Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Wednesday, June 27, 2012

Payreted na Pag-ibig

MATAPOS ng mahigit isang taon, natapos ko ring panoorin ang koreanobelang “Full House.” Pinapanood ko lang kasi ito kapag wala na talaga akong magawa, tulad ngayon, Lunes na maulan at nasa bahay lamang ako dahil wala namang miting sa skul at tinatamad akong ayusin sa aking netbook ang aking koleksiyon ng mga tula at sanaysay na matagal ko na dapat isinumite sa pabliser.
            Mahigit limang taon na yata nang lumabas sa telebisyon ang telenobelang ito subalit hindi ko ito napanood noon dahil wala naman talaga akong panahon at pasensiya na manood ng TV. Pero last year, hindi ko na matandaan kung anong buwan, napadaan ako sa isang tindahan ng mga payreted DVD sa talipapa malapit sa bahay ko at napabili ako ng “Full House.” Ang cute kasi ng larawan ni Rain, ang gumaganap na lalaking bida sa telenobelang ito, sa cover nito.
            Hindi ko alam kung matutuwa ako o maiinis sa tagline sa baba ng pamagat: “Can MistaKe Brings Love, Or Love brings mistaKe?” Oo, as is ang capitalization na sinusubukan pang i-auto correct ng netbook ko. May Koreana rin palang Emily Dickinson? Kakalerki!
            At heto ang pamatay. Ang sinopsis sa likod: “Han Ji-eun (Song decoration) is a network of a novelist, her parents died, my father left her the only Memory Are called a “Full House” the big house. En-chi-chi of the two good friends cheat TU travel abroad, Then secretly put en-chi of the house sold. Chion-in the plane encountered star Lee Young-jae (Rain ornaments), and spit him one, was impressed by each other. Chion home, find themselves become nothing, and Full House are the new owner was Lee Young-jae, Chion British slaughtered look pathetic, but to let Moses TU stay, and employed her to do give their own nanny.” Alam kong hindi na ito kakayanin ng babasa kaya titigilan ko na ang pag-quote dito.
            Sarap nitong gawing exercise sa klase namin sa Literary Translation sa La Salle na may activity na English to English translation. Oo, may ganun. As in gin-translate namin sa Ingles ang tulang Ingles ni Angela Manalang-Gloria na “Soledad.” Kung paano namin ginawa ay ikukuwento ko na sa ibang sanaysay.
            Ganito man kakumplikado ang Ingles ng sinopsis sa cover ng binili kong kopya ng “Full House,” madali naman itong maintindihan kapag ang babasa ay nakapanood na ng koreanobelang ito na malaking hit noon sa GMA7. Ilang beses ko rin narinig noon na may kumakanta ng “May Tatlong Bear” na nakakatawa (actually, corny). Ito ang nag-iisang alam na kanta ni Jessie na napakalaki ng sinasabi tungkol sa karakter nito.
            Ang “Full House” ay kuwento nina Jessie at Justin. Si Jessie, isang ulilang nangangarap maging manunulat. Iniwan sa kaniya ng kaniyang arkitektong tatay ang isang malaki at magandang bahay sa tabing-dagat na tinatawag nilang “Full House” dahil puno ito ng pagmamahal. Si Justin naman isang sikat na singer at artista sa Korea. Nagtagpo ang kanilang landas nang magkasakay sila sa eroplano papuntang abrod (na nakalimutan ko na kung anong bansa). Sinukahan ni Jessie si Justin.
            Niloko si Jessie ng kaniyang dalawang matalik na kaibigan. Binigyan nila siya ng libreng trip abroad kunwari at iyun pala ay ibebenta nila ang “Full House” pagkaalis ni Jessie. Si Jessie naman naubusan ng pera sa pinuntahan nitong bansa. Buti na lamang at sa iisang hotel sila nakatira ni Justin. Kinapalan niya ang kaniyang mukha at pinuntahan ang artista sa kuwarto nito upang hiraman ng pera. Nag-promise siyang magbabayad pagbalik nila ng Korea.
            Pag-uwi ni Jessie, na-shock siya at naibenta na ang kaniyang bahay. At ang nakabili pa ay si Justin. Dahil walang matirhan si Jessie, pumayag si Justin na doon pa rin siya titira subalit kailangan niyang magluto at maglinis ng bahay. Walang nang magawa pa si Jessie. Hanggang sa dumating sa punto na nagkasundo silang magpakasal dahil gusto ni Justin saktan ang bestfriend na ex-girlfriend na stylist nito na si Lorraine, ang babaeng karakter sa telenobela na palagi kong sinisigawan at kung katabi ko lang ay ilang beses ko nang nabatukan at nasampal. In love kasi si Justin kay Lorraine subalit iba naman ang gusto nito. Dahil ma-pride si Justin, binayaran nito si Jessie na magpanggap na asawa niya. Nakita naman ito ni Jessie na oportunidad upang mabawi ang “Full House.”
