Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Sunday, April 17, 2011

Bagong Tulang Baguio

Pagsagap kay Bul-ol
(Para sa abyan ko nga si Genevieve Asenjo nga gusto sulatan ko kang sugpon ang una nga binalaybay nga ginsulat ko rügya sa Baguio nga “Si Bul-ul, ang mga Pine Tree, kag ang Kabulakan kang Baguio”)


Sa BenCab Museum sa Dalan Asin
Nasalapuan natün ang rakü nga mga bul-ol
Nga nabütang sa mga estante.
Ang mga bul-ol maalwan nga bantay
Kang mga baranggay rugya sa kabukidan
Kang mga bulak kag agoho.
Kahapon sa sangka tindahan sa Mile Hi
Nakabakal ako kang gamay nga bul-ol
Sa presyo nga PhP 350.00.
May gahüm pa bala ang mga diyos
Nga may nakabütang nga presyo?
Paano abi kon ang mga payaw
Ginhimü rün nga malapad nga siripalan
Kang manggadan nga mga dumuluong?
Paano kon ang hüram nga pagpalangga
Mahimu baklün sa Burnham Park
Hay hilway dya nga ginalibüd?
Paano kon nadiskubre ko rün ang kamatuoran
Nga ang panit kang mga pine tree
Makapilas kon akün küpküpan?
Paano kon wara gid man gali it birtud
Ang atün dara nga luy-a halin sa Antique
Hay lain tana nga linahi kang diyos
Sa kabukidan kang Panay
Sangsa kabukidan kang Kordilyera?
Masarigan ta ayhan ang atün mga binalaybay
Sa pagluwas sa atün lawas kag kalag
Sa tanan nga katalagman?

Sülnga ang nagayühüm nga adlaw
Nga nasaka sa mga dahon kang pine tree.
Hinay-hinay kadya nga ginapara
Ang maramig nga paghigugma kang ambon.
Dali, abyan ko, kapti ang akün alima.
Latasün ta ang nabilin pa nga kalagtüm
Kang maambüng natün nga kalibutan.


-J.I.E. TEODORO
 16 Abril 2011 Sabado
 8:14 t.a. Camp John Hay


Paghahanap kay Bul-ol
(Para sa kaibigan kong si Genevieve Asenjo na gustong sulatan ko ng karugtong ang unang binalaybay na sinulat ko dito sa Baguio na
 “Si Bul-ul, ang mga Pine Tree, at ang mga Bulaklak ng Baguio”)


Sa BenCab Museum sa Kalye Asin
Natagpuan natin ang maraming bul-ol
Na nakalagay sa mga eskaparate.
Ang mga bul-ol ay mapagbigay na bantay
Ng mga baranggay dito sa kabundukan
Ng mga bulaklak kag punong pino.
Kahapon sa isang tindahan sa Mile Hi
Nakabili ako ng maliit na bul-ol
Sa halagang PhP 350.00.
May kapangyarihan pa kaya ang mga diyos
Nga may nakaatang na presyo?
Paano kaya kung ang mga payaw
Ginawang nang malawak na palaruan
Ng mga banyagang mayaman?
Paano kung ang panandaliang pagsuyo
Maaaring bilhin sa Burnham Park
Dahil malaya itong inilalako roon?
Paano kung nadiskubre ko ang katotohanang
Ang balat ng mga pine tree
Nakasusugat kung akin itong yayakapin?
Paano kung wala naman talagang birtud
Ang ating dalang luya mula sa Antique
Dahil iba ang lahi ng mga diyos
Sa kabundukan ng Panay
Kaysa kabundukan ng Kordilyera?
Maaasahan pa ba natin ang ating mga binalaybay
Na iligtas ang ating katawan at kaluluwa
Sa lahat ng kapahamakan?

Masdan mo ang ngumingiting araw
Na umaakyat sa mga dahon ng pine tree.
Hinay-hinay nitong binubura
Ang malamig na paghigugma ng ulop.
Halika, kaibigan, hawakan mo ang aking kamay.
Lakbayin natin ang naiwan pang luntian
Ng maganda nating kalibutan.

