Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Monday, January 31, 2011

Melon-choly


Kaninang umaga, tila wala ako sa sariling pumunta sa talipapa.
May gusto kasi akong kainin na hindi ko alam kung ano.
Sa may prutasan, may bilog na prutas na parang pakwan
Subalit mas maliit at maysaginto ang kulay.
Alam kong alam ko kung ano ang tawag sa prutas na ito.
Napaisip ako at di ko narinig ang tanong ng tindero.
A, melon! sabi ko sa sarili. At bumulong ang puso ko—
Melon-choly. Oo nga pala. Kagabi sa TV inamin na ni Piolo
Na sila na ni KC. Kaya, melon-choly. Nilasap ko
Ang lasa ng salitang, melon-choly. Kagabi, bago ako matulog
May binatang 22 taong gulang akong gin-text
Na gusto ko siyang maging mangingibig.
Sumagot naman siyang may kasamang smayli:
Sori po sir. May bf na po ako.
Kaluluwa mo lang po ang puwede kong mahalin.
Letse ka! gusto kong i-reply sa kaniya.
Sigurado ako, iho, hindi mo kayang kantutin ang kaluluwa ko!
Melon-choly. Salitang parang lintang gumagapang
Sa buo kong pagkatao. Melon-choly.
Hiyang-hiya ako sa sarili ko sapagkat sa edad na 37
Wala pa rin akong kinatandaan. Kaya, melon-choly.
Nainis yata sa akin ang tindero dahil hindi ako bumili.
Ayaw ko kasing tikman ang prutas na ito
At baka masarapan ako nang husto.


-J.I.E. TEODORO
 31 Enero 2011 Lunes
 9:27 n.u. Lungsod Pasig

Tuesday, January 11, 2011

Kung Sakaling Sasabog ang Pag-ibig

Parang supernovang sasabog ang puso ko ngayong umaga
dahil punong-puno ito ng mga talinghaga
ng mga sawing pag-ibig na tila tarpolin ng lamig
na bumabalot sa pagod at nanginginig na lungsod.
Kung susulat ako ng tula baka may mabutas na ulirat.
Kung hahayaan kong mabulok ang mga parirala sa aking pagkatao
baka lilindol nang napakalakas sa kinatatayuan ko
kasi mayroon nga tayong kasabihan
na pag-ibig ang nagpapainog sa ating kalibutan.

[7 Enero 2011 Biyernes
 6:30 n.u. Lungsod Pasig] 

Sunday, January 2, 2011

Personals Ad Para sa Bagong Taon (2011)

(Pasintabi kay Allen Ginsberg)


Matabang makatang guro na 37 taong gulang (walang daya ‘yan!)
naghahanap ng papang marunong magkabit & magtanggal
ng regulator ng tangke ng LPG
& alam ang gagawin kapag masira ang tubo ng tubig
& pumutok ang fuse sa main switch ng kuryente.
Yung guwapo lang ha, yung kamukha ni Piolo Pascual.
(Actually, kahit medyo pangit okey na basta mabait.)
Dapat marunong kumanta at maggitara.
Dapat may maayos na trabaho
& dapat mas malaki ang suweldo kaysa suweldo ko
para hindi niya ako palaging hihiraman ng pera
na alam ko namang hindi na mababayaran.
Ayaw ko lang kasing isipin ng Tatay ko
na inuubos ko ang kaunting suweldo sa lalaki.
Gusto ko yung matalino.
Kahit walang Ph.D. okey lang basta ba
kung wala kami sa mood magtalik,
maaari naming himay-himayin sa kama
ang mahahalagang punto sa bagong libro ni E. San Juan, Jr.
Dapat may ilang memoryadong linya siya
mula sa mga tula ng pag-ibig ni Pablo Neruda.
Ako lang dapat ang kaniyang mamahalin,
nakaka-nervous breakdown kasi ang pagseselos.
Nitong taon nag-alaga ako ng tuta
para kako may makakausap ako.
Awa ng Diyos malaki na siya ngayon
ang taba-taba & nakatingin sa aking lumalabas ang dila
kapag kinakausap ko tungkol sa kung bakit
palaging tumataas ang presyo ng petrolyo,
kung bakit masama sa kalusugan&isipan&kaluluwa
ang panonood ng “Willing Willie,”
kung bakit hindi talaga marunong umarte si Kris Aquino,
kung bakit kailangan makulong si Gloria,
&kung bakit ngayon hindi na ako bilib sa Amboy na si PNoy.
Sabi ng isang kaibigan kong babae na bitter sa pag-ibig,
kailangan ko na raw maghanap ng papang mag-aalaga sa akin.
Yung hahalik sa akin & makakayakap ko buong magdamag
para muli malaman ko na maganda pala ang daigdig.
Mag-post na raw ako ng ad sa FB, Twitter, at mga diyaryo.
Bilisan ko raw bago pa mahuli ang lahat.
Tinakot pa niya ako, mahal daw ang bayad sa psychiatrist.



-J.I.E. TEODORO
 28 Disyembre 2010 Martes
 9:24 n.g. Lungsod Pasig