SA gitna ng mga unos sa buhay katulad ng tila walang
katapusang baha, pag-ibig ang siyang huling kakapitan ng lahat upang maisalba
ang buhay at katinuan. Ito ang pinakamensahe ng Rak of Aegis, ang dulang pinanood namin ng mga estudyante ko noong Sabado,
1 Pebrero 2014, sa PETA Theater Center sa E. Rodriguez, Lungsod Quezon.
Nag-enjoy ako at base sa ilang mga estudyante kong nakausap habang papalabas ng
teatro ay nagustuhan rin nila. Sulit kumbaga ang aming bayad at ginugol na
panahon para sa dulang ito.
Maganda ang disenyo ng entablado ni Mio Infante. Gusto ko ang metapora ng mga bahay ng kalapati na sumasagisag
sa mga barong-barong sa Barangay Venizia na siyang lunan ng kuwento. Ngunit sa tingin
ko hindi na kailangang may literal pang tubig sa binabahang kalsada at
magkaroon ng literal na dutsa para sa ulan. Puwede namang makita ang tubig sa
pamamagitan ng ekspresyon ng mga artista. Kaya naman ng manonood na imadyinin
ito. Sana hindi rin isang bangka ang ginamit kundi isang tagpi-tagping
istayropor na ginawang balsa. Para kasing Phantom
of the Opera ang dating ng bangka nila.
Maganda ang disenyo ng mga damit
ni Carlo Villafuerte Pagunaling at ang disenyo ng mga sapatos ni Maco Custodio.
Spectacular ang mga ito na isa sa mga mahalagang salik ng teatro ayon kay
Aristoteles.
Napapatingkad ang magandang
entablado, damit, at sapatos na angkop at timpladong disenyong ilaw ni Jonjon
Villareal. May mga pagkakataong mistulang isang peynting ang entablado na kay
lamig sa mga mata at tumatagos hanggang kaluluwa.
Ang pinakamalakas na panghalinang
alindog ng Rak of Aegis ay ang
magagaling na artista at mang-aawit. Kahit na medyo kulang pagdating sa
pag-arte sa entablado si Aicelle Santos bilang bidang si Aileen na gustong
mag-uplaod ng pagkanta niya sa YouTube upang ma-discover siya ni Ellen
Degeneres at sumikat para maiahon ang pamilya mula sa literal na baha ng
kahirapan, bumabawi naman siya sa galing niya sa pag-awit. Siyempre, walang
kupas ang mag-asawang Isay Alvarez at Robert Seña. Parang mahirap imadyinin na
hindi sila ang gumaganap ng kanilang papel sa dulang ito. Magaling din sina
Kakai Bautista, Poppert Bernadas, at Juliene Mendoza. Nakakainlab si Jerald
Napoles (I’m sure hindi siya anak ni Janet Napoles!) sa kaniyang papel bilang
boatman. Wazak bilang baklitang si Jewel si Phi Palmos lalo na sa doble-karang
rendisyon niya ng “Sinta.” Kung wala ang production number na ito ay talagang
hahanapin ko.
Samakatwid, isang bonggang handog
sa paningin at pandinig ang Rak of Aegis.
Ang problema ay ang iskrip. Masyado itong mahaba at madaldal. Inabot ito ng
tatlong oras na maaari lang namang maging dalawang oras sana at mas naging
matingkad ang dating.
Sa poster nitong dula may
subtitle ang pamagat na “A Musical Featuring the Songs of Aegis.” Hindi musical
ang Rak of Aegis. Isa itong modernong
sarsuwela na salitan ang mga eksenang binibigkas at inaawit. Ang musical tulad ng Miss Saigon, Les Miserables,
at Rent ay minimal ang mga binibigkas
na diyalogo. Isang magandang porma rin ng dula ang sarsuwela kung tama ang
pagkagawa nito. Masyadong madaldal ang Rak
of Aegis para sa isang musical.
Nakakabato ang mga mahabang diyalogo.
Dapat iniklian na sana tutal ang dinadakdak naman nila ay iyon din ang
nilalaman ng kakantahin nila. Sana pinagkatiwalaan na lamang ni Magtoto ang
birtud ng mga awitin ng Aegis. Nagawa ito halimbawa sa dula at pelikulang Mama Mia na mga awitin naman ng ABBA ang
ginamit o kaya sa pelikulang I Do Bidoo
Bidoo: Heto nApo Sila! na ang ginamit naman ay mga awitin ng Apo Hiking
Society.