            Nakakakilig ang mga eksena ng honeymoon sa Thailand nina Jessie at Justin. Siyempre may dagat at may mga bogamvilya kung kaya’t inggit na inggit ako. Kahit na kunwari lamang ang honeymoon na ito, halos mawawalan ako ng hininga sa eksenang magkaangkas sa bisekleta ang dalawa at naka-sleeveless si Justin na si Rain na kamukha ng isa sa mga imaginary boyfriend ko. Masaya at emotional roller coaster ang buhay “mag-asawa” nina Jessie at Justin sa “Full House.” Siyempre nakakairita ang mga pag-eeksena ni Lorraine. Dagdagan pa ni super guwapong si Luigi na half-British at half-Koreano. (Pero siyempre, kay Rain pa rin ako. Gusto ko ng purong Asiano.)
            Masaya ang kuwento ng apat dahil pareho silang mga sinto-sinto: Si Justin, in love kay Lorraine. Si Lorraine, in love kay Luigi. Si Luigi, in love kay Jessie. Si Jessie, in love kay Justin. Ayokong tawagin itong love rectangle kasi masyado nang cliché. Siyempre dahil kuwento ng pag-ibig ito nina Jessie at Justin, sila ang nagkatuluyan sa katapusan. Kasi kung hindi, baka biglang magrebolusyon ang kalahati ng South Korea at ng Filipinas.
            Bakit marami ang nahuhumaling sa panonood ng mga telenobela na paulit-ulit lamang ang tema ng walang kamatayang pag-ibig? Simple ang rason. Dahil bahagi ng buhay natin bilang tao ang pag-ibig. Lahat tayo ay umibig, umiibig, at iibig. Maganda man o masama ang karanasan natin sa larangang ito ng buhay, hindi pa rin nababawasan ang halaga ng pag-ibig.
            Sa mga telenobela kasi tulad ng “Full House,” bagamat sa una ay pinahihirapan nang bonggang-bongga ang mga bida, talagang magkakatuluyan sila sa ending. Talagang patutunayan ng mga ito ang katotohanan sa likod ng kasabihang, “Anong haba man ng prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.” Iyon nga lang, kapag telenobela ng ABS-CBN at GMA7 ito, lumpasay na sa pagod at pagkainip ang mga nagpuprusisyon ay pasikot-sikot pa rin ito at talo ang prusisyon kapag pista ng Itim na Nazareno. Lalo na kapag nagri-rate ito. Gagawa sila at gagawa ng paraan upang mas lalo itong hahaba at kikita. Ito ang ikinaiiba ng mga koreanobela. Tight ang kanilang story line. Iisang kuwento lang at tinatapos nila ito nang maayos. Gaya nitong “Full House” na klaro ang simpleng kuwento at iisa ang climax kung kaya masayang panoorin at hindi nakakabagot. Hindi masyadong maaapektuhan ang kung ano mang IQ mayroon ka.
            Nang sa wakas ay nagtapat si Justin ng kaniyang pagmamahal kay Jessie, napaiyak ako sa tuwa. Ang ganda! Nakakainggit! Sana may kasing guwapo at seksi rin ni Rain na magtatapat sa akin nang ganito at sa isang napakagandang bahay pa sa tabi ng dagat. Alam kong hindi lamang ako ang nag-iisang luka-luka na ganito ang naging reaksiyon sa ending ng “Full House.” Ito ang halina at kapangyarihan ng mga walang kamatayang kuwento ng pag-ibig. Malinis kasi ang istruktura ng kuwento. Nakakahon sa isang likhang-isip na daigdig lamang. Sa totoong buhay kasi, palaging complicated ang status ng pag-ibig. Hindi lamang iisa o dadalawa ang mga kontrabida. Kung minsan buong mundo ang kokontra. Kung minsan relihiyon. Kung minsan kapamilya. Kung minsan ang panahon. At kung minsan, ang tadhana mismo. Kaya nga sabi ni Ricky Lee sa kaniyang postmoderno (raw) na nobelang Para kay B., “dinevastate ng pag-ibig ang 4 out of 5 sa atin.” Tanungin ko ako kung ilang beses na-devastate ng pag-ibig. Ihahampas ko sa ‘yo ang pito kong libro ng mga tula! Kung bigo man tayo sa pag-ibig ngayon, huwag tayong magpakamatay, hindi tayo nag-iisa, Ineng.
