Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Tuesday, March 12, 2013

Panagbünga

(Bilang selebrasyon sa kasal nina Lilibeth Oblena at Pablo Quiore
noong 8 Marso 2013 sa Angono, Rizal)


Hayaang umulan ng sarikulay na mga talulot ngayong hapon.
Ang pagmamahalan ay isang hardin ng walang katapusang tagsibol
Upang anyayahan ang lahat sa banal na piging ng pag-asa’t kaligayahan.

Ilabas na ang mga basket ng pula at puting rosas.
Ilabas na ang mga ginintuang gangsa upang tugtugin ang paghigugma.
Ang sinumang makaririnig ng malamig nitong tinig
Imbitado ngayong hapon upang ipagdiwang ang pag-iisang-dibdib.

Ilabas na ang alay na baboy upang basahin natin ang tulang nakasulat
Sa mamula-mula nitong atay. Halina’t sumayaw tayo sa panggaw
Ng mga mangingibig at gayahin natin ang paglipad ng mga banog
Sapagkat kay lawak ng kalangitan ng mga taong umiibig.

Pagmasdan ang mga ilahas at banyagang bulaklak
Na masayang naghaharutan, naghahalakhakan, sa lilim ng matatayog
Na punong pino na akala mo mga higante ng Sagada
Na nakikipaglandian sa mga higante ng Angono.

Halina tayo’t pumarada at sumayaw sa mga pilapil ng payaw.
Isayaw natin ang pamumulaklak ng malawak na palayan.
Pagbigyan natin ang pamumukadkad ng hardin ng ating kasingkasing.
Magpasalamat tayo kay Kabunyian sapagkat muling naghimala

Sa pagtatagpo, sa pagtataling-puso ng dalawang kaluluwa!

 
 [6 Marso 2013
  Lungsod Pasig]