica, Maria Milagros. Ang Pagsulat…Bayi. Lungsod Iloilo: University of San Agustin Publishing House, 2006.
Lariosa, Ernesto D. Crack Shot and Other Stories. Inedit at isinalin ni Hope Sabanpan Yu. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.
Pesimo, Honesto M. Jr. Bagyo sa Oktubre. Manila: National Commission for Culture and the Arts, 2008.
Yu, Hope Sabanpan. “Ernesto Lariosa and Nature in His Work” sa Crack Shot and Other Stories ni Ernestor Lariosa. Lungsod Cebu: University of San Carlos Press, 2010.



[Hunyo 2011

Lungsod Pasig]

Tuesday, July 24, 2012

Si Tungkung Langit sa Katipunan

MAY mga pagkakataon talaga katulad kagabi na tila kay hirap umuwi mula Katipunan papuntang Rosario, Pasig. Lalo na kung umuulan at awtomatikong dumudoble ang trapik, maiinit ang ulo ng mga drayber, at nagiging super-maarte ang mga taxi drayber. Dagdagan pa na Biyernes at ang mga may pera ay lumalabas at gumigimik dala ang kanilang mga sasakyan. Kabisado ko na kung paano kalamayin ang loob ko kapag ganito upang huwag akong magalit sa mundo at maawa sa aking sarili.
            May isang pangit na pelikula sina Marian Rivera at Dingdong Dantes na kinapulutan ko ng aral sa buhay kapag nasa ganito akong basa na sitwasyon. (Oo naman, may mga silbi rin kahit paano ang mga pangit na sine.) Sabi ng karakter ni Marian, ang sabi raw ng nanay niya (Si Jacklyn Jose ang gumanap) kapag umuulan at wala kang payong, makisilong ka muna. Kung wala kang masilungan, i-enjoy mo na lamang ang ulan.
            Ganito nga ang ginagawa ko katulad na lamang kagabi. Alasais natapos ang klase ko. Dahil Philippine Literature ito at nagtsika lang naman ako tungkol sa mga manunulat ng Kanlurang Bisayas tulad nina Leoncio P. Deriada, Maria Luisa S. Defante-Gibraltar, at Alice Tan Gonzales, magaang-magaan ang aking pakiramdam. Ngunit habang naglalakad ako mula klasrum papuntang faculty room, naririnig kong kumukulog. Nang sinilip ko ang kalangitan, naku, nag-aalburuto nga si Tungkung Langit at muli’y isinisigaw ang pangalan ni Alunsina na bumalik na. Mukhang bonggang-bonggang pag-iyak ng kalangitan ang bumabadya.
            Noong nakaraang linggo lang namin tinalakay sa klase ang love story nina Tungkung Langit at Alunsina. Mga diyos sila mula sa mito ng mga sinaunang taga-Panay. Selosa si Alunsina kung kaya pinalayas siya ni Tungkung Langit. Nang lumayas si Alunsina biglang nangulila sa kaniya si Tungkong Langit at hinanap siya. Ngunit hindi na matagpuan sa kalawakan si Alunsina. Sa labis na lungkot, itinapon ni Tungkong Langit ang mga naiwang gamit ng asawa. Ang gintong korona ay naging araw. Ang suklay ay naging buwan. Naging mga bituin naman ang beads ng kuwintas ni Alunsina. Kaya nalikha ang mundo. Kaya nga lang, kapag tinatawag ni Tungkung Langit si Alunsina, kumukulog. Kapag umiyak naman ito, umuulan sa buong mundo. Napakaromantiko di ba?
            Nagdesisyon akong magtsek na lamang muna ng e-mail. (Kuripot kasi ako kaya wala akong Internet connection sa bahay. Libre naman kasi ang wifi sa skul.) Hihintayin ko na lamang ang pagbagsak ng ulan at ng paghupa nito. Maya-maya ay pumasok ang mga kaguro kong sina John Boy (Ako kasi ang John Girl dahil dalawa kaming John sa aming departamento at pareho pang nagsisimula sa letrang T ang apelyido. Noong pa man ay nagpagkakamalan na kaming iisang tao palagi. Ikukuwento ko ito sa ibang sanaysay.) at Gel.
            “Naku, uulan na,” halos sabay nilang sabi. Mabilis na nag-ayos si John Boy ng kaniyang mga gamit. Uuwi na siya bago pa man maabutan ng ulan. Nasa UP Village lang kasi sila nakatira. Agad siyang umalis.
            Si Gel naman, umupo at nagsuklay ng kaniyang mahabang buhok. “Iniisip ko kung magdyi-gym muna ako bago umuwi. Palilipasin ko na rin lamang siguro ang ulan,” sabi niya.
            “Ganiyan ang gagawin ko. Mag-i-Internet lang muna ako.,” sagot ko.
            “Saka matrapik pa di ba? Lalo nga ngayon Friday at uulan pa. Good luck sa atin,” dagdag pa niya.
            “Korak,” pagsang-ayon ko.
            “Sama ka na lang sa akin mag-gym para masaya,” anyaya niya.
            “Di ba nakapag-gym na ako after lunch kanina?” sagot ko.
