Bulaklak at Talinghaga
Talaarawan ng Sirena Bilang Fellow sa
50th U.P. National Writers Workshop
(10-17Abril 2011 * AIM-Igorot Lodge *
Camp John Hay * Lungsod Baguio)
Ni J.I.E. TEODORO
8 Abril 2011 Biyernes
11:07 n.g. Lungsod Pasig
KATATAPOS ko lang mag-empake. Over. Muntik nang sumikip ang malaki kong maletang itim. Kahit kailan, hindi talaga ako marunong mag-travel light. Prinsesa nga siguro talaga ako sa nakaraang buhay ko na kung nagbibiyahe ay may isang karwahe ng mga baul na puno ng mga damit at gamit. Pero hindi ako prinsesa ngayon kaya tiyak pagtatawanan ako ng mga kasama ko. Baka sabihin nila, magma-migrate na ako sa Baguio.
Naaalala ko tuloy si Yas (Yasmin D. Arquiza), kung mag-travel iyon, very light talaga. Kung mag-a-out of town ‘yon ng isang linggo, tulad nitong U.P. Writers Workshop, kasya sa isang maliit na knapsack ang mga dala niyang damit. Ako kahit overnight lang, aakalain mong isang linggo akong mawawala. Kaya heto, isang linggo akong nasa Baguio at para na akong maninirahan doon nang ilang taon. Over di ba?
Naaalala ko rin ang sabi sa akin ni Alice (Alice M. Sun-Cua) na dapat matutunan kong mag-travel light, literally at figuratively. Lalo na raw figuratively. Si Alice ang tipo ng taong adik sa pagbibiyahe at naniniwala ako sa kaniya. Iniisip ko lang noon na bata pa lang kasi ako kaya hindi pa marunong mag-travel light. Pero naman, magti-38 na ako ngayong Nobyembre kung kaya hindi ko na puwedeng maging dahilan na bata pa kasi ako. Hindi pa naman matanda ang 38 pero hindi na rin ito bata.
Baka ganito lang talaga ako. Palaging pasan-pasan ang mga bagay sa aking buhay, literally at figuratively.
Tatlong libro ang balak kong dalhin sa biyaheng ito: Believe and Betray: New and Collected Poems ni Papa (Cirilo F. Bautista); Tala Mundi: The Collected Poems of Tita Agcaoili Lacambra Ayala na inedit ni Ricardo M. de Ungria; at Hydrangeas ni Glyn Church.
Nitong mga nakaraang araw, palagi kong binabasa ang mga tula ni Papa. At namamangha ako. Talagang anak niya ako. Marami siyang mga lumang tula na parang mga tulang sinusulat ko ngayon. Tulad na lamang ng pangatlong bahagi ng tula niyang “Three Ways of Seeing Blood” na may pamagat na “To an Igorot Youth Dying of Starvation in a Garbage Dump in the Prosperous City of Baguio.” Sabi ng unang talata ng tula:
The stars won’t answer you even if you
Could speak—
They are dumb to betrayals of the bone,
The simplicity of your dying alone.
Kasama ang tulang ito sa libro niyang The Cave and Other Poems na inilathala sa Lungsod Baguio ng Ato Bookshop noong 1968. Namamangha lang ako dahil parang ganito ang tono at modo ng mga tulang sinusulat ko sa school service nitong mga nakaraang buwan para sa binubuo kong koleksiyon ng mga tula na pinamagatan kong Ang Pagiging Makata sa Panahon nina Kris at Gloria. Mga tulang politikal ko ito sa Filipino at Kinaray-a na susulatan ng introduksiyon ni Sir Sonny (E. San Juan, Jr.).
Heto ang isang tula kong sinulat sa school service noong 18 Pebrero 2011 bilang reaksiyon sa balitang napanood sa TV tungkol sa babaeng tumalon sa tulay dahil sa mga problema sa buhay. Pinamagatan ko itong “Sa Babaeng Tumalon sa Lambingan Bridge.” Heto ang buong tula:
Nang magdesisyon kang ialay ang sarili
Sa ilog na puno ng mga basura,
Ano at sino ang iyong iniisip?
Naibsan ba ng yakap ng mabahong agos
Ang iyong mga pangungulila?
Napunan ba ng lamig ng maruming tubig
Ang lahat ng mga salat sa iyong buhay?
Sabi nila baliw ka na raw.
Baliw ba ang tawag sa taong
Hindi na kayang tiisin ang lupit ng mundo?
Nang lumutang ang iyong katawan
Kinaumagahan, nagtagumpay ka, kapatid!
Malaya na ang iyong pagal na kaluluwa.
Di ba anak talaga ako ni Papa?
Kaya kahit mabigat ang hardbound edition ko ng Believe and Betray ay bibitbitin ko talaga ito pa-Baguio. Maraming tula sa librong ito ang tungkol sa Baguio. At isa pa, palagi kaming umaakyat ni Papa sa Baguio noon noong nag-aaral pa ako sa La Salle.
Ang libro naman ng mga tula ni Tita Lacambra Ayala ay dadalhin ko upang rebyuhin. Part ng fund raising ko ngayong summer. Gusto ko marami akong malathalang mga artikulo sa GMANEWS Online para magkadatung ako sa susunod na buwan. Nakadalawang artikulo na ako ngayong Abril. Bukas, bago mag-Baguio sa Dominggo, rerebyuhin ko ang bagong libro ng mga sanaysay ni Papa na The House of True Desire na inilathala ng UST Publishing House nitong taon lamang.
Maganda rin ang Tala Mundi dahil marami ring tulang Baguio o Cordillera dahil lumaki si Tita Ayala sa Antamok, Benguet at nakapag-aral sa Baguio City High.
Kahapon, may nabili ako sa Book Sale sa Cubao na colored na libro tungkol sa bulaklak na hydrangeas. Ito ang tinatawag ng Tita ko (Evangeline S. Teodoro) na “million flowers.” Naku marami nito sa Baguio at ito ang mga bulaklak na hahanapin ko. Isang guide tungkol sa kasaysayan, kultibasyon, pangangalaga, at deskripsiyon ng iba’t ibang uri ng bulaklak na ito. May kasama pa itong mahigit sa isandaang mga makulay na larawan. Siyamnapu’t apat na pahina lamang ito kaya hindi naman mabigat.
