Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Thursday, August 2, 2012

Panalangin Para sa Buwan ng Wika 2012

Kayo ang Diyos ng aming katigulangan,
Inaawit ng sanlibutan ang Inyong pangalan.
Kayo ang dahilan kung bakit namumulaklak
Ang mga punongkahoy sa gubat ng aming kalag.

Kayo ang dahilan kung bakit nagsasalitaan
Ang mga alon at ulan sa gitna ng karagatan.
Kayo ang dahilan kung bakit nagtatalumpati
Mga ibon at isda hanggang sila’y masayang napipi.

Patatagin Po Ninyo ang aming dila
Upang Kayo at Kayo lamang ang ibabantala.
Patatagin Po Ninyo ang aming isipan
Upang Kayo lamang ang pararangalan.
Patatagin Po Ninyo ang aming damdamin
Upang kandungan Ninyo ang huling nanaisin.

Salamat sa Inyong Salita na sa amin ay lumikha.
Salamat sa harayang naging busay ng aming mga tula
Upang maibalita pagmamahal Ninyong labing dakila!

Siya nawa...


-J. I. E. TEODORO
 2 Agosto 2012 Huwebes
 6:15 n.u. Miriam College


[Ang tulang ito ay binasa bilang panalangin sa pagbubukas ng selebrasyon ng Buwan ng Wika sa Miriam College noong Agosto 2, 2012, alas-nuwebe ng umaga, sa Foyer ng Mother Mary Joseph Hall.]