Tungkol sa Manunulat

My photo
Premyadong manunulat sa Kinaray-a, Filipino, Hiligaynon, at Ingles si JOHN IREMIL E. TEODORO na tubong-San Jose de Buenavista, Antique. Ilang beses nang nanalo ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature at ng National Book Award mula sa Manila Critics Circle at National Book Development Board. Associate Professor siya ng wikang Filipino, literatura, at malikhaing pagsulat sa College of Arts and Sciences ng Miriam College, Lungsod Quezon. Nagtapos siya ng M.F.A. Creative Writing sa De La Salle University-Manila kung saan siya nag-aaral ng Ph.D. in Literature sa kasalukuyan. Kilala rin siyang kritiko ng Literaturang Hiligaynon. Nakatira siya ngayon sa kaniyang maliit ngunit makulay na bahay sa Rosario, Lungsod Pasig.

Wednesday, October 16, 2013

Animo La Salle!


SA unang pagkakataon noong Sabado nanood ako ng UAAP sa telebisyon. Championship game kasi sa pagitan ng Green Archers ng De La Salle University-Manila at ng Growling Tigers ng University of Santo Tomas. Siyempre dahil nag-aral (at hanggang ngayon nag-aaral pa rin) ako sa La Salle at nagtuturo din ako rito kapag ipinapahintulot ng iskedyul ko sa Miriam College ay awtomatikong nag-cheer ako para sa Green Archers.
Habulan ang iskor. Patapos na ang laro nang manood ako kaya mainit na mainit na ang laban. Na-stress ako bigla. Akala ko matatalo na talaga ang La Salle subalit nag-extend pa ang laro ng limang minuto. Nanalo ang La Salle at kasabay nito ay feeling ko nanalo rin ako.                
Feeling lang kasi wala naman talaga akong pakialam sa UAAP. Naalala ko noong 1995 nang mag-umpisa akong mag-aral ng M.F.A. in Creative Writing sa La Salle. Nang magdasal kami sa pag-umpisa ng klase namin sa Fiction Writing sinabi ng aming guro, ang premyadong nobelistang si B.S. Medina, Jr., na ipagdasal namin ang Green Archer dahil may laro sila nang araw na iyon. Nagulat ako sa reaksiyon ng tatlong kaklase ko, “Ay, no Sir! Ayaw namin. UST ang ipagdadasal namin,” sabi nina Roel Hoang Manipon, Nonon Carandang, at Lester Hallig. Pawang mga gradweyt ng Journalism sa UST. “Okay, let’s pray for both teams,” ang sabi na lamang ni Doc Med na nakangiti.
Ako naman, litong-lito. “Ano ‘yon? Ano ‘yong Green Archer? At ano ang UAAP?” tanong ko sa kaklase kong babae, si Aurora Yumul. “Probinsiyana ka kasi kaya wala kang alam!” sagot ni Aurora at tumahimik na lamang ako.
Nang nagtatrabaho na ako bilang managing editor ng De La Salle University Press noong 2001, kapag may laro ang Green Archer binibigyan kami ni Bro. Andrew Gonzales, FSC ng tigdadalawang tiket. Vice President for Research na si Bro. Andrew noon (dati siyang presidente) at ang Press ay direktang nasa ilalim ng opisina niya. Kapag nasa Araneta Coliseum ang laro, puwede na kaming mag-half day sa Sabadong iyon at makisabay sa school bus papuntang Cubao.        
Kapag makita ko sa aking mesa sa opisina ang dalawang tiket, pupulutin ko ito at sasadyaing lakasan ang pagsabi, “Ano itong bigay ni Bro. Andrew?” Magtatakbuhan tungo sa aking mesa ang aking mga kaopisina at paunahan silang hablutin mula sa aking kamay ang dalawang tiket. Alam kasi nilang hindi ako nanonood ng UAAP.
Ayaw ko kasi sa lugar na maraming tao. May agoraphobia ako. Para akong sinasakal kapag nasa gitna ako ng maraming tao. Hindi ko talaga maimadyin na makipagsiksikan papasok sa Araneta Coliseum. Minsan lang ako nanood dito ng palabas nang mag-anniversary show ang GMA may dalawang taon na nakalilipas. Binigyan kasi ako ng back stage pass at doon ako dumaan sa geyt kung saan dumadaan ang mga artista. Sa upuan malapit sa stage din ako pinaupo at hindi ko kailangang makipagsiksikan. Gayunpaman, nanginginig pa rin ako kapag naghihiyawan na mga tao sa loob ng Big Dome.
Noong 1995, bukod kay Rico Yan na nakakasalubong ko sa mga hagdanan at pasilyo ng Miguel Hall (kung saan ang College of Liberal Arts) ay nakakasalubong ko rin sa kampus si Jason Webb na Green Archer noon.
Nakatira ako noon sa graduate school dorm ng La Salle na Le Grande Maison sa Leon Guinto St. sa gilid ng St. Scholastica’s College. Nasa third floor ang kuwarto ko. Nasa first floor naman ang DLSU Press (kung saan naging proofreader ako noong 1996) at ang dorm ng Green Archers. Kapag nagsasampay ako ng mga nilabhan kong damit sa fire exit ay kung minsan nakikita ko ang ilan sa kanila na nagsasampay rin sa baba. Kapag pumapasok ako ng geyt nasisilip kong naghaharutan sila sa kanilang sala. May isang guwapo na palaging nakaupo sa mesa ng guwardiya na kapag dumadating ako ay ang tamis ng ngiti sa akin at kinikindatan pa ako. Isang mahiyaing ngiti lamang ang tugon ko bilang konserbatibong probinsiyanang makata pa ang drama ko noon. Iniisip ko na lang na napaka-friendly naman nitong guwapong higante.
Kaya laking gulat ko, as in nanginig at pinagpawisan ako sa kaba, nang magturo ako noong Enero 1997 sa Literature Department. Unang karanasan ko iyon sa pagtuturo. Sa unang araw ng klase leyt na pumasok ang guwapong Green Archer na iyon na nakaupo palagi sa mesa ng guwardiya sa dorm na ngumingiti at kumikindat sa akin. Siya si Maui Roca na naging estudyante ko sa Philippine Literature. Sa likod siya umupo at hayun, ngimingiti pa rin sa akin. Buti hindi ako kinindatan sa klasrum!          
Sa kabila nitong mga close encounter ko with Green Archers, hindi pa rin ako naging interesado sa UAAP.
Pero iba ngayon. Noong isang Sabado, sa second game para sa kampeonato, di sinasadyang napanood ko ito sa TV. Ito kasi ang pinapanood ng Tita ko at ng aking pamangkin. Panalo ang Green Archer at dahil dito may pangatlong game. Hayun, pinanood ko nga ang finals at naisip ko, panonoorin ko na itong UAAP—ang game ng La Salle siyempre, sa mga susunod na taon. Masaya naman pala.
Si Jeron Teng ang MVP. Ang cute niya. Kamukha siya ng crush kong mandudula na Lasalista. Ang kapatid niyang taga-UST ay cute din. Di ko nga alam kung sino ang pipiliin ko sa kanila. Type ko kasi talaga ang mga tsinito, mukhang Intsik, Hapon, at Koreano. Kaya nabaliw ako noon sa Meteor Garden at Full House. Para sa akin ang pinakaseksing lalaki ay si Rain. May crush din akong propesor ko sa La Salle na kamukha ng mga guwapong hari sa mga Koreanobela.
Si Jeron Teng ang bunos ko sa panonood ng UAAP. Kaloka.
Sa Sabado, unang araw ng comprehensive exam ko sa La Salle para sa aking Ph.D. in Literature. Sana hindi ko makasalubong si Jeron Teng sa geyt o kaya makasabay sa CR bago ako makarating ng Literature Department. Baka kasi matulala ako at wala akong masagot sa exam. Knock on wood and God forbid! O baka rin namang ma-inspire ako nang bonggang-bongga at maging high pass ang resulta! Vungga.
Animo La Salle! Hanggang sa susunod na UAAP. 
[www.jieteodoro.blogspot.com / 15 Oktubre 2013 / Lungsod Pasig]