Hay naku, nahidlaw tuloy ako sa kopya ko ng Cartography ng minamahal kong kaibigan na si Luisa (Luisa A. Igloria, ang dating Maria Luisa Aguilar-Cariño) na siya talaga ang totoo at tunay na “Baguio Girl.” Ang Cartograpy ang una niyang libro ng mga tula at ito ay sinulat niya sa Baguio at siyempre tungkol ito sa Baguio. Hindi ko na alam kung nasaan ang kopya ko nito. Sana i-reprint ito ng Anvil Publishing, Inc.
Excited na ako sa workshop. At excited na ako na makaakyat uli ng Baguio na minsan ay itinuring kong isang “literary home.”
***
9 Abril 2011 Sabado
11:14 n.g. Lungsod Pasig
NAKAHIGA na sana ako subalit muli akong bumangon. Hindi ako makatulog. Ang totoo niyan, pagod ako dahil buong araw ay inayos ko ang sala at ang kusina. Dumating kasi kanina ang dalawang bookshelf at single na kama na inorder kong hulugan. Gusto ko kasi maging maayos ang bahay pagdating nina Mimi (Marie Irmi E. Teodoro), Juliet (Juliet Gem Teodoro), at Tita next week.
Masaya ako sa resulta. Lalong gumanda ang sala at kumedor. Ngayon gumanda na rin ang kusina. Dahan-dahan lang, gusto ko talaga maging maganda itong bahay ko. Para mas lalo akong gaganahan magsulat.
Hindi rin ako makatulog kasi naalala ko ang tulang sinulat ko noong una kong pag-akyat sa Baguio. Naku nakalimutan ko na kung kailan iyon. Pakiramdam ko 1993 iyon. Nobyembre. Bago ako mag-graduate. Naimbitahan ako ng magasing Hiligaynon na sumali sa kanilang writers workshop sa Baguio. Libre iyon. Si John Carlo (John Carlos Tiampong) ang kasama ko. Si Tito Leo (Leoncio P. Deriada) ang panelist.
May pakontes sa katapusan ng workshop. Ako ang nanalo. Narito ang tulang sinulat ko on the spot para sa munting paligsahan na iyon:
Ikaw, si Bul-ul, ang Kabulakan,
kag ang mga Pine Tree sang Baguio
Pareho sang akon sweat shirt
Mahipid ta ka nga ginpiud
Kag ginsulod sa overnight bag
Sang akon painuino.
Tuyu ko gid tani
Nga sa pag-abot ko sa Baguio
Bukaron ta ikaw
Kag idaga ko ining’ akon kasingkasing
Kay Bul-ul
Agud hatagan ka niya sing kabuhi,
Para may maupod sa akon
Sa pagpanghalok isa-isa
Sang kabulakan sining’ syudad
Sa panganod;
Para may butungon ako
Nga magpalipod sa puno sang pine tree
(Para indi kita makita sang mga Igorot);
Para kuhaan ang imong mga bibig
Sang anting-anting nga pangbatu
Sa mapintas nga kalamig.
Ugaling tama ka istrikto si Bul-ul.
Gusto niya nga magapabilin ka
Nga isa lamang ka sweat shirt
Sa sining’ syudad nga iya ginabantayan.
Sa baylo, ginmanduan pa niya ang mga pine tree
Nga paulanan ako
Sang mga dagum sini nga dahon.
Wala ako sing mahimu
Kay nabilin ko ang akon luy-a
Sa Antique.
Nakasama ang tulang ito sa PATUBAS: An Anthology of West Visayan Poetry (1986-1994) na inilathala ng Pambansang Komisyon sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 1995 na inedit ni Tito Leo. Sa libro ko namang Maybato, Iloilo, Taft Avenue, Baguio, Puerto na inilathala ng University of San Agustin Publishing House noong 2003 nakasama ang bersiyong Filipino ng tulang ito:
Ikaw, si Bul-ul, mga Bulaklak,
at mga Pine Tree sa Baguio
Katulad ng aking sweat shirt
Mahipid kitang tinupi
At inilagay sa overnight bag
Ng aking isipan.
Plano ko talaga
Na pagdating ko sa Baguio,
Agad kitang ilalabas
At idaga ko itong aking kasingkasing
Kay Bul-ul
Upang bigyan ka niya ng buhay
Para may sasama sa akin
Sa pagpanghalik isa-isa
Ng mga bulaklak nitong lungsod
Sa ulap;
Para may hihilahin ako
Na magtago sa puno ng pine tree
Upang kunan ang iyong mga ngabil
Ng anting-anting na panlaban
Sa malupit na lamig.
Kaya lang napakaistrikto ni Bul-ul.
Gusto niyang mananatili kang
Isang sweat shirt
Dito sa lungsod na kaniyang binabantayan.
Sa halip,
Inutusan pa niya ang mga pine tree
Na paulanan ako ng mga karayom nilang dahon.
Wala akong nagawa
Sapagkat naiwan ko ang aking luya
Sa Antique.
Hmmm…medyo may pagaka-“victim song” ang tulang ito. Kunsabagay, dalawampu’t isang taong gulang pa lamang ako nito noon. Talagang pa-victim ang drama. Ngayon mas matapang na ako. Hindi ko na masyadong pinapayagan ang sarili kong mag-emote.
Sa wakas, antok na ako. Matutulog na ako at ala-siyete y medya bukas ay dapat nasa U.P. Diliman na ako. Meaning, 4:30 ako babangon pag-alarm ng selfown ko. Mag-aagahan pa ako. Dapat mga 6:00 n.u., nag-aabang na ako ng taxi. Hindi naman siguro mahirap kumuha ng taxi bukas dahil Dominggo naman.
***
11 Abril 2011 Lunes
5:38 n.u. Camp John Hay, Baguio City
NAPAGOD ako kagabi kaya hindi na ako nakapagsulat. Nagbasa pa kasi ako ng mga manuscript na tatalakayin ngayong araw at mahahaba lahat. Henewey, ganito naman talaga ang workshop. Nasanay na rin ako sa IYAS ng La Salle-Bacolod. Limang taon na rin akong nagpapanelist.
Mga 2:30 n.h. kami nakarating dito sa Baguio kahapon. Itong venue namin, ang AIM-Igorot House, dito rin ako noon nag-attend ng investigative reporting workshop nina Girlie at Red (Girlie Alvares at Red Batario) ng Evelio B. Javier Foundation. Naku nakalimutan ko na kung kailan iyon. Basta Bandillo ng Palawan days ko pa—1998-2001.