Friday, April 15, 2011

Sa Isang Harding Restawran sa Lungsod Baguio


Maliit ang anghel na may dilaw na pakpak
Ang malanding lumilipad-lipad
Sa tabi ng upuan kung saan ako nakasalampak.
Walang pakialam ang mga nilalamig na halaman
Na gusto nang matulog at managinip na lamang.
May isang pangalang pilit na isinasayaw
Ng mga impertinenteng punong pino.
Nambabastos ang nagyeyelong halik ng hangin.
Banal ang lungkot na parang ulop na bumabalot
Sa kaluluwa kong sa pagtula ay hindi napapagod.


-J.I.E. TEODORO
 15 Abril 2011 Biyernes
 4:19 n.h. Camp John Hay

Sa Chocolate de Batirol, Camp John Hay


Ang pag-inüm kang marapuyot
nga tsokolate
pagpalangga sa kaugalingün
sa sangka hapon
nga nagaisarahanün…

Maramig ang binalaybay
nga ginahüyüp kang hangin
rügya sa sagwa kang kamalig
nga nadingdingan
kang mga bulak kag tanüm.

Kon may kasübü man nga ginakanta
ang akün tagipusuon,
kasabü dya kang maambüng nga lanton
nga sikreto nga ginadihon
sa haron kang tag-asan nga mga pine tree
nga ang dahon berde nga mga dagüm.


-J.I.E. TEODORO
 15 Abril 2011 Biyernes
 4:07 t.h. Camp John Hay



Sa Chocolate de Batirol, Camp John Hay


Ang pag-inon ng malapot
na tsokolate
pagmamahal sa sarili
sa isang hapon
ng pag-iisa…

Malamig ang binalaybay
nga hinihihip ng hangin
dito sa labas ng kamalig
na may dingding
na mga bulaklak at tanim.

Kung may lungkot mang kinakanta
ang aking kasingkasing,
kalungkutan ito ng magandang musika
na lihim na nilililok
sa lilim ng matatayog na pine tree
na ang dahon ay mga luntiang karayom.

Friday, March 25, 2011

Sa Lalaking Naglalako na ng Bookshelf Ala-sais ng Umaga sa Manggahan, Pasig


Talo ang eksena ni Sharon Cuneta
Na pasan-pasan ang pulubing ina
Sa Pasan Ko ang Daigdig ni Lino Brocka,
O di kaya ang pagong na pasan-pasan ang bahay
Sa kuwentong sinulat at ginuhit ni Jose Rizal.
Maibebenta mo kaya ‘yang estante ng mga libro
Bago magtanghali o bago magtakip-silim?
O baka madaling-araw bukas ilalako mo uli ‘yan
Na para bang araw-araw ay Biyernes Santo.
Naiisip ko tuloy ang mga walang kuwentang libro
Na sinusulat naming mga makata
Dito sa loob at labas ng bayan nating sawi
Dahil marami ang nag-iisip at nag-aakala
Na ang tula ay isang bungkos lamang ng mga salita.
Patawad, kapatid. Lalo naming pinabibigat
Ang pasan-pasan mong Krus!


-J.I.E. TEODORO
 23 Marso 2011 Huwebes
 6:40 n.u. Lungsod Pasig

Karinyo Brutal, Bulok na Istayl ni Uncle Sam

Nakialam na naman ang mayabang na Amerika
At ang mga bansang kapuwa nito imperyalista
Sa walang kalaban-laban na Libya.
Tuloy nagmukhang pogi si Gaddafi.
Kahit pala puti o itim ang presidente
Nitong bansang gahaman sa pera at kapangyarihan,
Utak-bomba pa rin at uhaw na uhaw sa langis.
Kunwari pinoprotektahan nila ang mga sibilyan
Subalit marami nang natamaan na mga tao sa Tripoli.
Sa ngalan ng langis marami ang tumatangis.
Magtataka na naman ang mga Amerikanong tanga
Kung bakit inaatake sila ng mga “terorista.”