Tuesday, August 27, 2013

Walang-hiya! Makapal ang Mukha!


HUWAG ninyong ipagmalaki ang kayamanan ninyong hindi naman ninyo pinaghirapan at mas lalo na kapag ninakaw lamang ito ng inyong mga magulang. Ito ang paulit-ulit kong sinasabi sa aking mga estudyante kada semestre sa Miriam College. Muli kong inulit ito nang mabasa ko sa mga diyaryo at mapanood sa telebisyon kamakailan ang tungkol sa P10 Bilyong Pork Barrel Scam na nirereynahan ni Janet Lim-Napoles na nagtatago na sa batas ngayon. Sabi ko pa sa kanila, huwag silang walang-hiya at makapal ang mukha.

Sinasabi ko ito sa klase dahil marami kaming mga estudyante sa Miriam na galing sa mga maykayang pamilya. Marami lamang at hindi lahat dahil marami naman kaming estudyante na ang mga magulang ay OFWs (mga tsina-charing na ‘bagong bayani’ eklat ng pamahalaan) at mayroon ding mga iskolar na mula sa mahirap na pamilya subalit matatalino kung kaya nabibigyan ng pagkakataong mag-aral sa Miriam na isa rin naman sa mga pinakamagaling na Higher Education Institution sa bansa.