            Ang iniaalay sa manonood ng mga palabas tulad ng “Full House” ay vicarious experience. Kaya tayo kinikilig. Kaya sa paghalik at pagyakap ni Justin kay Jessie ay parang tayo na rin ang hinalikan at niyakap. Okey lang ‘yan. Mas dignified pa naman ang vicarious experience kaysa pag-iilusyon. Subalit wala rin namang mali sa pag-iilusyon. ‘Ika nga nila, hanggat may buhay, may pag-asa. E, paano kung umaasa sa wala? Okey lang. Tulad ng pangarap, libre rin ang umasa. Paano kung mabaliw sa kaaasa? Okey lang basta hindi ka bayolente. Huwag ismolin ang biyayang hatid ng pagiging baliw. Isa itong kalayaan ng isipan, kalayaan sa responsabilidad na mag-isip. Ang hirap kaya mag-isip. Saka, hello, hindi mo kaya alam na baliw ka kung totoong baliw ka na. Kaya okey lang. Ayon nga sa isang kasabihang Ingles, “What you don’t know won’t hurt you.” Kung baliw ka na, hindi mo kailanman malalaman na baliw ka. Mas lalong nakakabaliw ‘di vah?
            Kung minsan naman, pakiramdam natin na parang telenobela o sine ang buhay. Tulad na lamang noong nakaraang linggo. Nag-organisa ang mga kaibigan ko sa Miriam College ng isang surprise na engagement party para sa kaibigan naming si Janet na guro ng kasaysayan at kapapanalo pa lamang ng “Young Historian’s Prize for National History” mula sa National Commission for Culture and the Arts. Kinutsaba kasi ni Weng, boyfriend niya, ang dalawang kaibigan namin na yayain si Janet na mag-karaoke bar. Mula Saudi kung saan siya nagtatrabaho bilang nars ay uuwi siya. Mula airport ay didiretso siya ng karaoke bar na nasa Katipunan Avenue. Isang linggo bago niyon ay inimbitahan nila ako. Siyempre tumaas ang kilay ko dahil bakit naman kami maka-karaoke e wala namang okasyon, kauumpisa lang ng klase, kalagitnaan ng linggo at may 7:30 class ako, o kami, kinaumagahan. Nang sinabi sa akin ang surprise na pagpo-propose, hindi na ako makahindi. Dapat kasama ako sa isa sa pinakamahalagang pangyayari sa buhay ni Janet, isang bagong kaibigan na napamahal na sa akin nang lubusan. Mapuyat na kung mapuyat! Bahala na si Batman.
            At iyon nga, si Janet na walang malay ay pinagkaisahan naming lahat. Nagulat siya nang makita si Weng sa pinto ng karaoke room, may hawak-hawak na pulang rosas at maliit na box ng engagement ring. Napatili kami lahat nang lumuhod si Weng at inialay ang bulaklak at singsing kay Janet. Salamat sa Diyos at walang umiyak. Dahil kung mayroon, makikiiyak din ako. Iyak ng ligaya para kay Janet. Iyak ng inggit para sa aking sarili. At iyak ng pasasalamat para sa pag-ibig.
            Sabi ni Janet na feeling mahabang-mahaba ang hair kaya ang sarap kalbuhin gamit ang paper cutter na kalawangin, akala raw niya sa pelikula lang iyon nangyayari. Ang tagal daw mag-sink in sa kaniya na totoong nangyayari iyon. Kunsabagay, hindi natin siya masisisi. Sanay kasi tayong mapanood ito sa TV at pinilakang tabing lamang at kung nangyayari na sa atin ay tila telenobela at pelikula nga ang dating. Kung minsan talaga, ang buhay ay parang telenobela at pelikula.
            Ngayon, “can mistake brings love, or love brings mistake?” Whatever! Bakit ko kailangan sagutin ‘yan? Baka mabaliw pa ako. Not worth it.
            Maniwala na lamang tayo na pag-ibig ang dahilan kung bakit tayo nandito sa mundo ngayon. Matagal nang sinabi sa akin ng isang kaibigan na ang buhay raw ay talagang ganiyan, parang life! Ibig sabihin, mahirap unawain ang pag-ibig gaya ng buhay sapagkat ang pag-ibig ay parang love. Kaya pagdating sa pag-ibig, maging idolo at modelo natin dapat si Kris Aquino. Iyung gora lang nang gora, walang preno, parang bunganga niya. Walang pakialam madungisan man ang reputasyon ng hasyenderong pamilya at mapabaluktot sa hiya ang bayaning tatay at santang nanay sa kanilang mga hukay. Hindi lang talaga marunong umarte sa telenobela at pelikula si Kris Aquino pero pagdating sa pag-ibig, saludo ako sa kaniya, siya ang aking idolo, duwag nga lang ako kaya hanggang ngayon, magti-39 na ako, wala pa ring nangyayari sa love life ko. Buti na lang may karir ako at prolific na sirenang manunulat ng mga nakakalokang sanaysay tulad nito.
            Ang moral lesson na natutunan ko sa panonood ng “Full House?” Kung walang mahingi, makuha, mabili, marentahan, maagaw, o madekwat na orihinal na pag-ibig, magkasya na lamang sa payreted. Gorabells! Klingalingdingdong!