            “Ay, oo nga pala. Sige, akyat na ako sa gym. Hintayin mo ako ha. Sabay tayo lumabas,” paalam niya.
           Nasa ikaapat na palapag ang wellness center ng aming kolehiyo. Tatlong linggo na akong nagdyi-gym at gumagaan na nga ang aking pakiramdam. Lalo nang lumuluwag ang aking mga damit. Noong nakaraang taon pa kasi akong naging maingat sa uri at klase ng kinakain ko kung kaya lumiliit na rin ako kahit papaano. Pero napabilis yata ngayong nag-e-execise na ako.
            Malakas ang bagsak ng ulan habang nasa gym si Gel.
            Ala-siyete nang makabalik si Gel sa faculty room. Tikatik na lamang ang ulan. Puwede na kaming lumabas. Nagpalit muna siya ng damit sa faculty lounge. Pagbalik niya, nakangiti siyang sinabi sa akin na may susundo sa kaniya.
            “Sino?” tanong ko. Tumawa siya. “Boyfriend mo?” Tumawa uli siya. Si Aaron nga, boyfriend niya. Nainggit ako bigla. Kailan kaya ako magkakaroon ng boyfriend na may kotse at susunduin din ako kapag umuulan?
            “Ganda mo, girl!” sabi ko. Tumawa uli siya. At totoo namang maganda si Gel. Anglica Flores ang totoo niyang pangalan na talagang bagay sa kaniya dahil mukha nga siyang anghel at isang marikit na bulaklak. Pang-Binibining Pilipinas ang kaniyang tindig at ganda. Nang umupo ako sa teaching demo niya may dalawang taon na ang nakararaan ang tanong ko sa chair naming si Becky ay, “Maganda siya at magaling, pero hindi kaya magiging disadvantage ito dahil baka tratuhin siyang karibal ng mga estudyante natin?” Kaya noong unang araw na nagkita kami ni Gel sa faculty room pabiro ko siyang sinabihan ng, “Gel, para hindi ako mairita sa ‘yo, kapag sinabihan kita ng, ‘ang ganda mo, gel,’ sasagot ka dapat ng, ‘mas maganda ka, John.’ Tandaan mo ‘yan ha?” Patawang umoo naman siya. Kaya ngayon kapag binabati ko si Gel ng, “Hi, Ganda!” ang sagot naman niya ay, “Hello, Kagandahan!” na siyempre gustong-gusto ko.
            Nawili pa ako sa pag-i-Internet. Nagda-download kasi ako ng pdf file ng mga klasikong libro sa iPad2 ko. Hapi ako na mayroon na akong Leaves of Grass ni Walt Witman, mga tula ni Emily Dickinson, kumpletong texto ng Lord of the Ring, The Republic ni Plato, Poetics ni Aristotle, at On the Sublime ni Longinus. Mga librong matagal ko nang nabasa subalit tuwang-tuwa lang ako sa pag-level up ng pagkaroon ko ng kopya nito sa isang maliit na gadget na madaling bitbitin. Ang dasal ko lang ay sana magkaroon na ng puwedeng ma-down load na pdf file ng mga tula nina Alejandro Abadilla at Jose Corazon de Jesus.
            Naunang umalis si Gel kasi parating na raw si Aaron na nag-drive pa galing Ortigas Center. Nag-ayos na rin ako ng mga gamit dahil naisip ko, mag-a-alas-otso na at siguro hindi na matrapik sa Katipunan. Pagdaan ko ng lanai, nandoon pa si Gel sa isang upuan, naghihintay. Nag-wave kami ng goodbye sa isa’t isa. Naglakad naman ako papunta ng gate na mahabang-habang pagrampa rin. Bagamat umaambon na lamang, inilabas ko pa rin ang aking payong. Nang makita ko ang Katipunan, nanlumo ako sa aking nakita. Nagmistulang mahabang garahe ito. Bumper to bumper ang mga sasakyan lalo na ang papuntang Pasig. Extra-challenge na naman ito.
            Absent kasi si Becky. Kadalasan kasi, nakikisakay ako sa kaniya pauwi ng Pasig. Taga-Maybunga kasi siya at bumababa na lamang ako sa Manggahan. Mula Manggahan ay magtatraysikel na lamang ako papunta sa amin sa Flexi Homes sa Rosario. Ngayon ko lalong na-miss si Becky, na pabiro kong tinatawag na “drayber kong may Ph.D.”
            Kung normal na araw lang at walang ulan, madali lang naman makakasakay ng taxi pauwi sa amin. Kapag lumabas ako ng ala-siyete, makakasakay ako kaagad pagkababa ko ng “Blue Bridge,” ang overpass sa pagitan ng Ateneo at Miriam na kulay-bughaw at puti. Pero ngayon, may mga pasahero ang mga taxing dumadaan sa harap ko. Mayroon na sanang isa subalit pinagbigyan ko na lamang ang isang mag-nanay na mauna na. Kawawa naman kasi. May isa pa uli sana, naagawan ako ng apat na tin-edyer na takot yatang mahuli sa gimik nila. Pinagbigyan ko rin dahil alam ko, minsan lang sila bata. At finally, may dumaang taxi na bakante. Pinara ko. Medyo sa unahan tumigil. Hinabol ko. Nang tiningnan ko ang drayber