Halimbawa, sabi ko, kung kumpleto ang mga gadget nila—mula iPhone, iPad, mini-iPad, at MacBook—dahil maraming pera ang kanilang mga magulang, magtanong muna sila kung saan nanggaling ang pinambili nito. Kung meyor, gobernador o kongresman ang kanilang ama medyo magtaka sila. Magkano ba ang suweldo ng meyor, gobernador, at kongresman? Ang meyor, P62,670 kada buwan. Ang gobernador, P78,946. Ang mga kongresman at senador, P90,000. Kinakaltasan pa ‘yan ng tax. Kung lahat kayong magkakapatid ay kumpleto sa gadget, dalawa o tatlo ang inyong kotse, ang laki ng bahay ninyo, at taon-taon ay nagbabakasyon kayo abrod, siguro naman obvious na kulang na kulang ang mga suweldong nabanggit. Bilang guro at manunulat, halos pantay na pala sa meyor ang kita ko kada buwan. Pero dahil maraming deductions, tipid na tipid pa rin ako para kumasya ang pera ko hanggang sa susunod na kinsenas. May maliit na bahay at lupa pa kasi akong binabayaran. Sa akin nakatira ang kapatid kong walang permanenteng trabaho, ang matanda kong tiya, at isang apat na taong gulang na pamangkin. Ang MacBook Air na ginagamit ko ngayon, kinuha ko pa sa HR namin sa Miriam nang hulugan. Hindi ba nakapagtataka na maraming meyor na ang lifestyle ay pangmayaman?

Ipinagdidiinan ko talaga na hindi sila gumaganda kung ang iPhone na ginagamit nila ay nakaw mula sa kaban ng bayan ang pinambili ng kanilang magulang.

Kung negosyante naman ang mga magulang nila, alamin muna nila kung sinusuwelduhan ba nang tama ng kanilang kumpanya ang mga manggagawa nila. Ginagawa kong halimbawa ang malalaking mall at ang mga sikat na fast food chain na kaya yumayaman nang bonggang-bogga ang mga may-ari nito dahil ini-endo nila ang kanilang mga trabahador. End of contract ang ibig sabihin ng endo. Isang sistema na ginagawang kontraktuwal lamang ang mga manggagawa, pinapapirma ng limang buwan na kontrata, upang malusutan ang batas na dapat i-evaluate for permanency o para maging regular ang isang manggagawa o empleyado matapos ng anim na buwan sa trabaho. Iniiwasan ito ng mga sungak-sungak na negosyante dahil mas marami nang benepisyo ang mga regular na empleyado.

Alamin din nila siyempre kung ang mga magulang ba nila ay legal talaga ang mga negosyo. Mamaya, illegal pala lahat ang pinanggagalingan ng kanilang pera. Halimbawa na riyan ang mga bogus na NGO, laboratoryo ng mga ipinagbabawal na droga, o smuggling. Mahirap na at baka ang pinapakain, pinapadamit, pinapatirhan, at pinapaaral sa kanila ay nakaw pala. Tunay itong nakakahiya at kung wala silang pakialam ay talagang makapal lamang ang kanilang mukha.

Sinasabi ko rin sa kanila na huwag silang mainggit sa mga anak ng mga negosyante at mga politikong ito gaano man kaganda (dahil may pampa-Vicky Belo at Pie Calayan), kagara ang mga damit at gamit (LV na orihinal ang mga bag) ng mga ito at tila hindi nauubusan ng pera. Ang mga taong ito ay walang ipinagkaiba sa kanilang mga magulang na nabubuhay sa pagsipsip (actually, higop) ng dugo at pawis ng mga uring-manggagawa. Samakatwid,  pangit ang mga ito at sa panlabas na anyo lamang maganda.

Pero bakit marami ang makakapal ang mukha at walang-hiya? Halimbawa na lamang ang anak ni Napoles na nag-aaral sa Estados Unidos. Siguro masyadong bored sa Tate kaya nagbakasyon sa Paris at pino-post sa Facebook ang mga mamahaling damit at gamit na binili roon? Bakit parang hindi niya feel na ang perang ginagasta niya sa Amerika at Europa ay pera iyon na dapat ipinambili ng mga binhi at pampataba ng lupa ng mga gutom at libing sa utang na mga magsasaka na niloko at dinaya ng mga pekeng NGO ng kaniyang ina?