 Para kina Janet Reguindin at William Estella,
na in fairness, orihinal ang pag-ibig sa isa’t isa.
  
[25 Hunyo 2012
Lungsod Pasig]

Monday, June 11, 2012

Paglalakad Kasama ang Sarili

BAGO pa man mag-alasais nandito na ako sa Miriam. Lunes ngayon at mamayang hapon ay may faculty meeting kami bilang preparasyon sa pagbubukas ng klase sa Miyerkoles. Maaga ako dahil naisip kong maglakad at mag-ayos ng aking mesang-sulatan sa faculty room. Manghihiram din ako ng mga libro sa laybrari at susubukan kong tapusin ang pagrebisa ng silabus ng ituturo ko sa English Department na elective course, ang Popular Literature and Creative Writing.
            Sandamakmak ang mga gawain. Pero normal lamang ito. Mahigit dalawang buwan din akong nagbakasyon. Dapat lang na magtrabaho na ako ngayon. Kasabay ng panatang maging mas masipag na guro ngayong taong akademiko, nais ko ring maging mas malusog ngayon. Ibig sabihin, kailangan kong mag-exercise at bantayan ang aking mga kakainin at iinumin na hindi makakapagpalala sa aking dayabetes at hypertension. (Sa mga kaaway ko dyan, huwag muna kayong magdiwang. Borderline case lang ang aking blood sugar at blood pressure. Kasing lakas pa ako ng isang malanding kabayo!)
            Sabi ko nga sa kaibigan kong manunulat at doktor na si Alice nang magkita kami sa Mall of Asia noong nakaraang Lunes, magpapalusog ako upang ma-enjoy ko naman ang mga mamanahin ko at hindi pa ako naka-wheel chair kung tatanggapin ko ang aking National Artist Award at Nobel Prize for Literature. Siyempre tawanan kami ni Alice. Pero why not? Ang number one philosophy in life pa naman namin ay, “Kung talagang para sa ‘yo, para sa ‘yo talaga ‘yan.” Yeah, right. Parang ilusyon ko noon na para talaga kami sa isa’t isa ni Piolo Pascual. Kunsabagay, libre naman ang mangarap. Basta alam mong nag-iilusyon ka lang ay okey ka pa. Mahirap lang naman kung hindi mo alam na ilusyunada ka.
            Ang sarap maglakad dito sa Miriam. Marami kasing punongkahoy, mga luntiang halaman at damuhan, at sari-saring mga bulaklak. Nag-umpisa akong lumakad sa harap ng mini-forest papuntang Child Study Center. Pagkatapos kumaliwa papuntang High School. May mahabang daanan na nalilinyahan ng mga punong kalatsutsi na hitik sa mga puting bulaklak. Ang sanga at puno ng mga ito ay pinupuluputan ng halamang manaog-ka-irog na preskang-preska ang pagkaluntian. Mula High School ay bumaba ako patungong direksiyon ng Katipunan at bago pa man lumampas ng Elementary, kumaliwa uli sa makitid na simentadong