Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Tuesday, August 27, 2013

Walang-hiya! Makapal ang Mukha!


HUWAG ninyong ipagmalaki ang kayamanan ninyong hindi naman ninyo pinaghirapan at mas lalo na kapag ninakaw lamang ito ng inyong mga magulang. Ito ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking mga estudyante kada semestre sa Miriam College. Muli kong inulit ito nang mabasa ko sa mga diyaryo at mapanood sa telebisyon kamakailan ang tungkol sa P10 Bilyong Pork Barrel Scam na nirereynahan ni Janet Lim-Napoles na nagtatago na sa batas ngayon. Sabi ko pa sa kanila, huwag silang walang-hiya at makapal ang mukha.

Sinasabi ko ito sa klase dahil marami kaming mga estudyante sa Miriam na galing sa mga maykayang pamilya. Marami lamang at hindi lahat dahil marami naman kaming estudyante na ang mga magulang ay OFWs (mga tsina-charing na ‘bagong bayani’ eklat ng pamahalaan) at mayroon ding mga iskolar na mula sa mahirap na pamilya subalit matatalino kung kaya nabibigyan ng pagkakataong mag-aral sa Miriam na isa rin naman sa mga pinakamagaling na Higher Education Institution sa bansa.

Halimbawa, sabi ko, kung kumpleto ang mga gadget nila—mula iPhone, iPad, mini-iPad, at MacBook—dahil maraming pera ang kanilang mga magulang, magtanong muna sila kung saan nanggaling ang pinambili nito. Kung meyor, gobernador o kongresman ang kanilang ama medyo magtaka sila. Magkano ba ang suweldo ng meyor, gobernador, at kongresman? Ang meyor, P62,670 kada buwan. Ang gobernador, P78,946. Ang mga kongresman at senador, P90,000. Kinakaltasan pa ‘yan ng tax. Kung lahat kayong magkakapatid ay kumpleto sa gadget, dalawa o tatlo ang inyong kotse, ang laki ng bahay ninyo, at taon-taon ay nagbabakasyon kayo abrod, siguro naman obvious na kulang na kulang ang mga suweldong nabanggit. Bilang guro at manunulat, halos pantay na pala sa meyor ang kita ko kada buwan. Pero dahil maraming deductions, tipid na tipid pa rin ako para kumasya ang pera ko hanggang sa susunod na kinsenas. May maliit na bahay at lupa pa kasi akong binabayaran. Sa akin nakatira ang kapatid kong walang permanenteng trabaho, ang matanda kong tiya, at isang apat na taong gulang na pamangkin. Ang MacBook Air na ginagamit ko ngayon, kinuha ko pa sa HR namin sa Miriam nang hulugan. Hindi ba nakapagtataka na maraming meyor na ang lifestyle ay pangmayaman?

Ipinagdidiinan ko talaga na hindi sila gumaganda kung ang iPhone na ginagamit nila ay nakaw mula sa kaban ng bayan ang pinambili ng kanilang magulang.

Kung negosyante naman ang mga magulang nila, alamin muna nila kung sinusuwelduhan ba nang tama ng kanilang kumpanya ang mga manggagawa nila. Ginagawa kong halimbawa ang malalaking mall at ang mga sikat na fast food chain na kaya yumayaman nang bonggang-bogga ang mga may-ari nito dahil ini-endo nila ang kanilang mga trabahador. End of contract ang ibig sabihin ng endo. Isang sistema na ginagawang kontraktuwal lamang ang mga manggagawa, pinapapirma ng limang buwan na kontrata, upang malusutan ang batas na dapat i-evaluate for permanency o para maging regular ang isang manggagawa o empleyado matapos ng anim na buwan sa trabaho. Iniiwasan ito ng mga sungak-sungak na negosyante dahil mas marami nang benepisyo ang mga regular na empleyado.

Alamin din nila siyempre kung ang mga magulang ba nila ay legal talaga ang mga negosyo. Mamaya, illegal pala lahat ang pinanggagalingan ng kanilang pera. Halimbawa na riyan ang mga bogus na NGO, laboratoryo ng mga ipinagbabawal na droga, o smuggling. Mahirap na at baka ang pinapakain, pinapadamit, pinapatirhan, at pinapaaral sa kanila ay nakaw pala. Tunay itong nakakahiya at kung wala silang pakialam ay talagang makapal lamang ang kanilang mukha.

Sinasabi ko rin sa kanila na huwag silang mainggit sa mga anak ng mga negosyante at mga politikong ito gaano man kaganda (dahil may pampa-Vicky Belo at Pie Calayan), kagara ang mga damit at gamit (LV na orihinal ang mga bag) ng mga ito at tila hindi nauubusan ng pera. Ang mga taong ito ay walang ipinagkaiba sa kanilang mga magulang na nabubuhay sa pagsipsip (actually, higop) ng dugo at pawis ng mga uring-manggagawa. Samakatwid,  pangit ang mga ito at sa panlabas na anyo lamang maganda.