Kasi masarap talaga sa Europa kaysa rito sa Filipinas. Kasi masarap talaga sa balat ang mga branded na damit kaysa mga nabibili mo lamang sa Divisoria. Kasi masarap talaga ang pagkain sa mga fine-dining na restawran kaysa mga karinderya. Kasi masarap talaga gamitin ang iPhone kaysa recon lamang. Kasi masarap sumakay sa BMW kaysa makipag-agawan at makipagsiksikan sa dyip. Kasi masarap talaga tumira sa isang mansiyon sa Forbes Park kaysa tumira sa isang barong-barong sa tabi ng estero na unti-unti na ngang pinapa-demolish ng pamahalaan sa ngayon. Tao lamang tayo at gusto rin naman ng masarap na buhay. Kaya kung minsan, nabubulag tayo ng mga materyal at makamundong bagay. Kaya nako-corrupt din tayo. Sabi nga nila, lahat naman tayo ay may presyo. Iyung iba, mas mura nga lang. Kung di ka kayang bilhin ng isandaang pisong cellphone load, baka pupuwede ka sa mini-iPad? Kung hindi kaya ng isandaang libong piso, baka bibigay ka sa house and lot? Sa isang bilyong piso?  Bilang tao, natutukso talaga tayo.

Paano makakaiwas sa tukso? Tatagan ang sariling paninindigan at yakapin ang mga makataong halagahan. Lagi tayong pumanig sa kabutihan. Pigilan natin ang ating mga pagnanasa sa mga materyal na bagay. Sikaping huwag maging adik sa pera. Kaya palagi kong pinapaalala sa kanila ang core values namin sa Miriam: katotohanan, katarungan, kapayapaan, at pangangalaga sa kalikasan.

Ang totoong suweldo lamang natin ang ating gastusin. Huwag gamitin o nakawin ang perang nakalaan para sa iba upang maging makatarungan tayo. Ang mga magnanakaw, isang pirasong tinapay man o P10 Bilyon ang ninakaw, dapat parusahan. Kung may mga karapatang natatapakan, may mga gutom dahil kinain natin ang pagkain na nakalaan sana para sa kanila, hindi magkakaroon ng kapayapaan sa ating lipunan. Huwag nating kalbuhin ang kagubatan o sirain sa pagmimina ang kabundukan para lamang yumaman ang ating angkan dahil isa itong pangit na katotohanan, hindi makatarungan, at hindi mapapayapa ang mga katutubong inagawan ng kanilang lupaing ninuno. Gayundin kung maniningil na ang kalikasan sa ating lahat tulad na lamang ng mga serye ng pagbaha at pagguho ng lupa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Tutal Katolikong kolehiyo naman ang Miriam, dapat palagi naming—kasama ako siyemre—alalahanin ang sinabi ni San Agustin, isang Doktor ng Simbahan, na “Live simply so that others may live.” Ganoon lang. Simplehan natin ang ating buhay upang hindi matuksong magnakaw at manamantala ng mga taong totoong nangangailangan. Matuto tayong maging masaya kung ano mang mayroong biyaya ang Diyos sa atin. Yes, biyaya ng Diyos at hindi ng demonyo. Magkaibang-magkaiba ang dalawang ito.

Sinasabi ko rin sa aking mga estudyante na walang masama sa pagiging mayaman. Basta ba ang yaman natin ay talagang pinaghirapan naman at wala tayong nadedehado. Halimbawa si KC Concepcion. Sa Paris ‘yan nag-aral. Pero alam naman natin na ang perang ginastos niya roon ay katas naman ng pagsayaw, pag-arte, at pag-awit ng nanay niyang si Megastar Sharon Cuneta. Pero tingnan ninyo si KC, never niyang ipinangalandakan iyon. Totoong mayaman kasi kaya may taste talaga.

E, ano ngayon kung cheapangels ang cellphone natin? At least galing ito sa pinaghirapan ng ating mga magulang. E, ano ngayon kung wala tayong iPad? At least hindi nagnakaw sa pamahalaan ang nanay at tatay natin. E, ano ngayon kung pekeng LV ang bag natin? At least walang mga manggagawa at maralita tayong inagawan ng pagkain. E, ano kung hindi kaya ng pamilya natin na magbakasyon sa Paris? At least hindi mandarambong ang ating angkan. [J. I. E. Teodoro / 26 Agosto 2013 / www.jieteodoro.blogspot.com]

Tuesday, March 12, 2013

Panagbünga

(Bilang selebrasyon sa kasal nina Lilibeth Oblena at Pablo Quiore
noong 8 Marso 2013 sa Angono, Rizal)


Hayaang umulan ng sarikulay na mga talulot ngayong hapon.
Ang pagmamahalan ay isang hardin ng walang katapusang tagsibol
Upang anyayahan ang lahat sa banal na piging ng pag-asa’t kaligayahan.

Ilabas na ang mga basket ng pula at puting rosas.
Ilabas na ang mga ginintuang gangsa upang tugtugin ang paghigugma.
Ang sinumang makaririnig ng malamig nitong tinig
Imbitado ngayong hapon upang ipagdiwang ang pag-iisang-dibdib.