daanan na ang tawag ay Bauhinia Pathway sapagkat nalililiman ito ng malalaking puno ng alibangbang na kapag panahon ng pamumulaklak nito ay nakakabaliw pagmasdan ang mga hugis-orkidyas nitong kulay-lilang mga bulaklak. Magtatapos (o mag-uumpisa kung nasa College ka manggagaling) ang daanang ito sa maliit ngunit magandang gusali ng Environmental Studies Institute. Mula roon kumanan ako at nadaanan ko ang grotto. Naglakad pa ako at muli’y matatagpuan ko ang aking sarili sa Mini-forest. Tatlong libot nito ang tatlumpung minuto. Ang sarap kasi marami ako nakikitang mga punongkahoy tulad ng santol, mahogani, akasya, baring-baring, arbol del fuego, at mga kumpol ng kawayan katulad na lamang ng nasa High School.
            Sa mga pagkakatong ganito mare-realize ko kung gaano ako ka palad. Alam talaga ng Diyos kung saan niya ako ilalagay. Alam kasi ng Diyos na mababaw lang ang kaligayahan ko. Makakapaglakad lang ako sa lilim ng mga punongkahoy, o makaupo sa isang tagong dalampasigan, ay masayang-masaya na ako. Ngayong nandito ako sa Metro Manila, saan pa ba ako puwedeng maging masaya kundi sa isang paaralan na maraming halaman. Isa kasing malawak na hardin ang Miriam College.
            Minsan, tumawid kami ni ng idolo at kaibigan kong makatang si Becky sa “friendship bridge” sa ibabaw ng malaking kanal sa pagitan ng Miriam at Ateneo de Manila University. Naglakad kami roon sa mga gubat-gubat sa likurang bahagi ng Ateneo. Parang ibang mundo ito. Parang sekretong lalawigan sa lungsod. Takipsilim iyon kung kaya mala-mahika ang pakiramdam. Mahiwaga talaga ang buhay. Noong 1997 nang una kong mabasa ang unang libro ni Becky at agarang humanga ako nang husto sa kaniyang mga tula, ni sa hinagap hindi ko naisip noon na darating ang araw na makakasama ko siyang maglakad isang takipsilim sa isang makahoy na pook. Na parang kami lang dalawa sa buong mundo. Na sa maikling panahon masosolo ko siya. Na kahit sa mga sandaling hindi kami nag-uusap, nakikipag-ugnayan pa rin ang kaluluwa namin sa isa’t isa. Isang dalisay at banal na regalo ng buhay ang pagkakataong iyon!
            Kanina, habang naglalakad akong mag-isa, punong-puno ng pasasalamat sa Poong Maykapal ang aking kasingkasing. Sa kabila ng mga problema at dagok sa buhay, patuloy pa rin akong binibigyan ng Diyos ng dahilan para mabuhay at maniwalang maganda pa rin ang daigdig.
            Mag-isa ako kanina subalit hindi ako malungkot. Kakaibang ligaya ang dulot ng paglalakad kasama ang sarili.
 
[11 Hunyo 2012
  Miriam College]   