Kasama ko rito sa Room 3 sina John Torres at Allan Pastrana. Kaibigan ko si John. Mabait naman si Allan, isang makata sa Ingles na nagtuturo sa University of Santo Tomas Conservatory of Music. Bongga at isang filmmaker at isang musician ang kasama ko rito sa kuwarto. Siyempre tulog pa sila dahil lumabas sila kagabi kasama ang ilan naming co-fellows. Past 11 na sila nakauwi pero nagbasa pa sila ng manuscript hanggang 1:30 ng madaling araw. Nagigising kasi ako kapag binubuksan nila ang pinto.
Gising ako nang gising kagabi. Marami akong napanaginipan subalit nakalimutan ko na ngayon. Namamahay lang siguro ako. Baka mamayang gabi, okey na ang tulog ko.
Ang ganda ng BenCab Museum. Medyo malayo lang sa city proper pero sulit talaga puntahan. Bongga dahil museum ito na pinapayagan ang pagkuha ng litrato. Andami ko tuloy litrato! At nagsawa ako sa kapo-pose sa harap at tabi ng mga likha ni BenCab.
Sabi ng mga taga-U.P., tradisyon na raw talaga ang pumunta ang mga panelist at fellow ng U.P. Workshop sa BenCab Museum. Kahit na sa Tam-awan pa noon, ang dating tambayan at galeri ni BenCab.
Andaming estatwa ni bul-ol doon. Bonggang-bonggang koleksiyon. Masaya rin ako at nakita ko ang orihinal ng “Mysterious Woman’ ni BenCab. Ito ang peynting ng isang babae sa librong Mutyang Dilim ni Virgilio Almario. Kinunan ko nga ng litrato ang mga peynting na ang sabjec ay mga babae ni BenCab. Susulat ako ng tula hinggil dito. Magpo-post ako mamaya sa Facebook ng BenCab Museum photo album ko. Ang gaganda ng mga pix ko. As in. May pix ako roon na kasama si Mama Neil (J. Neil C. Garcia), Ate Ronald (Ronald Baytan), Ma’am Jing (Cristina Pantoja Hidalgo), Ka Bien (Bienvenido Lumbera), Charlson Ong, at BenCab. O di vah?
Susulat din ako ng sequel na tula sa unang tulang Baguio ko na “Ikaw, si Bul-ul, ang Kabulakan, kag ang mga Pine Tree sang Baguio.” Ito ang special request ni Genevieve (Genevieve L. Asenjo) sa akin kahapon pagdating na pagdating namin dito. Natatandaan niya raw talaga ang tula kong ito na gustong-gusto niya. I-dedicate ko sa kaniyang ang tulang ito. Na-inspire din naman ako ng mga bul-ol sa BenCab Museum kahapon.
Maliligo na ako maya-maya. Ala-sais na ng umaga. Maliwanag na sa labas. Sobrang lamig nga lang kaya ayokong mag-walking. Mamayang hapon na lamang ako magwo-walking.
Birthday ni Tita ngayon. Buti na lang gin-text ako ni Sunshine (Ma. Esperanza Matea Sunshine E. Teodoro) kagabi tungkol dito. Tatawag ako kay Mimi mamaya para mabati ko si Tita.
***
12 Abril 2011 Martes
5:15 n.u. Camp John Hay, Baguio City
NGAYONG araw talaga ang birthday ni Tita. Tumawag ako kahapon para bumati. Sabi niya, 12 birthday niya at hindi 11. Nagkamali na naman si Sunshine. Henewey, at least abanse ang bati ko kay Tita kahapon. At masaya ako dahil mukhang malakas si Tita. Mukhang wala na siyang sakit. Nagkuwento pa nga siya na pumunta siya ng Capiz sa Divine Mercy Shrine. Nag-attend siya ng healing mass. Hindi man ako naniniwala sa ganitong kaekekan pero masaya ako at mukhang maganda ang epekto nito kay Tita. Kahit sikolohikal lamang.
Masaya rin ako at nakausap ko si Juliet sa telepono. Kahit maiksi lang. Mukhang bibong bata. Sana lumaki siyang matalino, maganda, at mabait.
Si Ka Bien ang nag-birthday kahapon. Ika-79 na raw niya. May surprise birthday party nga kagabi sa kaniya. May cake at lechon kami kagabi. Ang saya. At masaya si Ka Bien. Noong huli raw may nagsorpresa sa kaniya nang ganito, noong nag-aaral pa siya sa Amerika. Ang tagal na no’n!
Sabi ko nga si Ka Bien, bongga at sa edad na 79 ay malakas pa siya. Tumawa siya. Ang sabi niya, sa kung malakas ako, ‘yon ang hindi na tayo sigurado. Sabi ko naman, the fact na nakakalakad pa siya, nakakapag-panel pa sa workshop, at sumusulat pa, okey na okey pa iyon.
Masaya ako at naimbitahan ako dito sa 50th U.P. National Writers Workshop. Marami akong mga kaibigan dito at natitiyak kong magkakaroon ako ng mga bagong kaibigan pagkatapos nitong workshop.
Ang pakiramdam ko ngayon, parang ang tagal ko na rito sa Baguio. Ito ang napag-usapan naming ni Genevieve kahapon nang mamasyal kami pagkatapos ng huling sesyon sa hapon. Unang araw pa lamang kahapon ngunit ang pakiramdam ko ay ang tagal na namin dito. Siguro dahil marami na kaming nagawa. Ang pagpunta lang sa BenCab Museum bilang mga bisita mismo ni BenCab ay over at bongga na.
Maayos naman ang tatlong sesyon namin kahapon. Hindi ko nga inaasahan na ang bait pala ng mga panelist na taga-U.P. Ang inaasahan ko, terror sina Jing Hidalgo at Jimmy Abad (Gemino Abad). Akala ko rin istrikto si Butch Dalisay (Jose Y. Dalisay, Jr.). Akala ko mataray si Jun Cruz Reyes. Si Chingbee (Conchitina Cruz) akala ko suplada. Marami akong mga maling akala. Ang babait nila. Very gentle mag-comment. Kahit na may ilang pangit talaga na manuscript, ang bait pa rin nila. Sa halip, marami akong natutunan. Nakaka-relax tuloy.