Ilabas na ang alay na baboy upang basahin natin ang tulang nakasulat
Sa mamula-mula nitong atay. Halina’t sumayaw tayo sa panggaw
Ng mga mangingibig at gayahin natin ang paglipad ng mga banog
Sapagkat kay lawak ng kalangitan ng mga taong umiibig.

Pagmasdan ang mga ilahas at banyagang bulaklak
Na masayang naghaharutan, naghahalakhakan, sa lilim ng matatayog
Na punong pino na akala mo mga higante ng Sagada
Na nakikipaglandian sa mga higante ng Angono.

Halina tayo’t pumarada at sumayaw sa mga pilapil ng payaw.
Isayaw natin ang pamumulaklak ng malawak na palayan.
Pagbigyan natin ang pamumukadkad ng hardin ng ating kasingkasing.
Magpasalamat tayo kay Kabunyian sapagkat muling naghimala

Sa pagtatagpo, sa pagtataling-puso ng dalawang kaluluwa!

 
 [6 Marso 2013
  Lungsod Pasig]

Thursday, February 14, 2013

Kung Sakaling Sasabog ang Pag-ibig

Parang supernovang sasabog ang puso ko ngayong umaga
dahil punong-puno ito ng mga talinghaga
ng mga sawing pag-ibig na tila tarpolin ng lamig
na bumabalot sa pagod at nanginginig na lungsod.
Kung susulat ako ng tula baka may mabutas na ulirat.
Kung hahayaan kong mabulok ang mga parirala sa aking pagkatao
baka lilindol nang napakalakas sa kinatatayuan ko
kasi mayroon nga tayong kasabihan
na pag-ibig ang nagpapainog sa ating kalibutan.
 

[7 Enero 2011 Biyernes
 6:30 n.u. Lungsod Pasig] 

Saturday, January 26, 2013

Cafe del Sol

ANG CAFÉ DEL Sol ang paboritong lugar ni Ruben sa Boracay. Isa itong maliit na coffee shop sa bungad ng D’Mall, isa ring paborito niyang pasyalan doon sa islang iyon. Ang D’Mall ay pasikot-sikot na hilera ng mga sosyal na tindahan na may kalsadang buhangin sa gitna at nalilinyahan pa ng mga palmera. Parang open air na mall.

Nagtext siya kay Jun kanina na doon sila magkikita sa Café del Sol. Doon siya maghihintay. Nag-order siya ng café americano at blue berry cheesecake.

            Papalubog na ang araw. Kulay-apoy ang kalangitang nagsisilbing background ng dagat. Malaking ginhawa para kay Ruben ang mabugnaw na mahinang ihip ng hangin. Mga alas-tres kasi siya lumabas sa resort na tinitirhan niya kanina. Ang init. Patapos pa lamang ang Pebrero ay parang nasa kalagitnaan na ng tag-araw. Sabi ng PAGASA, may El Niño ngayong taon at maagang mag-uumpisa ang tag-araw at baka tatagal ito hanggang Hunyo o Hulyo. Lalala pa raw ang init ng panahon. Wala pa sa kalagitnaan ng tag-init.

            Dahil Pebrero pa lamang, hindi pa ganoon karami ang mga local tourist sa Boracay. Mas marami ang foreigner na tinatakasan ang taglamig sa kanilang mga bansa. Hindi nga okupado ngayon ang mga upuan sa Café del Sol. Na iyun naman talaga ang gusto ni Ruben. Ang ideya kasi niya ng magandang restawran ay iyung walang tao. Sabi naman ng isang kaibigan niya, kung palaging walang tao ang isang restawran, ibig sabihin pangit ang pagkain doon.

            Pero hindi pangit ang pagkain sa Café del Sol. Itong blue berry cheesecake nga ay kay sarap. Binabalikbalikan niya ito. Hindi kasi masyadong matamis pero hindi rin matabang. Hindi rin masyadong malambot at hindi rin masyadong matigas. Tamang-tama lang. Andami pang berries. Saka feeling niya ang ganda-ganda niya kapag ito ang kinakain niya sa Boracay.

            Kaya lang ngayon, wala siyang ganang kumain ng blue berry cheesecake. Halos hindi rin niya pinapansin ang kaniyang café americano. Hindi kasi siya mapalagay. Hindi niya malaman kung masyado ba siyang excited o nag-aalala na muli silang magkikita ni Jun at dito pa sa Boracay kung saan dalawa lang sila. Kanina habang nag-iikot siya sa D’Mall, pinag-iisipan niya kung yayayain na lamang ba niya si Jun na mag-share sa kaniyang kuwarto o kailangan ba ni Jun na kumuha ng sarili nitong kuwarto.