Sunday, June 10, 2012

Talo

SA unang pagkakataon nanood ako ng laban ni Manny Pacquiao. Sa unang pagkakataon ipinagdasal ko na matalo siya. Nagalit kasi ako nang magsalita siya laban ng sa aming mga bading at lesbiyana. Hindi ko gusto ang tabas ng dila niya bilang trying hard na pastor.  
            Sa mga unang laban ni Pacquiao, nagdadasal talaga ako na manalo siya at sana huwag siyang masaktan nang husto. Bilib kasi ako sa kaniya na sa kabila ng kahirapan sa buhay, nagsikap siya at naging pinakamagaling na boksingero sa buong mundo. Hindi lang ako nanonood ng mga laban niya noon dahil hindi ko kayang manood ng dalawang taong nagsusuntukan. Masyado itong barbaric para sa aking sensibilidad.
            Pero kanina, nanood talaga ako. Inimbitahan ako ng kaibigan kong filmmaker na makinood sa bahay niya dahil mayroon siyang pay per view. Gusto kong panoorin nang live ang laban ni Pacquiao upang live ko ring ipagdasal na sa kada suntok ni Timothy Bradley ay tatamaan siya. Gusto ko talagang matumba si Pacquiao!
            Nasa isang seminaryo na nasa taas ng bundok sa Lungsod Iligan ako noong Mayo nang bumalandra sa akin ang balita sa front page ng Inquirer na sinabi ni Pacquiao na ayon sa Bibliya mapupunta sa impiyerno ang mga homoseksuwal. Tumaas ang presyon ko at agad na ipinakita kay J. Neil C. Garcia ang balita. Magkasama kasi kaming panelist sa Iligan National Writers Workshop doon. Kahit alam kong hindi ko kayang makipagsuntukan, gusto kong hamunin ng suntukan si Pacquiao!
            Nang mga sumunod na araw, sinabi naman ni Pacquiao na misquoted lang siya. Mahal daw niya ang mga bakla. Kaya lang, sinasabi talaga sa Bibliya na kasalanan ang homoseksuwalidad at dahil dito ay hindi niya susuportahan ang gay marriages. Lalo akong nairita. Trying hard na pastor! Ang mga pari nga, apat na taon nag-aaral ng Pilosopiya at apat na taong nag-aaral ng Teolohiya. Siya, nagboksing lang, nag-trying hard na mag-interpret ng Bibliya. Hirap na hirap siyang magbasa at magsalita ng Ingles pero Ingles na Bibliya talaga ang kino-quote niya kahit na elegante naman ang salin ng Bibliya sa Sebwano.
            Nakakabuwisit! Bakit hindi ang mga kurap na politikong dumidikit sa kaniya ang pagsabihan niyang mapupunta sa impiyerno? Naku, sa Ten Commandments pa lamang ay may mako-quote ni siya. Halimbawa, “Thou shalt not steal.”
            Kaya masaya ako na natalo siya. At mas masaya ako habang pinapakinggan at binabasa sa Facebook ang maraming teorya tungkol sa pagkatalo ni Pacquiao na mabilis na nagsilabasan pagkatapos ng laban.
            Una, na-leyt siya sa laban dahil nanood pa siya ng basketball at natalo pa ang sinusuportahan niyang koponan. Hindi siya nakapag-warm up. Masyado na bang yumabang si Pacquiao at carry na niyang ma-leyt sa laban? Nagiging unprofessional na ba ang the best boxer in the world? Lumaki na masyado ang ulo?
            Pangalawa, hindi raw talaga ang panonood ng basketbol ang dahilan kung bakit na-leyt si Pacquiao. Panandalian siyang kinidnap ng Mafia at sinabihang magpatalo siya.
            Pangatlo, sabi ng kaibigan kong scriptwriter, scripted daw itong pagkatalo niya kaya kitang-kita na hindi masyadong affected si Pacquiao nang gin-announce na si Bradley ang panalo. Malaki raw kasi ang utang ni Pacquiao kay Bob Arum. Dahil ito sa hindi masyadong maka-Diyos na lifestyle ng Pambansang Kamao. Natatalo raw ito sa kasino ng milyong-milyong dolyar. Kung kaya kahit konggresman na si Pacquiao at hindi na bagay ang pagbo-boxing at tumatanda na siya (matanda na ang edad 30 para sa isang atleta) ay boxing pa rin siya nang boxing. Ang script ay ganito. Magpapatalo muna si Pacquiao ngayon para mas malaking commercial event ang re-match nila ni Bradley. Sa re-match, siyempre si Pacquiao na ang panalo. Akala ko pa naman ang yaman-yaman na ni Ninong Manny.
            Pang-apat, sina Senador Miriam Defensor-Santiago at ang napatalsik na Chief Justice Renato Corona ang mga hurado. Siyempre, galit sila sa mga konggresista kayo pinatalo nila si Pacquiao!
            Nakakaloka di ba?
            Pero heto ang pinaniniwalaan ko. Natalo si Pacquiao dahil sabay-sabay na nagdasal ang milyon-milyong bading at lesbiyana sa buong bansa na matalo siya. Dapat alam na ngayon ni Pastor Pacquiao na ang mga homoseksuwal ay pinakikinggan din ng Diyos. Wala ito sa Bibliya kaya alam kong litong-lito na ang boksingerong talo.


[10 Hunyo 2012 Dominggo

Lungsod Pasig]