Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Sunday, November 28, 2010

Pagmumuni-muni ni PNoy Tungkol sa Kaniyang Ika-isandaang Araw sa Malakanyang Habang Nagbabakasyon sa Hacienda Luisita


Hayyy…mas at home talaga ako dito sa hasyenda.
Masyadong maliit ang bakuran ng Malakanyang.
Kakaiba talaga ang sarap ng hangin
Ng anim na libong ektaryang lupain.
Ang hirap lang nitong presidente ka,
Bukod sa isisisi sa ‘yo ang pagkamatay ng ilang dayuhan
Dahil hinostage ng desperadong pulis
Na nawalan ng trabaho at benepisyo,
Ni hindi ako makapag-date nang maayos sa MOA.
Makukunan agad ako ng litrato na kakalat sa mga diyaryo,
Telebisyon, Facebook, at Twitter.
And speaking of Twitter, buti tumigil na si Kris.
Kunsabagay, sino ba naman ang di ma-speechless
Kung nanganganib na mahati ang iyong kayamanan?
Bakit kasi di na lamang siya nagpakasal
Sa heredero ng isa ring hasyenda?
Kung di laos na artista, laos na basketbolista
Na sasaktan lang naman siya at hahawaan pa ng sakit.
Mas mabuti na nga sana itong si James dahil laging MVP,
Kaya lang habulin ng mga bading at babae.
Hay naku, bakit ko ba naman pinuproblema si Kris?
Mas marami ang problema ng Filipinas.
Sabi nga nila, dapat daw may “Separation of State and Kris.”
Tamang-tama di nag-rate ang “Win na Win”
Kahit kada tanghaling-tapat sumasayaw ang bunso namin.
Kunsabagay, ganito talaga ang life, parang buhay.
May kaniya-kaniya tayong mga talento at sumpa.
Kaya ‘yang mga galit sa akin na nagsasabing
Walo sa sampung mga magsasaka ang walang sariling lupa
Ay sana tumahimik na lamang.
One percent lang kasi ang share of stock ko dito sa hasyenda.
Bilang presidente wala akong kapangyarihang sawatahin
Ang Kamag-anak Incorporated na may bendisyon pa
Na sikat na sikat na tanging ina kong santa.
Ano pa ba ang gusto nilang gawin ko?
Nakipag-break na nga sa akin si Shalani
Dahil wala na akong panahong makipag-date sa kaniya.
Filipino na nga ginamit ko sa aking SONA.
Pagdududahan pa ba nila ang aking pagmamahal sa bayan?
Pati nga si Barrack Obama bilib na bilib sa akin.
Sa sobrang tuwa niya nagbigay siya ng bilyones,
Maaayos na ang mga kalsada sa Samar
At magiging madali ang pagkilos ng mga militar.
Di ba si Gloria nga dinedma niya?
Anong himala pa ba ang hinahanap nila?
Heto ako, anak nina Cory at Ninoy,
Kuya ni Kris, maraming-marami ang bumoto,
Matatas mag-Tagalog-based Filipino,
Binatang hasyendero na allergic sa wangwang,
At paboritong tuta ng mga Amerikano.
Sana tumahimik na sila
Para makatulog naman ako nang mahimbing
Dito sa Hacienda Luisita.
Ayokong lalong makalbo.


-J.I.E. TEODORO
 30 Oktubre 2010 Sabado
 11:38 n.u. Lungsod Pasig

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.