            Umuwi si Ruben nitong weekend sa kanila sa Antique dahil noong Sabado ay kaarawan ng namayapa niyang ina. Dadalaw siya sa puntod ng inang tatlong taon pa lamang namatay dahil sa atake sa puso. Noong Linggo naman, kasal ng paborito niyang pinsan na si Nene Oliva kaya iniskedyul talaga niya ng pag-uwi niyang ito. Lunes hanggang Miyerkoles, magbabakasyon siya sa Boracay. May promo kasi ang isang resort at gusto rin niyang makapagpahinga. Nagtatrabaho siya sa legal department sa opisina ng isang senador. Sa paliparan na siya ng Caticlan, barangay na may sakop sa isla ng Boracay, sasakay pabalik ng Manila.

            Nagkita sila ni Jun sa kasal. Best man ito. Noong una hindi niya alam kung kakausapin ba niya o hindi si Jun. Si Jun na dati niyang boyfriend.

            Noong nasa kolehiyo si Ruben at haiskul pa lamang si Jun sa St. Anthony’s College sa San Jose de Buenavista, Antique, magkasama sila sa isang theater company. Magkasama sila sa mga workshop, sa mga rehearsal, at sa mga palabas. Pati na rin sa mga cast party na palaging nauuwi sa lasingan. Minsan sa isang mumurahing resort sa Madrangca may nangyari sa kanilang dalawa sa tabing-dagat. Madaling-araw na iyon. Lasing na silang lahat. Nagkayayaan sina Ruben at Jun na maligo. Noong naghuhubad na sila ng damit sa dalampasigan, hindi na sila natuloy sa pagligo dahil bigla nilang niyakap ang isa’t isa at naghalikan nang todo-todo. Magmula noon, naging sila na. Itinago nila siyempre ang relasyong ito sa kanilang mga kasamahan sa teatro, sa kanilang mga kaibigan, at lalong-lalo na sa kanilang pamilya.

            Hanggang sa nag-aral si Jun sa Manila. Naputol ang kanilang komunikasyon. Wala pa kasing selfown noon. Naisip noon ni Ruben na mahirap talaga ang isang tagong relasyon, napakarupok at hindi mo ito kayang ipaglaban.

            Ibinuhos na lamang ni Ruben ang kaniyang damdamin at panahon sa pag-aaral. Nang magtapos siyang cum laude sa A.B. Political Science sa St. Anthony’s College, kumuha naman siya ng abogasya sa Central Philippine University sa Lungsod Iloilo. Nagtuturo siya sa isang pribadong paaralan sa Iloilo sa araw at nag-aaral naman sa gabi. Nang makapasa siya ng bar, naghanap siya ng trabaho sa Manila at ngayon nga ay sa Senado siya nagtatrabaho.

            Nabalitaan na lamang niya sa isang dating kasamahan nila sa teatro na nakapag-asawa na pala si Jun. Isa nang civil engineer ito at doon na nagtatrabaho at naninirahan sa Lungsod Bacolod sa isla ng Negros. May dalawang anak na babae na raw ito.

            Kaya halos nahilo sa sobrang gulat si Ruben nang makita si Jun sa kasal. Pinsang-buo pala ito ng bana ng pinsan niyang si Oliva. Iniwasan ni Ruben na magkasalubong ang paningin nila ni Jun. Pero ilang beses niyang nahuling nakatingin sa kaniya si Jun at ngumingiti ito.

            Noong patapos na ang reception, nilapitan siya ni Jun. Gusto sanang tumakas ni Ruben subalit mukhang lilikha siya ng eskandalo.

            “Ba’t parang gusto mo akong iwasan?” nanunuksong tanong ni Jun. Medyo nagkalaman lang ang katawan nito at may konting umbok sa tiyan. Pero ang mga ngiti nito, ito pa rin ang mga ngiting nagpaibig kay Ruben may dalawampu’t dalawang taon na ang nakalilipas. Si Ruben, tumataba na rin siya ngayon.

            “Hindi, a…”

            “Anong hindi? Kanina sa simbahan ngiti ako nang ngiti sa ‘yo. Ikaw naman, kunwari di mo ako nakikita.”

            “E, ano ang gusto mong gawin ko?”

            “Ang mag-usap tayo. Di ba magkaibigan pa naman tayo?”

            “Ano naman ang pag-uusapan natin?”

            “Kahit ano. Yung dati. Yung mga dati nating ginawa.”

            “Kinalimutan ko na ang mga iyon.”

            “Ows? Kaya ba affected ka masyado nang makita mo ako dito?”

            “Ano ba ang problema mo? Ba’t ginaganito mo ako ngayon?”