nagse-senyas ito ng diretso. Hapi ako dahil diretso nga ako ng Pasig. Sinabi ko sa kaniya na sa Life Homes, Rosario ako. “Ay, diretso lang ako” at agad umalis. Naiinis ako at hindi ko alam kung diretsong langit ko diretsong impiyerno ang ibig niyang sabihin. Liko-liko naman kasi ang mga kalsada rito sa Metro Manila. Kapag may ganitong buwisit na taxi drayber, nagpapakawala ako ng isang sumpa: “Mabangga ka sana!” Pero pinigilan ko ang aking sarili. Nag-deep breathing ako nang tatlong beses. “Pagbigyan mo na rin ang walang hiyang taxi drayber na iyon. Good karma na lamang ang hingin mo sa uniberso,” sabi ko sa aking sarili. Nang tiningnan ko ang aking relo, mag-a-alas-nuwebe na. Mag-i-isang oras na akong nag-aabang ng taxi. Mabuti na lamang at nag-e-exercise na ako. Matibay na muli ang aking mga tuhod.
            Nakasakay rin ako. Pero trapik pa rin sa C5. Kaya usad pagong ang sinakyan kong taxi. Salamat sa Diyos at maayos din akong nakarating sa bahay matapos ng isang oras. Halos nagdoble ang patak ng metro. Sira na naman ang badyet ko. Dahil sa stress na inabot ko, kumain ako ng kaning puti na natira sa kinain nina Sunshine at Aljur. Scrambled egg ang inulam ko. Pagkatapos nag-red tea ako. Ang sarap ng init ng tsaa sa aking lalamunan.
            Mag-aalas-onse na nang makahiga ako sa pamilyar kong kama. Puyat na ako. Alas-nuwebe ang regular kong pagtulog. May kaunting pagkainis akong nararamdaman. Hindi ako inaantok. Pagod ako pero magaan ang pakiramdam ng aking katawan. Naisip kong magsulat pero tinatamad akong bumangon. Naisip kong ipagpatuloy ang pagbasa ng The Lord of the Ring ngunit tinatamad akong kunin sa estante ng librong katabi ng kama ko ang aking iPad2. Naisip kong mang-text kahit kanino subalit ayaw kong mang-istorbo ng mga tao.  Nalulungkot ako at ako’y napangiti. Heto na naman ako sa aking “existential angst.” Naisip ko ang sinabi ng kaibigan kong si Yasmin, sabi niya nang minsang gin-text ko siya dahil depress ako, “John, tiisin mo na lamang ‘yan. Sampung taon na lang hindi mo na kailangan ng lalaki.” Whew! Sampung taon? Ilang daang Biyernes ba iyon na katulad ngayon?”
            Muli nasambit ko ang pangalan ng isang taong matagal ko nang hindi nakikita at nakakausap. (Well, nakikita ko naman siya linggo-linggo. Sa TV nga lang. At hindi ito si Piolo ha. O kay si Aljur Abrenica, o Roco Nacino kaya.) Kapag nade-depress ako siya ang paborito kong sisihin nang lihim. Sintoma ng isang malalang kaso, as in Stage 4, ng “unrequited love.”  Sabi nga ng amiga kong si Glenn kapag kinukuwento ko ito sa kaniya, “Kawawa naman ‘yung tao walang kaalam-alam at sinisisi mo. May asawa’t mga anak na siya, ano ka ba? Saka hindi naman tayo sigurado kung naging kayo talaga di ba? Kaya lubayan mo na siya. Let go, ‘Miga.”
            Yeah right! ‘Yang letting go na ‘yan, d’yan ako hirap.
            Nagdesisyon akong huwag nang pumasok kinaumagahan sa Ph.D. class ko sa La Salle. Tutal hindi naman talaga ako nag-aabsent dahil bukod sa pagiging “good girl” ay A student ako. Gusto ko munang magpaka-B at maging bad nang kaunti. Nakakapagod ding maging mabait at responsable palagi. Saka parang may kaunting hika ako. Beauty rest lang muna ako at balak kong magpamasahe kay Noel, ang bulag kong masahista na isang makata na habang minamasahe ako ay binibigkas niya ang mga bago niyang tulang nabuo na nasa wikang Sebwano. Paminsan-minsan, gusto ko ring maging hedonista.
            Hindi ko na namalayan kung anong oras akong nakatulog. Nakatulugan ko ang pag-iisip at ang kalungkutang bumabalot na parang sapot sa aking pagkatao.
            Dahil wala nga akong balak pumasok ngayong araw, hindi ako nag-alarm clock. Maliwanag na nang magising ako. Nang tiningnan ko ang oras sa aking selfown, ala-sais y medya na. Magaan na ang aking pakiramdam. Hindi na ako malungkot. Pero ayaw ko pa ring pumasok.
            Naalala ko ang tula ko tungkol sa pagmamahalan nina Tungkung Langit at Alunsina. Nalathala ito sa antolohiyang What the Water Said naming mga makatang Alon na lumabas noong 2004 pa. Muli akong napangiti pagkabasa ko ng aking tulang “Ang Pag-ibig ni Tungkung Langit.” Narito ang dalawang huling saknong:


Subalit tuluyan nang
                        nawala sa buhay ni Tungkung Langit
                        si Alunsina.
                        Sa labis na lungkot
                        nanatili na lamang sa langit
                        ang lalaking diyos at nagmukmok.
                        Sa pagtulo ng kaniyang mga luha
                        umuulan sa buong daigdig.
                        Kapag siya’y humihikbi
                        at tinatawag si Alunsina na bumalik,
                        kumukulog at nabubulabog
                        ang buong mundo.

Ang lahat-lahat
                        ay walang katapusang kalungkutan ng pag-ibig
                        sapagkat imortal ang mga diyos.


            Hinampas ko ng What the Water Said ang aking noo sabay sabing, “Gaga! Matagal mo nang alam ang sagot pa-emote-emote ka pa.”
            Tumatawa akong bumangon, pinatay ang bentilador na nakatutok sa aking kama. Pinakain ko ang tatlong gold fish ko na nasa maliit na akwaryun sa aking sulatang-mesa saka pinatay ang lampshade. Tuwang-tuwa ang tatlong kulay-naranhang mga isda na mistulang malanding palda ang mga buntot. Kinuha ko ang aking t-shirt na nakasabit sa likod ng pinto at isinuot ito. Nakangiti akong lumabas sa aking kuwarto  at hinimas ang ulo ni Aljur na tuwang-tuwang makitang gising na ako. Kapag umuulan ay pinapapasok ko siya ng bahay at sa labas ng kuwarto ko siya natutulog.
            Bumaba ako sa kusina at naghanda ng kape sa coffeemaker. Habang hinihintay ang pag-brew nito, lumabas muna ako at bumili ng pandesal. Nag-uumpisa nang sumikat ang araw. Kay gaan ng aking pakiramdam. Pagbalik ko sa bahay, amoy-kape na hanggang sala. Binuksan ko ang TV at inilipat ang channel sa BBC World. Tiningnan ko ang sarili sa salamin. Pumapayat na ako. Nakangiti akong parang gaga habang nilalagyan ng krim at kalamay ang aking kape na nasa bulaklaking mug. #


[14 Hulyo 2012 Sabado
Rosario, Lungsod Pasig]   

Friday, July 20, 2012

Akrofobya

Sabi mo may akrofobya ka
subalit bakit sa mga profile pix mo
may larawan kang naka-squat sa damuhan
sa taas ng luntiang bundok.
May larawan ka ring nakaupo sa
pader na adobe sa Intrumuros.
Ako rin naman natutunaw rin
ang mga tuhod kapag dumudungaw
mula sa bintana ng mataas na gusali.
Ni minsan hindi ko pa nasubukang
umakyat ng punong mangga, o santol,
o niyog kaya na masayang ginagawa
ng mga pinsan kong lalaki’t babae
sa baryo namin sa tabing-dagat.

Pero gusto kong lumipad.
Ilang ulit ko na itong napanaginipan.
Kaya kahit duwag ako
pinilit kong matuto ng scuba diving noon
dahil parang paglilipad na rin ito
sa ilalim ng tubig. Kaya nabansagan akong
sirena. Sirena na gustong lumipad
kahit walang namang pakpak.
Parang ikaw, takot sa matataas na lugar
subalit umaakyat pa rin ng bundok,
umuupo sa mataas na pader,
nakangiti at napakaguwapo.

Sabay naman tayong lumipad minsan.                           


[18 Hulyo 2012 Miyerkoles
6:10 n.u. Miriam College]