Talumpati ni PNoy
para sa Araw ng Kalayaan
na Gin-ghostwrite
nina Ka Bien at Ka Sonny
Magandang umaga sa inyo,
mga minamahal kong kababayan.
Araw ng Kalayaan na naman
hindi pa ba kayo nasusuka?
Saan ba talaga tayo lumaya?
Sa inaalmoranas na puwet ng Amerika
na sugapa sa kapangyarihan at pera?
Tanggapin na kasi natin
na neokolonya na nila tayo ngayon.
Sige palakpakan ninyo ako, mga Boss ko!
Napatunayan ko na tulad ng aking ina,
na madasalin at baka gagawin pang santa
ng mga obispong takot sa kondom,
Tuta rin ako ng Amerika, yeah!
Ano’ng magagawa ko?
Nananalaytay sa aking kaugatan
ang molasses na may bahid ng dugo
ng mga minasaker na magsasaka
sa pinakamamahal naming Hacienda Luisita.
Hindi ko kasalanang maging kuya ni Kris Aquino.
Kaya tiisin na ninyo ang mga sosyal niyang eskandalo.
Bilang bayad sa nakaiirita niyang pag-iingay
matagal ko nang ipinagbawal sa mga kalye ang wang-wang.
Pasensiya na po kung palaging tumataas
ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Mahirap kasing kalabanin
ang mga ka-rancho kong negosyante.
Bilang presidente ng mga elit
kailangan kong proteksiyunan ang interes
ng mga kompanyang multinasyonal
na lalong nagpapayaman sa amin.
Hayaan na po sana ninyo
kung may ilang bobo at kurap sa aking gabinete.
Kalaro ko kasi ang mga iyan sa baril-barilan.
Ang sports car ko huwag na ninyong pag-interesan
pera ko naman ang pinambili ko diyan.
Tumahimik na lamang kayo, mga kababayan ko.
Huwag na ninyo akong punahin at awayin.
Anak ako ng mga burgis na bayaning
sina Ninoy at Cory ni nirerespeto ng lahat.
‘Ika nga nila, ganiyan talaga ang buhay, parang layf.
Sinuwerte akong isilang sa pamilya ng mga hasyendero,
oligarkiya, kapitalista, at komprador.
Kami talaga ang nakatadhanang maghahari
sa bansang ito na kahit kailan
hindi na talaga lalaya mula sa tanikala
ng kamangmangan at kahirapan.
Tatapusin ko na po itong talumpati ko.
Nagmamadali po ako at Linggo ngayon.
Magsisimba pa po kami ng aking mga ate.
Hinihintay na rin ako ni Joshua sa Bahay Pangarap
upang maglaro kami ng Dota maghapon.
Paalam na po at hindi ko na alam
kung ano pa ang maganda sa umaga.
Maraming, maraming salamat po!
God bless the Philippines!
-J.I.E. TEODORO
11 Hunyo 2011 Sabado
1:40 n.h. DLSU-Manila