            “Ups, huwag kang magalit. Gusto ko lang mag-usap tayo.”

            “Di pwede. Maaga pa ako bukas sasakay ng bus papuntang Caticlan.” Tatlong oras na biyahe iyon mula San Jose de Buenavista.

            “Magbo-Boracay ka?”

            “Oo. Bakasyon.”

            “Pwedeng sumama?”

            “Oo naman. Bukas naman ang Boracay para sa lahat. Nasa Bill of Rights naman natin ang the right to travel. Wala lang tayong karapatang i-harass ang ibang tao.”

            “Ups, attorney… Huwag ka namang ganiyan. Bigay mo sa akin cellphone number mo. Susunod ako sa ‘yo doon. May ime-meet lang kasi akong kliyente bukas ng lunch time. Tatawag at magti-text ako sa ‘yo.”

            Napilitan si Ruben na ibigay ang numero ng selfown niya. Binigyan rin siya ni Jun ng numero nito.

            “Di ba may asawa’t dalawang anak ka na?”

            “So?”

            “Anong gagawin natin sa Boracay?”

            “Dalawang taon na akong hiwalay sa wife ko. Dinala niya ang mga anak namin sa Canada. Don’t worry, hindi ka magiging kerida.”

            “Oh, I’m so sorry. Bakit kayo naghiwalay?”

            “Nahuli niya akong may karelasyong lalaki sa Bacolod.”

            Naputol ang kanilang pag-uusap dahil lumapit sa kanila si Oliva upang isama sila sa pagpapakuha ng piktyur.

            Mag-aalas-otso na ng gabi nang dumating si Jun. Nakaputing t-shirt ito na fit at nakamaong na kupas na fit din at may hiwa sa magkabilang tuhod. Napaka-seksi tingnan. Pati ang munting umbok ng tiyan nito seksi rin ang dating.

            “Kanina ka pa ba naghihintay?”

            “Okey lang… Nawiwili naman ako dito sa Café del Sol.”

            “Hapon na ako nakaalis sa San Jose dahil nagpasama pa si Mommy sa doktor niya. Ako ang yaya niya ngayon, e.”

            “Buti naman at may nag-aalaga sa nanay mo. Mabait ka rin palang anak. Akala ko…”

            Tumawa si Jun. “Akala mo ano? Na wala akong kuwentang anak? Ikaw talaga…”

            “O, ngayong nandito ka na, ano na ang gagawin natin?”

            “First, kakain muna tayo at gutom na gutom ako.”

            “Masarap ang mga sandwich nila dito.”

            Nag-order sila ng sandwich at juice. Tahimik silang kumain. Pinapanood lamang ang mga taong dumadaan sa harapan ng kanilang mesa.

            “May boyfriend ka ba ngayon?” tanong ni Jun.

            “Wala.”

            “Ows? Ikaw mawawalan ng boyfriend?”

            “Sige, pikunin daw ako…”

            “Ups, huwag kang magalit. Nagtatanong lang naman.”

            “Wala nga ngayon. Yung boyfriend kong guwardiya sa SM Megamall, kaaalis lang six months ago papuntang Dubai. Wala na kaming komunikasyon ngayon.”

            “Ikaw ang gumasta para makaalis siya?”

            “Parang ganun na nga… Minahal ko naman siya, e. Kaya okey lang. Naging masaya naman ako sa piling niya.”

            “Ba’t di man lang nag-email sa ‘yo? O tumawag kaya? O mag-text?”

            “Siguro parang ikaw. Nag-aral lang sa Manila nakalimutan na ako.”

            “Ups, aray ko! Sorry na tungkol doon. Kalimutan na natin ‘yun.”

            “Okey, sinabi mo, e.”

            “Seryoso ako. Sorry talaga… Bata pa tayo noon, e… Ang importante magkasama uli tayo ngayon.”

            Muli, natahimik silang dalawa.

            Matagal din silang naupo doon. Ninanamnam lamang ang presensiya ng bawat isa. Nasa mga taong dumadaan sila nakatingin. Kung minsan tinitingnan nila ang isa’t isa. Kung minsan nagkakasabay sila sa pagtitig sa isa’t isa at mapapangiti sila.

            Naghahanda na ang mga weyter at kahera ng Café del Sol sa pagsasara nila. Mag-a-alasdiyes na ng gabi.

            “O ano, uwi na tayo?” tanong ni Ruben kay Jun.

            “Saan, sa Antique?” panunuksong tanong ni Jun.

            “Hello! Okey ka lang? Siyempre sa resort.”

            Tumawa lamang si Jun. Parang musika ito sa pandinig ni Ruben. At ang kinang ng kasiyahan sa mga mata ni Jun, parang masasayang ilaw ng Boracay kung gabi.

