Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Friday, March 25, 2011

Sa Lalaking Naglalako na ng Bookshelf Ala-sais ng Umaga sa Manggahan, Pasig


Talo ang eksena ni Sharon Cuneta
Na pasan-pasan ang pulubing ina
Sa Pasan Ko ang Daigdig ni Lino Brocka,
O di kaya ang pagong na pasan-pasan ang bahay
Sa kuwentong sinulat at ginuhit ni Jose Rizal.
Maibebenta mo kaya ‘yang estante ng mga libro
Bago magtanghali o bago magtakip-silim?
O baka madaling-araw bukas ilalako mo uli ‘yan
Na para bang araw-araw ay Biyernes Santo.
Naiisip ko tuloy ang mga walang kuwentang libro
Na sinusulat naming mga makata
Dito sa loob at labas ng bayan nating sawi
Dahil marami ang nag-iisip at nag-aakala
Na ang tula ay isang bungkos lamang ng mga salita.
Patawad, kapatid. Lalo naming pinabibigat
Ang pasan-pasan mong Krus!


-J.I.E. TEODORO
 23 Marso 2011 Huwebes
 6:40 n.u. Lungsod Pasig

Karinyo Brutal, Bulok na Istayl ni Uncle Sam

Nakialam na naman ang mayabang na Amerika
At ang mga bansang kapuwa nito imperyalista
Sa walang kalaban-laban na Libya.
Tuloy nagmukhang pogi si Gaddafi.
Kahit pala puti o itim ang presidente
Nitong bansang gahaman sa pera at kapangyarihan,
Utak-bomba pa rin at uhaw na uhaw sa langis.
Kunwari pinoprotektahan nila ang mga sibilyan
Subalit marami nang natamaan na mga tao sa Tripoli.
Sa ngalan ng langis marami ang tumatangis.
Magtataka na naman ang mga Amerikanong tanga
Kung bakit inaatake sila ng mga “terorista.”


-J.I.E. TEODORO
 21 Marso 2011 Lunes
 9:47 n.u. Lungsod Pasig

Batang Firestarter sa Antique


Ibinalita sa TV na may isang batang babae sa Antique
Na sambitin lamang ang salitang “sunog”
May nasusunog na na bagay sa paligid.
Halimbawa ang damit niyang kahuhubad pa lamang
O ang isang bahagi ng sahig nilang kawayan.
Kaya may mga timba at lata ng tubig
Sa kanilang bahay at bakuran.
Sana paglaki ng batang ito magiging aktibista siya.
Upang sa pagrali niya sa Batasan sisigaw lang siya ng sunog,
Masusunog na ang barong ng mga konggresistang kawatan.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Senado,
Masusunog na ang buhok ng mga bobong senador.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Korte Suprema,
Masusunog na ang papeles ng mga desisyon
Ng mga mahistradong nabayaran nang milyon-milyon.
Sisigaw lang siya ng sunog! sunog! sa harap ng Malakanyang,
Masusunog na ang mga mamahaling kurtina ng palasyo.
At kung dudukutin siya ng mga militar
Upang takutin, tortyurin, at patahimikin,
Ibubulong lamang niya ang salitang sunog
At magliliyab na ang mga bayag ng mga sundalong
Sinunog na ng pera at pulbura ang mga kaluluwa.


-J.I.E. TEODORO
 11 Marso 2011 Biyernes
 6:23 n.u. Lungsod Pasig