Maganda ang talakayan kahapon ng umaga sa “Expectations from the Panelists and Fellows” bago ang unang sesyon. Unang-una, nagpasalamat si Axel Pinpin sa lahat ng mga manunulat na tumulong sa kaniya noong makulong siya noong 2006 hanggang 2008. Napagkamalan kasi siyang NPA ng mga militar. Marami kasi talagang nagkampanya na palayain siya. May mga manunulat din na nagpadala sa kaniya ng mga pagkain, toiletries (katulad ni Ma’am Jing), libro, at pera.
Naalala ko noong PEN Conference 2006, gumawa pa ng resolusyon na ibigay sa pamahalaan na palayain si Axel. Ang sanaysay niya na tatalakayin mamaya ang tungkol dito. Maganda. Masayang basahin. Mabait rin si Axel. Masayang kausap. Sabi pa niya, “Ang mga manunulat nagkakaisa pala kapag may makulong na kapuwa nila manunulat.”
Sabi ni Sir Jimmy, “A literary art is a practice of language and imagination.” May dalawang criteria raw siyang hinahanap sa isang likhang pampanitikan: dapat daw may “saysay” at may “dating.” Dagdag pa niya, “dating resides in the feeling after reading the literary text.”
Sabi naman ni Sir Butch, “I like works that take risk, not safe.” Siguro parang ganito rin ang hinahana ni Ka Bien na “bagong paghawak sa wika.” Kay Sir Jun naman, dapat daw may “intensity. Umpisa pa lang may immediacy na na parang sinasabi sa ‘yo, basahin mo ako, kinakaibigan ako.”
Para naman kay Ma’am Jing, ang workshop na ito ay “a conversation among colleagues.” Kaya siguro mabait siya mag-comment.
Napag-usapan din ang estado ng pagsusulat sa Filipinas. Hindi raw talaga bumebenta ang mga libro ng tula. Kaya sabi nga ni Ma’am Jing, na sa kasalukuyan ay direktor ng UST Publishing House at dating direktor ng U.P. Press, ang paglalathala ng tula ay talagang subsidized publishing. Sabi naman ni Joey (Romulo Baquiran, Jr.) dalawang genre raw ang mabenta ngayon: ang romance (Tulad na lamang daw ni Martha Cecilia na talo ang sales ni Bob Ong) at children’s book.
Hayan, sulat na kaya ako ng gay romance? Matagal na itong sinasabi ng kaibigan kong si Roel (Roel Hoang Manipon) na gawin namin.
Mamayang hapon, tatalakayin na ang gawa ko.
***
14 Abril 2011 Huwebes
4:47 n.h. Camp John Hay, Lungsod Baguio
ALAS-TRES y medya natapos ang sesyon namin ngayong hapon. Nandoon ang mga co-fellow ko sa Burnham Park ngayon, nagso-shoot ng presentasyon namin para sa graduation sa Sabado. Hindi ako sumama dahil kailangan kong mag-enrol on line sa La Salle ngayon. Baka kasi makalimutan ko pa at hanggang bukas na lamang ito. Natapos ko na ring gawin ito. Madali lang pala. Sinunod ko lang ang instruction na ibinigay sa akin ng Admissions Office.
Dito ako ngayon sa Session Hall. Gumagawa rito sa netbook ko. Tapos na akong mag-enrol at nagpi-Facebook na. Nag-e-eavesdrop din ako sa mga panelist na nagtsitsismisan ngayon. Literary tsismis galore ito nina Bienvenido Lumbera (na National Artist lang naman), Mario Miclat, Charlson Ong, Butch Dalisay, Cristina Pantoja Hidalgo, at Gemino Abad. Ang saya ng usapan nila. Kanina pinag-uusapan nila ang Commencement Exercises ng U.P. Diliman sa darating na Dominggo. Mula sablay at toga patungo sa upuan sa graduation venue ang usapan. Siyempre marami pa akong narinig na hindi ko puwedeng isulat dito ngayon.
Mga nangungunang manunulat ito ng bansa pero para rin pala silang mga kabarkada ko kung mag-usap. Bagsakan ng mga witty na linya, okrayan, at halakhakan. Nakakatuwa isipin na kung tumanda rin pala kami ng mga kaibigan kong manunulat, mga dating topiko pa rin ang pag-uusapan namin.
Okey na okey ang sesyon tungkol sa poetics at mga tula ko kahapon. Salamat sa Diyos at hindi ako nalait. Nasorpresa pa nga ako dahil tinawag ni Sir Jun Cruz Reyes na “performance” ang ginawa kong presentasyon. Nagtsika lang naman ako at nagbasa ng tula. Lalo akong na-touch nang si Ma’am Jing ang nagsabi na magaling daw ang “performance” ko. Dapat daw mag-perform ako at kung ma-publish ang libro kong Baliw sa Pag-ibig, dapat may kasamang CD ng poetry reading at performance ko.
Nagulat talaga ako dahil hindi ko talaga nakikita ang sarili ko bilang performer. Nahihiya nga akong pakinggan ang sarili kong boses na nakarekord. Gayunpaman nagpapasalamat ako sa mga panelist at co-fellows ko na tuwang-tuwa sa aking pagbabasa ng tula.
Si Axel (Pinpin), binasa pa niya ang tula ko para kay Manny Paqcuiao. Ito raw ang isang gay poem na hindi siya mahihiyang basahin kahit na lalaki siya. Magaling ang kaniyang pagbasa!
Touched din ako kina Mama Neil at Roland (Rolando Tolentino) dahil talagang nagmadali silang bumalik dito kahapon para makasali sa pagtalakay ng aking mga tula. Naglektyur kasi sila sa U.P. Baguio kahapon pagkatapos ng pananghalian.
Sabi ni Mama Neil, maganda raw ang mga tula ko dahil sa malakas na “self-awareness.” Sabi pa niya, “There is pathos.” Si Sir Jimmy naman, nag-quote pa kay Carl Jung: “The individual is the only reality.” Dinagdagan pa ito ni Mama Niel ng quote mula kay Marcel Proust: “We know that we are still alive because we can still desire.” Inihambing naman ni Sir Butch ang mga tula ko sa mga tula ni Cavafy, isang Greek na gay poet na talaga namang isa sa mga makatang naging impluwensiya ko sa pagsusulat.
Nag-text sa akin si Becky (Rebecca T. Añonuevo). Nabasa raw niya ang poetics ko at comments ng mga panelist sa poetics at gawa ko sa live blog ng 50th U.P. National Writers Workshop. Maganda raw ang paper ko at quotable quotes ang mga puna.