            “Ano ba’ng resort mo?”

            “The Strand. Sa Station One. Medyo malayo dito. Pero maganda. Malaki ang garden nila. Maraming tanim at punungkahoy. Parang isang hiwa ng Palawan dito sa Boracay.”

            “Mahal ba?”

            “Medyo. Pero treat ko naman ito sa sarili ko. For working so hard all throughout the year.”

            “Kunsabagay… O ano, kukuha ba ako ng sarili kong kuwarto? May bakante kaya doon?”

            “Ikaw?”

            “O gusto mo share na tayo para may katabi ka sa pagtulog mamaya…”

            “Ikaw?”

            “Ba’t puro ako?”

            “Ikaw nga ang magdesisyon… Okey lang sa akin kung kukuha ka ng sarili mong room. Okey lang din sa akin kung makikitulog ka sa kuwarto ko. Malaki naman yung room. As in puwede ka doon sa sala…”

            “Gusto kong tumabi sa ‘yo sa pagtulog…”

            “Ikaw?”

            “Ako na naman?”

            “Depende nga sa ‘yo…”

            “Bakit ka ganiyan ngayon? Parang…”

            “Parang hindi ko na alam kung ano ang gusto ko?”

            “Parang ganun.”

            “Forty-two na ako, Jun… Pagod na akong makipaglaro.”

            “Ups, ba’t bigla kang naging seryoso? Magpo-forty na rin ako ngayong taon… Ano ka ba? Life begins at forty!”

            “Kaya nga… Huwag na tayong maglaro. Pagod na ako…”

            “Halika na nga. Maglakad na tayo. Doon tayo sa tabing-dagat.”

            Magkahawak-kamay silang naglakad. Masanaaw sa dalampasigan dahil sa repleksiyon ng mga ilaw ng dikit-dikit na mga restawran, resort, at hotel. Kay saya ng Boracay. Parang palaging piyesta. Parang palaging Pasko. May ilang mga pares-pares din silang nakakasalubong.

            Gabi iyon na walang buwan subalit sa kasingkasing nina Ruben at Jun, parang kay ganda at kay alwan ng sikat ng araw ng buhay, ng pag-asa, ng paghigugma...

            “O sige, doon na ako sa kuwarto mo. Tabi tayo sa pagtulog,” sabi ni Jun.

            “Okey… Pero maglakad-lakad muna tayo. Huwag tayong magmadaling umuwi. Mag-aalas-onse pa lang naman.”

            “Sabi mo nga forty-two ka na at forty naman ako… Di na natin kailangang magmadali.”

            “Tama… Di natin kailangang magmadali.”

 
[Marso 2010
Lungsod Pasig]

Ang "Cafe del Sol" ay bahagi ng hindi pa nalalathalang koleksiyon na Sad-sadan, Happy-hapihan

Tuesday, January 22, 2013

Ang Bintana sa Umaga

Buong layang pumapasok ang sinag ng araw
Upang gisingin ang mga matinik na bulaklak
Sa nauuhaw na plorerang nakapatong sa mesang
Nakalimutan na ng may-ari ng silid.

Sa labas gising na gising na ang mga maya.
Ang mga bulaklak ng alusiman sa tabing kalsada
Sumasayaw ang mga dilaw at rosas na talulot
Sapagkat tag-araw na at nadiligan sila ng hamog.

Subalit tulala lamang ang bintanang nakabukas.
Sinasabayan nito ang pananahimik ng alikabok.


                                               (Salamat sa drowing ni Ang Kiukok)

 
-J. I. E. TEODORO
 23 Marso 2012 Biyernes
 10:10 n.g. Lungsod Pasig

Wednesday, January 9, 2013

Ang sabi ni Ka Sonny...

"Iminumungkahi ko rito ang isang makataong responsibilidad sa pagsipat sa lahat ng kulturang aktibidad at karanasan: Kailangang mag-isip, sumuri, maging palatanong. Huwag tanggapin ang anuman nang walang pasubali o kritika. Analisahin at hamunin ang katuwiran ng awtoridad. Ang nakikita mo ay hindi sumasaiyo, hindi para sa iyong interes o kolektibong kapakanan, kaya dapat mag-ingat at laging gawing problema ang nangyayari sa kapaligiran at sa naipataw o minanang balangkas ng iyong buhay. Baguhin ang diwa, kaisipan, buhay. Ito marahil ang una at huling aral na mahuhugot sa pag-aaral sa sining at mekanismo ng potograpiya, ng kamera, sa kasalukuyang panahon." E. SAN JUAN, JR. Sipi mula sa sanaysay niyang "Ilusyon, Katotohanan, Komodipikasyon ng Imahen at Larawan"