Sa labas ng malalaking bintana
parang higanteng sundalong nakatayo
ang matabang puno ng kalatsutsi
na pangmayaman ang kinang
ng mga luntiang dahon.
Kay puti ng mga bulaklak nito,
parang nandidiri
sa maburak na tubig ng ilog.
Kumikinang ang kaputian
nitong malaking gusali,
kay gagara ng mga muwebles,
kay linis ng mga dingding at sahig.
Sa labas sa harap palaging bagong gupit
ang malawak na damuhan.
Subalit parang may naririnig akong
mahinang panaghoy
ng mga kababayan kong
namamatay sa gutom
sa kanayunan at kabundukan?
Ang mahinang hangin
na pumapasok sa bintana
parang may bahid ng amoy
ng pera at dugo.
May kumukulo sa malalim
na bahagi ng aking tiyan.
Bakit parang nasusuka ako
nang titigan ko ang mga aranya?
-J.I.E. TEODORO
13 Mayo 2011 Biyernes
4:30 n.h. Miriam College