Masaya talaga ako. Itong pagkaimbita sa akin sa U.P. Workshop ay isang affirmation na tama ang tinahak kong landas—ang maging manunulat at ang maging bading na manunulat.
***
15 Abril 2011 Biyernes
6:05 n.u. Camp John Hay, Lungsod Baguio
HULING araw na ng workshop ngayon. Dalawang likha na lamang ang tatalakayin namin. Ang gawa nina John Torres at Khavn dela Cruz, mga filmmaker. Ibang antas naman ng talakayan ito.
Tense na yata si John. Halos sabay kaming nagising. Inaayos niya ang kaniyang presentasyon sa kaniyang laptop.
Inaamin ko, nahihirapan akong panoorin ang mga pelikula nila. Lalo na itong kay John. Ang kaniyang pelikulang “Ang Ninanais” na sa Iloilo niya ginawa ay isang napakahirap sakyan na pelikula. Nang nagpa-koment siya noon, talagang dalawang ulit kong pinanood ito upang may masabi akong mga puna sa kaniya.
Mamaya, si Roland ang moderator ng talakayan sa gawa ni John. Nandito rin si Ka Bien. Sigurado akong marami akong matutunan na mga pananaw upang mas maging malinaw sa akin at mas maging “maganda” sa aking paningin ang mga pelikula ni John.
Sikat si John, e. Sikat siya sa larangan ng indie film lalo na sa labas ng bansa. Binigyan niya ako ng kopya ng kaniyang mga pelikula noong nakaraang taon. Iba ang kaniyang imahinasyon bilang direktor.
Gayundin ang mga likha ni Khavn. Iba rin ang likaw ng kaniyang pag-iisip. Sigurado akong makatulong din ang magiging talakayan mamaya. Lalo na at gustong-gusto ni Ka Bien, na siyang moderator mamaya, ang kaniyang mga pelikula.
And speaking of dalawang direktor na ito, may ginagawa silang pelikula ngayon para sa graduation. Kaming mga co-fellow nila siyempre ang mga artista. Noong isang araw pa kaming shooting nang shooting. Kahapon nga, nag-shoot kami ng bed scene namin nina Axel at German (German Gervacio). Vongga di vah?
Mukhang maganda ito
***
15 Abril 2011 Biyernes
9:55 n.g. Camp John Hay
TAPOS na ang workshop proper. Masaya at marami akong mga realisasyon sa talakayan tungkol sa mga pelikula nina John at Khavn. Ngayong hapon, free na kami. Natulog ako pagkatapos ng pananghalian. Sarap sana ng tulog ko kaya lang nabulabog ako nang nagring ang aking telepono. Tumawag sa akin ang isang taga Bookmark tungkol sa textbook sa Filipino 101 na ginagawa namin nina Ma’am Tess (Teresita Cruz Arceo), Becky, at John Torralba (Enrico John Torralba). May mga kailangan silang mga detalye para sa kontrata. Kailangan kong pumunta sa Pasic City Hall sa Lunes para kumuha ng sedula.
Henewey, dahil nawala na ang antok ko at alas-dos y medya na rin, bumangon na ako at nagbihi. Nag-walking ako papuntang Mile Hi Center para mag-withdraw sa ATM doon at bumili ng battery para sa aking kamera. Kailangan ko ring maglakad dahil kain ako nang kain. Baka sumikip na ang long sleeve ko na isusuot ko sa graduation namin bukas ng gabi. Sayang naman ang kurbata ko.
Marami lang kasi talagang pagkain. At ang sasarap pa! Ang hirap magpigil. Pero proud pa rin ako sa sarili ko. Simula noong Dominggo, kanina lang ako nag-second helping sa pananghalian. Inihaw na talong at menudo kasi ang ulam.
Mula Mile Hi ay naglakad ako papunta sa Gate 2. May napansin kasi akong maliit na restawran doon na puno ng mga halaman at bulaklak. Ito ang restawran na ang pangalan ay Chocolate de Batirol. O div ah? Pangalan pa lang nakakapagpa-diabetes na!
Ang ganda ng restawran na ito! Parang barong-barong na karinderya na maganda. Yari ito sa kawayan at plastik na sinas ang bubong. Ang mga dingding nito ay puno ng mga tanim. Parang tindahan ng mga halaman. Parang mga antigo ang mga mesa at upuan. Sa loob, puno ito ng mga peynting. Kahit sa labas nga may peynting. Nasa bungad ito ng Igorot Garden, isang naluluma nang hardin na walang pumapasyal. Parang baw-ing na kasi. Mahagnüp.
Siyempre nag-order ako ng tradisyonal na tsokolate-e. Talagang binate ng guwapong weyter, Ronald ang pangalan, sa aking harapan. Sarap! Malapot na kaligayahan para sa aking dila at lalamunan. Nag-order din ako ng turon na may langka at binuhusan ng tsokolateng sarsa. Good luck sa blood sugar ko!
Guwapo at mabait si Ronald. Crush ko na siya. Siya ang tipo ng lalaking hihingin ko sa Diyos na maging boyfriend ko. Subalit ayaw ko siyang hingin sa ngayon.
Sa ganda ng lugar, nakapagsulat ako ng dalawang tula. Inspired ng tsokolate, inspired ng mga bulaklak, inspired ng mga matataas na pine tree sa paligid. At siyempre, inspired ng malamig na klima ng Baguio.
Sa Chocolate de Batirol, Camp John Hay
Ang pag-inüm kang marapuyot
nga tsokolate
pagpalangga sa kaugalingün
sa sangka hapon
nga nagaisarahanün…
Maramig ang binalaybay
nga ginahüyüp kang hangin
rügya sa sagwa kang kamalig
nga nadingdingan
kang mga bulak kag tanüm.
Kon may kasübü man nga ginakanta
ang akün tagipusuon,
kasabü dya kang maambüng nga lanton
nga sikreto nga ginadihon
sa haron kang tag-asan nga mga pine tree
nga ang dahon berde nga mga dagüm.
[15 Abril 2011 Biyernes
4:07 t.h. Camp John Hay]
Natutuwa ako at sa Kinaray-a ko ito nasulat. Heto naman ang bersiyong Filipino:
Sa Chocolate de Batirol, Camp John Hay
Ang pag-inon ng malapot
na tsokolate
pagmamahal sa sarili
sa isang hapon
ng pag-iisa…
Malamig ang binalaybay
nga hinihihip ng hangin
dito sa labas ng kamalig
na may dingding
na mga bulaklak at tanim.