Pero bakit marami ang makakapal ang mukha at walang-hiya? Halimbawa na lamang ang anak ni Napoles na nag-aaral sa Estados Unidos. Siguro masyadong bored sa Tate kaya nagbakasyon sa Paris at pino-post sa Facebook ang mga mamahaling damit at gamit na binili roon? Bakit parang hindi niya feel na ang perang ginagasta niya sa Amerika at Europa ay pera iyon na dapat ipinambili ng mga binhi at pampataba ng lupa ng mga gutom at libing sa utang na mga magsasaka na niloko at dinaya ng mga pekeng NGO ng kaniyang ina?

Kasi masarap talaga sa Europa kaysa rito sa Filipinas. Kasi masarap talaga sa balat ang mga branded na damit kaysa mga nabibili mo lamang sa Divisoria. Kasi masarap talaga ang pagkain sa mga fine-dining na restawran kaysa mga karinderya. Kasi masarap talaga gamitin ang iPhone kaysa recon lamang. Kasi masarap sumakay sa BMW kaysa makipag-agawan at makipagsiksikan sa dyip. Kasi masarap talaga tumira sa isang mansiyon sa Forbes Park kaysa tumira sa isang barong-barong sa tabi ng estero na unti-unti na ngang pinapa-demolish ng pamahalaan sa ngayon. Tao lamang tayo at gusto rin naman ng masarap na buhay. Kaya kung minsan, nabubulag tayo ng mga materyal at makamundong bagay. Kaya nako-corrupt din tayo. Sabi nga nila, lahat naman tayo ay may presyo. Iyung iba, mas mura nga lang. Kung di ka kayang bilhin ng isandaang pisong cellphone load, baka pupuwede ka sa mini-iPad? Kung hindi kaya ng isandaang libong piso, baka bibigay ka sa house and lot? Sa isang bilyong piso?  Bilang tao, natutukso talaga tayo.

Paano makakaiwas sa tukso? Tatagan ang sariling paninindigan at yakapin ang mga makataong halagahan. Lagi tayong pumanig sa kabutihan. Pigilan natin ang ating mga pagnanasa sa mga materyal na bagay. Sikaping huwag maging adik sa pera. Kaya palagi kong pinapaalala sa kanila ang core values namin sa Miriam: katotohanan, katarungan, kapayapaan, at pangangalaga sa kalikasan.

Ang totoong suweldo lamang natin ang ating gastusin. Huwag gamitin o nakawin ang perang nakalaan para sa iba upang maging makatarungan tayo. Ang mga magnanakaw, isang pirasong tinapay man o P10 Bilyon ang ninakaw, dapat parusahan. Kung may mga karapatang natatapakan, may mga gutom dahil kinain natin ang pagkain na nakalaan sana para sa kanila, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa ating lipunan. Huwag nating kalbuhin ang kagubatan o sirain sa pagmimina ang kabundukan para lamang yumaman ang ating angkan dahil isa itong pangit na katotohanan, hindi makatarungan, at hindi mapapayapa ang mga katutubong inagawan ng kanilang lupaing ninuno. Gayundin kung maniningil na ang kalikasan sa ating lahat tulad na lamang ng mga serye ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tutal Katolikong kolehiyo naman ang Miriam, dapat palagi naming—kasama ako siyemre—alalahanin ang sinabi ni San Agustin, isang Doktor ng Simbahan, na “Live simply so that others may live.” Ganoon lang. Simplehan natin ang ating buhay upang hindi matuksong magnakaw at manamantala ng mga taong totoong nangangailangan. Matuto tayong maging masaya kung ano mang mayroong biyaya ang Diyos sa atin. Yes, biyaya ng Diyos at hindi ng demonyo. Magkaibang-magkaiba ang dalawang ito.

Sinasabi ko rin sa aking mga estudyante na walang masama sa pagiging mayaman. Basta ba ang yaman natin ay talagang pinaghirapan naman at wala tayong nadedehado. Halimbawa si KC Concepcion. Sa Paris ‘yan nag-aral. Pero alam naman natin na ang perang ginastos niya roon ay katas naman ng pagsayaw, pag-arte, at pag-awit ng nanay niyang si Megastar Sharon Cuneta. Pero tingnan ninyo si KC, never niyang ipinangalandakan iyon. Totoong mayaman kasi kaya may taste talaga.

E, ano ngayon kung cheapangels ang cellphone natin? At least galing ito sa pinaghirapan ng ating mga magulang. E, ano ngayon kung wala tayong iPad? At least hindi nagnakaw sa pamahalaan ang nanay at tatay natin. E, ano ngayon kung pekeng LV ang bag natin? At least walang mga manggagawa at maralita tayong inagawan ng pagkain. E, ano kung hindi kaya ng pamilya natin na magbakasyon sa Paris? At least hindi mandarambong ang ating angkan. [J. I. E. Teodoro / 26 Agosto 2013 / www.jieteodoro.blogspot.com]