-J.I.E. TEODORO
 21 Marso 2011 Lunes
 9:47 n.u. Lungsod Pasig

Batang Firestarter sa Antique


Ibinalita sa TV na may isang batang babae sa Antique
Na sambitin lamang ang salitang “sunog”
May nasusunog na na bagay sa paligid.
Halimbawa ang damit niyang kahuhubad pa lamang
O ang isang bahagi ng sahig nilang kawayan.
Kaya may mga timba at lata ng tubig
Sa kanilang bahay at bakuran.
Sana paglaki ng batang ito magiging aktibista siya.
Upang sa pagrali niya sa Batasan sisigaw lang siya ng sunog,
Masusunog na ang barong ng mga konggresistang kawatan.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Senado,
Masusunog na ang buhok ng mga bobong senador.
Sisigaw lang siya ng sunog sa harap ng Korte Suprema,
Masusunog na ang papeles ng mga desisyon
Ng mga mahistradong nabayaran nang milyon-milyon.
Sisigaw lang siya ng sunog! sunog! sa harap ng Malakanyang,
Masusunog na ang mga mamahaling kurtina ng palasyo.
At kung dudukutin siya ng mga militar
Upang takutin, tortyurin, at patahimikin,
Ibubulong lamang niya ang salitang sunog
At magliliyab na ang mga bayag ng mga sundalong
Sinunog na ng pera at pulbura ang mga kaluluwa.


-J.I.E. TEODORO
 11 Marso 2011 Biyernes
 6:23 n.u. Lungsod Pasig

Friday, February 25, 2011

Ngayong Umaga ng Ika-25 Anibersaryo ng EDSA People Power


Gusto ko sanang ibaba ang presyo ng galunggong
At kontrolin ang lingguhang pagtaas ng mga produktong petrolyo.
Gusto ko sanang ibaba ang presyo ng bigas, gatas, at asukal
Upang walang mabansot na mga batang Filipino.
Gusto ko sanang ipamahagi ang Hacienda Luisita
At ang iba pang mga hasyenda sa buong kapuluan
Sa mga magsasakang tumutulo ang pawis at dugo
Sa pagbubungkal ng lupang hindi naman sa kanila
Kung kaya mistulang silang alipin sa isang bansang malaya
At may demokrasya at karamihan ng mga tao ay kristiyano.
Gusto ko sanang mag-isip kung ano ang gagawin
Upang magkaroon ng sapat na trabaho dito sa ating bayan
Upang kung maggiyera man sa Libya o saanmang bahagi
Ng Gitnang Silangan at Aprika, at maglindol sa New Zealand
Ay walang mga asawa, anak, ina, ama, at kapatid na matataranta.
Gusto ko sanang ipakulong sina Imelda at Gloria
At ang mga asawa ng mga heneral na nagpakasasa
Sa kaban ng bayang pinangakuang pagsilbihan
Ng mga trapo at tarpo sa Malakanyang, Senado, Kongreso,
Korte Suprema, at kampo ng mga militar at pulisya.
Ang problema, mga kababayan kong sinisinta,
Isa lamang po akong hamak na guro at makata.
Walang halaga ang mga hinahabi kong parirala
Sa isang bulok na sistemang kapitalista
Ng ang lahat ay hayok at namamanyak sa pera.
Hindi na rin masyadong nirerespeto ang mga guro
Sa isang lipunang nabatubalani ng kolonyal na pag-iisip
At nahipnotismo ng neoliberal na uri ng edukasyon.
Kaya heto, sumusulat na lamang ako nitong tulang
Iismisran ng karamihan. At mamaya maglalaba ako
Ng nanlilimahid kong brip, medyas at sando.
Pagkatapos, titirisin ko ang mga garapata ng mahal kong aso,
Saka ko kukuskusin ang nilulumot kong inidoro.


-J.I.E. TEODORO
 25 Pebrero 2011 Biyernes
 7:08 n.u. Lungsod Pasig