Kung may lungkot mang kinakanta
ang aking kasingkasing,
kalungkutan ito ng magandang musika
na lihim na nilililok
sa lilim ng matatayog na pine tree
na ang dahon ay mga luntiang karayom.
Isama ko ito sa librong binubuo ko ng mga tulang-Baguio. Marami na akong nasulat na mga tula sa lungsod na ito sa panganod.
Katatapos ko lang sulatin ang tulang ito, mayroon na namang namuong tula sa isipan ko. Sa Filipino naman ito:
Sa Isang Harding Restawran
sa Lungsod Baguio
Maliit ang anghel na may dilaw na pakpak
Ang malanding lumilipad-lipad
Sa tabi ng upuan kung saan ako nakasalampak.
Walang pakialam ang mga nilalamig na halaman
Na gusto nang matulog at managinip na lamang.
May isang pangalang pilit na isinasayaw
Ng mga impertinenteng punong pino.
Nambabastos ang nagyeyelong halik ng hangin.
Banal ang lungkot na parang ulop na bumabalot
Sa kaluluwa kong sa pagtula ay hindi napapagod.
[15 Abril 2011 Biyernes
4:19 n.h. Camp John Hay]
Isasama ko ang isang ito sa huling bahagi ng koleksiyon kong Baliw sa Pag-ibig.
Na-post ko na ito sa blog ko. Sabi ni Genevieve nabasa na raw niya. Nag-message naman si Alice si Facebook na nabasa na niya ito.
Iba talaga ang halina ng Baguio sa aking imahinasyon. Kunsabagay, marami talagang mga manunulat ang umaakyat dito para sumulat. Tulad na lamang ni F. Sionil Jose. Naaalala ko rin na isinasama ako ni Papa noon dito habang sinusulat niya ang Sunlight on Broken Stones.
Sa isang kanta nga ng folk singer sa Ayuyang noong Martes ng gabi, may linyang “Naging makata ako dahil sa iyong ganda, Baguio.” Kaya siguro maraming mga manunulat dito. At nababagay lamang na dito ginaganap ang U.P. National Writers Workshop.
***
16 Abril 2011 Sabado
6:22 n.u. Camp John Hay
ANG sarap kasi nakawalong oras ako ng tulog! Hindi kasi ako sumama kagabi sa poetry slam sa Mt. Cloud sa Casa Vallejo. Nakapagsulat ako kagabi at nakatulog pa nang maaga. Kagigising ko lang.
Marami akong natutunan sa sesyon ng dalawang filmmaker naming co-fellow kahapon. Ngayon nauunawaan ko na ang mga pelikula nina John at Khavn. Ngayon nakikita ko na ang sining sa kanilang ginagawa.
Habang pinapanood naming kahapon ang short film ni John na “Kulob,” nagkaroon ako ng isang napakagandang realisasyon: Ang mga pelikula ni John Torres at ang mga tula kong ay iisa ang bituka, ang buhay naming nakakaloka, ang sensitibo naming mga mata.
Maaaring tataasan ako ng kilay ng iilan sa claim ko na ito. After all, respetado sa mga film festival sa labas ng bansa ang mga likha ni John.
Nang una kong makilala si John sa Iloilo may dalawa o tatlong taon na ang nakararaan, napapansin kong may dala-dala siyang kamera palagi. Palagi niyang kinukunan ang mga bagay-bagay at mga pangyayaring nakakatawag ng kaniyang pansin. Pagkatapos ang mga kuha niyang ito ay makikita mo na lamang sa pelikula niya. Sabi nga niya sa kaniyang poetics, “Naniniwala ako sa mga pangyayari sa harap ko, sa mga nadidinig, sa mga biglaang liko ng kalye, sa mga sementadong daan, sa halina ng mga nakaturong dahon.”
Parang ganito rin ako. Saan man ako pumunta, ano man ang aking ginagawa, nagmamasid ako sa kapaligiran. Lahat ina-absorb ko, hinuhuli ko sa kamera ng aking isipan. Ang mga bagay-bagay at mga pangyayaring aking nasaksihan ay nagiging mga imahen at salita sa aking mga tula.
Ito ang dahilan kung bakit napakapersonal, napaka-self reflexsive ng mga pelikula ni John at ng aking mga tula. Siguro hindi aksidente na parehong John ang aming pangalan?
Sabi pa ni John sa sesyon nang may nagtanong kung ano ang kaniyang creative process, kung paano siya nagsisimulang maglikha ng pelikula. Sabi niya, “Kapag may bigat na sa aking dugo, doon ako nagsisimula. May pananalig ako na may patutunguhan ito.” Ganito rin ako. Nararamdaman ko rin ang “bigat sa aking dugo” na siyang tumutulak sa akin na sumulat.
Ipinaliwanag ni Ka Bien ang proseso ni John. Hindi tulad ng mga manunulat na nagsisimula sa paglikha gamit ang mga salita, si John ay na isang filmmaker ay nagsisimula sa paglikha gamit ang mga imahen. Kinukuha ang mga imaheng ito kung saan-saan, at kung matahi na, nagkakaroon na ng statement.
Nararamdaman ko rin ito sa sarili kong proseso. Kung minsan, katulad kahapon, nag-uumpisa akong sumulat ng tula na hindi ko alam kung saan patutungo. Basta naaliw o napabigat ang dugo ko ng isang imahen, katulad ng Chocolate de Batirol kahapon, kumukuha ako ng papel (o kung minsan selfown ko) at walang tako na sinusulat ang unang salita, ang unang linya at iasa na sa mga diwata ng talinghaga ang mga susunod na linya kahit na hindi naman talaga ako naniniwalang may mga diwata nga ng talinghaga.
Nakadalawang tula ako kahapon. Sapat na siguro itong pangitain upang patuloy akong maniwala sa misteryo at kapangyarihan ng Salita.
Ang mga pelikula naman ni Khavn ay nakawawasak ng kamalayan. Wala akong ibang salita para ilarawan ang presentasyong ginawa niya kahapon kundi—WASAK!—na paborito rin niyang ekspresyon.