Ayaw ko rin sa mga kanta sa dula
na hindi naman sa Aegis. Lalong ayaw ko sa mga awitin ng Aegis na pinalitan ang
lyrics upang pandagdag sa madadal na diyalogo. Napakahalagang salik kasi ang
lyrics sa awitin ng Aegis kaya hindi dapat ito pinakialaman.
Hindi masyadong na-build up ang
climax ng kuwento—ang pagkawala ng baha sa araw ng highly publicized nilang
konsiyerto na gagawin sa gitna ng baha. Masyado nga kasing maraming daldal lalo
sa eksenang ito. Dapat natapos na talaga ang dula sa huling kanta nang
nagpatawaran na ang mga karakter. Sinira ito ng video clips tungkol sa tagumpay
ng pina-level up nilang negosyong sapatos. Implied na kasi ito at sana
nagtiwala na sila sa kakayahan ng mga manonood na mag-isip. Masyado na kasi
itong spoon-feeding o stressing the obvious na.
Dapat hindi na rin tumawag pa si
Ellen Degeneres kay Aileen na naging katuparan ng kaniyang pangarap. Nahulog
kasi ang dula sa bitag ng baduy na American Dream ng maraming alagad ng sining
sa ating bansa. Mapamang-aawit man, pintor, o manunulat, nagkukumahog silang
mag-aral, magka-fellowship, magtanghal o maglathala sa Amerika upang maniwala
silang sila ay “world class” na. Ilang Pinoy artist na ba ang lumabas sa TV
show nina Degeneres at Oprah Winfrey? Ano na ang nangyari sa kanila ngayon? Nasaan
na sila kung totoong may mahika ang imprimatur nitong dalawang TV show host na
Amerikana? Bakit ang Aegis, wala namang international pretention na ganito ay
minahal ng madla ang kanilang mga awitin? Kasi Filipinong-Filipino sila hindi
lamang sa wika kundi lalo na sa sensibilidad at estilo. Inaawit nila ang ligaya
at kabiguan nating mga Filipino. Ang tatak Filipinong ito ang panlaban nila sa
internasyonal na arena. Kaya naging klasiko ang Aegis at hindi na sila malalaos
tulad ng Asin at Apo Hiking Society. Bago mangarap mag-international, mag-local
muna. Di ba nga, it’s more fun in the Philippines? Matagal na tayong hindi
kolonisado kaya palayain naman natin ang ating Pinoy na kaluluwa bilang alagad
ng sining mula sa kolonyal na pag-iisip kung may time.
Nakakaaliw panoorin ang Rak of Aegis kaya lamang kinulang ito sa
halik—sa mainit at mas malalim na kuwento. Dapat pinahirapan pa ang mga
karakter at ginawang mas kumplikado ang kanilang buhay. Halos mga cardboard character
lamang kasi sila. Hindi klaro ang kuwento ng bawat isa sa kanila. Kinulang din
ito sa luha—sa matinding drama na inaasahan sa isang sarsuwela. At kinulang din
sa ulan—sa mas kumplikadong kuwento ng tunggalian ng mga puwersa sa lipunang
Filipino sa kasalukuyan sa personal at politikal na buhay nga mga karakter na
siyang inaasahan sa isang dulang may tatak PETA.
Panghuli, hindi angkop ang
pamagat na Rak of Aegis. Halos wala
itong kinalaman sa kuwento bukod siyempre na ginamit ang mga awitin ng Aegis.
Pero hanggang doon lang iyon. Wala itong inihahandog na metapora. Ni hindi nga
nabanggit ang katagang “Aegis” sa dula. Sana gumamit ng pamagat na may hulagway
tulad halimbawa ng “halik,” “luha,”
“ulan,” o “baha” na matatagpuan sa mga awiting Aegis. Bakit hindi “Basang-Basa
sa Ulan” na pasok bilang metapora sa kabiguan sa pag-ibig ng mga bidang
karakter at sa pagkasadlak ng isang barangay sa tila walang katapusang baha? “Heto ako basang-basa sa ulan / walang
masisilungan / walang malalapitan!” paulit-ulit ng isang linya. Marami
talagang posibilidad ang mga kanta ng Aegis. Ang kagandahan sa isang dula,
maaari pa itong ayusin ng mandudula, direktor, at iba pang kasali sa
produksiyon para sa mga susunod na pagtatanghal.
[3 Pebrero 2014
Lungsod Pasig]