Ang napakaikling poetics niya na may pamagat na “Magnum Opus” ay sumasalamin din sa kaniyang mga likha—matapang, kakaiba, makulay, magulo, walang-hiya, masalimuot, at maganda. Aniya, “I write for myself. I write to become immortal. I write so you would love me. I write to find what I’ve been looking for. I write to burn in hell. I write to taste heaven. I write because I’m blind. I write because I don’t know how to speak. I write because I know nothing. I write because we’re diffirent. I write because I can’t breathe. I write because my heart is broken. I write because my heart is bleeding. I write to have. I write to have not.” Ang poetics niyang ito ay isang bitag. Makata si Khavn kaya alam niyang gumawa ng patibong ng mga salita.
Maraming ipinakitang excerpt ng kaniyang mga pelikula si Khavn. Katulad na lamang ng “Ang Pamilyang Kumakain ng Lupa.” Nakakaloka dahil sa eksenang kumakain ng lupa ang pamilya, reklamo nang reklamo ang isang anak nila na palagi na lamang lupa ang pagkain nila. Ang nanay at tatay ay mga puti na hirap na hirap mag-deliver ng mga linya. Nakakaloko ang pelikulang ito. Lalo na ang eksena ng mga taong terra cotta na may uringan at tsupaan. Hindi ko alam kung mahindik ako o malibugan o magandahan o masiyahan. Basta may kung anong nawasak sa aking damdamin at isipan.
Halos buong ipinalabas ang “Iskwaterpank.” Tungkol ito sa isang batang iskuwater na naglalaro. Sinisipa nito ang lata ng Coke. Sipa lang siya nang sipa, takbo nang takbo. Ang ending sa bundok ng basura at madidiskubre ng manonood na pilay pala ang batang naglalaro. Isa muling estilong di bulok ng panlilinlang ni Khavn bilang filmmaker!
Noon pa man, napapansin ko na ang kakaibang introduksiyon sa mga pelikula ni Khavn na “Filmless Films Presents…” “This is not a film b Khavn dela Cruz.” Baliw na filmmaker si Khavn at in love ako sa kabaliwang ito.
Napakalaki talaga ng pasasalamat ko sa U.P. Workshop na ito. Ngayon naiintidihan at naa-appreciate ko na ang mga likha nina John at Khavn. Sa sarili kong proseso ng paglikha bilang manunulat, naiisip kong mas maging matapang, mas maging baliw, mas maging arisgada. Dapat lumabas ako sa aking comfort zone. Dapat maging WASAK!
***
17 Abril 2011 Dominggo
5:50 n.u. Camp John Hay
UUWI na kami mamaya. Alas-otso y medya ang alis ng bus. Pakiramdam ko tamang-tama lang. Gusto ko na ring umuwi. Napanaginipan ko na nga si Aljur kagabi. Nami-miss ko na rin ang mga koi ko. Miss ko na rin si Sunshine. Miss ko na rin ang bahay ko.
Masaya ang graduation naming kagabi. Ang ganda ng certificate. Ipapa-xerox ko ito saka ipapa-frame ko na. Ipapa-frame ko na rin ang diploma ko sa La Salle. At least para na rin akong may diploma mula sa U.P.
Ganda ng graduation presentation namin. Dalawang pelikula. Isang rengga na sinulat namin at dinirehe ni Khvan at isang maikling pelikulang pinagtulungang dinirehe nina Khavn at John. Naloka ang audience. Nagulat ang marami sa bed scene naming nina Axel at German. Wasak talaga! Masaya kaming lahat.
Kahapon ng umaga, may evaluation session kami. Si Genevieve, iyak nang iyak habang nagsasalita. “Famas Melodramatic Award” nga tinanggap niya kagabi sa aming baliw na graduation presentation.
Ako naman, “excellent” ang sinabi kong grado para sa lahat ng aspekto ng workshop: panelist, fellows, venue, pagkain, staff, etsetera.
Sinabi ko rin sa kanila na itong sinusulat kong diary entry ay ang talagang maid-id kong evaluation. Isusumite ko ito sa U.P. Institute of Creative Writing sa susunod na linggo. Kapag matapos at ma-edit ko na. May ilang paksa o isyu kasing lumabas sa workshop na kailangan kong talakayin pa rito.
Ang finale ng aking evaluation ay binasa ko ang tula kong “Si Bul-ul, ang mga Pine Tree at ang mga Bulakalak ng Baguio.” Saka binasa ko ang tulang sinulat ko kahapon ng umaga pagkatapos ng almusal. Ito ang rekwest sa akin ni Genevieve na “dugtong” ng pinakaunang tulang sinulat ko dito at tungkol sa Baguio. Masaya naman ako at nagustuhan nila ang tula kong ito, lalong-lalo na ni Genevieve.
Narito ang tulang ito sa orinihal na Kinaray-a at sa bersiyon nitong Filipino:
Pagsagap kay Bul-ol
(Para sa abyan ko nga si Genevieve Asenjo nga gusto sulatan ko kang sugpon ang una nga binalaybay nga ginsulat ko rügya sa Baguio nga “Si Bul-ul, ang mga Pine Tree, kag ang Kabulakan kang Baguio”)
Sa BenCab Museum sa Dalan Asin
Nasalapuan natün ang rakü nga mga bul-ol
Nga nabütang sa mga estante.
Ang mga bul-ol maalwan nga bantay
Kang mga baranggay rügya sa kabukidan
Kang mga bulak kag agoho.
Kahapon sa sangka tindahan sa Mile Hi
Nakabakal ako kang gamay nga bul-ol
Sa presyo nga PhP 350.00.
May gahüm pa bala ang mga diyos
Nga may nakabütang nga presyo?
Paano abi kon ang mga payaw
Ginhimü rün nga malapad nga siripalan
Kang manggadan nga mga dumuluong?
Paano kon ang hüram nga pagpalangga
Mahimu baklün sa Burnham Park
Hay hilway dya nga ginalibüd?
Paano kon nadiskubre ko rün ang kamatuoran
Nga ang panit kang mga pine tree
Makapilas kon akün küpküpan?
Paano kon wara gid man gali it birtud
Ang atün dara nga luy-a halin sa Antique
Hay lain tana nga linahi kang diyos
Sa kabukidan kang Panay
Sangsa kabukidan kang Kordilyera?
Masarigan ta ayhan ang atün mga binalaybay
Sa pagluwas sa atün lawas kag kalag
Sa tanan nga katalagman?
Sülnga ang nagayühüm nga adlaw
Nga nasaka sa mga dahon kang pine tree.
Hinay-hinay kadya nga ginapara
Ang maramig nga paghigugma kang ambon.
Dali, abyan ko, kapti ang akün alima.
Latasün ta ang nabilin pa nga kalagtüm
Kang maambüng natün nga kalibutan.
[16 Abril 2011 Sabado
8:14 t.a. Camp John Hay]
Paghahanap kay Bul-ol
(Para sa kaibigan kong si Genevieve Asenjo na gustong sulatan ko ng karugtong ang unang binalaybay na sinulat ko dito sa Baguio na “Si Bul-ul, ang mga Pine Tree, at ang mga Bulaklak ng Baguio”)
Sa BenCab Museum sa Kalye Asin
Natagpuan natin ang maraming bul-ol
Na nakalagay sa mga eskaparate.
Ang mga bul-ol ay mapagbigay na bantay
Ng mga baranggay dito sa kabundukan
Ng mga bulaklak kag punong pino.
Kahapon sa isang tindahan sa Mile Hi
Nakabili ako ng maliit na bul-ol
Sa halagang PhP 350.00.
May kapangyarihan pa kaya ang mga diyos
Nga may nakaatang na presyo?
Paano kaya kung ang mga payaw
Ginawang nang malawak na palaruan
Ng mga banyagang mayaman?
Paano kung ang panandaliang pagsuyo
Maaaring bilhin sa Burnham Park
Dahil malaya itong inilalako roon?
Paano kung nadiskubre ko ang katotohanang
Ang balat ng mga pine tree
Nakasusugat kung akin itong yayakapin?
Paano kung wala naman talagang birtud
Ang ating dalang luya mula sa Antique
Dahil iba ang lahi ng mga diyos
Sa kabundukan ng Panay
Kaysa kabundukan ng Kordilyera?
Maaasahan pa ba natin ang ating mga binalaybay
Na iligtas ang ating katawan at kaluluwa
Sa lahat ng kapahamakan?
Masdan mo ang ngumingiting araw
Na umaakyat sa mga dahon ng pine tree.
Hinay-hinay nitong binubura
Ang malamig na paghigugma ng ulop.
Halika, kaibigan, hawakan mo ang aking kamay.
Lakbayin natin ang naiwan pang luntian
Ng maganda nating kalibutan.
Masaya ako na nasulat ko ito. Masaya ako na nakatatlong tula ako sa workshop na ito. Very productive ako rito. Ito siguro ang magic ng Baguio.
Kahapon din ng hapon, nag-bonding kaming girls sa Chocolate de Batirol. Kami nina Genevieve, Ate Ronald, Nerisa (Nerisa del Carmen Guevera), Jenny (Jennifer Ortouste), Clarisa (Militante), at Yvette (Tan). This time, Baguio blend na tsokolate-e ang inorder ko. Strawberry flavored ito. Kumain din kami ni Genevieve ng hinog na kakaw. Para ng santol na parang mangosteen pala ito. Dahil alam ng mga staff ng restawran na mga manunulat kami, pinatikim nila sa amin ang cinnamon blend nila. Tuwang-tuwa naman kami.
Ipinakilala ko rin sa kanila si Ronald na inasikaso kami nang maayos. Ang guwapo talaga niya. At ang bait pa. May litrato na kaming dalawa. Ibinigay rin niya sa akin ang e-mail at selfown number niya. Hiningi ko kasi para masabi ko sa kaniya kung lalabas na ang artikulo kong sinulat tungkol sa kanilang magandang restawran.
Naku, pinipigilan kong mainlab kay Ronald. Ayokong mamangka sa gitna ng kalsada.
***
18 Abril 2011 Lunes
5:43 n.u. Lungsod Pasig
MABILIS ang biyahe namin kahapon. Bago mag-alasnuwebe kami umalis ng Camp John Hay kahapon at mga pasado alas-dos nasa Lungsod Quezon na kami. Mga limang oras lang ang biyahe namin. Ang sarap.
Nanibago lang ako pagdating ko rito sa bahay. Ang init! Ang lamig kasi sa Baguio. Buti nakatulog naman agad ako kagabi. Alas-nuwebe pa lamang ang nahiga na ako. Gin-set ko sa ala-singko ang alarm clock ng aking selfown. Kaya heto, gising na ako at nagsusulat na.
Marami akong dapat sulatin ngayong linggo bago ako umalis sa Dominggo patungong Lungsod Bacolod para mag-panelist sa IYAS National Writers Workshop. Katakot-takot na basahan na naman ito. Kailangan kong sumulat ng sanaysay ng paglalakbay para sa GMANEWS Online. Kailangan ko ring i-finalize, ayusin, at isumite ang mga lahok ko sa Palanca. Gusto kong manalo ngayong taon.
Masaya talaga ako na naging fellow ako sa 50th U.P. National Writers Workshop. Napakagandang karanasan ito. Nagkaroon ako ng mga bagong kaibigan. Marami akong natutunan. Sabi ko nga kay Genevieve noong isang araw, mas magiging magaling at mabait akong panelist sa IYAS ngayong taon. Pang-anim na taon ko na ngayon bilang panelist doon. Ang bilis talaga ng takbo ng panahon.
Hindi na ako ang dating manunulat na si J.I.E. Teodoro na umakyat ng Baguio noong ika-10 ng Abril 2011. Isang mas matapang, mas palaisip, at mas tao na J.I.E. Teodoro ang bumalik kahapon dito sa makulay kong bahay sa Lungsod Pasig. Tatanawin kong isang malaking utang na loob sa U.P. Likhaan Institute of Creative Writing ang pag-imbita nila sa akin na maging fellow sa katatapos lamang na workshop.
Maglalaba ako mamaya pagkatapos ng agahan. Nandoon lang sa sala ang maleta ko na puno ng labahin. Kailangan ko na kasing ihanda ang maleta ko para sa IYAS. Ang paglalaba ay isang ritwal na gustong-gusto ko dahil nakakapag-isip ako. Nakakapag-relax din ang aking isipan kapag nagkukusot ako. Mayroon pa akong sense of fulfillment kapag tinitingnan kong nakasampay na aking mga nilabhan.
Hindi ako binigo ng halina at ganda ng mga bulaklak ng Baguio sa pagdalo sa 50th U.P. National Writers Workshop. Naging mapagbigay sila sa akin. Naging mabait. Bukas ang kalooban nilang iniregalo sa akin ang yakap at halik ng Talinghaga nitong lungsod sa ulap.